Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • it-1 “Eclesiastes”
  • Eclesiastes

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Eclesiastes
  • Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 1
  • Kaparehong Materyal
  • Aklat ng Bibliya Bilang 21—Eclesiastes
    “Lahat ng Kasulatan ay Kinasihan ng Diyos at Kapaki-pakinabang”
  • Mga Tampok na Bahagi sa Aklat ng Eclesiastes
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2006
  • Karunungan
    Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 1
  • “Ang Buong Katungkulan ng Tao”
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1997
Iba Pa
Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 1
it-1 “Eclesiastes”

ECLESIASTES

Angkop na inilalarawan ng pangalang Hebreo na Qo·heʹleth (nangangahulugang “Tagapagtipon; Tagatawag ng Kapulungan; Tagapagpisan”) ang papel ng hari sa teokratikong pamahalaan ng Israel. (Ec 1:1, 12) Pananagutan ng tagapamahala na pagkaisahin ang nakaalay na bayan ng Diyos sa katapatan sa kanilang tunay na Hari at Diyos. (1Ha 8:1-5, 41-43, 66) Dahil dito, ang batayan kung naging mabuti o masama para sa bansa ang isang hari ay kung inakay niya ang bansa sa pagsamba kay Jehova o hindi. (2Ha 16:1-4; 18:1-6) Ang tagapagtipon, si Solomon, ay marami nang naisagawa upang matipon sa templo ang Israel at ang kanilang mga kasama, ang mga naninirahang dayuhan. Sa aklat na ito, sinikap niyang tipunin ang bayan ng Diyos mula sa walang-kabuluhang mga gawa ng sanlibutang ito tungo sa mga gawang karapat-dapat sa Diyos na sa kaniya ay nakaalay sila bilang isang bansa. Ang pangalang ginamit sa mga Bibliyang Tagalog ay kinuha sa salin ng Qo·heʹleth sa Griegong Septuagint, samakatuwid ay Ek·kle·si·a·stesʹ (Eclesiastes), nangangahulugang “miyembro ng ecclesia (kongregasyon; kapulungan).”

Manunulat. Isa lamang ang “anak ni David,” samakatuwid ay si Solomon, na naging ‘hari ng Israel sa Jerusalem’ (Ec 1:1, 12), sapagkat ang mga haring kasunod ni Solomon ay hindi naghari sa buong Israel. Si Solomon ang hari na kilalang-kilala sa kaniyang pambihirang karunungan. (Ec 1:16; 1Ha 4:29-34) Isa siyang tagapagtayo. (Ec 2:4-6; 1Ha 6:1; 7:1-8) Isa siyang mangangatha ng mga kawikaan. (Ec 12:9; 1Ha 4:32) Napabantog si Solomon dahil sa kaniyang kayamanan. (Ec 2:4-9; 1Ha 9:17-19; 10:4-10, 14-29) Yamang binanggit ng aklat ang programa ng pagtatayo ni Solomon, tiyak na isinulat ito pagkatapos ng panahong iyon ngunit bago siya “nagsimulang gumawa ng masama sa paningin ni Jehova.” (1Ha 11:6) Samakatuwid, isinulat ang aklat sa Jerusalem bago ang 1000 B.C.E. Isa si Solomon sa mga pinakakuwalipikadong sumulat ng aklat sapagkat bukod sa siya ang pinakamayaman, malamang na isa siya sa mga haring may pinakamalawak na kaalaman noong panahon niya. Tiyak na ang kaniyang mga magdaragat at mga negosyante, gayundin ang dumadalaw na mga dignitaryo, ay naghahatid ng mga balita at kaalaman tungkol sa mga tao sa ibang mga lupain.​—1Ha 9:26-28; 10:23-25, 28, 29.

Autentisidad. Ang Qo·heʹleth, o Eclesiastes, ay tinatanggap ng mga Judio at mga simbahang Kristiyano bilang kanonikal. Kaayon ito ng iba pang bahagi ng Bibliya na tumatalakay sa katulad na mga paksa. Halimbawa, kaayon ito ng Genesis sa pagsasabing ang tao ay may katawang ginawa mula sa alabok ng lupa at nagtataglay ng espiritu o puwersa ng buhay mula sa Diyos at ng hininga na sumusustine rito. (Ec 3:20, 21; 12:7; Gen 2:7; 7:22; Isa 42:5) Pinatutunayan nito ang turo ng Bibliya na ang tao ay nilalang na matuwid ngunit kusang-loob niyang pinili na sumuway sa Diyos. (Ec 7:29; Gen 1:31; 3:17; Deu 32:4, 5) Kinikilala nito na ang Diyos ang Maylalang. (Ec 12:1; Gen 1:1) Kaayon ito ng iba pang bahagi ng Bibliya may kinalaman sa kalagayan ng mga patay. (Ec 9:5, 10; Gen 3:19; Aw 6:5; 115:17; Ju 11:11-14; Ro 6:23) Lubusan nitong pinasisigla ang mga tao na sumamba at matakot sa Diyos. Ginagamit nito ang ekspresyong ha·ʼElo·himʹ, “tunay na Diyos,” nang 32 ulit. Ang katumbas ng pangalang Jehova ay masusumpungan sa Eclesiastes 2:24 sa Syriac na Peshitta at Judiong Targum. Bagaman inaangkin ng ilan na may mga pagkakasalungatan sa mismong aklat, ito ay dahil hindi nila nauunawaan na madalas na inihaharap ng aklat ang karaniwang pangmalas bilang kabaligtaran ng pangmalas na nagpapabanaag ng karunungan ng Diyos. (Ihambing ang Ec 1:18; 7:11, 12.) Kaya dapat basahin ang aklat taglay ang tunguhing makuha ang diwa ng sinasabi nito at dapat ding ingatan sa isip ang tema ng aklat.

[Kahon sa pahina 631]

MGA TAMPOK NA BAHAGI NG ECLESIASTES

Isang malinaw na paglalarawan sa mga gawang walang kabuluhan at sa mga gawang kapaki-pakinabang

Isinulat ni Solomon noong huling bahagi ng kaniyang paghahari, pagkatapos ng kaniyang pagpapagal sa maraming gawain na inilarawan niya

Ang buhay na nakatuon sa walang-kabuluhang mga gawain ay walang saysay

Sa isang karaniwang tao, ang lahat ay walang kabuluhan; ang isang salinlahi ay hinahalinhan ng isa pa, at maging ang likas na mga siklo ay paulit-ulit at nakapanghihimagod (1:1-11)

Ang pagdami ng karunungan ng tao ay maaaring magbunga ng pagdami ng kirot; ang baluktot sa sistemang ito ay hindi maitutuwid (1:12-18)

Ang pagtutuon ng sarili sa paghahanap ng kaluguran sa pamamagitan ng materyalismo ay tulad ng paghahabol sa hangin (2:1-11, 26)

Ang karunungan ay mas mabuti kaysa sa kahibangan, ngunit kapuwa ang marurunong at ang mga mangmang ay mamamatay at malilimutan (2:12-16)

Ang pagpapagal ng isa sa buong buhay niya upang iwan lamang ang lahat ng bagay sa isang tao na baka hindi naman magpapahalaga roon ay kapaha-pahamak (2:17-23)

Ang mga pangyayari sa buhay sa lupa ay madalas na binubuo ng mga siklo, at marami sa mga ito ang hindi kontrolado ng tao (3:1-9)

Sa kasalukuyang sistema, ang lahat (kapuwa ang tao at hayop) ay mamamatay (3:18-22)

Maraming nagaganap na paniniil, anupat wala nang pag-asa ang situwasyon kung sa pangmalas ng tao (4:1-3)

Ang pagpapagal at kahusayan dahil sa pagpapaligsahan o upang magtipon lamang ng kayamanan ay walang kabuluhan, at ang taong tamad ay hangal (4:4-8)

Ang buhay ng tagapamahala ay maaari ring maging walang kabuluhan (4:13-16)

Ang pagtitipon ng kayamanan ay hindi magdudulot ng pagkakontento, kundi maaari pa ngang hindi nito patulugin ang may-ari; at kapag namatay siya ay maiiwan niya ang lahat ng iyon (5:9-17)

Marami mang pag-aari ang isang tao, may mga kalagayan na maaaring maging dahilan upang hindi siya makontento, marahil ay pagkakasakit o isang pinananabikang bagay na hindi nakamit (6:1-12)

Sa kasalukuyang sistema, iisang kahihinatnan ang naghihintay sa matuwid at sa balakyot​—lahat ay mamamatay; kaya naman ang ilan ay hindi nagpipigil sa paggawa ng masama (9:2, 3)

Ang karunungan ay hindi laging pinahahalagahan kapag ito’y nagmumula sa isang taong nagdarahop (9:13-18)

Ang pagkilos nang may kamangmangan ay nagbibigay sa isa ng masamang reputasyon; kapag ang gayong mga di-karapat-dapat ay nasa posisyong may awtoridad, nanganganib sila at nahihirapan naman ang iba (10:1-19)

Ang kabataan at kasariwaan ng buhay ay walang kabuluhan; walang kasiguruhan kung hanggang kailan tatagal ang lakas ng isang kabataan (11:10)

Kung hindi palaging inaalaala ng isa ang Maylalang bilang kaniyang gabay sa buhay, lahat ng bagay ay walang kabuluhan! (12:8)

Mga bagay na kapaki-pakinabang at nagbibigay ng kahulugan sa buhay

Masiyahan sa mga bunga ng iyong pagpapagal, na kinikilalang ang mga ito ay kaloob mula sa Diyos (2:24, 25; 5:18-20)

Ang mga gawa ng Diyos ay pawang magaganda; inilagay niya sa harap ng mga tao ang pag-asang mabuhay hanggang sa panahong walang takda (3:10-13)

Ang pangkalahatang takbo ng buhay ng tao ayon sa ipinahihintulot o nilalayon ng Diyos ay hindi mababago ng tao; kaya maghintay sa Diyos na kumilos bilang Hukom sa kaniyang takdang panahon (3:14-17; 5:8)

Mas mabuti kung ang isang tao ay gumagawa nang may kasama kaysa kung nag-iisa lamang siya (4:9-12)

Ang wastong pagkatakot sa Diyos ay dapat mag-udyok sa atin na pakinggang mabuti kung ano ang hinihiling niya sa atin at tuparin ang anumang ipinanata natin sa kaniya (5:1-7)

Kilalanin ang kahalagahan ng mabuting pangalan at ang kaiklian ng ating kasalukuyang buhay na doo’y sinisikap nating matamo iyon, ang bentaha ng pagtitiis, ang nakahihigit na halaga ng karunungan, at ang pangangailangang magpasakop nang may kapakumbabaan sa anumang ipinahihintulot ng Diyos (7:1-15)

Iwasan ang pagpapakalabis kundi hayaang maging gabay ang pagkatakot sa Diyos; huwag labis na mabahala sa sinasabi ng ibang tao; iwasan ang silo ng isang patutot (7:16-29)

Maging masunurin sa batas; kahit na sinusupil ng mga tao ang iba sa kanilang ikapipinsala at maluwag ang hustisya ng tao, huwag hayaang sirain nito ang iyong kasiyahan sa buhay; tandaan na magiging mabuti ang kalalabasan para sa mga natatakot sa tunay na Diyos; huwag asahan na lubusan mong mauunawaan kung bakit ginagawa o ipinahihintulot ng Diyos ang mga bagay-bagay (8:1-17; 10:20)

Ang mga matuwid at ang marurunong ay nasa kamay ng tunay na Diyos​—tiyak na tatanggap sila ng gantimpala; ngunit sa kamatayan ay walang anumang nalalaman ang isa ni mayroon man siyang magagawa, kaya gamitin ang iyong buhay ngayon sa paraang sasang-ayunan ng Diyos; masiyahan ka sa buhay sa kapaki-pakinabang na paraan habang buháy ka pa (9:1, 4-12)

Samantalahin ang mga pagkakataon upang makapagpakita ng pagkabukas-palad, upang gumawa ng mabuti; huwag hayaang mapigilan ng kawalang-katiyakan ng buhay ang iyong gawain (11:1-8)

Binata, masiyahan ka sa iyong kabataan, ngunit huwag mong kalilimutan na magsusulit ka sa Diyos dahil sa iyong mga gawa; alalahanin ang iyong Dakilang Maylalang habang bata ka pa, bago dumating ang panghihinang dulot ng pagtanda, bago magwakas ang buhay (11:9; 12:1-7)

Ang pinakakapaki-pakinabang na mga akda ay yaong nagpapabanaag ng karunungan ng “isang pastol,” ang Diyos na Jehova (12:9-12)

Matakot sa tunay na Diyos at tuparin ang kaniyang mga utos; nakikita niya ang lahat ng ginagawa natin, at dadalhin niya sa kahatulan ang ating mga gawa (12:13, 14)

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share