Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • Hebreo, Liham sa mga
    Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 1
    • Mga 28 taon na noon ang nakalilipas mula nang mamatay at buhaying-muli si Jesu-Kristo. Noong maagang bahagi ng yugtong iyon, lubhang pinag-usig ng mga Judiong lider ng relihiyon ang mga Judiong Kristiyanong ito sa Jerusalem at Judea, na nagbunga ng kamatayan ng ilang Kristiyano at ng pangangalat ng karamihan sa kanila mula sa Jerusalem. (Gaw 8:1) Ang mga nangalat ay nagpatuloy sa pagpapalaganap ng mabuting balita saanman sila pumaroon. (Gaw 8:4) Nanatili naman sa Jerusalem ang mga apostol at pinatibay nila ang kongregasyong naiwan doon, at umunlad ito, kahit sa ilalim ng matinding pagsalansang. (Gaw 8:14) Pagkatapos, ang kongregasyon ay pansamantalang nagtamasa ng isang yugto ng kapayapaan. (Gaw 9:31) Nang maglaon, ipinapatay ni Herodes Agripa I ang apostol na si Santiago, na kapatid ni Juan, at pinagmalupitan niya ang iba pang kabilang sa kongregasyon. (Gaw 12:1-5) Pagkaraan ng ilang panahon, bumangon ang isang materyal na kakapusan sa gitna ng mga Kristiyano sa Judea, na nagbigay naman ng pagkakataon sa mga nasa Acaya at Macedonia (noong mga 55 C.E.) na ipakita ang kanilang pag-ibig at pagkakaisa sa pamamagitan ng pagpapadala ng tulong. (1Co 16:1-3; 2Co 9:1-5) Kaya maraming paghihirap na naranasan ang kongregasyon sa Jerusalem.

      Layunin ng Liham. Ang mga miyembro ng kongregasyon sa Jerusalem ay halos puro mga Judio at mga proselitang nakumberte sa relihiyong Judio. Ang marami sa mga ito ay nakaalam ng katotohanan pagkaraan ng panahon ng napakatinding pag-uusig. Noong panahong isulat ang liham sa mga Hebreo, maituturing na mapayapa ang kalagayan ng kongregasyon, sapagkat sinabi ni Pablo sa kanila: “Hindi pa kayo kailanman nakipaglaban hanggang sa dugo.” (Heb 12:4) Gayunpaman, ang paghupa ng tahasang pisikal na pag-uusig na humahantong sa kamatayan ay hindi nangahulugang tumigil na ang mahigpit na pagsalansang ng mga Judiong lider ng relihiyon. Ang mas bagong mga miyembro ng kongregasyon ay kailangang humarap sa pagsalansang gaya rin ng iba. At ang ilan ay kulang sa pagkamaygulang, anupat hindi pa sumusulong tungo sa pagkamaygulang na dapat sana’y nagawa na nila dahilan sa panahon. (5:12) Dahil sa pagsalansang mula sa mga Judio na kinakaharap nila sa araw-araw, nalalagay sa pagsubok ang kanilang pananampalataya. Kailangan nilang linangin ang pagbabata.​—12:1, 2.

  • Hebreo, Liham sa mga
    Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 1
    • Pagsalansang ng mga Judio. Sa pamamagitan ng mga kasinungalingang propaganda, ginawa ng mga Judiong lider ng relihiyon ang lahat ng magagawa nila upang magsulsol ng poot laban sa mga tagasunod ni Kristo. Ang determinasyon nilang labanan ang Kristiyanismo sa pamamagitan ng lahat ng posibleng sandata ay makikita sa kanilang mga pagkilos, gaya ng nakaulat sa Gawa 22:22; 23:12-15, 23, 24; 24:1-4; 25:1-3. Sila at ang kanilang mga tagasuporta ay patuloy na nanligalig sa mga Kristiyano, at maliwanag na gumamit sila ng mga argumento upang sirain ang pagkamatapat ng mga ito kay Kristo. Sinalakay nila ang Kristiyanismo sa pamamagitan ng pangangatuwiran na maaaring sa pangmalas ng isang Judio ay mapuwersa at mahirap sagutin.

      Noong panahong iyon, maraming aspekto ng Judaismo ang nauugnay sa pisikal na mga bagay at sa panlabas na kaanyuan. Maaaring sabihin ng mga Judio na ang mga ito ay patunay na nakahihigit ang Judaismo at isang kamangmangan ang Kristiyanismo. Sinabi pa nga nila kay Jesus na ang ama ng kanilang bansa ay si Abraham, kung kanino ibinigay ang mga pangako. (Ju 8:33, 39) Si Moises, na sa kaniya’y “bibig sa bibig” na nagsalita ang Diyos, ang siyang dakilang lingkod at propeta ng Diyos. (Bil 12:7, 8) Buhat pa sa pasimula, taglay na ng mga Judio ang Kautusan at ang mga salita ng mga propeta. Kaya baka naitanong nila, ‘Hindi ba’t pinatutunayan ng gayong pagkasinauna na ang Judaismo ang tunay na relihiyon?’ Nang pasinayaan ang tipang Kautusan, nagsalita ang Diyos sa pamamagitan ng mga anghel; sa katunayan, mga anghel ang naghatid ng Kautusan sa pamamagitan ng kamay ng tagapamagitang si Moises. (Gaw 7:53; Gal 3:19) Noong pagkakataong iyon, itinanghal ng Diyos ang kaniyang kapangyarihan sa kakila-kilabot na paraan nang yanigin niya ang Bundok Sinai; kalakip sa maluwalhating tanawing ito ang malakas na tunog ng tambuli, usok, kulog, at kidlat.​—Exo 19:16-19; 20:18; Heb 12:18-21.

      Bukod sa lahat ng sinaunang mga bagay na ito, naroo’t nakatayo ang maringal na templo na may pagkasaserdote na itinatag ni Jehova. Mga saserdote ang nanunungkulan sa templo at nag-aasikaso ng maraming hain araw-araw. Kasama sa mga bagay na ito ang mamahaling mga kasuutan ng saserdote at ang karilagan ng mga paglilingkod na isinasagawa sa templo. Baka ikinatuwiran ng mga Judio, ‘Hindi ba iniutos ni Jehova na dalhin sa santuwaryo ang mga hain para sa kasalanan, at hindi ba ang mataas na saserdote, ang inapo ng sariling kapatid ni Moises na si Aaron, ay pumapasok sa Kabanal-banalan sa Araw ng Pagbabayad-Sala na may dalang hain para sa mga kasalanan ng buong bansa? Sa pagkakataong iyon, hindi ba siya lumalapit bilang kinatawan sa mismong presensiya ng Diyos?’ (Lev 16) ‘Karagdagan pa, hindi ba’t pag-aari ng mga Judio ang kaharian, na may isa (ang Mesiyas, na darating sa kalaunan, gaya ng sabi nila) na uupo sa trono sa Jerusalem upang mamahala?’

      Kung isinulat ang liham sa mga Hebreo upang tulungan ang mga Kristiyano na masagot ang mga pagtutol na aktuwal na ibinabangon ng mga Judio, malamang na ang mga kaaway na iyon ng Kristiyanismo ay nangatuwiran nang ganito: ‘Ano ang maipakikita ng bagong “erehiya” na ito bilang katibayan na ito’y tunay at nagtataglay ng pabor ng Diyos? Nasaan ang kanilang templo, at nasaan ang kanilang mga saserdote? Sa katunayan, nasaan ang kanilang lider? Mayroon ba siyang anumang importansiya sa gitna ng mga lider ng bansa noong siya’y nabubuhay​—ang Jesus na ito, isang taga-Galilea, isang anak ng karpintero, na walang rabinikong edukasyon? At hindi ba namatay siya sa kahiya-hiyang paraan? Nasaan ang kaniyang kaharian? At sino ang kaniyang mga apostol at mga tagasunod? Hamak na mga mangingisda at mga maniningil ng buwis. Karagdagan pa, sino ang karamihan sa mga naaakit sa Kristiyanismo? Ang mga taong dukha at maralita dito sa lupa at, mas masahol pa, pati ang di-tuling mga Gentil, na hindi binhi ni Abraham, ay tinatanggap. Bakit nga ba pagtitiwalaan ninuman ang Jesus na ito, na pinatay bilang isang mamumusong at sedisyonista? Bakit nga ba pakikinggan ang kaniyang mga alagad, na mga taong walang pinag-aralan at pangkaraniwan?’​—Gaw 4:13.

Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
Mag-Log Out
Mag-Log In
  • Tagalog
  • I-share
  • Gusto Mong Setting
  • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
  • Kasunduan sa Paggamit
  • Patakaran sa Privacy
  • Privacy Settings
  • JW.ORG
  • Mag-Log In
I-share