PANINIRA NANG TALIKURAN
Ito ay isang salin ng terminong Griego na ka·ta·la·li·aʹ. Ang kaugnay na pandiwang ka·ta·la·leʹo ay literal na nangangahulugang “magsalita nang laban,” anupat ginagawa iyon nang walang makatuwirang dahilan at kadalasa’y sa paraang mapaminsala o may pagkapoot. (1Pe 2:12; 3:16) Iniugnay ng alagad na si Santiago ang pananalitang ito sa may-kamaliang paghatol o pagtuligsa, sa gayo’y nagpapahiwatig ng di-makatuwirang pamumuna.—San 4:11; ihambing ang Aw 50:20.
Ang mga naninira nang talikuran ay kabilang sa mga daranas ng poot ni Jehova, at ipinakikita ng kaniyang Salita na ang lahat ng patuloy na gumagawa ng gayon ay karapat-dapat sa kamatayan. (Ro 1:18, 28-30, 32) Labis na nabahala ang apostol na si Pablo dahil, bukod sa iba pang malulubhang kamalian, baka masumpungan niya ang mga miyembro ng kongregasyon sa Corinto na nagsisiraan nang talikuran. (2Co 12:20) Upang lubusang magkabisa ang Salita o mensahe ng Diyos sa bagong mga alagad ni Jesu-Kristo, kailangan nilang iwaksi ang paninira nang talikuran at ang lahat ng iba pang anyo ng kasamaan. Saka lamang sila lálakí tungo sa kaligtasan sa pamamagitan ng “gatas na nauukol sa salita,” mga katotohanan mula sa Kasulatan na angkop sa kanilang mga pangangailangan.—1Pe 2:1, 2.