MAPAPAIT NA GULAY
[sa Heb., mero·rimʹ].
Kasama ng inihaw na kordero at tinapay na walang lebadura, ang mga Israelita ay dapat kumain ng mapapait na gulay o mga yerba sa gabi ng Paskuwa (Exo 12:8), at nagpatuloy ito bilang kaayusan sa lahat ng pagdiriwang ng Paskuwa sa hinaharap. (Bil 9:11) Walang espesipikong binanggit hinggil sa uri o mga uri ng mapapait na gulay. Lumilitaw na ang mapapait na gulay ay nilayong magpaalaala sa mga Israelita ng kanilang mapait na karanasan noong panahon ng pagkaalipin nila sa Ehipto.
Ang gayunding terminong Hebreo (mero·rimʹ) ay lumilitaw sa Panaghoy 3:15 at kadalasang isinasaling “kapaitan,” o “mapapait na bagay,” bagaman iminumungkahi ng ilan ang “mapapait na yerba (o gulay)” bilang isang angkop na salin upang tumugma sa binanggit na ahenho sa bersikulo ring iyon.