BAT-RABIM
[Anak na Babae ng Karamihan].
Sa Awit ni Solomon, ang mga mata ng dalagang Shulamita ay inihahalintulad sa “mga tipunang-tubig sa Hesbon, sa tabi ng pintuang-daan ng Bat-rabim.” (Sol 7:4) Ang Hesbon ay isang lunsod sa teritoryo ng Gad ngunit iniatas sa mga Levita. (Jos 21:38, 39) Naniniwala ang ilan na ang pangalang Bat-rabim ay pangalan ng isang pintuang-daan ng Hesbon na nakaharap sa lunsod ng Raba (makabagong ʽAmman) sa dakong HS. Gayunman, sinasabi ng iba na ang Bat-rabim (nangangahulugang “Anak na Babae ng Karamihan”) ay ginagamit sa makasagisag na paraan upang tumukoy mismo sa mataong lunsod ng Hesbon at na binanggit ang pintuang-daan sapagkat maraming tao ang pumapasok at lumalabas ng lunsod o nagtitipon sa pintuang-daan. Sa kasalukuyang mga guho ng lunsod, may katibayan pa rin na nagkaroon doon ng sinaunang mga tipunang-tubig at gayundin ng isang malaking imbakan ng tubig. Ang matulaing pananalita hinggil sa mga mata ng Shulamita ay angkop na naglalarawan sa malinaw at nagniningning na kagandahan ng mga ito; ang pintuang-daan ng lunsod ay kumakatawan marahil sa kaniyang noo.