MAHER-SALAL-HAS-BAZ
[Magmadali, O Samsam! Nagmadali Siya Patungo sa Darambungin; o, Nagmamadali Patungo sa Samsam, Nagmadali Siya Patungo sa Darambungin].
Ang pangalang ibinigay sa ikalawang anak ni Isaias ayon sa utos ni Jehova.
Inutusan ni Jehova si Isaias na isulat ang makahulang mga salitang ito sa isang malaking tapyas at patotohanan ito sa pamamagitan ng mapagkakatiwalaang mga saksi. Pagkatapos nito, tinagubilinan niya ang propeta na ibigay sa bagong-silang na anak nito ang mismong pananalitang ito bilang pangalan, anupat ipinahahayag na bago makapagsabi ang batang lalaki ng, “Ama ko!” at “Ina ko!” ay susupilin ng hari ng Asirya ang mga kaaway ng Juda—ang Damasco at ang Samaria. (Isa 8:1-4) Ang makahulang kahulugan ng pangalang ito na ibinigay sa ikalawang anak ni Isaias ay natupad sa loob ng itinakdang yugto ng panahon. Noong panahon ng paghahari ni Haring Peka ng Israel, sinalakay ng Asiryanong monarka na si Tiglat-pileser III ang Israel, kinuha ang maraming lunsod, dinambong ang lupain, at dinala sa pagkabihag ang maraming tumatahan dito. Pagkatapos nito, si Peka ay pinaslang. (2Ha 15:29, 30) Binihag din ng hari ng Asirya ang kabiserang lunsod ng Sirya na Damasco, dinala ang bayan nito sa pagkatapon, at pinatay ang Siryanong si Haring Rezin. (2Ha 16:9) Sa ganitong paraan, ang mga haring ito na nagsabuwatan laban sa Juda ay kapuwa sumapit sa kanilang wakas. Nang maglaon, noong 740 B.C.E., pinabagsak ng mga Asiryano ang Samaria, anupat inalis ang mga apostatang Israelita mula sa lunsod na iyon at mula sa iba pang bahagi ng nasasakupan ng hilagang kaharian ng Israel. (2Ha 17:1-6) Sa gayon, ang batang lalaking ito na ipinanganak kay Isaias ng kaniyang asawa (na tinatagurian niyang “propetisa”) ay napatunayan sa Israel bilang isang tapat at mapananaligang ‘tanda at himala’ mula kay Jehova.—Isa 8:3, 18.