Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • it-1 “Jehosapat”
  • Jehosapat

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Jehosapat
  • Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 1
  • Kaparehong Materyal
  • Tingnan ang Iba Ayon sa Tingin ni Jehova
    Ating Buhay at Ministeryong Kristiyano—Workbook Para sa Pulong—2023
  • Nagtiwala si Josapat kay Jehova
    Ang Aking Aklat ng mga Kuwento sa Bibliya
  • Ipinagtanggol ni Jehova si Jehosapat
    Mga Aral na Matututuhan Mo sa Bibliya
  • Jehosapat, Mababang Kapatagan ni
    Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 1
Iba Pa
Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 1
it-1 “Jehosapat”

JEHOSAPAT

[Si Jehova ay Hukom].

1. Anak ni Ahilud na naglingkod bilang isang tagapagtala noong panahon ng mga paghahari nina David at Solomon.​—2Sa 8:16; 20:24; 1Ha 4:3; 1Cr 18:15.

2. Isa sa 12 kinatawan ni Haring Solomon. Sa isang buwan bawat taon, ang “anak ni Parua” na ito ay naglalaan ng pagkain para sa hari at sa sambahayan nito mula sa teritoryo ng Isacar.​—1Ha 4:7, 17.

3. Anak ng Judeanong si Haring Asa kay Azuba na anak ni Silhi. Sa edad na 35 ay hinalinhan ni Jehosapat ang kaniyang ama sa trono at namahala sa loob ng 25 taon, mula noong 936 B.C.E. (1Ha 22:42; 2Cr 20:31) Ang kaniyang paghahari ay kasabayan niyaong sa mga Israelitang haring sina Ahab, Ahazias, at Jehoram. (1Ha 22:41, 51; 2Ha 3:1, 2; 2Cr 17:3, 4) Kinakitaan ito ng katatagan, kasaganaan, kaluwalhatian, at relatibong pakikipagpayapaan sa kalapit na mga lupain. Tumanggap si Jehosapat ng mga kaloob mula sa kaniyang mga sakop at tributo mula sa mga Filisteo at mga Arabe.​—2Cr 17:5, 10, 11.

Mga Naisagawa. Pinalakas ni Jehosapat ang kaniyang katayuan sa pamamagitan ng paglalagay ng mga hukbong militar sa mga nakukutaang lunsod ng Juda, gayundin ng mga garison kapuwa sa lupain ng Juda at sa teritoryo ng Israel na binihag ng kaniyang amang si Asa. Sa Jerusalem, isang malaking lupon ng magigiting na mandirigma ang naglingkod ukol sa mga gawain ng kaharian; at sa Juda, nagtayo si Jehosapat ng mga nakukutaang dako at mga imbakang lunsod.​—2Cr 17:1, 2, 12-19.

Hindi gaya ng mga Israelitang hari ng hilagang kaharian, nagpamalas si Jehosapat ng malaking pagkabahala sa tunay na pagsamba. (2Cr 17:4) Nag-atas siya ng mga prinsipe, mga Levita, at mga saserdote upang magturo ng kautusan ni Jehova sa mga lunsod ng Juda. (2Cr 17:7-9) Nagpabanal din si Jehosapat ng mga banal na handog (2Ha 12:18) at personal na naglakbay sa buong nasasakupan niya, na ipinag-uutos sa kaniyang mga sakop na manumbalik kay Jehova nang may katapatan. (2Cr 19:4) Lakas-loob na ipinagpatuloy ni Jehosapat ang kampanya laban sa idolatriya na pinasimulan ni Asa. (1Ha 22:46; 2Cr 17:6) Ngunit malalim ang pagkakaugat sa mga Israelita ng di-wastong pagsamba sa matataas na dako anupat hindi ito permanenteng naalis ng mga pagsisikap ni Jehosapat.​—1Ha 22:43; 2Cr 20:33.

Nasaksihan din noong paghahari ni Jehosapat ang pagpapasinaya ng mas mainam na sistemang hudisyal. Ang hari mismo ang nagdiin sa mga hukom ng kahalagahan ng pagiging walang pagtatangi at malaya sa panunuhol, yamang sila ay humahatol, hindi para sa tao, kundi para kay Jehova.​—2Cr 19:5-11.

Pinatunayan ni Jehosapat na isa siyang haring nananalig kay Jehova. Nang pagbantaan ang Juda ng pinagsama-samang mga hukbo ng Ammon, Moab, at ng bulubunduking pook ng Seir, mapagpakumbaba niyang kinilala ang kahinaan ng bansa sa harap ng ganitong panganib at nanalangin kay Jehova ukol sa tulong. Pagkatapos nito ay ipinakipaglaban ni Jehova ang Juda sa pamamagitan ng pagpapasapit ng kalituhan sa mga hukbo ng kaaway anupat pinatay ng mga ito ang isa’t isa. Dahil dito, ang nakapalibot na mga bansa ay natakot, at patuloy na nagtamasa ng kapayapaan ang Juda.​—2Cr 20:1-30.

Kaugnayan sa Sampung-Tribong Kaharian. Nagpanatili si Jehosapat ng pakikipagpayapaan sa hilagang kaharian at may-kamangmangang nakipag-alyansa siya kay Ahab ukol sa pag-aasawa. (1Ha 22:44; 2Cr 18:1) Sa dahilang ito, sa ilang okasyon ay nahikayat siyang makipag-alyansa sa kaharian ng Israel.

Noong isang pagdalaw sa hilagang kaharian ilang panahon pagkaraan ng pag-aasawa ng anak ni Ahab na si Athalia sa panganay ni Jehosapat na si Jehoram, sumang-ayon siyang samahan si Haring Ahab sa isang militar na pakikipagsapalaran upang bawiin ang Ramot-gilead mula sa mga Siryano. Gayunman, bago aktuwal na humayo, hiniling ni Jehosapat na sumangguni si Ahab kay Jehova. Apat na raang propeta ang tumiyak na si Ahab ay magtatagumpay. Ngunit ang tunay na propeta ni Jehova na si Micaias, na kinapopootan ni Ahab ngunit ipinatawag dahil sa pagpupumilit ni Jehosapat, ay humula ng tiyak na pagkatalo. Gayunpaman, si Jehosapat, marahil upang hindi niya masira ang nauna niyang pangako na samahan si Ahab, ay humayo sa pagbabaka na nakadamit ng maharlikang mga kasuutan. Yamang nag-ingat si Ahab sa pamamagitan ng pagbabalatkayo, may-kamaliang ipinalagay ng mga Siryano na si Jehosapat ang hari ng Israel kung kaya isinailalim nila siya sa pinakamabigat na pagsalakay. Muntik nang mamatay si Jehosapat, at si Ahab, sa kabila ng pagbabalatkayo, ay nasugatan ng ikamamatay. (1Ha 22:2-37; 2Cr 18) Pagbalik sa Jerusalem, sinaway si Jehosapat sa kaniyang may-kamangmangang pakikipag-alyansa sa balakyot na si Ahab, anupat sinabi sa kaniya ng tagapangitaing si Jehu: “Sa balakyot ba dapat ibigay ang tulong, at yaon bang mga napopoot kay Jehova ang dapat mong ibigin? At dahil dito ay may galit laban sa iyo mula kay Jehova mismo.”​—2Cr 19:2.

Nang maglaon, si Jehosapat ay naging kasosyo ni Haring Ahazias, ang kahalili ni Ahab, sa negosyong paggawa ng mga barko sa Ezion-geber sa Gulpo ng ʽAqaba. Ngunit hindi sinang-ayunan ni Jehova ang pakikipag-alyansang ito ukol sa paglalayag sa balakyot na si Ahazias. Dahil dito, bilang katuparan ng hula, ang mga barko ay nagiba.​—1Ha 22:48, 49; 2Cr 20:35-37; tingnan ang AHAZIAS Blg. 1.

Ilang panahon pagkaraan nito, sumama si Jehosapat sa kahalili ni Ahazias sa trono, si Jehoram, at sa hari ng Edom sa isang militar na pananalakay upang sugpuin ang paghihimagsik ng Moabitang si Haring Mesa laban sa sampung-tribong kaharian. Ngunit ang mga hukbo ng alyansa ay nasukol sa isang ilang na walang tubig. Sa gayon ay tumawag si Jehosapat ng isang propeta ni Jehova. Dahil lamang sa pakundangan kay Jehosapat kung kaya hinanap ng propetang si Eliseo ang pagkasi ng Diyos, at ang sumunod niyang payo ang nagligtas sa tatlong hari at sa mga hukbo ng mga ito mula sa kapahamakan.​—2Ha 3:4-25.

Naging Hari si Jehoram. Samantalang nabubuhay pa si Jehosapat ibinigay niya ang pagkahari sa panganay niyang si Jehoram, ngunit sa iba pa niyang mga anak ay nagbigay siya ng mahahalagang kaloob at mga nakukutaang lunsod sa Juda. (2Ha 8:16; 2Cr 21:3) Partikular noong pagkamatay at pagkalibing ni Jehosapat sa Lunsod ni David, ang alyansa sa sambahayan ni Ahab ukol sa pag-aasawa ay naging kapaha-pahamak para sa kaharian ng Juda. Sa ilalim ng impluwensiya ni Athalia, pinanumbalik ni Jehoram ang idolatrosong mga gawain.​—1Ha 22:50; 2Cr 21:1-7, 11.

4. Ama ng Israelitang si Haring Jehu.​—2Ha 9:2, 14.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share