-
BaboyKaunawaan sa Kasulatan, Tomo 1
-
-
BABOY
[sa Gr., khoiʹros; hys (babaing baboy); sa Heb., chazirʹ (baboy; baboy-ramo)].
Ang karaniwang baboy (Sus domestica) ay isang mamalya na katamtaman ang laki, may baak ang kuko, maiikli ang binti, at may katawang makapal ang balat, mapintog at kadalasa’y nababalot ng magagaspang na balahibo. Hindi matulis ang nguso ng baboy, at maiikli ang leeg at buntot nito. Palibhasa’y hindi ito ngumunguya ng dating kinain, ang baboy ay hindi maaaring kainin o ihain ayon sa mga kundisyon ng Kautusang Mosaiko.—Lev 11:7; Deu 14:8.
Bagaman ang pagbabawal ni Jehova sa pagkain ng karne ng baboy ay hindi naman batay sa kadahilanang pangkalusugan, may mga panganib noon at maging sa ngayon sa pagkain ng karne nito. Yamang ang mga baboy ay hindi pihikan sa pagkain, anupat kumakain pa nga ng bangkay at basura, madalas ay pinamumugaran sila ng iba’t ibang parasitikong organismo, kabilang na yaong mga nagdudulot ng mga sakit gaya ng trichinosis at ascariasis.
Waring sa pangkalahatan ay itinuring ng mga Israelita ang baboy bilang partikular na karima-rimarim. Kaya ang kasukdulan ng kasuklam-suklam na pagsamba ay ipinahihiwatig ng mga salitang: “Ang naghahandog ng kaloob—ng dugo ng baboy!” (Isa 66:3) Para sa mga Israelita, wala nang mas kakatwa pa kaysa sa isang baboy na may gintong singsing na pang-ilong sa nguso nito. At dito inihahambing ng Kawikaan 11:22 ang isang babaing maganda sa panlabas ngunit hindi matino.
Bagaman ang mga apostatang Israelita ay kumain ng karneng baboy (Isa 65:4; 66:17), ipinakikita ng Apokripal na mga aklat ng Unang Macabeo (1:65, Dy) at Ikalawang Macabeo (6:18, 19; 7:1, 2, Dy) na noong panahon ng pamumuno sa Palestina ng Siryanong hari na si Antiochus IV Epiphanes at ng kaniyang malupit na kampanya upang pawiin ang pagsamba kay Jehova, maraming Judio ang tumangging kumain ng karne ng baboy, anupat pinili pa nilang mamatay dahil sa paglabag sa batas ng hari kaysa lumabag sa kautusan ng Diyos.
-
-
BaboyKaunawaan sa Kasulatan, Tomo 1
-
-
Inihambing ng apostol na si Pedro ang mga Kristiyano na bumalik sa kanilang dating landasin sa buhay sa isang babaing baboy na bumalik sa paglulubalob sa putik matapos paliguan. (2Pe 2:22) Gayunman, may kaugnayan sa baboy, maliwanag na ang ilustrasyong ito ay hindi nilayong kumapit nang higit pa sa panlabas na anyo ng mga bagay-bagay. Ang totoo, ang baboy, sa ilalim ng likas na mga kalagayan, ay hindi naman talaga mas marumi kaysa sa iba pang mga hayop, bagaman nasisiyahan itong maglubalob sa putik paminsan-minsan upang magpalamig sa init ng tag-araw at maalis ang mga parasito na nasa balat nito.
-