MUHON
Nang manirahan ang mga Israelita sa Canaan, binigyan ng isang lote ng lupa ang bawat pamilya, at ang gayong mga ari-arian ay nilagyan ng mga palatandaan, o mga muhon. Hindi inilarawan ang mga ito sa Bibliya, ngunit ang mga ito ay maaaring mga poste, mga bato, o mga tudling pa nga sa lupa. Ang salitang Hebreo para sa “muhon” (gevulʹ) ay kapareho niyaong para sa “hangganan” at “teritoryo.” (Gen 10:19; 47:21) Ang ilang muhon sa Palestina ay may mga inskripsiyong pagkakakilanlan. Makakakita rin ng magarbong mga inskripsiyon sa mga palatandaan, o mga batong hangganan, sa Ehipto at Mesopotamia. Halimbawa, isang batong hangganan ni Nabucodonosor I na may inskripsiyon ang natuklasan sa Nippur.
Ipinagbawal ng kautusan ni Jehova ang pag-uurong ng mga muhon. (Deu 19:14; tingnan din ang Kaw 22:28.) Sa katunayan, susumpain noon ang mag-uurong ng “muhon ng kaniyang kapuwa.” (Deu 27:17) Yamang ang mga may-ari ng lupa ay karaniwang umaasa sa ani mula sa kanilang mga lote ng lupa, ang pag-uurong ng muhon ay mangangahulugan ng pagkakait sa isang tao ng ilang bahagi ng kaniyang panustos. Ang paggawa nito ay katumbas ng pagnanakaw at ganito ito minamalas noong sinaunang panahon. (Job 24:2) Ngunit may mga taong walang prinsipyo na nagkasala ng ganitong mga pang-aabuso, at ang mga prinsipe noong panahon ni Oseas ay itinulad sa mga nag-uurong ng hangganan.—Os 5:10.
Si Jehova ay makonsiderasyon sa mga nabalo at sa mga walang ama. Kaya naman sinasabi na gigibain niya ang bahay ng mga palalo, “ngunit itatatag niya ang hangganan ng babaing balo.” (Kaw 15:25) Pagkatapos ay sinasabi rin ng Kawikaan 23:10, 11: “Huwag mong iuurong ang sinaunang hangganan, at sa bukid ng mga batang lalaking walang ama ay huwag kang papasok. Sapagkat ang kanilang Manunubos ay malakas; siya mismo ang magtatanggol ng kanilang usapin sa iyo.”