-
Hebreong KasulatanKaunawaan sa Kasulatan, Tomo 1
-
-
HEBREONG KASULATAN
Ang 39 na kinasihang aklat mula Genesis hanggang Malakias, batay sa karaniwang pagkakaayos sa ngayon, na siyang bumubuo sa kalakhang bahagi ng Bibliya.
Ang mga aklat ng Hebreong Kasulatan, ayon sa pagkakasunud-sunod ng mga ito sa karamihan ng mga bersiyon ng Bibliya, ay maaaring hatiin sa tatlong seksiyon: (1) Makasaysayan, Genesis hanggang Esther, 17 aklat; (2) Patula, Job hanggang Awit ni Solomon, 5 aklat; (3) Makahula, Isaias hanggang Malakias, 17 aklat. Ang gayong pagkakahati ay pangkalahatan lamang, yamang ang makasaysayang seksiyon ay naglalaman din ng mga bahaging patula [ipinagpatuloy sa pahina 961] [karugtong ng pahina 944] (Gen 2:23; 4:23, 24; 9:25-27; Exo 15:1-19, 21; Huk 5) at makahula (Gen 3:15; 22:15-18; 2Sa 7:11-16); ang patulang seksiyon ay naglalaman ng materyal na makasaysayan (Job 1:1–2:13; 42:7-17) at makahula (Aw 2:1-9; 110:1-7); at ang makahulang seksiyon ay may makasaysayang impormasyon at patulang materyal (Isa 7:1, 2; Jer 37:11–39:14; 40:7–43:7; Pan 1:1–5:22).
Dahil pinagsama-sama ng mga Judio ang ilan sa 39 na aklat ding ito at binago nila ang pagkakasunud-sunod ng mga ito, ang bilang nila sa mga aklat ay 24 o 22 lamang at, alinsunod sa kanilang tradisyonal na kanon, inayos nila ang mga iyon gaya ng sumusunod: Una, ang Kautusan (sa Heb., Toh·rahʹ), tinatawag ding Pentateuch, binubuo ng (1) Genesis, (2) Exodo, (3) Levitico, (4) Mga Bilang, at (5) Deuteronomio. (Tingnan ang PENTATEUCH.) Ikalawa, ang Mga Propeta (sa Heb., Nevi·ʼimʹ), na hinahati sa “Unang mga Propeta,” (6) Josue, (7) Mga Hukom, (8) Samuel (ang Una at Ikalawa ay magkasama sa iisang aklat), (9) Mga Hari (ang Una at Ikalawa ay iisang aklat lamang), at “Huling mga Propeta,” na hinahati naman sa “Pangunahing” mga Propeta, (10) Isaias, (11) Jeremias at (12) Ezekiel, at (13) Labindalawang “Pangalawahing” Propeta (iisang aklat lamang na binubuo ng Oseas, Joel, Amos, Obadias, Jonas, Mikas, Nahum, Habakuk, Zefanias, Hagai, Zacarias, at Malakias). Ang ikatlong seksiyon ay tinatawag na Banal na mga Akda (Hagiographa o, sa Hebreo, Kethu·vimʹ), simula sa (14) Mga Awit, (15) Mga Kawikaan, at (16) Job; pagkatapos ay ang “Limang Megilloth” o limang magkakahiwalay na balumbon, samakatuwid ay (17) Ang Awit ni Solomon, (18) Ruth, (19) Mga Panaghoy, (20) Eclesiastes, at (21) Esther, na sinundan naman ng (22) Daniel, (23) Ezra-Nehemias (pinagsama), at (24) Mga Cronica (ang Una at Ikalawa ay magkasama sa iisang aklat). Kung minsan, ang aklat ng Ruth ay inilalakip sa Mga Hukom, at ang Mga Panaghoy naman sa Jeremias, anupat nagiging 22 na lamang ang mga aklat, isang kabuuan na katumbas ng bilang ng mga titik sa alpabetong Hebreo, bagaman hindi ganito ang karaniwang pagkakaayos sa mga Bibliyang Hebreo sa ngayon.
Hindi lahat ng unang mga katalogo ay nagtatala sa mga aklat ng Hebreong Kasulatan ayon sa nabanggit na pagkakasunud-sunod. Ito ay sa dahilang magkakahiwalay na balumbon noon ang indibiduwal na mga aklat. Bilang paglalarawan: Sa Babilonyong Talmud (Bava Batra 14b) ay sinasabi: “Itinuro ng ating mga Rabbi: Ang pagkakasunud-sunod ng mga Propeta ay, Josue, Mga Hukom, Samuel, Mga Hari, Jeremias, Ezekiel, Isaias, at ang Labindalawang Pangalawahing Propeta.” (Isinalin nina M. Simon at I. Slotki) Maaaring ito ang dahilan kung bakit ang Jeremias ay nauuna sa Isaias sa maraming manuskritong Hebreo na isinulat sa Alemanya at Pransiya.
-
-
Hebreong KasulatanKaunawaan sa Kasulatan, Tomo 1
-
-
Kanon ng Hebreong Kasulatan. Ang mga aklat ng Hebreong Kasulatan ay hindi lumilitaw sa ating mga Bibliya ayon sa pagkakasunud-sunod ng pagkakasulat ng mga ito. Sina Joel, Amos, at Jonas ay nabuhay nang mga dalawang siglo ang kaagahan kaysa kina Jeremias, Ezekiel, at Daniel. Hindi rin laging isinisiwalat ng titulo ng mga aklat kung sino ang manunulat. Halimbawa, lumilitaw na ang aklat ng Job ay isinulat ni Moises; ang aklat naman ng Ruth ay isinulat ni Samuel. Ang mga detalye tungkol sa indibiduwal na mga aklat, kung kailan at kung sino ang sumulat ng bawat isa, ay makikita sa “Talaan ng mga Aklat ng Bibliya Ayon sa Pagkakasunud-sunod ng Pagkakasulat” sa artikulong BIBLIYA. Tingnan ang mga artikulo tungkol sa indibiduwal na mga aklat para sa nilalaman, kahalagahan, patotoo ng autentisidad, at iba pang impormasyon.
Kumpleto na ang kanon ng Hebreong Kasulatan noong narito si Jesu-Kristo sa lupa, gaya ng ipinakikita ng kaniyang mga pananalita na nakaulat sa Kristiyanong Griegong Kasulatan. Halimbawa, tinukoy niya ang pagkakahati-hati nito sa tatlong seksiyon nang magsalita siya tungkol sa “lahat ng mga bagay na nakasulat sa kautusan ni Moises at sa mga Propeta at Mga Awit.” (Luc 24:44) Ang kaniyang mga tagasunod ay sumulat o nagsalita tungkol sa “pangmadlang pagbabasa ng Kautusan at ng mga Propeta,” “Kasulatan,” ‘kautusan ni Moises at mga Propeta,’ “banal na Kasulatan,” at “banal na mga kasulatan.”—Gaw 13:15; 18:24; 28:23; Ro 1:2; 2Ti 3:15; tingnan ang KANON.
Kapansin-pansin din na walang mga akdang Apokripal ang isinama sa Hebreong kanon. Mula nang mga araw nina Ezra at Malakias, noong ikalimang siglo B.C.E., ang nakumpletong kanon ng Hebreong Kasulatan ay binantayan at ipinagsanggalang upang hindi ito mapasukan ng anumang kuwestiyunableng akda. (Tingnan ang APOKRIPA.) Naging napakaingat ng mga tagakopya ng manuskrito na tinatawag na mga Soperim, na nang bandang huli ay hinalinhan ng mga Masorete.
-