Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • Pinuno
    Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 2
    • PINUNO

      [sa Ingles, chieftain].

      Isang tao na nasa posisyon ng pamumuno, gaya halimbawa ng tagapagmanang ulo ng isang tribo o ng isang sambahayan sa panig ng ama. Ang salitang Hebreo na na·siʼʹ ay isinalin ng mga tagapagsalin ng Bibliya sa iba’t ibang paraan bilang “prinsipe,” “lider,” “tagapamahala,” “pinuno.” (Tingnan ang LIDER, TAONG MAHAL, PRINSIPE.) “Mga pinuno” ang tawag sa mga ulo ng 12 sambahayan sa panig ng ama, o mga tribo, ng Israel. (Bil 1:16; Jos 22:14)

  • Pinuno
    Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 2
    • Noong mga araw ni Moises, mga pinuno ang nangunguna sa pagsamba at sila ang nagsisilbing kinatawan ng bayan sa harap ni Moises, ng mga saserdote, at ni Jehova. Pumili si Moises ng isang pinuno mula sa bawat tribo (maliban sa tribo ni Levi) upang tiktikan ang Lupang Pangako. Nakaimpluwensiya nang husto sa bayan ang masamang ulat ng sampung di-tapat na tiktik. (Bil 13:2-16, 25-33) Dalawang daan at limampung pinuno mula sa mga anak ni Israel ang sumama sa paghihimagsik na pinangunahan ni Kora para agawin ang pagkasaserdote mula sa sambahayan ni Aaron. (Bil 16:2, 10, 17, 35) Nakibahagi ang mga pinuno sa pakikipagtipan ng Israel sa mga Gibeonita. (Jos 9:15, 18) Matapos akayin ni Josue ang Israel papasók sa Canaan at matapos nilang talunin ang mga bansa roon, ang mga pinuno ay gumanap ng prominenteng papel sa paghahati-hati ng lupain. (Bil 34:18; Jos 14:1) Si Eleazar, na anak ni Aaron, ay inatasan bilang pinuno ng mga ulo ng mga sambahayan sa panig ng ama na mula sa tribo ni Levi, anupat naging “pinuno ng mga pinuno.” (Bil 3:32) Tinipon ni Haring Solomon sa Jerusalem ang lahat ng mga pinuno ng mga tribo noong panahong ipag-utos niya na dalhin ang kaban ng tipan sa bagong-tayong templo.​—1Ha 8:1.

      Dapat magpakita ang mga Israelita ng nararapat na paggalang sa pinuno, anupat hindi nila siya dapat pagsalitaan nang may pang-aabuso. (Exo 22:28) Noong nililitis ang apostol na si Pablo sa harap ng Sanedrin, iniutos ng mataas na saserdoteng si Ananias sa mga nakatayo sa tabi ni Pablo na sampalin ito sa bibig. Nang magkagayon ay sinabi ni Pablo sa kaniya: “Sasaktan ka ng Diyos, ikaw na pinaputing pader,” palibhasa’y hindi niya alam na mataas na saserdote pala ang kausap niya. Nang itawag-pansin ito sa kaniya, sinabi niya: “Mga kapatid, hindi ko alam na siya ay mataas na saserdote. Sapagkat nasusulat, ‘Huwag kang magsasalita nang nakapipinsala sa isang tagapamahala ng iyong bayan.’⁠”​—Gaw 23:1-5.

      Bagaman ang mga pinuno ay dapat igalang, obligado pa rin silang sumunod sa kautusan ng Diyos. Kapag nagkasala sila laban sa Kautusan, kailangan nilang sundin ang mga tuntunin nito para sa gayong mga pagkakasala. Dahil sa kanilang mabigat na pananagutan at sa magiging epekto ng kanilang paggawi, halimbawa, at impluwensiya sa ibang tao, naiiba ang mga handog ukol sa kasalanan na kailangan nilang ibigay para sa kani-kanilang di-sinasadyang paglabag sa utos ng Diyos. Halimbawa, ang mataas na saserdote ay maghahandog ng isang guyang toro, ang pinuno ay dapat maghandog ng isang lalaking anak ng kambing, at ang ordinaryong mamamayan naman ay dapat maghandog ng isang babaing kambing o isang babaing kordero.​—Lev 4:3, 22, 23, 27, 28, 32.

Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
Mag-Log Out
Mag-Log In
  • Tagalog
  • I-share
  • Gusto Mong Setting
  • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
  • Kasunduan sa Paggamit
  • Patakaran sa Privacy
  • Privacy Settings
  • JW.ORG
  • Mag-Log In
I-share