Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • it-1 “Gezer”
  • Gezer

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Gezer
  • Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 1
  • Kaparehong Materyal
  • Ang Hiwaga ng mga Pintuang-Bayan
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1988
  • Gob
    Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 1
  • Isang Taon sa “Mabuting Lupain”
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2007
  • Megiddo—Sinaunang Larangang-Digmaan na May Makahulang Kahulugan
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1986
Iba Pa
Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 1
it-1 “Gezer”

GEZER

[Piraso; Bahagi].

Isang maharlikang lunsod sa bandang loob ng baybaying kapatagan ng Palestina. Unang binanggit ang Gezer nang ang hari nito ay mabigo sa pagtatangkang iligtas ang Lakis mula sa hukbong Israelita na pinamumunuan ni Josue. (Jos 10:33; 12:7, 8, 12) Nakaatas ang Gezer sa mga Efraimita bilang isang hangganang dako (Jos 16:3; 1Cr 7:28), ngunit hindi nila lubusang naitaboy ang mga Canaanitang tumatahan doon. (Jos 16:10; Huk 1:29) Itinakda rin ang Gezer sa mga Kohatita bilang isang lunsod ng mga Levita.​—Jos 21:20, 21; 1Cr 6:66, 67.

Noong panahon ni David, ang lunsod na ito’y iniugnay sa mga Filisteo, halimbawa ay noong igupo niya ang kapangyarihan ng mga ito “mula sa Geba hanggang sa Gezer.” (2Sa 5:25; 1Cr 14:16) Gayundin, itinanyag ni Sibecai na Husatita ang kaniyang sarili nang matalo nila ang mga Filisteo sa Gezer at pabagsakin niya si Sipai, na isang inapo ng mga Repaim. (1Cr 20:4) Nang maglaon, sa isang di-binanggit na kadahilanan, dumating laban sa Gezer ang Paraon ng Ehipto. Matapos niyang sunugin ang lunsod at patayin ang Canaanitang populasyon nito, ibinigay niya ito sa asawa ni Solomon bilang dote. Muling itinayo ni Solomon ang lunsod at posibleng nilagyan niya ito ng kuta.​—1Ha 9:15-17.

Malimit ding banggitin ang Gezer sa sekular na mga rekord. Sa mga pader ng templo sa Karnak, iniulat ni Thutmose III ang pagkabihag ng Gezer. Prominente rin ang lunsod na ito sa Amarna Tablets, anupat binanggit doon nang di-kukulangin sa siyam na beses ang pangalan nito. Sa kaniyang stela, ipinaghambog ni Paraon Merneptah na kaniyang ‘sinakop ang Gezer.’

Ipinapalagay ng mga iskolar na ang sinaunang Gezer ay ang makabagong Tell Jezer (Abu Shusheh; Tel Gezer), na nasa kalagitnaan ng ruta sa pagitan ng Jerusalem at ng Tel Aviv-Yafo (Jope). Sa gayo’y malapit ito sa isa pang malaking lansangang-bayan na siyang nagdurugtong sa Ehipto at Mesopotamia sa loob ng maraming milenyo para sa gawaing pangangalakal at militar. Dahil sa mataas na lokasyon ng Tell Jezer sa isang tagaytay ng Sepela, kontrolado nito ang paggamit sa dalawang lansangang iyon.

Ang arkeolohikal na paghuhukay sa gulod na ito’y pinasimulan maaga noong ika-20 siglo. Mula noon, ito’y naging isa sa mga lugar na lubusang dinukal at ginalugad sa Palestina. Kasama sa mga natagpuan doon ay ang pintuang-daan at doblihang pader na mula pa noong panahon ni Solomon. Nakatayo iyon sa ibabaw ng isang suson ng mga kagibaan na ipinapalagay ng ilan na resulta ng pagsunog ni Paraon sa Gezer. Itinuturing na ang arkitektura nito ay kahawig na kahawig niyaong matatagpuan sa mga istraktura sa Hazor at Megido anupat ipinahihiwatig nito na ang tatlo ay pawang itinayo batay sa iisang plano. Sa mas malalalim na suson ng lupa nito ay maraming natagpuang kagamitang luwad ng mga Filisteo. Ngunit marahil, ang pinakatanyag na tuklas na nakuha sa Tell Jezer ay ang “kalendaryo” ng Gezer. Ito’y isang plake na naglalaman ng sa wari’y mga pagsasanay ng isang mag-aaral sa pagsasaulo. Malaki ang naitulong nito sa makabagong mga mananaliksik dahil nagbibigay ito ng impormasyon tungkol sa mga kapanahunang agrikultural ng sinaunang Israel at naglalaan ng ideya hinggil sa sulat at wikang Hebreo noong mga araw ni Solomon.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share