Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • it-1 “Apocalipsis kay Juan”
  • Apocalipsis kay Juan

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Apocalipsis kay Juan
  • Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 1
  • Kaparehong Materyal
  • Aklat ng Bibliya Bilang 66—Apocalipsis
    “Lahat ng Kasulatan ay Kinasihan ng Diyos at Kapaki-pakinabang”
  • Kapana-panabik na mga Pangitain na Nagpapatibay ng Pananampalataya
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1991
  • Nilalaman ng Apocalipsis
    Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan
  • Nilalaman ng Apocalipsis
    Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan (Edisyon sa Pag-aaral)
Iba Pa
Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 1
it-1 “Apocalipsis kay Juan”

APOCALIPSIS KAY JUAN

Ang huling aklat ng Bibliya ayon sa pagkakaayos sa karamihan ng mga salin, bagaman hindi ang huling isinulat. Tinatawag din itong Pahayag, o Pagbubunyag, kay Juan na Apostol.

Manunulat, at Kung Kailan at Saan Isinulat. Tinutukoy ng apostol na si Juan ang kaniyang sarili bilang ang manunulat ng aklat at binabanggit niya na isinulat ito sa pulo ng Patmos, kung saan isa siyang tapon noong panahong iyon dahil sa pagiging mangangaral ng Salita ng Diyos at saksi ni Jesu-Kristo. (Apo 1:1, 9) Posibleng isinulat ito noong mga 96 C.E.

Istilo at Kaangkupan. Ang aklat ay nasa anyong liham, anupat detalyadong naglalahad ng isang serye ng mga pangitain ayon sa isang wasto at maayos na pagkakasunud-sunod, na sa katapus-tapusan ay sumasapit sa pangkasukdulang pangitain. Nagsisilbi itong angkop na konklusyon ng buong Bibliya.

Ang aklat ay waring nakabalangkas salig sa mga serye na tigpipito. Ang pagbubukas ng pitong tatak ay sinundan ng paghihip sa pitong trumpeta, na sinundan naman ng pitong salot. May pitong kandelero, pitong bituin, pitong kulog, at marami pang ibang bagay na tigpipito, maliwanag na dahil ang bilang na pito na ginamit dito ay kumakatawan sa pagiging ganap, at tinatalakay ng aklat ang kaganapan ng sagradong lihim ng Diyos.​—Apo 10:7; tingnan ang SAGRADONG LIHIM.

Awtor at Alulod. Ang Diyos na Jehova na Makapangyarihan-sa-lahat ang awtor ng aklat, at ang alulod ng impormasyon ay si Jesu-Kristo, na nagpadala nito kay Juan at nagharap nito sa apostol sa pamamagitan ng kaniyang anghel. (Apo 1:1) Inilalarawan ang espiritu ng Diyos bilang pito, samakatuwid ay kumikilos sa sukdulang kakayahan niyaon upang maihatid ang pagbubunyag na ito. Si Juan ang inutusan ng Diyos na sumulat.​—1:4, 11.

Layunin. Bagaman waring nakatatakot ang ilan sa mga bagay na nakita ni Juan sa pangitain​—mga hayop, mga kaabahan, mga salot​—isinulat ang aklat, hindi upang manakot, kundi upang mang-aliw at magpatibay-loob sa mga bumabasa nito taglay ang pananampalataya. Maaakay nito ang mambabasa tungo sa mga pagpapala. Sa katunayan, sinabi ng manunulat ng aklat sa pasimula: “Maligaya [“pinagpala,” KJ] siya na bumabasa nang malakas at yaong mga nakikinig sa mga salita ng hulang ito, at tumutupad sa mga bagay na nakasulat dito.” (Apo 1:3) Sinabi rin ni Juan na ang aklat ay may layuning ipakita sa mga alipin ng Diyos ang mga bagay na “kailangang maganap sa di-kalaunan.”​—1:1, 2.

Nagpapatotoo Tungkol kay Jesus. Sa Apocalipsis 19:10, sinabi ng anghel kay Juan: “Ang pagpapatotoo tungkol kay Jesus ang kumakasi sa panghuhula [sa literal, “ang espiritu ng hula”].” Samakatuwid nga, ang tunguhin at layunin ng lahat ng hula ay upang ituro si Jesu-Kristo. Hindi ito nangangahulugan na ang Diyos na Jehova ay nilalampasan o winawalang-halaga. Sa mas unang bahagi ng talata 10, sinabi ng anghel kay Juan, na sumubsob sa harap nito: “Sambahin mo ang Diyos,” at sinabi na noon ng apostol na si Pablo na “dinakila . . . ng Diyos [si Kristo] sa isang nakatataas na posisyon at may-kabaitang ibinigay sa kaniya ang pangalang nakahihigit sa lahat ng iba pang pangalan, upang sa pangalan ni Jesus ay lumuhod ang bawat tuhod niyaong mga nasa langit at niyaong mga nasa lupa at niyaong mga nasa ilalim ng lupa, at ang bawat dila ay hayagang kumilala na si Jesu-Kristo ay Panginoon sa ikaluluwalhati ng Diyos na Ama.” Samakatuwid, ang pagdakila kay Jesu-Kristo at ang pagkuha ng kaalaman tungkol sa kaniya ay nagbubunga ng higit na kaalaman tungkol sa Diyos at sa Kaniyang mga layunin, sa gayo’y ibinibigay ang kaluwalhatian sa Diyos higit kaninuman.​—Fil 2:9-11; tingnan ang HULA.

Ang hula ay nagpapatotoo tungkol kay Jesus sapagkat si Jesus ang isa na sa pamamagitan niya’y tutuparin ng Diyos ang kaniyang mga layunin hinggil sa pagpapabanal sa kaniyang pangalan, paglipol sa kabalakyutan, at pagpapala sa sangkatauhan. “Maingat na nakakubli sa kaniya [kay Kristo] ang lahat ng mga kayamanan ng karunungan at ng kaalaman.” (Col 2:3) Siya ang Binhing ipinangako, ang Isa na sa katauhan niya’y isiniwalat ang sagradong lihim. Sa pasimula pa lamang ng mga pakikitungo ng Diyos sa mga tao pagkatapos ng paghihimagsik ni Adan, pinangyari na ng Diyos na maihula at patiunang mailarawan si Kristo at inakay na niya ang mga tao tungo sa Kaharian ng Diyos sa mga kamay ng kaniyang Anak.​—Gen 3:15; 22:18; Gal 3:16; 2Sa 7:12-16; Aw 2:6-12; 110:1-7; Eze 21:27; Gaw 2:29, 36; 3:19-26; 1Ti 3:16.

Sa simpleng pananalita, ano ang kahulugan ng “Apocalipsis”?

Ipinakilala sa atin ng pambungad na kabanata ng aklat, na nagsisilbing konklusyon ng Bibliya, ang Isa na nangingibabaw sa lahat, ang Pinagmulan ng mensahe ng Apocalipsis, ang Diyos na Jehova na Makapangyarihan-sa-lahat, “ang Alpha at ang Omega.” Nagbigay ito ng isang pangitain hinggil sa Alulod ng pakikipagtalastasan, si Jesu-Kristo, anupat ipinakikita siya bilang namatay ngunit ngayo’y buháy, taglay ang dakilang kapangyarihan sa langit. Sumunod, ipinakita ang mga kabahagi niya sa kaniyang kapighatian at sa Kaharian, at namalas ang interes ni Kristo sa kanila at ang maibiging-kabaitan niya sa kanila sa pamamagitan ng kaniyang mga mensahe sa “mga anghel” ng pitong kongregasyon.​—Apo 1-3.

Pagkatapos, sa pamamagitan ng espiritu ng pagkasi, dinala si Juan sa langit upang makita niya “ang mga bagay na dapat maganap.” Binigyan siya ng isang pangitain ng trono ng Diyos at ng mga nakapalibot dito, at inilarawan niya ang Isa na nakaupo roon bilang maluwalhati, kadaki-dakilaan, nakaluklok sa trono taglay ang ganap na katahimikan at kapayapaan.​—Apo 4.

Ang maluwalhating posisyon ng “Kordero” ng Diyos, si Jesu-Kristo, ay inilarawan bilang yaong taglay ng isa na pangalawa lamang sa Diyos na Jehova, ang kaisa-isa sa langit at lupa na kuwalipikadong lumapit sa Diyos upang buksan ang pagsisiwalat ng layunin ng Diyos. Itinawag-pansin ang isang mandirigmang-hari (lumilitaw na si Jesus din) na humahayong “nananaig at upang lubusin ang kaniyang pananaig.” Ang naging resulta sa lupa, lalo na sa mga kaaway ng Diyos, nang simulan ng haring ito ang kaniyang pagsakay ay ipinakita, at gayundin ang layunin ng Diyos na ipaghiganti ang dugo ng kaniyang bayan laban sa kaniyang mga kaaway.​—Apo 5, 6.

Ipinakita kung paano minamalas ng Diyos ang kaniyang mga lingkod sa lupa na pinili niyang makibahagi sa makalangit na Kaharian nang pigilan niya ang mapamuksang pagkilos hanggang sa ang mga lingkod na ito ay “matatakan sa kanilang mga noo.” Isiniwalat na 144,000 ang hustong bilang ng mga tinatakan. Pagkatapos ay ipinakita naman ang iba na hindi tinatakan, at walang takdang bilang, na naging mga lingkod ng Diyos at nakatakas sa pagkapuksa sa “malaking kapighatian.” Inilahad ang mga kahatulan ng Diyos laban sa iba’t ibang seksiyon ng kaniyang mga kaaway sa lupa, gayundin ang pakikipaglaban ng mga kaaway na ito laban sa kaniyang bayan. Humantong ito sa mga pagsisikap ng pangunahing kaaway, ang dragon na si Satanas na Diyablo, na biguin ang layunin ng Diyos na mailuwal ang “anak na lalaki, isang lalaki, na magpapastol sa lahat ng mga bansa taglay ang isang tungkod na bakal.” Sumunod, may mababangis na hayop na nakita, na sumasagisag sa mga instrumentong ginagamit ng pangunahing kaaway na ito upang makipaglaban sa mga nalalabi sa binhi ng babae at upang hadlangan ang pagtatapos ng gawaing pagtatatak.​—Apo 7-13; tingnan ang HAYOP, MAKASAGISAG NA MGA.

Ang lahat ng mga pagsisikap na ito ni Satanas ay ganap na nabigo. Ang 144,000 ay ipinakitang nagtagumpay, nakatayong kasama ng Kordero sa Bundok Sion, nagtataglay ng pangalan ng Ama at ng Kordero sa kanilang mga noo, at umaawit ng wari’y isang bagong awit sa harap ng mga makalangit. Pagkatapos na ang mga ito at ang isang “malaking pulutong” ng makalupang mga kasamahan ay matipong lahat sa ‘pag-aani sa lupa,’ dumating ang panahon upang yurakan sa pisaan ng ubas ang malaking “punong ubas ng lupa.”​—Apo 14.

Sa pamamagitan ng isa pang sagisag, inilarawan ang pangwakas na mga kahatulan ng Diyos. Ibinigay sa pitong anghel ang pitong mangkok ng galit ng Diyos. Humayo sila upang isagawa ang panghuling gawaing ito. Binigyang-pansin ang isa sa mga pangunahing kalaban ng Diyos at ng “kasintahang babae” ni Kristo, samakatuwid nga, ang “Babilonyang Dakila, ang ina ng mga patutot,” “ang dakilang lunsod na may kaharian sa mga hari sa lupa.” Nabuwag ang kaniyang pakikipag-alyansa sa hayop na may pitong ulo, anupat nagngalit sa kaniya ang hayop, kinain ang kaniyang laman, at sinunog siya sa apoy. Matindi ang pagdadalamhati niyaong mga nakinabang sa kanilang mga pakikipag-ugnayan sa kaniya, ngunit ang langit ay nagsaya.​—Apo 15-18.

Bilang “ina ng mga patutot,” makatuwirang isipin na gagawin ng Babilonyang Dakila ang lahat ng pagsisikap upang hikayatin ang “kasintahang babae” ni Kristo na maging di-tapat sa ipinangakong magiging asawa nito (2Co 11:2, 3; Efe 5:25-27) at sa gayo’y gawin din itong isang patutot. Kaya naman tumindi ang pagsasaya sa langit sapagkat nabigo ang mga pagsisikap ng Babilonyang Dakila na pasamain ito. Wala na ang dakilang patutot, at nagtagumpay ang kasintahang babae. Naihanda na niya ang kaniyang sarili para sa Isa na pakakasalan niya. Samakatuwid, panahon na upang maganap ang kasal ng Kordero. Ang lahat ng inanyayahan sa kasal ay nagsaya. Sisimulan na ngayon ni Jehova ang isang bagong yugto sa kaniyang paghahari, yamang wala na ang dakilang patutot bilang isang karibal ng dalisay na pagsamba.​—Apo 19:1-10.

Ngunit ang iba pang mga kaaway ng Diyos ay dapat malapatan ng kahatulan. Hahayo ang Kasintahang Lalaki upang lubusin ang kaniyang pananaig, upang alisin sa lupa ang lahat ng kalaban, pulitikal na kalaban at iba pa. Magiging lubus-lubusan ang pagpuksa. Bilang panghuli, ang Diyablo mismo, matapos niyang maranasan ang pagkatalo ng lahat ng kaniyang mga ahente at mga instrumento, ay igagapos sa loob ng isang libong taóng paghahari ni Kristo. Sandali munang nilaktawan ng pangitain ang Milenyong Paghaharing ito upang detalyadong ilahad ang isang paghatol na sasapit sa katapusan ng isang libong taon; pansamantalang pakakawalan ang Diyablo, pagkatapos, kasama ng lahat ng mga sasali sa pagsalakay niya sa ‘kampo ng mga banal at sa lunsod na minamahal,’ siya ay lubusang lilipulin.​—Apo 19:11–20:10.

Sa pagbabalik sa mga pangyayari sa loob ng isang libong taon, inilahad ng pangitain ang pagkabuhay-muli at paghatol na magaganap sa ilalim ng pamamahala ni Kristo at ng kaniyang kasintahang babae, ang Bagong Jerusalem. Inilarawan ang kagandahan at karingalan ng makalangit na “lunsod” na ito, lakip ang nakapagpapagaling at nagbibigay-buhay na mga kapakinabangang dulot nito sa sangkatauhan.​—Apo 20:11–22:5.

Bilang pagtatapos, sinabi ng Diyos na Jehova na siya’y ‘darating nang madali taglay ang gantimpala ayon sa gawa ng bawat isa.’ Pinatotohanan ni Jesus, bilang “saksing tapat at totoo,” ang kaganapan ng sagradong lihim may kinalaman sa kaharian, na sinasabi: “Ako ang ugat at ang supling ni David, at ang maningning na bituing pang-umaga.” Siya ang permanenteng tagapagmana ni David, ang isa na walang hanggan sa tipan ukol sa Kaharian at ang isa na inihula sa Bilang 24:17. Samakatuwid, ang “bituing” ito ay hindi nahadlangan ng lahat ng pagsisikap ni Satanas, ng mabangis na hayop, at ng Babilonyang Dakila (Apo 12:1-10; 17:3-14) sa pagbangon nito mula sa sambahayan ni David upang umupo sa trono sa langit magpakailanman.​—Apo 22:6-16.

Ipinaabot ng espiritu, na aktibong puwersa ng Diyos, kasama ng “kasintahang babae,” ang paanyaya na ang lahat ng nakikinig ay kumuha ng tubig ng buhay nang walang bayad. Sa pamamagitan ng isang panghuling babala na huwag magdagdag o mag-alis mula sa mga salita ng hula, at ng isang deklarasyon na malapit na siyang dumating, winakasan ni Jesus ang pagsisiwalat; at tumugon si Juan, “Amen! Pumarito ka, Panginoong Jesus.”​—Apo 22:17-21.

Ang aklat ng Apocalipsis ay napakahalaga sapagkat naglalaan ito ng espirituwal na kalakasan at kaunawaan sa bayan ng Diyos. Itinatampok nito ang interes ng Diyos sa mga kongregasyon ng kaniyang bayan at ang malapít at maibiging pangangalaga sa kanila ni Jesu-Kristo bilang ang Mabuting Pastol. Alam na alam ni Jesus kung anong mga kalagayan ang umiiral at kung ano ang dapat gawin. Partikular itong makikita sa unang tatlong kabanata ng aklat.

Ipinapalagay ng ilang tao na ang Apocalipsis ay lubhang makasagisag anupat hindi ito posibleng maunawaan, o ipinapalagay nila na hindi ito praktikal. Ngunit nais ng Diyos na Jehova na makaunawa ang kaniyang bayan, at ipinasulat niya ang Bibliya upang maunawaan at maglaan ng patnubay sa kanila. Ang susi upang maunawaan ang Apocalipsis ay katulad din ng susi upang maunawaan ang iba pang mga bahagi ng Bibliya. Itinawag-pansin ng apostol na si Pablo ang susing iyon. Matapos ipaliwanag na isinisiwalat ng Diyos ang nakatagong karunungan sa pamamagitan ng kaniyang espiritu, sinabi ni Pablo: “Ang mga bagay na ito ay sinasalita rin natin, hindi sa pamamagitan ng mga salitang itinuro ng karunungan ng tao, kundi sa pamamagitan niyaong itinuro ng espiritu, habang pinagsasama natin ang espirituwal na mga bagay at espirituwal na mga salita.” (1Co 2:8-13) Kung sasaliksikin natin ang Kasulatan (at sa ilang kaso, ang mga kaugalian at mga gawain noong mga araw na iyon), masusumpungan natin dito ang maraming bagay na ginamit na sagisag sa Apocalipsis. Sa pamamagitan ng paghahambing sa mga tekstong iyon ng Kasulatan, kadalasa’y mauunawaan natin kung ano ang kahulugan ng sagisag sa Apocalipsis. Gayunman, dapat pansinin na ang isang termino o pananalita ay maaaring tumukoy o sumagisag sa iba’t ibang bagay, depende sa konteksto kung saan ito lumitaw.

[Kahon sa pahina 150, 151]

MGA TAMPOK NA BAHAGI NG APOCALIPSIS

Isang pagbubunyag sa pangmalas ng Diyos tungkol sa mga kalagayan at, gayundin, isang pangitain ng kung ano ang kaniyang ipinahihintulot at kung ano ang kaniyang isasagawa sa pamamagitan ni Kristo sa “araw ng Panginoon”

Isang serye ng mga pangitain na inirekord ng apostol na si Juan noong mga 96 C.E.

Ang niluwalhating si Kristo ay nagbigay ng maibiging payo sa mga kapuwa tagapagmana ng Kaharian (1:1–3:22)

Ang kongregasyon ng Efeso ay nagbata ngunit iniwan nito ang kaniyang unang pag-ibig

Ang kongregasyon ng Smirna na mayaman sa espirituwal ay pinatibay-loob na manatiling tapat sa harap ng kapighatian

Ang kongregasyon ng Pergamo ay nanghawakang mahigpit sa pangalan ni Kristo sa ilalim ng pag-uusig ngunit pinahintulutan nito ang sektaryanismo

Ang kongregasyon ng Tiatira ay may rekord ng pinag-ibayong paggawa ngunit pinahintulutan nito ang impluwensiyang Jezebel

Ang kongregasyon ng Sardis ay patay sa espirituwal; dapat itong gumising

Ang kongregasyon ng Filadelfia, na nag-ingat ng salita ni Kristo, ay hinimok na patuloy na manghawakang mahigpit sa taglay nito

Ang kongregasyon ng Laodicea ay malahininga; bilhin nito kay Kristo kung ano ang kailangan upang gumaling sa espirituwal

Isang pangitain ng makalangit na presensiya ni Jehova (4:1–5:14)

Si Jehova, taglay ang kasindak-sindak na karilagan, ay nakitang nakaupo sa kaniyang trono, napalilibutan ng 24 na matatanda at apat na nilalang na buháy; hawak niya ang isang balumbon na natatatakan ng pitong tatak

Ang Kordero ay ipinahayag na karapat-dapat kumuha at magbukas ng balumbon

Binuksan ng Kordero ang anim na tatak ng balumbon (6:1-17)

Habang binubuksan niya ang unang tatak, isang mangangabayo na nakasakay sa kabayong puti ang tumanggap ng isang korona at humayong nananaig at upang lubusin ang kaniyang pananaig

Ang pagbubukas ng sumunod na tatlong tatak ay nagpakilala sa tatlo pang mangangabayo, na nagpasapit ng digmaan, taggutom, at kamatayan sa sangkatauhan

Ang ikalimang tatak ay binuksan; ang mga pinatay bilang martir para kay Kristo ay sumigaw na ipaghiganti ang kanilang dugo; isang mahabang damit na puti ang ibinigay sa bawat isa

Nang buksan ang ikaanim na tatak, isang malakas na lindol ang naghudyat sa araw ng poot ng Diyos at ng Kordero

Pinigilan ang apat na hangin ng lupa (7:1-17)

Narinig ni Juan na ang apat na hangin ay pipigilan hanggang sa matatakan ang mga alipin ng Diyos; ang bilang niyaong mga tinatakan ay 144,000

Pagkatapos, nakita ni Juan ang isang malaki at di-mabilang na pulutong mula sa lahat ng mga bansa; ang mga ito ay lumabas mula sa malaking kapighatian

Ang ikapitong tatak ay binuksan (8:1–11:14)

Nagkaroon ng kalahating-oras na katahimikan; may apoy mula sa altar na inihagis sa lupa; pitong anghel ang naghandang humihip sa mga trumpeta

Ang unang apat na tunog ng trumpeta ay naghudyat ng mga salot sa lupa, sa dagat, sa mga tubig-tabang, gayundin sa araw, buwan, at mga bituin

Ang ikalimang trumpeta ay tumawag ng isang salot ng mga balang, at ang ikaanim ay nagpalabas ng isang kakila-kilabot na pagsalakay ng mga mangangabayo

Kinain ni Juan ang isang maliit na balumbon at nalaman na dapat pa niyang ipagpatuloy ang panghuhula

Sinukat niya ang santuwaryo; dalawang saksi ang humula na nadaramtan ng telang-sako, pinatay, at ibinangong muli

Ang ikapitong trumpeta: isinilang ang Kaharian (11:15–12:17)

Pinatunog ang ikapitong trumpeta at ipinatalastas ang Kaharian ni Jehova at ang awtoridad ng kaniyang Kristo

Isang babae sa langit ang nagsilang ng isang batang lalaki

Tinangkang lamunin ng dragon ang bata; nagkaroon ng digmaan sa langit; ang dragon at ang mga anghel nito ay inihagis ni Miguel sa lupa

Nakipagdigma ang dragon sa nalabi sa binhi ng babae

Ang mabangis na hayop mula sa dagat (13:1-18)

Isang mabangis na hayop na may pitong ulo at sampung sungay ang umahon mula sa dagat

Ibinigay ng dragon sa hayop ang awtoridad nito, at isang hayop na may dalawang sungay na tulad ng isang kordero ang gumawa ng isang larawan nito; pinilit ang marami na sumamba sa mabangis na hayop at tumanggap ng marka nito

Ang mga pagkilos ng tapat na mga lingkod ni Jehova (14:1-20)

Ang 144,000 sa Bundok Sion ay umaawit ng isang bagong awit

Ang mga anghel na lumilipad sa kalagitnaan ng langit ay nagpapahayag ng mahahalagang mensahe

Isang tulad ng isang anak ng tao ang gumapas ng aanihin sa lupa

Ang punong ubas ng lupa ay niyuyurakan sa pisaan ng ubas ng Diyos, anupat nagkaroon ng pagdanak ng maraming dugo

Mula sa kaniyang makalangit na santuwaryo, inutusan ni Jehova ang pitong anghel na ibuhos ang pitong mangkok ng kaniyang galit (15:1–16:21)

Ang unang anim na mangkok ay ibinuhos sa lupa, sa dagat, sa mga tubig-tabang, sa araw, sa trono ng mabangis na hayop, at sa Eufrates

Ang mga lingkod ng Diyos ay dapat manatiling gising, habang tinitipon ng makademonyong propaganda ang mga taong hari tungo sa Har–​Magedon

Ang ikapitong mangkok ay ibinuhos sa hangin anupat nagdulot ng kapaha-pahamak na mga resulta

Mga pangitain ng katapusan ng Babilonyang Dakila (17:1–18:24)

Ang Babilonyang Dakila, na lasing sa dugo ng mga banal, ay nakaupo sa isang iskarlatang hayop na may pitong ulo at sampung sungay; binalingan siya ng sampung sungay at winasak

Ipinatalastas ang kaniyang pagbagsak; ang bayan ng Diyos ay dapat lumabas sa kaniya

Tinangisan ng marami sa lupa ang kaniyang pangkatapusang pagkapuksa

Ang kasal ng Kordero (19:1-10)

Pinuri ng makalangit na mga tinig si Jah dahil sa pagkapuksa ng Babilonya

Inihudyat ng isang dumadagundong na koro ng papuri ang kasal ng Kordero

Nagtagumpay ang Hari ng mga hari laban sa mga bansa (19:11-21)

Ang Salita ng Diyos ay nakipagdigma laban sa mga bansa; ang mabangis na hayop at ang bulaang propeta ay inihagis sa lawa ng apoy; pinatay ang lahat ng mga kaaway ng Diyos; kinain ng mga hayop ang kanilang mga kalamnan

Ibinulid si Satanas sa kalaliman; namahala si Kristo sa loob ng 1,000 taon (20:1–21:8)

Ibinulid si Satanas sa kalaliman sa loob ng 1,000 taon

Ang mga kapuwa tagapamahala ni Jesus ay humatol na kasama niya sa loob ng 1,000 taon, pagkatapos nito ay pinalaya si Satanas; sinikap niyang muling iligaw ang sangkatauhan, ngunit sa katapus-tapusan ay pinuksa siya at ang lahat ng sumusunod sa kaniya

Ang lahat ng nasa kamatayan, Hades, at dagat ay ibinangon at hinatulan sa harap ng Isa na nakaupo sa malaking tronong puti; ang kamatayan at Hades ay inihagis sa lawa ng apoy

Nakita ni Juan ang isang bagong langit at isang bagong lupa

Ang Bagong Jerusalem (21:9–22:21)

Ang maluwalhating Bagong Jerusalem ay bumaba mula sa langit, anupat nagbigay-liwanag sa mga bansa; isang ilog ng tubig ng buhay ang umaagos doon, na sa magkabilang pampang ay may mga punungkahoy para sa pagpapagaling

Nagtapos ang Apocalipsis sa pamamagitan ng panghuling mga mensahe mula kay Jehova at kay Jesus; ang espiritu at ang kasintahang babae ay nag-aanyaya sa sinumang nauuhaw na kumuha ng tubig ng buhay nang walang bayad

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share