Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • it-2 “Mahalay na Paggawi”
  • Mahalay na Paggawi

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Mahalay na Paggawi
  • Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 2
  • Kaparehong Materyal
  • Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2006
  • Mag-ingat sa mga Bulaang Guro!
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1997
  • Paggawi nang may kapangahasan
    Glosari
  • Mali Bang Magpahayag Kami ng Pagmamahal sa Isa’t Isa?
    Ang Mga Tanong ng mga Kabataan—Mga Sagot na Lumulutas, Tomo 2
Iba Pa
Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 2
it-2 “Mahalay na Paggawi”

MAHALAY NA PAGGAWI

Mga gawang nagpapakita ng mapangahas na saloobin, isang saloobing nagpapamalas ng kawalang-galang, panghahamak pa nga sa batas at awtoridad. Ang salitang Hebreo na zim·mahʹ ay isinasalin bilang “mahalay na paggawi” at “kahalayan sa moral.” (Lev 18:17; 19:29) Ang terminong Griego na a·selʹgei·a (mahalay na paggawi) ay maaari ring isalin bilang “kahalayan; kawalang-pakundangan; walang-kahihiyang paggawi; kalaswaan sa paggawi.” (Gal 5:19, tlb sa Rbi8; 2Pe 2:7, tlb sa Rbi8) Ang dalawang salitang ito ay hindi limitado sa seksuwal na imoralidad. Itinuturing ng Kasulatan na mahalay na paggawi ang mga bagay na gaya ng grupong panggagahasa (Huk 19:25; 20:6), pagpapatutot (Jer 13:27; Eze 23:44), at pagbububo ng dugo (Aw 26:9, 10; Eze 22:9; Os 6:9). Ang “taong walang prinsipyo” ay isa na sinasabing nagpapakana ng mahalay na paggawi, at yaong mga nag-iisip na ang paggawing ito ay “parang katuwaan lamang” ay itinuturing na hangal, o walang-kabuluhan sa moral.​—Isa 32:7; Kaw 10:23.

“Mula sa Puso.” Itinawag-pansin ni Jesus na ipinababanaag ng mahalay na paggawi kung ano talaga ang panloob na pagkatao ng isa. Sinabi niya: “Mula sa loob, mula sa puso ng mga tao, ay mga nakapipinsalang pangangatuwiran ang lumalabas: mga pakikiapid, . . . mga pangangalunya, . . . mahalay na paggawi . . . Ang lahat ng mga balakyot na bagay na ito ay lumalabas mula sa loob at nagpaparungis sa tao.” (Mar 7:20-23) Ang mahalay na paggawi ay isa sa “mga gawa ng laman,” isa sa mga pagnanasa ng laman na “nakikipagbaka laban sa kaluluwa.” “Yaong mga nagsasagawa ng gayong mga bagay ay hindi magmamana ng kaharian ng Diyos,” ang sabi sa Salita ng Diyos.​—Gal 5:19, 21; 1Pe 2:11.

Ang mga Kristiyanong umiibig sa liwanag ng katotohanan ay sinasabihan: “Gaya ng sa araw ay lumakad tayo nang disente, hindi sa mga walang-taros na pagsasaya at mga paglalasingan, hindi sa bawal na pakikipagtalik at mahalay na paggawi.” (Ro 13:13; Ju 3:19-21) Ang apostol na si Pedro ay nagpaliwanag: “Sapagkat ang panahong nagdaan [bago naging mga lingkod ng Diyos] ay sapat na upang maisagawa ninyo ang kalooban ng mga bansa nang lumalakad kayo sa mga gawa ng mahalay na paggawi.” (1Pe 4:3) Sa katulad na paraan, pinaalalahanan ng apostol na si Pablo ang mga Kristiyano, anupat inilarawan niya ang landasin ng makasanlibutang mga bansa na dati nilang kasa-kasama bilang “nasa kadiliman ang kanilang isip, at hiwalay mula sa buhay na nauukol sa Diyos . . . Palibhasa’y nawalan na ng lahat ng pakiramdam sa moral, ibinigay nila ang kanilang sarili sa mahalay na paggawi upang gumawa ng bawat uri ng karumihan nang may kasakiman.”​—Efe 4:17-19.

Gayunpaman, ang ilan sa mga nag-aangking lingkod ng Diyos at ni Kristo ay lumilihis mula sa daan ng liwanag at nagpapakita ng mapangahas at masuwaying saloobin sa kautusan at awtoridad ng Diyos. Namighati si Pablo sa mga nasa kongregasyon sa Corinto na hindi nagsisisi sa “karumihan at pakikiapid at mahalay na paggawi na kanilang isinagawa,” sa kabila ng payo na magsisi sila. (2Co 12:21) Binabalaan ni Pedro ang unang mga Kristiyano na babangon ang mga bulaang guro mula sa kanilang mga kasama at na marami ang susunod sa kanilang mahahalay na paggawi, anupat magdudulot ng kadustaan sa daan ng katotohanan. (2Pe 2:1, 2) Ang mga salita ni Jesus sa mga kongregasyon sa Pergamo at Tiatira, na isinulat ng apostol na si Juan noong mga 96 C.E., ay nagpapahiwatig sa paanuman na natutupad na noon ang hula ni Pedro. (Apo 2:12, 14, 18, 20) Ipinahayag kapuwa ni Pedro at ni Juan ang kahatulang darating sa mga nagsasagawa ng mahalay na paggawi.​—2Pe 2:17-22; Jud 7.

Sa kanilang pagtatangkang akitin at linlangin ang iba sa kongregasyong Kristiyano, ang ilang nagsasagawa ng mahalay na paggawi ay nangangatuwiran na malaki ang di-sana-nararapat na kabaitan ng Diyos at na palalampasin niya ang kanilang mga kasalanan, yamang natatalos niya ang kanilang mga di-kasakdalan at kahinaan ng laman. Ngunit tinukoy ng kapatid sa ina ni Jesus na si Judas ang gayong mga tao bilang “di-makadiyos, na ginagawang dahilan ang di-sana-nararapat na kabaitan ng ating Diyos para sa mahalay na paggawi at nagbubulaan sa ating tanging May-ari at Panginoon, si Jesu-Kristo.” (Jud 4) Walang kabuluhan ang kanilang pag-aangkin na sila ay mga Kristiyano. Hindi kaayaaya sa Diyos ang kanilang paglilingkod; ito ay gaya ng sinabi ng pantas na manunulat ng Israel: “Ang hain ng mga balakyot ay karima-rimarim. Gaano pa kaya kapag dinadala ito ng isa na may kasamang mahalay na paggawi.”​—Kaw 21:27.

Sa ilalim ng Kautusan, ganito rin ang pangmalas laban sa mahalay na paggawi. Hindi nagbago ang Diyos hinggil sa bagay na ito. May mga batas noon na nagbabawal sa mahalay na paggawi, at ang parusa ay kamatayan. (Lev 18:17; 20:14) Namanhik si David sa Diyos na huwag kunin ang kaniyang buhay kasama ng “mga taong may pagkakasala sa dugo, na sa kanilang mga kamay ay may mahalay na paggawi.”​—Aw 26:9, 10.

Sa pamamagitan ng kaniyang mga propetang sina Jeremias at Ezekiel, binabalaan ni Jehova ang Israel may kinalaman sa kaniyang mga kahatulan laban sa kanila dahil sa kanilang mahalay na paggawi kapuwa sa pisikal at sa espirituwal na paraan.​—Jer 13:26, 27; Eze 16:27, 43, 58; 22:9; 23:21-49; 24:13.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share