BAHAY-TULUYAN
Sa Griego, pan·do·kheiʹon (sa Ingles, inn), literal na nangangahulugang “isang dako kung saan maaaring tanggapin o patuluyin ang sinuman,” samakatuwid nga, kung saan makasusumpong ng matutuluyan ang mga manlalakbay para sa kanila at sa kanilang mga hayop. Marahil ang sinaunang mga bahay-tuluyan sa Gitnang Silangan ay kahawig ng mga bahay-tuluyang itinayo roon nitong kalilipas na mga panahon lamang. Karaniwan na, ang mga ito ay isang liwasan na may pader at iisa ang pasukan. Sa kahabaan ng mga pader, sa nakataas na sahig, ay may mga silid na walang mga kagamitan na siyang matitigilan ng mga manlalakbay at mapaglalagyan ng mga dala-dalahan, anupat ang pasukan ng mga ito ay nasa panig ng pinakaloob na looban. Ang mga hayop ay iniiwan sa malaking looban, na kadalasa’y may balon sa gitna. Ang mga tagapag-ingat ng bahay-tuluyan noong sinaunang mga panahon ay naglalaan ng ilang kinakailangang panustos sa mga manlalakbay at nag-aalaga ng mga taong iniiwan sa kanilang pangangasiwa, anupat tumatanggap ng kabayaran kapalit ng kanilang mga serbisyo.—Luc 10:33-35.