Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • Kapistahan
    Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 1
    • KAPISTAHAN

      Ang mga kapistahan ay mahalagang bahagi ng tunay na pagsamba sa Diyos, yamang ang mga ito ay ipinag-utos ni Jehova sa kaniyang piling bayang Israel sa pamamagitan ni Moises. Ang salitang Hebreo na chagh, na isinasaling “kapistahan,” ay posibleng nagmula sa isang pandiwa na nagpapahiwatig ng paikot na galaw o ayos, pagsasayaw nang paikot, at sa gayo’y nagpapahiwatig ng pagdiriwang ng pana-panahong kapistahan. Ang moh·ʽedhʹ, na isinasalin ding “kapistahan,” ay pangunahin nang tumutukoy sa isang takdang panahon o dako ng pagtitipon.​—1Sa 20:35; 2Sa 20:5.

      Ipinakikita sa sumusunod na tsart ang isang balangkas ng mga kapistahan at ng iba pang pantanging mga araw.

      MGA KAPISTAHAN SA ISRAEL

      BAGO ANG PAGKATAPON

      MGA TAUNANG KAPISTAHAN

      1. Paskuwa, Abib (Nisan) 14

      2. Mga Tinapay na Walang Pampaalsa, Abib (Nisan) 15-21

      3. Mga Sanlinggo, o Pentecostes, Sivan 6

      4. Pagpapatunog ng Trumpeta, Etanim (Tisri) 1

      5. Araw ng Pagbabayad-Sala, Etanim (Tisri) 10

      6. Mga Kubol, Etanim (Tisri) 15-21, na sinusundan ng kapita-pitagang kapulungan sa ika-22

      MGA PANA-PANAHONG KAPISTAHAN

      1. Lingguhang Sabbath

      2. Bagong Buwan [New Moon]

      3. Taon ng Sabbath (tuwing ika-7 taon)

      4. Taon ng Jubileo (tuwing ika-50 taon)

      PAGKATAPOS NG PAGKATAPON

      1. Kapistahan ng Pag-aalay, Kislev 25

      2. Kapistahan ng Purim, Adar 14, 15

      Ang Tatlong Pangunahing Kapistahan. Ang tatlong pangunahing “pangkapanahunang kapistahan,” na kung minsa’y tinatawag na mga kapistahan ng peregrinasyon dahil sa mga panahong iyon nagtitipon sa Jerusalem ang lahat ng mga lalaki, ay ginaganap sa itinakdang mga panahon at tinutukoy ng salitang Hebreo na moh·ʽedhʹ. (Lev 23:2, 4) Gayunman, kapag ang tatlong pangunahing kapistahan ang pantanging tinutukoy, ang salita na madalas gamitin ay chagh, na nagpapahiwatig hindi lamang ng pana-panahong pagdiriwang kundi maging ng panahon ng malaking pagsasaya. Ang tatlong pangunahing kapistahan ay:

      (1) Ang Kapistahan ng mga Tinapay na Walang Pampaalsa (Exo 23:15). Ang kapistahang ito ay nagsisimula sa araw pagkaraan ng Paskuwa at idinaraos mula Abib (Nisan) 15 hanggang 21. Ang Paskuwa ay ginaganap tuwing Nisan 14 at sa katunayan ay isang bukod na araw ng pagdiriwang, ngunit dahil kasunod na kasunod nito ang Kapistahan ng mga Tinapay na Walang Pampaalsa, madalas tukuyin nang magkasama ang dalawa bilang ang Paskuwa.​—Mat 26:17; Mar 14:12; Luc 22:7.

      (2) Ang Kapistahan ng mga Sanlinggo o ng Pentecostes (gaya ng itinawag dito nang maglaon), na ipinagdiriwang sa ika-50 araw mula Nisan 16, samakatuwid nga, tuwing Sivan 6.​—Exo 23:16a; 34:22a.

      (3) Ang Kapistahan ng mga Kubol (mga Tabernakulo) o ng Pagtitipon ng Ani. Ginaganap ito sa ikapitong buwan, mula Etanim (Tisri) 15 hanggang 21, at sinusundan ng isang kapita-pitagang kapulungan sa ika-22 ng buwan.​—Lev 23:34-36.

      Ang panahon, lugar, at paraan ng pagdiriwang ng mga ito ay pawang itinakda ni Jehova. Gaya ng ipinahihiwatig ng pananalitang “mga pangkapanahunang kapistahan ni Jehova,” ang mga ito ay nauugnay sa iba’t ibang kapanahunan sa taon ng sagradong kalendaryo​—ang maagang bahagi ng tagsibol, ang huling bahagi ng tagsibol, at ang taglagas. Tunay ngang makahulugan ito, yamang sa mga panahong iyon, ang mga unang bunga ng bukid at mga ubasan ay nagdudulot ng malaking kagalakan at kaligayahan sa mga tumatahan sa Lupang Pangako, at dahil dito ay kinikilala nila si Jehova bilang ang bukas-palad na Tagapaglaan ng lahat ng mabubuting bagay.

      Mga Pagkakatulad sa Pagdiriwang ng mga Kapistahang Ito. Hinihiling ng tipang Kautusan na ang lahat ng lalaki ay humarap “kay Jehova na iyong Diyos sa dakong pipiliin niya” taun-taon, sa panahon ng bawat isa sa tatlong pangunahing taunang kapistahan. (Deu 16:16) Nang bandang huli, pinili ang Jerusalem upang maging sentro ng mga kapistahan. Walang binanggit na espesipikong parusa para sa hindi pagdalo sa mga kapistahan, maliban na lamang kung Paskuwa; kamatayan ang parusa sa hindi pagdalo rito. (Bil 9:9-13) Magkagayunman, kung hindi tutuparin ng bayan ang mga kautusan ng Diyos, pati na ang kaniyang mga kapistahan at mga sabbath, magdudulot ito ng kahatulan at kabagabagan sa buong bansa. (Deu 28:58-62) Ang Paskuwa mismo ay kailangang ipagdiwang tuwing Nisan 14 o, sa ilang kalagayan, pagkaraan ng isang buwan.

      Bagaman ang mga babae, di-gaya ng mga lalaki, ay hindi obligadong maglakbay para sa mga taunang kapistahan, mayroon ding mga babae na dumadalo noon sa mga kapistahan, gaya ni Hana na ina ni Samuel (1Sa 1:7) at ni Maria na ina ni Jesus. (Luc 2:41) Ang mga babaing Israelita na umiibig kay Jehova ay dumadalo sa gayong mga kapistahan kailanma’t posible. Sa katunayan, bukod sa mga magulang ni Jesus, regular ding dumadalong kasama nila ang kanilang mga kamag-anak at mga kakilala.​—Luc 2:44.

      Ipinangako ni Jehova, “Hindi nanasain ng sinuman ang iyong lupain habang umaahon ka upang makita ang mukha ni Jehova na iyong Diyos nang tatlong ulit sa isang taon.” (Exo 34:24) At totoo naman na bagaman walang lalaking naiiwan upang magbantay sa mga lunsod at sa lupain, walang banyagang bansa ang nagtatangkang sumakop sa lupain ng mga Judio sa panahon ng kanilang mga kapistahan bago ang pagkawasak ng Jerusalem noong 70 C.E. Ngunit noong 66 C.E., matapos itakwil ng bansang Judio si Kristo, 50 katao ang pinatay ni Cestio Gallo sa Lida sa panahon ng Kapistahan ng mga Tabernakulo.

      Walang sinuman sa mga lalaking dadalo sa kapistahan ang paroroon nang walang dala; dapat silang magdala ng kaloob na “katumbas ng pagpapala ni Jehova na iyong Diyos na ibinigay niya sa iyo.” (Deu 16:16, 17) Bukod diyan, dapat kainin sa Jerusalem ang ‘ikalawang’ ikasampung bahagi (na iba pa sa ibinibigay bilang panustos sa mga Levita [Bil 18:26, 27]) ng mga butil, alak, at langis ng kasalukuyang taon, gayundin ang panganay ng bakahan at ng kawan; dapat bahaginan ng mga ito ang mga Levita. Ngunit kung napakalayo ng paglalakbay patungo sa lugar ng kapistahan, may probisyon ang Kautusan na maaaring ipagpalit ang mga ito ng salapi at ang salapi naman ay maaaring ipambili ng pagkain at inumin na magagamit pagdating sa santuwaryo. (Deu 14:22-27) Ang mga okasyong iyon ay mga pagkakataon upang ipakita ang katapatan kay Jehova at dapat ipagdiwang nang may kagalakan; dapat ding isama sa pagdiriwang ang naninirahang dayuhan, ang batang lalaking walang ama, at ang babaing balo. (Deu 16:11, 14) Sabihin pa, ang mga lalaking naninirahang dayuhan ay dapat na mga tinuling mananamba ni Jehova. (Exo 12:48, 49) Sa mga kapistahang iyon, laging may pantanging mga hain na inihahandog bukod pa sa pang-araw-araw na mga handog, at hinihipan ang mga trumpeta habang inihahandog ang mga handog na sinusunog at mga haing pansalu-salo.​—Bil 10:10.

      Mismong bago itayo ang templo, ang pagkasaserdote ay muling inorganisa ni Haring David, anupat isinaayos niya ang daan-daang Aaronikong saserdote sa 24 na pangkat, kasama ang katulong na mga Levita. (1Cr 24) Nang maglaon, ang bawat pangkat ng mga sinanay na manggagawa ay naglingkod sa templo nang tig-iisang linggo, makalawang ulit sa isang taon, anupat ang ulo ng sambahayan sa panig ng ama ang gumagawa ng kinakailangang mga kaayusan. Ipinakikita ng 2 Cronica 5:11 na ang 24 na pangkat ng mga saserdote ay sabay-sabay na naglingkod noong ialay ang templo, na naganap sa Kapistahan ng mga Kubol, o mga Tabernakulo. (1Ha 8:2; Lev 23:34) Sinabi ni Alfred Edersheim na sa mga araw ng kapistahan, ang sinumang saserdote ay maaaring pumaroon at tumulong sa paglilingkod sa templo, ngunit sa panahon ng Kapistahan ng mga Tabernakulo (mga Kubol), ang buong 24 na pangkat ay kailangang pumaroon.​—The Temple, 1874, p. 66.

      Sa panahon ng mga kapistahang ito, napakarami ng trabaho ng mga saserdote, mga Levita, at ng mga Netineong naglilingkod na kasama nila. Ang isang halimbawa nito ay ipinakikita ng ulat tungkol sa Kapistahan ng mga Tinapay na Walang Pampaalsa na isinaayos ni Haring Hezekias matapos niyang linisin ang templo, anupat sa okasyong iyon, ang pagdiriwang ay ipinagpatuloy pa nang pitong araw. Sinasabi ng ulat na si Hezekias mismo ay nag-abuloy ng 1,000 toro at 7,000 tupa bilang hain at ang mga prinsipe naman ay nag-abuloy ng 1,000 toro at 10,000 tupa.​—2Cr 30:21-24.

      Ang ilang araw sa mga kapistahang ito ay mga kapita-pitagang kapulungan o mga banal na kombensiyon; ang mga iyon ay mga sabbath, at tulad ng mga lingguhang Sabbath, kahilingan ang paghinto sa lahat ng karaniwang gawain. Walang anumang sekular na gawain ang isasagawa. Gayunman, ang mga gawaing gaya ng paghahanda ng pagkain, na ipinagbabawal sa mga lingguhang araw ng Sabbath, ay ipinahihintulot bilang paghahanda sa pagdiriwang ng mga kapistahan. (Exo 12:16) Sa bagay na ito ay magkaiba ang “mga banal na kombensiyon” ng mga kapistahan at ang regular na mga lingguhang Sabbath (at ang Sabbath sa ikasampung araw ng ikapitong buwan, ang Araw ng Pagbabayad-Sala, na isang panahon ng pag-aayuno), kung kailan hindi ipinahihintulot ang anumang uri ng gawain, kahit ang pagpapaningas ng apoy “saanman sa inyong mga tahanang dako.”​—Ihambing ang Levitico 23:3, 26-32 sa mga talata 7, 8, 21, 24, 25, 35, 36 at sa Exodo 35:2, 3.

      Ang Kahalagahan ng mga Kapistahan sa Buhay ng Israel. Napakahalaga ng mga kapistahan sa buhay ng mga Israelita bilang isang bansa. Noong sila’y nasa pagkaalipin pa sa Ehipto, hiniling ni Moises kay Paraon na pahintulutang makaalis sa Ehipto ang mga Israelita at ang kanilang mga alagang hayop dahil “mayroon kaming kapistahan para kay Jehova.” (Exo 10:9) Kalakip sa tipang Kautusan ang maraming detalyadong tagubilin hinggil sa pagdiriwang ng mga kapistahan. (Exo 34:18-24; Lev 23:1-44; Deu 16:1-17) Kapag sinusunod nila ang mga utos ng Diyos may kaugnayan dito, ang mga kapistahan ay nakatutulong sa lahat ng dumadalo na ituon ang kanilang isip sa salita ng Diyos at huwag labis na magpakaabala sa kanilang personal na mga gawain anupat nakakalimutan na nila ang mas mahalagang espirituwal na aspekto ng kanilang pang-araw-araw na buhay. Ipinaaalaala rin sa kanila ng mga kapistahang ito na sila ay isang bayan ukol sa pangalan ni Jehova. Habang naglalakbay sila papunta at pauwi sa masasayang pagtitipong ito, tiyak na marami silang pagkakataon upang pag-usapan ang kabutihan ng kanilang Diyos at ang mga pagpapalang tinatamasa nila sa araw-araw at sa bawat kapanahunan. Ang mga kapistahan ay naglalaan ng panahon at pagkakataon para sa pagbubulay-bulay, pakikipagsamahan, at pag-uusap tungkol sa kautusan ni Jehova. Dahil sa mga ito ay lumalawak ang kaalaman ng mga Israelita tungkol sa lupaing ibinigay ng Diyos, nagkakaroon sila ng higit na pagkakaunawaan at pag-ibig sa kapuwa, at naitataguyod ang pagkakaisa at malinis na pagsamba. Ang mga kapistahan ay maliligayang okasyon. Ang isipan ng mga dumadalo ay napupuno ng mga kaisipan at mga daan ng Diyos, at ang lahat ng taimtim na nakikibahagi ay tumatanggap ng mayamang espirituwal na pagpapala. Halimbawa, isip-isipin ang pagpapalang tinanggap ng libu-libong nagsidalo sa Kapistahan ng Pentecostes sa Jerusalem noong 33 C.E.​—Gaw 2:1-47.

      Para sa mga Judio, ang mga kapistahan ay sumasagisag sa kaligayahan. Bago ang pagkatapon sa Babilonya, noong panahong malimutan ng bansa sa pangkalahatan ang tunay na espirituwal na layunin ng mga kapistahan, ipinakita ng mga propetang sina Oseas at Amos na sa pagdating ng inihulang pagkatiwangwang ng Jerusalem, ang masasayang pagdiriwang na iyon ay maglalaho o gagawing mga panahon ng pagdadalamhati. (Os 2:11; Am 8:10) Nang bumagsak ang Jerusalem, sinabi ni Jeremias na “ang mga daan ng Sion ay nagdadalamhati, sapagkat walang sinumang pumaparoon sa kapistahan.” ‘Nalimot’ na ang kapistahan at ang Sabbath. (Pan 1:4; 2:6) Patiunang inilarawan ni Isaias ang maligayang kalagayan ng mga tapon na nagbalik mula sa Babilonya noong 537 B.C.E. nang sabihin niya: “Magkakaroon kayo ng awit na waring sa gabi ng pagpapabanal ng isa ng kaniyang sarili para sa kapistahan.” (Isa 30:29) Ngunit di-nagtagal mula nang maisauli sila sa kanilang bigay-Diyos na lupain, muli na naman nilang pinasamâ ang mga kapistahan ni Jehova, kung kaya binabalaan ng Diyos ang mga saserdote, sa pamamagitan ng propetang si Malakias, na ikakalat Niya sa kanilang mga mukha ang dumi ng kanilang mga kapistahan.​—Mal 2:1-3.

      Ang mga manunulat ng Kristiyanong Griegong Kasulatan ay gumawa ng ilang tuwiran at di-tuwirang pagtukoy sa mga kapistahan, anupat kung minsan ay ikinakapit nila ang mga ito sa mga Kristiyano sa maligaya, makasagisag, at makahulang paraan. Gayunman, hindi ipinag-utos sa mga Kristiyano na ipagdiwang ang mga kapistahang ito sa literal na paraan.​—Col 2:16, 17; tingnan ang mga kapistahan sa ilalim ng indibiduwal na mga pangalan.

  • Kapistahan ng mga Kubol
    Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 1
    • KAPISTAHAN NG MGA KUBOL

      Kilala rin bilang ang Kapistahan ng mga Tabernakulo, o ng Pagtitipon ng Ani; tinatawag ding “ang kapistahan ni Jehova” sa Levitico 23:39. Ang mga tagubilin sa pagdiriwang nito ay matatagpuan sa Levitico 23:34-43, Bilang 29:12-38, at Deuteronomio 16:13-15. Idinaraos ang kapistahang ito sa mga araw ng Etanim 15-21, na sinusundan ng isang kapita-pitagang kapulungan sa ika-22 ng buwan. Ang Etanim (Tisri; Setyembre-Oktubre) ang orihinal na unang buwan ng kalendaryong Judio, ngunit pagkatapos ng Pag-alis mula sa Ehipto, ito ang naging ikapitong buwan ng sagradong taon, dahil ang Abib (Nisan; Marso-Abril), na dating ikapitong buwan, ang ginawang unang buwan. (Exo 12:2) Ipinagdiriwang sa Kapistahan ng mga Kubol ang pagtitipon ng mga bunga ng lupa, “ang ani ng lupain,” kasama na ang mga butil, langis, at alak. (Lev 23:39) Tinutukoy ito bilang “ang kapistahan ng pagtitipon ng ani sa pagpihit ng taon.” Ang banal na kombensiyon sa ikawalong araw ang hudyat ng pormal na pagtatapos ng siklo ng mga kapistahan ng taon.​—Exo 34:22; Lev 23:34-38.

      Ang Kapistahan ng mga Kubol ay aktuwal na naghuhudyat na tapos na ang kalakhang bahagi ng taóng agrikultural sa Israel. Kaya naman isa itong panahon ng pagsasaya at pasasalamat para sa lahat ng pagpapalang ibinigay ni Jehova sa pamamagitan ng mga bunga ng lahat ng kanilang pananim. Bukod diyan, yamang limang araw pa lamang ang nakararaan mula nang ipagdiwang ng bayan ang Araw ng Pagbabayad-Sala, sila ay nakadarama ng pakikipagpayapaan kay Jehova. Bagaman mga lalaki lamang ang obligadong dumalo, isinasama nila ang buong pamilya. Kailangan silang tumahan sa mga kubol (sa Heb., suk·kohthʹ) sa loob ng pitong araw ng kapistahan. Kadalasan nang isang pamilya ang nanunuluyan sa isang kubol. (Exo 34:23; Lev 23:42) Ang mga ito ay itinatayo sa mga looban ng mga bahay, sa mga bubong ng mga tahanan, sa mga looban ng templo, sa mga liwasan, at sa mga lansangan na may layong di-lalampas sa isang araw ng Sabbath na paglalakbay mula sa lunsod. Ang mga Israelita ay dapat gumamit ng “bunga ng magagandang punungkahoy” at mga sanga ng palma, ng mayayabong na punungkahoy, at ng mga alamo. (Lev 23:40) Noong mga araw ni Ezra, ang ginamit sa pagtatayo ng pansamantalang mga silungang ito ay mga dahon ng olibo at ng punong-langis, mirto (na napakabango), at mga dahon ng palma, gayundin ang mga sanga ng iba pang mga punungkahoy. Yamang ang lahat, mayaman at dukha, ay mananahanan sa mga kubol, anupat doon pa nga sila kakain sa loob ng pitong araw, at yamang ang mga kubol ay yari sa magkakatulad na materyales, na kinuha sa mga burol at mga libis ng lupain, idiniriin nito na pantay-pantay ang lahat sa panahon ng kapistahan.​—Ne 8:14-16.

      Sa araw bago ang kapistahan, Etanim 14, ang karamihan sa mga magdiriwang, kung hindi man lahat, ay nasa Jerusalem na. Ang ika-14 ng buwan ay araw ng paghahanda, maliban kung tumapat iyon sa lingguhang araw ng Sabbath, anupat sa gayong kaso ay maaaring gawin nang mas maaga ang mga paghahanda. Abala ang lahat sa pagtatayo ng mga kubol, sa pagpapadalisay, sa pag-aasikaso sa dala nilang mga handog, at sa maligayang pakikipagsamahan. Sa panahong iyon, nagiging kakaiba at kaakit-akit ang tanawin sa lunsod ng Jerusalem at sa kapaligiran nito dahil sa mga kubol na makikita sa buong bayan at sa mga lansangan at mga hardin sa palibot ng Jerusalem. Nakadaragdag din sa kasayahan ng okasyon ang makukulay na mga bunga at mga dahon, gayundin ang mahalimuyak na mirto. Nananabik ang lahat habang hinihintay nila ang pagsapit ng dapit-hapong iyon ng taglagas, kung kailan patutunugin ang trumpeta mula sa mataas na lokasyon ng templo upang ihudyat ang pasimula ng kapistahan.

      Mas maraming hain ang inihahandog sa kapistahang ito kaysa sa alinpamang kapistahan ng taon. Ang hain ng bansa, na nagsisimula sa 13 toro sa unang araw at binabawasan ng isa bawat araw, ay umaabot sa 70 haing toro, bukod pa sa 119 na kordero, barakong tupa at kambing, gayundin ang mga handog na butil at alak. Sa loob ng sanlinggong iyon, libu-libo ring handog ang nagmumula sa mga indibiduwal na dumalo. (Bil 29:12-34, 39) Sa ikawalong araw, kung kailan hindi maaaring gumawa ng anumang mabigat na gawain, isang toro, isang barakong tupa, at pitong lalaking kordero na tig-iisang taóng gulang ang inihahandog bilang handog na sinusunog, kasama ng handog na mga butil at mga handog na inumin, gayundin ang isang kambing bilang handog ukol sa kasalanan.​—Bil 29:35-38.

      Sa mga taon ng Sabbath, ang Kautusan ay binabasa sa buong bayan sa panahon ng kapistahang ito. (Deu 31:10-13) Malamang na ang una sa 24 na pangkat ng mga saserdote na inorganisa ni David ay nagsimulang maglingkod sa templo pagkatapos ng Kapistahan ng mga Kubol, yamang ang templong itinayo ni Solomon ay pinasinayaan sa panahon ng kapistahang ito noong 1026 B.C.E.​—1Ha 6:37, 38; 1Cr 24:1-18; 2Cr 5:3; 7:7-10.

      Katangi-tangi ang Kapistahan ng mga Kubol dahil ito ay maligayang panahon ng pasasalamat. Nais ni Jehova na ang kaniyang bayan ay magsaya sa kaniya. “Magsasaya kayo sa harap ni Jehova na inyong Diyos.” (Lev 23:40) Ito ay isang kapistahan ng pasasalamat para sa pagtitipon ng ani​—hindi lamang para sa butil kundi para rin sa langis at sa alak, na nagdaragdag ng kasiyahan sa buhay. Sa panahon ng kapistahang ito, maaaring bulay-bulayin ng mga Israelita sa kanilang puso ang katotohanan na ang kanilang kaunlaran at kasaganaan sa mabubuting bagay ay hindi nagmula sa kanilang sariling kakayahan. Sa halip, ang pangangalaga ni Jehova na kanilang Diyos ang nagdulot sa kanila ng ganitong kasaganaan. Dapat nilang dibdibang pag-isipan ang mga bagay na ito, dahil kung hindi, gaya ng sinabi ni Moises, baka “ang iyong puso ay magmataas nga at makalimutan mo nga si Jehova na iyong Diyos, na naglabas sa iyo mula sa lupain ng Ehipto, mula sa bahay ng mga alipin.” Sinabi rin ni Moises: “At alalahanin mo si Jehova na iyong Diyos, sapagkat siya ang tagapagbigay ng kapangyarihan sa iyo upang gumawa ng yaman; sa layuning tuparin ang kaniyang tipan na isinumpa niya sa iyong mga ninuno, gaya ng sa araw na ito.”​—Deu 8:14, 18.

      Inutusan ang Israel na manirahan sa mga kubol sa loob ng isang linggo, “upang malaman ng inyong mga salinlahi na sa mga kubol ko pinatahan ang mga anak ni Israel noong inilalabas ko sila mula sa lupain ng Ehipto. Ako ay si Jehova na inyong Diyos.” (Lev 23:42, 43) Maaari nilang gunitain nang may kagalakan at pasasalamat kung paano sila pinangalagaan ng Diyos sa ilang nang maglaan sa kanila ng masisilungan si Jehova, ‘na pumatnubay sa kanila sa malaki at kakila-kilabot na ilang, na may makamandag na mga serpiyente at mga alakdan at may uháw na lupa na walang tubig; na nagpabukal ng tubig para sa kanila mula sa batong pingkian; na nagpakain sa kanila ng manna sa ilang, na hindi nakilala ng kanilang mga ama.’ (Deu 8:15, 16) Mag-uudyok ito sa kanila na magsaya dahil patuluyan silang pinangangalagaan at pinasasagana ng Diyos.

      Mga Kaugaliang Idinagdag Nang Maglaon. Ang isang kaugaliang isinagawa nang dakong huli, na posibleng tinutukoy sa Kristiyanong Griegong Kasulatan (Ju 7:37, 38) ngunit hindi sa Hebreong Kasulatan, ay ang pagsalok ng tubig mula sa Tipunang-tubig ng Siloam at ang pagbubuhos nito sa altar, kasama ng alak, sa panahon ng paghahandog ng pang-umagang hain. Sinasabi ng karamihan sa mga iskolar na ginagawa ito sa pitong araw ng kapistahan ngunit hindi sa ikawalo. Ang saserdote ay pumaparoon sa Tipunang-tubig ng Siloam dala ang isang ginintuang pitsel (maliban sa unang araw ng kapistahan, na isang sabbath, kung kailan ang tubig ay kinukuha mula sa isang ginintuang sisidlan sa templo, na pinaglagyan sa tubig na sinalok sa Siloam noong nagdaang araw). Itataon niyang makabalik siya mula sa Siloam dala ang tubig kapag handa na ang mga saserdote sa templo na ilagay sa altar ang mga piraso ng hain. Habang dumaraan siya sa Pintuang-daan ng Tubig ng templo papasók sa Looban ng mga Saserdote, ang pagdating niya ay ipinatatalastas ng tatlong pagpapatunog ng mga saserdote sa mga trumpeta. Pagkatapos, ang tubig ay ibinubuhos sa isang palanggana at umaagos patungo sa paanan ng altar, kasabay ng pagbubuhos ng alak sa isa pang palanggana. Saka naman sasaliwan ng musika ng templo ang pag-awit ng Hallel (Awit 113-118) samantalang ikinakaway ng mga mananamba ang kanilang mga sanga ng palma tungo sa altar. Maaaring ipinaaalaala ng seremonyang ito sa mga masayang nagdiriwang ang makahulang mga salita ni Isaias: “May-pagbubunying sasalok nga kayo ng tubig mula sa mga bukal ng kaligtasan.”​—Isa 12:3.

      Ang isa pang kahawig na seremonya ay ang pagpuprusisyon ng mga saserdote sa palibot ng altar sa bawat araw ng pitong-araw na kapistahan, habang umaawit, “Ah, ngayon, Jehova, magligtas ka, pakisuyo! Ah, ngayon, Jehova, maggawad ka ng tagumpay, pakisuyo!” (Aw 118:25) Ngunit sa ikapitong araw ay pitong ulit silang lilibot sa altar.

      Ayon sa mga impormasyong rabiniko, may isa pang namumukod-tanging kaugalian na isinasagawa sa kapistahang ito noong narito si Jesus sa lupa, bukod sa pagkuha ng tubig mula sa Siloam. Ang seremonyang ito ay nagsisimula sa pagtatapos ng ika-15 ng Tisri, ang unang araw ng kapistahan, anupat aktuwal na nagsisimula sa ika-16, ang ikalawang araw ng kapistahan, at isinasagawa sa loob ng limang sunud-sunod na gabi. Sa Looban ng mga Babae ginagawa ang mga paghahanda para rito. Apat na pagkalaki-laking ginintuang kandelero ang nasa looban, bawat isa ay may apat na ginintuang mangkok. Apat na kabataan mula sa makasaserdoteng angkan ang umaakyat sa mga hagdanan dala ang malalaking pitsel ng langis upang punuin ang 16 na mangkok. Mga lumang damit ng mga saserdote ang ginagamit na mitsa para sa mga lampara. Sinasabi ng mga Judiong manunulat na ang mga lamparang ito ay nakalilikha ng napakatinding liwanag na makikita mula sa malayo, anupat pinagliliwanag ng mga ito ang mga looban ng mga bahay sa Jerusalem. Ang ilang kalalakihan, kabilang na ang ilang matatandang lalaki, ay nagsasayaw sa saliw ng mga panugtog, samantalang may hawak na nagliliyab na mga sulo at umaawit ng mga awit ng papuri.

      Kapansin-pansin na si Jeroboam, na humiwalay sa anak ni Solomon na si Rehoboam at naging hari ng sampung hilagang tribo, ay nagsagawa (sa ikawalong buwan, hindi sa ikapito) ng isang imitasyong Kapistahan ng mga Kubol, maliwanag na upang huwag nang pumaroon sa Jerusalem ang sampung tribo. Sabihin pa, ang mga hain ay inihandog sa mga ginintuang guya na ginawa niya nang labag sa utos ni Jehova.​—1Ha 12:31-33.

      Malamang na ang espirituwal na kahulugan ng Kapistahan ng mga Kubol at marahil pati ang seremonya may kaugnayan sa tubig ng Siloam ang tinutukoy ni Jesus noong ‘huling araw, ang dakilang araw ng kapistahan,’ nang sabihin niya: “Kung ang sinuman ay nauuhaw, pumarito siya sa akin at uminom. Siyang nananampalataya sa akin, gaya ng sinasabi ng Kasulatan, ‘Mula sa kaniyang kaloob-loobang bahagi ay aagos ang mga daloy ng tubig na buháy.’⁠” (Ju 7:37, 38) Gayundin, maaaring ang pagliliwanag ng Jerusalem na dulot ng mga lampara at mga sulo sa lugar ng templo sa panahon ng kapistahan ang tinutukoy ni Jesus nang sa di-kalaunan ay sabihin niya sa mga Judio: “Ako ang liwanag ng sanlibutan. Siya na sumusunod sa akin ay hindi sa anumang paraan lalakad sa kadiliman, kundi magtataglay ng liwanag ng buhay.” (Ju 8:12) Di-nagtagal matapos siyang makipag-usap sa mga Judio, maaaring iniugnay ni Jesus sa kapistahan at sa mga ilaw nito ang Siloam nang pagalingin niya ang isang lalaking ipinanganak na bulag. Pagkatapos niyang sabihin sa kaniyang mga alagad, “Ako ang liwanag ng sanlibutan,” dumura siya sa lupa at gumawa ng putik sa pamamagitan ng laway, inilagay ang putik na iyon sa ibabaw ng mga mata ng lalaki at sinabi sa kaniya: “Humayo ka at maghugas sa tipunang-tubig ng Siloam.”​—Ju 9:1-7.

      Ang pagkakaway ng mga tao ng mga sanga ng palma sa kapistahang ito ay nagpapaalaala rin sa atin hinggil sa mga pulutong na nagkaway ng mga sanga ng palma noong pumasok si Jesus sa Jerusalem bago siya mamatay, bagaman hindi ito naganap sa panahon ng Kapistahan ng mga Kubol kundi bago mag-Paskuwa. (Ju 12:12, 13) Gayundin, matapos makita ng apostol na si Juan sa pangitain ang 144,000 alipin ng Diyos na natatatakan sa kanilang mga noo, sinabi niya sa atin: “Pagkatapos ng mga bagay na ito ay nakita ko, at, narito! isang malaking pulutong, na hindi mabilang ng sinumang tao, mula sa lahat ng mga bansa at mga tribo at mga bayan at mga wika, na nakatayo sa harap ng trono at sa harap ng Kordero, na nadaramtan ng mahahabang damit na puti; at may mga sanga ng palma sa kanilang mga kamay. At patuloy silang sumisigaw sa malakas na tinig, na sinasabi: ‘Ang kaligtasan ay utang namin sa ating Diyos, na nakaupo sa trono, at sa Kordero.’⁠”​—Apo 7:1-10.

      Walang alinlangan na ang Kapistahan ng mga Kubol ay isang angkop na pagtatapos ng kalakhang bahagi ng taóng agrikultural at ng siklo ng mga kapistahan ng taon. Ang lahat ng bagay na nauugnay sa kapistahang ito ay nagbabadya ng kagalakan, saganang mga pagpapala mula sa kamay ni Jehova, kaginhawahan, at buhay.

  • Kapistahan ng Pag-aalay
    Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 1
    • KAPISTAHAN NG PAG-AALAY

      Ang Kapistahan ng Pag-aalay (sa Heb., chanuk·kahʹ) ay ipinagdiriwang bilang paggunita sa paglaya ng mga Judio mula sa pamumunong Siro-Griego at sa muling pag-aalay kay Jehova ng templo sa Jerusalem, yamang nilapastangan ito ni Antiochus IV Epiphanes, na nagbigay sa kaniyang sarili ng titulong The·osʹ E·pi·pha·nesʹ (“Ang Diyos na Nahayag”). Nagtayo siya ng isang altar sa ibabaw ng malaking altar kung saan dating inihahain ang pang-araw-araw na handog na sinusunog. (1 Macabeo 1:54-59, BSP) Nang pagkakataong iyon (Kislev 25, 168 B.C.E.), upang ipakita ang kaniyang poot at paghamak kay Jehova, na Diyos ng mga Judio, at upang madungisan ang Kaniyang templo, si Antiochus ay naghain ng baboy sa ibabaw ng altar at ipinawisik niya sa paligid ng templo ang sabaw na pinaglagaan ng karne. Sinunog din niya ang mga pintuang-daan ng templo, giniba ang mga silid ng mga saserdote, at kinuha ang ginintuang altar gayundin ang mesa ng tinapay na pantanghal at ang ginintuang kandelero. Ang templong iyon na itinayo ni Zerubabel ay inialay sa paganong diyos na si Zeus ng Olympus.

      Pagkaraan ng dalawang taon, nabawi ni Judas Maccabaeus ang lunsod at ang templo. Tiwangwang ang santuwaryo at tinutubuan na ng maraming damo ang mga looban ng templo. Giniba ni Judas ang lumang altar na dinungisan at nagtayo siya ng isang bagong altar na yari sa di-tabas na mga bato. Nagpagawa si Judas ng mga sisidlan para sa templo at ipinasok niya sa templo ang altar ng insenso, ang mesa ng tinapay na pantanghal, at ang kandelero. Matapos linisin ang templo, ginanap ang muling pag-aalay noong Kislev 25, 165 B.C.E., eksaktong tatlong taon mula nang araw na maghain si Antiochus sa altar bilang pagsamba sa paganong diyos. Ibinalik din ang paghahain ng pang-araw-araw o palagiang mga handog na sinusunog.​—1 Macabeo 4:36-54; 2 Macabeo 10:1-9, BSP.

      Mga Kaugalian sa Kapistahan. Ang kapistahang ito ay isang panahon ng malaking pagsasaya. May pagkakahawig sa Kapistahan ng mga Kubol ang paraan ng pagdaraos nito. Ang pagdiriwang ay tumatagal nang walong araw pasimula sa Kislev 25. (1 Macabeo 4:59) Sa panahon ng kapistahan, napakaliwanag ng mga looban ng templo dahil sa mga ilawan, at pinagliliwanag ng mga palamuting lampara ang lahat ng pribadong tahanan. Tinutukoy ito ng Talmud bilang ang “Kapistahan ng Liwanag.” Nang maglaon, naging kaugalian ng ilan na magdispley ng walong lampara sa unang gabi at bawasan ito ng isa bawat gabi, samantalang ang iba naman ay nag-uumpisa sa isang lampara at dinaragdagan ito hanggang sa maging walo. Inilalagay ang mga lampara malapit sa mga pinto na nakaharap sa lansangan hindi lamang upang matanglawan ang loob ng bahay kundi upang makita rin ng lahat ng nasa labas ang liwanag. Ang pagsisindi sa mga lampara ay sinasabayan ng pag-awit ng mga awiting pumupuri sa Diyos na Tagapagligtas ng Israel. Ganito ang sinabi ni Josephus hinggil sa kung paano nagsimula ang kapistahang ito: “Gayon na lamang ang tuwa nila nang maisauli ang kanilang mga kaugalian at matamo nila nang di-inaasahan ang kanilang karapatang magsagawa ng sariling relihiyosong paglilingkod pagkatapos ng napakahabang panahon, kung kaya gumawa sila ng isang kautusan na dapat ipagdiwang ng kanilang mga inapo ang pagsasauli ng paglilingkod sa templo sa loob ng walong araw. At mula noon hanggang sa kasalukuyan ay idinaraos natin ang kapistahang ito, na tinatawag nating kapistahan ng mga Ilaw, anupat sa palagay ko, ibinigay natin dito ang pangalang iyon dahil natamo natin ang karapatang sumamba sa panahong halos hindi na natin ito inaasahan.” (Jewish Antiquities, XII, 324, 325 [vii, 7]) Ipinahihintulot sa panahon ng kapistahang ito ang paggawa ng mabigat na gawain yamang hindi naman ito itinuturing na sabbath.

      Bago nito, nagkaroon na ng dalawang pag-aalay ng templo, ang isa ay para sa unang templo na itinayo ni Solomon at ang isa naman ay para sa ikalawang templo na itinayo ni Zerubabel. Ang dalawang pag-aalay na iyon ay pormal na ipinagdiwang pagkatapos na maitayo ang mga templo. Ngunit hindi nagkaroon ng kapistahan na gugunita sa anibersaryo ng mga iyon, di-tulad sa muling pag-aalay ng ikalawang templo na isinagawa ni Judas Maccabaeus. Di-gaya ng tatlong pangunahing kapistahan, na obligadong daluhan sa Jerusalem ng lahat ng kalalakihan, ang Kapistahan ng Pag-aalay ay maaaring ipagdiwang sa kani-kanilang lunsod, gaya sa kaso ng Kapistahan ng Purim. (Exo 23:14-17; Es 9:18-32) Sa buong lupain ay nagtitipon sila sa kanilang mga sinagoga nang may awitan at pagsasaya, anupat nagdadala sila ng mga sanga ng mga punungkahoy, samantalang pinagliliwanag ng maraming ilaw ang mga sinagoga at mga pribadong tahanan. Ipinagdiriwang ng mga Judio ang kapistahang ito hanggang sa kasalukuyan.

      Ang Kahulugan Nito Para sa mga Kristiyano. Noong taóng 32 C.E., sa huling taglamig ng ministeryo ni Jesus, dumalaw siya sa templo sa panahon ng Kapistahan ng Pag-aalay. Sinasabi ng ulat: “Nang panahong iyon ang kapistahan ng pag-aalay ay naganap sa Jerusalem. Panahon noon ng taglamig, at si Jesus ay naglalakad sa templo sa kolonada ni Solomon.” (Ju 10:22, 23) Ang Kislev, na ikasiyam na buwan, ay katumbas ng Nobyembre-Disyembre. Sabihin pa, alam na alam ng mga Judio na ang kapistahang ito ay nagaganap sa panahon ng taglamig. Kaya naman nang banggitin sa talata ang taglamig, maaaring tinutukoy lamang nito ang lagay ng panahon anupat hindi sinasabing dahil taglamig noon kung kaya ipinasiya ni Jesus na isagawa ang kaniyang pagtuturo sa isang dakong may-bubong, sa “kolonada ni Solomon.” Ang kolonadang ito ay nasa S panig ng looban ng mga Gentil, at doon madalas na nagkakatipon ang maraming tao.​—Gaw 3:11; 5:12.

      Hindi tuwirang sinasabi sa kinasihang Kasulatan na tinulungan ni Jehova si Judas upang magtagumpay at na pinatnubayan niya ito sa pagkukumpuni ng templo, pagsasaayos ng mga muwebles doon, paggawa ng mga kagamitan, at pagkatapos ay sa muling pag-aalay niyaon. Gayunman, upang matupad ang mga hula hinggil kay Jesus at sa kaniyang ministeryo at upang magpatuloy ang Levitikong mga hain hanggang sa maihandog ang dakilang hain ng Anak ng Diyos, kailangan na mayroon pa ring templo at nagpapatuloy pa rin ang mga paglilingkod doon sa panahon ng paglitaw ng Mesiyas. (Ju 2:17; Dan 9:27) Kung gumamit si Jehova noon ng mga lalaking nagmula sa mga banyagang bansa, gaya ni Ciro, upang isakatuparan ang partikular na mga layunin may kinalaman sa pagsamba sa Kaniya (Isa 45:1), hindi malayong mangyari na gagamit siya ng isang lalaking kabilang sa kaniyang nakaalay na bayan, ang mga Judio.

      Anuman ang naging kalagayan, ang mga paglilingkod sa templo ay patuloy na isinasagawa noong panahon ng ministeryo ni Jesu-Kristo. Ang templo ni Zerubabel ay muling itinayo (pinalitan) ni Herodes anupat ginawa niya itong mas magarbo. Dahil dito at dahil na rin sa pagkamuhi ng mga Judio kay Herodes, kadalasa’y dalawang templo lamang ang binabanggit nila, yaong kay Solomon at yaong kay Zerubabel. Ang Kapistahan ng Pag-aalay ay hindi hinahatulan sa mga pananalita ni Jesus ni sa mga isinulat ng kaniyang mga alagad. Gayunman, ang pagdiriwang na ito ay hindi iniutos sa mga Kristiyanong kabilang sa bagong tipan.​—Col 2:16; Gal 4:10, 11; Heb 8:6.

  • Kapistahan ng Bagong Buwan
    Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 1
    • KAPISTAHAN NG BAGONG BUWAN

      Ipinag-utos ng Diyos sa Israel na sa bawat bagong buwan [new moon], na hudyat ng pasimula ng mga buwang lunar ng kalendaryong Judio, dapat nilang hipan ang mga trumpeta sa harap ng kanilang mga handog na sinusunog at mga haing pansalu-salo. (Bil 10:10) Sa panahong ito, dapat silang maghandog ng pantanging mga hain bukod pa sa palagiang pang-araw-araw na hain. Kabilang sa mga handog tuwing bagong buwan ang handog na sinusunog na binubuo ng dalawang toro, isang barakong tupa, at pitong santaóng-gulang na lalaking kordero, pati na ang mga handog na butil at alak para sa mga iyon, gayundin ang isang anak ng kambing bilang handog ukol sa kasalanan.​—Bil 28:11-15.

      Ito lamang ang iniutos sa Pentateuch may kinalaman sa pangingilin ng bagong buwan, ngunit nang maglaon ay naging isang mahalagang pambansang kapistahan ang pangingilin nito. Sa Isaias 1:13, 14, binanggit ito kasama ng mga Sabbath at mga kapanahunan ng pista. Noong panahon ng huling mga propeta, ang taong-bayan ay hindi nangangalakal sa mga araw ng bagong buwan, gaya ng ipinahihiwatig sa Amos 8:5. Hindi ito hinihiling ng Kasulatan para sa mga araw ng bagong buwan. Ngunit gaya ng ipinakikita ng kababanggit na dalawang kasulatan, naging pormalismo na lamang noon ang pangingilin ng mga Judio ng bagong buwan, anupat hindi naging kalugud-lugod sa paningin ni Jehova.

      Ang araw ng bagong buwan ay itinuring na isang pantanging araw para sa pagsasama-sama at pagpipiging. Makikita ito sa pangangatuwiran ni Saul nang hindi dumating si David sa hapag-kainan ni Saul sa araw ng bagong buwan. Sinabi ni Saul sa kaniyang sarili: “May nangyari kung kaya hindi siya malinis, sapagkat hindi pa siya nalilinisan.” (1Sa 20:5, 18, 24, 26) Bagaman may ilang uri ng gawain na maaaring isagawa sa araw na ito na hindi maaaring gawin kapag Sabbath, ito ay itinuring na isang araw para sa pagsasaalang-alang ng espirituwal na mga bagay. Sa panahong ito, ang mga tao ay nagtitipon para sa isang kombensiyon (Isa 1:13; 66:23; Aw 81:3; Eze 46:3) o dumadalaw sa mga propeta o mga lalaki ng Diyos.​—2Ha 4:23.

      Ang pangingilin ng araw ng bagong buwan ay hindi nagsasangkot ng pagsamba sa buwan, gaya ng ginagawa ng ilang bansang pagano, ni nauugnay man ito sa astrolohiya.​—Huk 8:21; 2Ha 23:5; Job 31:26-28.

      Isinulat ni Isaias na darating ang panahon kung kailan magtitipon ang lahat ng laman upang yumukod sa harap ni Jehova sa mga araw ng bagong buwan. (Isa 66:23) Sa hula ni Ezekiel, noong panahon ng pagkatapon sa Babilonya, sinabi ni Jehova sa kaniya sa isang pangitain tungkol sa isang templo: “Kung tungkol sa pintuang-daan ng pinakaloob na looban na nakaharap sa silangan, iyon ay mananatiling nakasara sa loob ng anim na araw ng paggawa, at sa araw ng sabbath ay bubuksan iyon, at sa araw ng bagong buwan ay bubuksan iyon. At ang bayan ng lupain ay yuyukod sa may pasukan ng pintuang-daang iyon sa mga sabbath at sa mga bagong buwan, sa harap ni Jehova.”​—Eze 46:1, 3.

      Sa ngayon, ipinagdiriwang pa rin ng mga Judio ang bagong buwan kalakip ang maraming detalyadong seremonya at itinuturing nila itong napakahalaga. Sa kabilang dako, ipinakikita sa mga Kristiyano na hindi sila obligadong mangilin ng bagong buwan o ng sabbath, na bahagi lamang ng isang anino ng mga bagay na darating, na ang katunayan ay masusumpungan kay Jesu-Kristo. Ang mga kapistahan ng likas na Israel ay may makasagisag na kahulugan at natutupad sa maraming pagpapala na nagiging posible sa pamamagitan ng Anak ng Diyos.​—Col 2:16, 17.

  • Kapistahan ng Pagpapatunog ng Trumpeta
    Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 1
    • KAPISTAHAN NG PAGPAPATUNOG NG TRUMPETA

      Ang kapistahang ito ay ginaganap sa unang araw (o bagong buwan [new moon]) ng ikapitong buwan, ang Etanim (Tisri). Ito ang pasimula ng sekular na taon ng mga Judio. Mas mahalaga ito kaysa sa Kapistahan ng Bagong Buwan na idinaraos sa 11 iba pang buwan. Hinggil sa Kapistahan ng Pagpapatunog ng Trumpeta, idinagdag ang utos na dapat itong italaga bilang isang araw ng banal na kombensiyon, kung kailan hindi dapat gumawa ng anumang uri ng mabigat na gawain.

      Ang pangalan ng kapistahan ay kinuha sa utos na: “Magkakaroon kayo ng lubusang kapahingahan, isang tagapagpaalaala na may tunog ng trumpeta.” “Iyon ay magiging isang araw ng pagpapatunog ng trumpeta para sa inyo.” Sa araw na ito, inihahandog ang mga hain na isang guyang toro, isang barakong tupa, at pitong malulusog na lalaking kordero na tig-iisang taóng gulang, kasama ang isang handog na mga butil mula sa mainam na harina na nilagyan ng langis, gayundin ang isang batang kambing na lalaki bilang handog ukol sa kasalanan. Karagdagan ito sa palagiang pang-araw-araw na mga handog at sa mga hain na pantanging inihahandog sa mga araw ng bagong buwan.​—Lev 23:24; Bil 29:1-6.

      Sabihin pa, mahalaga ang kapistahang ito hindi lamang dahil pasimula ito ng unang buwan ng isang bagong taon ng agrikultura at paggawa, kundi dahil ang Araw ng Pagbabayad-Sala ay pumapatak sa ika-10 araw ng buwang ito at ang Kapistahan ng mga Kubol naman ay nagsisimula sa ika-15 araw. Sa buwang ito nagwawakas ang kalakhang bahagi ng pagtitipon sa ani ng katatapos na taon. Kabilang sa mga inaani sa buwang ito ang mga ubas para sa alak, na nagpapasaya sa puso ng tao, at ang mga olibo, na pinagmumulan ng pagkain at pati ng langis na ginagamit sa mga ilawan at sa maraming handog na mga butil. (Aw 104:15) Tunay ngang inihuhudyat ng kapistahang ito ang pasimula ng isang buwan ng pagpapasalamat kay Jehova.

  • Kapistahan ng mga Tinapay na Walang Pampaalsa
    Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 1
    • KAPISTAHAN NG MGA TINAPAY NA WALANG PAMPAALSA

      Ang kapistahang ito ay nagsisimula sa Nisan 15, ang araw pagkaraan ng Paskuwa, at nagpapatuloy nang pitong araw hanggang Nisan 21. (Tingnan ang PASKUWA.) Hinalaw ang pangalan nito sa mga tinapay na walang pampaalsa (sa Heb., mats·tsohthʹ), ang tanging tinapay na maaaring kainin sa pitong araw ng kapistahan. Ang tinapay na walang pampaalsa ay gawa sa harinang hinaluan ng tubig at minasa ngunit hindi nilagyan ng lebadura. Kailangan itong ihanda nang mabilisan upang hindi kumasim ang masang harina.

      Ang unang araw ng Kapistahan ng mga Tinapay na Walang Pampaalsa ay isang kapita-pitagang kapulungan at isa ring sabbath. Sa ikalawang araw, Nisan 16, dinadala sa saserdote ang isang tungkos ng mga unang bunga ng pag-aani ng sebada, ang unang pananim na nahihinog sa Palestina. Bago ang kapistahang ito, hindi pinahihintulutan ang pagkain ng bagong butil, tinapay, o binusang butil mula sa bagong ani. Ang mga unang bungang iyon ay inihahandog ng saserdote kay Jehova sa makasagisag na paraan sa pamamagitan ng pagkakaway ng isang tungkos ng mga butil, habang inihahandog ang isang malusog na barakong tupa na nasa unang taon nito bilang handog na sinusunog kasama ang isang handog na mga butil na nilagyan ng langis at ang isang handog na inumin. (Lev 23:6-14) Hindi iniutos na sunugin sa altar ang mga butil o ang harina nito, gaya ng naging kaugalian ng mga saserdote nang dakong huli. Bukod sa pangmadla o pambansang paghahandog ng mga unang bunga, may probisyon din na ang bawat pamilya at bawat indibiduwal na may pag-aari sa Israel ay makapaghahandog ng mga hain ng pasasalamat sa panahon ng masayang okasyong ito.​—Exo 23:19; Deu 26:1, 2; tingnan ang UNANG BUNGA, MGA.

      Kahulugan. Ang pagkain ng mga tinapay na walang pampaalsa sa panahong iyon ay kaayon ng mga tagubiling tinanggap ni Moises mula kay Jehova, gaya ng nakaulat sa Exodo 12:14-20, anupat kalakip dito ang mahigpit na utos sa talata 19: “Pitong araw na walang masusumpungang pinaasim na masa sa inyong mga bahay.” Sa Deuteronomio 16:3, ang mga tinapay na walang pampaalsa ay tinatawag na “tinapay ng kapighatian,” at ang mga iyon ay nagsilbing taunang paalaala sa mga Judio hinggil sa kanilang apurahang paglisan sa lupain ng Ehipto (kung kailan hindi na nila nagawang lagyan ng lebadura ang kanilang masang harina [Exo 12:34]). Sa gayon ay maaalaala nila ang kanilang kapighatian at pagkaalipin at gayundin ang pagliligtas sa kanila mula roon, gaya nga ng sinabi ni Jehova mismo, “upang maalaala mo ang araw ng iyong paglabas mula sa lupain ng Ehipto sa lahat ng mga araw ng iyong buhay.” Ang pagtatamo nila ng kalayaan bilang isang bansa at ang pagkilala nila kay Jehova bilang kanilang Tagapagligtas ay angkop na pangganyak sa kanila upang ipagdiwang ang una sa tatlong pangunahing taunang kapistahan ng Israel.​—Deu 16:16.

      Mga Pagdiriwang Bago ang Pagkatapon. Masusumpungan sa Kasulatan ang tatlong ulat ng pagdiriwang ng Kapistahan ng mga Tinapay na Walang Pampaalsa na naganap pagkatapos pumasok ang mga Israelita sa Lupang Pangako at bago sila maging tapon sa Babilonya. Ngunit bagaman iyon lamang ang mga pagdiriwang na iniulat, hindi dapat isipin na wala nang ibang mga pagdiriwang ng kapistahan na isinagawa noon. Sa katunayan, sa unang ulat ay tinukoy ang lahat ng kapistahan at ang mga kaayusang ginawa ni Solomon upang maipagdiwang ang mga iyon.​—2Cr 8:12, 13.

      Ang dalawang iba pang pagdiriwang na nabanggit ay isinagawa sa natatanging mga kalagayan. Ang isa ay noong ibalik ang pagdiriwang ng Kapistahan ng mga Tinapay na Walang Pampaalsa pagkatapos na mapabayaan ito nang matagal na panahon. Naganap ito noong unang taon ng paghahari ng tapat na si Haring Hezekias. Pansinin na sa pagkakataong iyon, wala nang sapat na panahon upang maghanda para sa taunang kapistahan sa araw ng Nisan 15, sapagkat ang paglilinis at pagkukumpuni sa templo ay umabot hanggang Nisan 16. Dahil dito, sinamantala nila ang probisyon ng Kautusan na ipagdiwang ang kapistahan sa ikalawang buwan. (2Cr 29:17; 30:13, 21, 22; Bil 9:10, 11) Naging napakasaya ng okasyong iyon at lubhang napasigla ang bayan sa tunay na pagsamba anupat parang napakaikli ng pitong-araw na pagdiriwang; kaya naman ipinasiya nilang ipagpatuloy iyon nang pitong araw pa. Si Haring Hezekias at ang kaniyang mga prinsipe ay bukas-palad na nag-abuloy ng 2,000 toro at 17,000 tupa upang mapaglaanan ng pagkain ang napakaraming taong dumalo.​—2Cro 30:23, 24.

      Ang pagdiriwang na iyon ang naging pasimula ng isang malaking kampanya laban sa huwad na relihiyon, at sa maraming lunsod ay isinagawa ito bago bumalik sa kani-kanilang tahanan ang mga mananamba. (2Cr 31:1) Ang pagdaraos na iyon ng Kapistahan ng mga Tinapay na Walang Pampaalsa ay nagdulot ng pagpapala ni Jehova at ng paglaya mula sa pagsamba sa demonyo, at isa itong mahusay na halimbawa na nagpapakitang may kapaki-pakinabang na epekto sa mga Israelita ang pagdiriwang ng ganitong mga kapistahan.

      Ang huling iniulat na pagdiriwang ng Kapistahan ng mga Tinapay na Walang Pampaalsa bago ang pagkatapon ay naganap noong naghahari si Haring Josias; noong panahong iyon ay buong-tapang niyang sinikap na isauli sa Juda ang dalisay na pagsamba kay Jehova.​—2Cr 35:1-19.

      Bagaman ito lamang ang mga pagdiriwang na espesipikong binanggit, walang alinlangan na sinikap din ng tapat na mga hukom at mga saserdote ng Israel bago ang panahon ng mga hari na ipagdiwang ang mga kapistahan. Nang maglaon, kapuwa si David at si Solomon ay gumawa ng malawakang mga kaayusan upang patuloy na makapaglingkod ang mga saserdote sa wastong paraan, at malamang na tiniyak ng iba pang mga hari ng Juda na regular na naipagdiriwang ang mga kapistahan. Bukod diyan, waring ang Kapistahan ng mga Tinapay na Walang Pampaalsa ay regular na ipinagdiwang pagkaraan ng pagkatapon.

      Pagdiriwang Pagkaraan ng Pagkatapon. Nang mapalaya ang mga Judio mula sa Babilonya at makabalik na sila sa Lupang Pangako, ang templo sa Jerusalem ay muling itinayo at natapos dahil sa puspusang pagpapasigla ng mga propeta ni Jehova na sina Hagai at Zacarias. (Ezr 5:1, 2) Noong 515 B.C.E., ang muling-itinayong bahay ni Jehova ay pinasinayaan nang may malaking kagalakan kasama ang lahat ng angkop na mga hain para sa Kapistahan ng mga Tinapay na Walang Pampaalsa. Ang ulat sa Ezra 6:22 ay nagsabi: “At idinaos nila ang kapistahan ng mga tinapay na walang pampaalsa nang pitong araw taglay ang pagsasaya.”

      Ipinakikita ng aklat ng Malakias na sa kabila ng mahusay na pasimula upang maisauli ang tunay na pagsamba pagkabalik ng mga tapon mula sa Babilonya, nang maglaon ay naging pabaya, mapagmapuri, at mapagmatuwid sa sarili ang mga saserdote. Ang paglilingkod sa templo ay naging walang kabuluhan, bagaman ipinagdiriwang pa rin ang mga kapistahan sa pormalistikong paraan. (Mal 1:6-8, 12-14; 2:1-3; 3:8-10) Noong panahon ni Jesus, ubod-ingat na tinutupad ng mga eskriba at mga Pariseo ang mga detalye ng Kautusan, bukod pa sa mga tradisyong idinagdag nila. Buong-sigasig nilang ipinagdiriwang ang mga kapistahan, kasama na ang Kapistahan ng mga Tinapay na Walang Pampaalsa, ngunit hinatulan sila ni Jesus, sapagkat, dahil sa kanilang pagpapaimbabaw, nakaligtaan nila ang tunay na kahulugan ng kaayusang ito ni Jehova para sa kanilang ikapagpapala.​—Mat 15:1-9; 23:23, 24; Luc 19:45, 46.

      Makahulang Kahulugan. Ibinigay ni Jesu-Kristo ang makasagisag na kahulugan ng pampaalsa, o lebadura, gaya ng nakaulat sa Mateo 16:6, 11, 12, nang babalaan niya ang kaniyang mga alagad: “Maging mapagmasid kayo at mag-ingat kayo sa lebadura ng mga Pariseo at mga Saduceo.” Nang ang kaniyang mga alagad ay may-kamaliang mangatuwiran sa isa’t isa hinggil sa kung ano ang tinutukoy niya, sinabi niya nang malinaw: “⁠‘Paano ngang hindi ninyo nauunawaan na hindi ako nagsalita sa inyo tungkol sa mga tinapay? Kundi mag-ingat kayo sa lebadura ng mga Pariseo at mga Saduceo.’ Nang magkagayon ay naintindihan nila na sinabi niyang mag-ingat sila . . . sa turo ng mga Pariseo at mga Saduceo.” Bukod diyan, iniulat ni Lucas na espesipikong sinabi ni Jesus sa isa pang pagkakataon: “Mag-ingat kayo sa lebadura ng mga Pariseo, na siyang pagpapaimbabaw.”​—Luc 12:1.

      Tinukoy rin ng apostol na si Pablo ang lebadura sa kahawig na diwa kaugnay ng Kapistahan ng mga Tinapay na Walang Pampaalsa nang ilarawan niya ang landasing dapat tahakin ng mga Kristiyano. Sa 1 Corinto 5:6-8, pinayuhan niya ang kaniyang mga kapatid na Kristiyano: “Hindi ba ninyo alam na ang kaunting lebadura ay nagpapaalsa sa buong limpak? Alisin ninyo ang lumang lebadura, upang kayo ay maging isang bagong limpak, yamang sa inyo ay walang pampaalsa. Sapagkat si Kristo nga na ating paskuwa ay inihain na. Dahil dito ay ipagdiwang natin ang kapistahan, hindi sa lumang lebadura, ni sa lebadura ng kasamaan at kabalakyutan, kundi sa mga walang-pampaalsang tinapay ng kataimtiman at katotohanan.”

      Tuwing Nisan 16, na ikalawang araw ng Kapistahan ng mga Tinapay na Walang Pampaalsa, ikinakaway ng mataas na saserdote ang mga unang bunga ng pag-aani ng sebada, na siyang unang ani ng taon, o ang matatawag na kauna-unahan sa mga unang bunga ng lupain. (Lev 23:10, 11) Kapansin-pansin na si Jesu-Kristo ay binuhay-muli sa araw ring iyon, Nisan 16, noong taóng 33 C.E. Inihambing ng apostol si Kristo sa ibang mga indibiduwal na bubuhaying-muli nang sabihin niya: “Gayunman, si Kristo nga ay ibinangon mula sa mga patay, ang unang bunga niyaong mga natulog na sa kamatayan. . . . Ngunit bawat isa ay sa kani-kaniyang katayuan: si Kristo ang unang bunga, pagkatapos ay yaong mga kay Kristo sa panahon ng kaniyang pagkanaririto.” Si Kristo ay tinatawag ding “panganay sa maraming magkakapatid.”​—1Co 15:20-23; Ro 8:29.

Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
Mag-Log Out
Mag-Log In
  • Tagalog
  • I-share
  • Gusto Mong Setting
  • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
  • Kasunduan sa Paggamit
  • Patakaran sa Privacy
  • Privacy Settings
  • JW.ORG
  • Mag-Log In
I-share