PAGHIHIMAGSIK
Pagsuway o paglaban at pagsalansang sa isang nakatataas na awtoridad. Ang pagmamapuri, kasakiman, mga panggigipit, di-pagsang-ayon sa pasiya ng isang nakatataas, at ang paghahangad na makalaya sa tunay o guniguning pagpapasakop o paniniil, ay ilan sa pangunahing mga sanhi ng paghihimagsik.
Sinaunang Kasaysayan. Nagsimula ang paghihimagsik sa Diyos sa dako ng mga espiritu. Sa pamamagitan ng isang serpiyente, isang espiritung nilalang, na nang maglao’y tinawag na Satanas na Diyablo, ang nagsikap na hikayatin ang unang babaing si Eva na maghimagsik laban sa kaniyang Maylalang. Ginawa niyang kaakit-akit ang paghihimagsik, anupat ipinakita niyang ito ay magdudulot ng kaliwanagan. Nagpadala si Eva sa sakim na ambisyong ‘maging tulad ng Diyos,’ sa diwa na hinangad niyang siya ang magpasiya para sa kaniyang sarili kung ano ang mabuti at kung ano ang masama sa halip na sundin ang pagpapasiya ng Diyos. (Tingnan ang PUNUNGKAHOY [Makasagisag na Paggamit].) Sa pag-aakalang pinagkakaitan siya ng isang bagay na sa palagay niya’y nararapat mapasakaniya, pinili ni Eva na labagin ang utos ng Diyos. Pagkatapos nito, ang kaniyang asawang si Adan ay nagpadala sa panggigipit niya at sumali rin sa paghihimagsik na iyon. Ginawa ito ni Adan hindi dahil sa siya’y nalinlang at napaniwalang nagsasabi ng totoo ang serpiyente, kundi maliwanag na dahil may-kasakiman niyang pinili na makasama ang kaniyang makasalanang asawa sa halip na matamo ang pagsang-ayon ng Diyos.—Gen 3:1-6; 1Ti 2:14.
Sa loob ng maraming siglo pagkaraan nito, tila ang karamihan sa sangkatauhan ay ayaw magpasakop sa Diyos. Mula noong panahong mamatay si Abel hanggang noong ipanganak si Noe, isang yugtong mahigit 926 na taon, tanging si Enoc ang espesipikong binanggit na lumakad kasama ng Diyos. (Gen 5:22) Patuloy ring lumaganap ang paghihimagsik sa makalangit na dako. Noong mga araw ni Noe, masuwaying iniwan ng mga anghel, na naghahangad ng kaluguran ng laman, ang kanilang dako sa langit, nagkatawang-tao, nag-asawa ng mga babae, at nagkaanak.—Gen 6:4; 1Pe 3:19, 20; 2Pe 2:4, 5; Jud 6.
Pagsapit ng panahon ni Noe, masyado nang tigmak ng espiritu ng paghihimagsik ang sangkatauhan anupat ipinasiya ng Diyos na Jehova na puksain ang lahi ng tao sa pamamagitan ng isang baha. Tanging si Noe at ang kaniyang sariling pamilya, walong tao lamang, ang nasumpungang karapat-dapat iligtas.—Gen 6:5-8; 7:13, 23.
Sa Israel. Pagkaraan ng maraming taon, ang Diyos na Jehova ay nagsimulang makitungo nang bukod-tangi sa bansang Israel. Subalit sa buong kasaysayan ng Israel, nagkaroon ng napakaraming kaso ng paghihimagsik ng buong bansa, mga grupo, o mga indibiduwal laban kay Jehova at laban sa kaniyang mga kinatawan. May mga pagkakataon na ang mga naghimagsik ay hindi naman talamak na mapaghimagsik. Halimbawa, sina Moises at Aaron ay may-katapatang naglingkod sa Diyos na Jehova sa loob ng maraming taon. Gayunman, noong isang pagkakataon, dahil sa panggigipit mula sa mga Israelitang nakikipagtalo sa kanila, nawalan sila ng pagpipigil sa sarili at naghimagsik sa pamamagitan ng hindi pagluwalhati sa Diyos sa kaniyang makahimalang paglalaan ng tubig. (Bil 20:12, 24; 27:13, 14) Ngunit ang bansa sa kabuuan ay namihasa sa mapaghimagsik na landasin nito anupat sa Ezekiel 44:6 ay tinawag na “Paghihimagsik” ang sambahayan ng Israel, na para bang ang bansang Israel ay naging personipikasyon ng paghihimagsik.
Tiniyak ng Diyos na Jehova na maparusahan ang paghihimagsik na iyon. (1Sa 12:15; 15:23; 1Ha 13:21, 22, 26; Aw 5:10; Isa 1:20; 63:10; Jer 4:16-18; Eze 20:21; Os 13:16) Ang kaniyang kautusan ay nagtakda ng parusang kamatayan para roon sa mga namimihasa sa paghihimagsik sa mga magulang. (Deu 21:18-21) Pinuksa ng Diyos ang mapagmapuri at ambisyosong sina Kora, Datan, Abiram, at ang mga kasama nila dahil sa paghihimagsik kina Moises at Aaron na mga inatasang kinatawan ng Diyos. Nang tutulan ng mga Israelita ang pagiging matuwid ng pagpuksang iyon at magpakita sila ng mapaghimagsik na espiritu kina Moises at Aaron, 14,700 pa ang nasawi dahil sa isang salot mula kay Jehova. (Bil 16:1-3, 25-50) Kadalasan nang pinahihintulutan ni Jehova ang ibang mga bansa na magsilbing mga instrumento upang parusahan ang mga Israelita kapag ang mga ito’y nagpapadala sa panggigipit na tumulad sa nakapalibot na mga bansa at may-paghihimagsik na tumatalikod sa tunay na pagsamba.—Huk 2:3, 11-16; 3:4, 5; Ne 9:26, 27.
Ang paghihimagsik ni Haring Zedekias na sumira ng tipan. Noong panahong gawin ni Haring Nabucodonosor ang Judeanong si Haring Zedekias bilang isang basalyong hari, inutusan niya si Zedekias na makipagtipan sa kaniya sa pangalan ni Jehova. Samakatuwid, nang maghimagsik si Zedekias laban kay Nabucodonosor, palibhasa’y ibig niyang lumaya sa pagpapasakop sa isang banyagang kapangyarihan, naghimagsik din siya laban kay Jehova, na sa Kaniyang pangalan ay nangako siyang magiging isang tapat na basalyong hari. Dahil sa paghihimagsik ni Zedekias, itinalaga ni Jehova na siya ay mamamatay bilang isang bihag sa Babilonya.—2Ha 24:17-20; 2Cr 36:11-21; Eze 17:12-18.
Sa Gitna ng mga Kristiyano. Kinailangan din ng mga Kristiyano na makipaglaban sa mga taong mapaghimagsik. Inihula ng apostol na si Pablo ang isang apostasya, o paghihimagsik, sa gitna ng mga nag-aangking Kristiyano (2Te 2:3), at maging noong panahon niya, mayroon nang mga apostata. (1Ti 1:19, 20; 2Ti 2:16-19) Sumulat ang alagad na si Judas hinggil sa mga nagsasalita nang may pang-aabuso tungkol sa “mga maluwalhati” sa kongregasyong Kristiyano. Yamang tiyak ang pagkapuksa ng gayong mga mapaghimagsik, tinukoy ni Judas ang pagkapuksang iyon na para bang iyon ay naganap na, sa pagsasabing: “[Sila ay] nalipol sa mapaghimagsik na salita ni Kora!”—Jud 8, 11; tingnan ang APOSTASYA.
Wasto ang pagpapasakop sa awtoridad ng pamahalaan. Sa halip na maghimagsik, yaong mga nagnanais na magtamo ng pagsang-ayon ng Diyos bilang mga tagasunod ni Kristo ay tinatagubilinan na maging masunurin sa mga nangunguna sa loob ng kongregasyon (Heb 13:17) at sa mga awtoridad ng pamahalaan na nasa labas ng kongregasyon. (Tit 3:1, 2) Ang paghihimagsik laban sa sekular na awtoridad ng pamahalaan ay isang paghihimagsik laban sa Diyos, sapagkat ang mga awtoridad na ito ay umiiral dahil sa pagpapahintulot ng Diyos, at kalooban niya na ang mga Kristiyano ay magpasakop sa mga ito hangga’t ang hinihiling ng mga ito ay hindi salungat sa kaniyang kautusan.—Ro 13:1-7; Gaw 5:29.