-
Malinis, KalinisanKaunawaan sa Kasulatan, Tomo 2
-
-
Ang panganganak ay nangangahulugan din ng isang yugto ng karumihan para sa ina. Kung lalaki ang sanggol, magiging marumi siya sa loob ng pitong araw, gaya sa panahon ng kaniyang pagreregla. Sa ikawalong araw ay tutuliin ang bata, ngunit sa loob ng 33 araw pa ay mananatiling marumi ang ina may kinalaman sa paghipo sa anumang bagay na banal o sa pagpasok sa santuwaryo, bagaman hindi naman magiging marumi ang lahat ng hihipuin niya. Kung babae ang sanggol, madodoble ang 40 araw na yugtong ito: 14 na araw at 66 na araw. Sa gayon, mula pa sa kapanganakan, ipinakikita na ng Kautusan ang kaibahan sa pagitan ng lalaki at ng babae, anupat itinatalaga nito ang babae sa isang mas nakabababang posisyon. Sa alinmang kaso, sa katapusan ng yugto ng pagpapadalisay, ang ina ay magdadala ng isang barakong tupa na wala pang isang taon bilang handog na sinusunog at isang inakáy na kalapati o isang batu-bato bilang handog ukol sa kasalanan. Kung napakadukha ng mga magulang anupat hindi sila makapagbibigay ng isang barakong tupa, gaya sa kaso nina Maria at Jose, dalawang kalapati ang maaaring gamitin bilang mga hain para sa paglilinis.—Lev 12:1-8; Luc 2:22-24.
Bakit sinasabi sa Kautusang Mosaiko na nagiging “marumi” ang isang tao dahil sa seksuwal na pakikipagtalik at panganganak?
Bumabangon ang tanong: Bakit ang normal at wastong mga bagay gaya ng pagreregla, seksuwal na pagtatalik ng mag-asawa, at panganganak ay itinuturing sa Kautusan bilang ‘nagpaparumi’ sa isa? Una sa lahat, itinaas nito sa antas ng kabanalan ang pinakamatalik na ugnayang pangmag-asawa, anupat tinuturuan nito ang mag-asawa ng pagpipigil sa sarili, pagpapahalaga sa mga sangkap sa pag-aanak, at paggalang sa pagiging sagrado ng buhay at dugo. Kapaki-pakinabang din sa kalusugan ang mahigpit na pagsunod sa mga tuntuning ito. Ngunit may isa pang aspekto hinggil sa bagay na ito.
Nang pasimula ay nilalang ng Diyos ang unang lalaki at babae taglay ang seksuwal na mga simbuyo at ang kakayahang magkaanak at inutusan niya sila na magsiping at magluwal ng mga anak. Samakatuwid, hindi kasalanan para sa sakdal na mag-asawa ang magtalik. Gayunman, nang suwayin nina Adan at Eva ang Diyos sa pagkain ng ipinagbabawal na bunga at hindi sa seksuwal na pagtatalik, nagkaroon ng malalaking pagbabago. Dahil sa kanilang mga budhing nakadama ng pagkakasala, natanto nilang sila ay hubad, at agad nilang tinakpan ang kanilang mga ari mula sa paningin ng Diyos. (Gen 3:7, 10, 11) Mula noon, hindi na maisakatuparan ng tao ang utos na magpakarami taglay ang kasakdalan, kundi, sa halip, ang namamanang bahid ng kasalanan at ang parusang kamatayan ang naipasa ng mga magulang sa kanilang mga anak. Kahit ang pinakamatuwid na mga magulang na lubos na may-takot sa Diyos ay nagluluwal ng mga anak na nahawahan ng kasalanan.—Aw 51:5.
-
-
Malinis, KalinisanKaunawaan sa Kasulatan, Tomo 2
-
-
Kapag ang isa ay dumanas ng di-normal at matagal na agas dahil sa depektibong mga sangkap, isang mas mahabang yugto ng karumihan ang dapat ipangilin; at sa katapusan nito, gaya rin kapag nanganak ang isang ina, bukod sa paliligo ay kailangan ang isang handog ukol sa kasalanan, upang makapagbayad-sala ang saserdote ng Diyos para sa taong iyon. Sa gayon, inamin ng ina ni Jesus na si Maria na nagmana siya ng kasalanan, anupat kinilala niyang hindi siya isang taong walang kasalanan, walang bahid dungis, sa pamamagitan ng paghahandog ng nagbabayad-salang hain pagkatapos niyang maipanganak ang kaniyang panganay.—Luc 2:22-24.
-