-
BetzataKaunawaan sa Kasulatan, Tomo 1
-
-
BETZATA
Ang pangalang ito’y lumilitaw may kaugnayan sa isang tipunang-tubig na may ganitong pangalan at doo’y pinagaling ni Jesus ang isang lalaki na 38 taon nang may sakit. (Ju 5:1-9) Sa Juan 5:2, ang ilang manuskrito at salin (AS-Tg, MB) ay kababasahan ng “Betesda.” Ang tipunang-tubig ay inilalarawan na may limang kolonada, at sa mga ito’y nagkakatipon ang napakaraming maysakit, bulag, at pilay. Maliwanag na itinuturing nila na may kapangyarihang magpagaling ang tubig nito, lalo na kapag ito’y nagulo. Ang huling pitong salita ng talata 3 gaya ng masusumpungan sa King James Version at ang talata 4 ng kabanatang ito, na nagsasabing isang anghel ang gumugulo sa tubig, ay hindi makikita sa ilan sa pinakamatatandang manuskritong Griego at itinuturing na isang interpolasyon. Kung gayon, hindi sinasabi ng Bibliya kung bakit nagugulo ang tubig kundi ipinakikita lamang nito na naniniwala ang mga tao na may kapangyarihang magpagaling ang tubig na iyon.
-
-
BetzataKaunawaan sa Kasulatan, Tomo 1
-
-
Noong 1888, natuklasan sa mga paghuhukay sa bandang H ng lugar ng templo ang isang doblihang tipunang-tubig na hinati ng isang batong partisyon at may kabuuang lawak na mga 46 por 92 m (150 × 300 piye). May katibayan din na nagkaroon doon ng mga kolonada at may isang kupas na pintang alpresko na naglalarawan ng isang anghel na gumugulo sa tubig, bagaman malamang na ang ipinintang larawan na ito’y idinagdag na lamang nang maglaon.
-