SI JEHOVA ANG ATING KATUWIRAN
Ang pananalitang isinalin mula sa dalawang salitang Yehwahʹ Tsidh·qeʹnu, na matatagpuan sa Jeremias 23:6 at 33:16.
Ang Jeremias 23:5, 6 ay isang Mesiyanikong hula na naglalarawan sa panghinaharap na hari na sisibol mula sa linya ni David at “maglalapat ng katarungan at katuwiran sa lupain.” Yamang mamamahala siya bilang kinatawan ng Diyos (gaya ni David, at ng iba pa, na umupo “sa trono ni Jehova” bilang pinahirang hari ng Diyos; 1Cr 29:23), ang hula ay nagsasabi, “Ito ang kaniyang pangalan na itatawag sa kaniya, Si Jehova Ang Ating Katuwiran.” Walang saligan para unawain ito, gaya ng ginagawa ng ilan, na diumano’y si Jesus na Mesiyas at si Jehova ay iisa, anupat bumubuo ng iisang Diyos. Ipinakikita ito ng katulad na Mesiyanikong hula sa Jeremias 33:14-16 kung saan ang gayunding pananalita ay ikinakapit sa Jerusalem, sa pagsasabing: “At ito ang itatawag sa kaniya, Si Jehova Ang Ating Katuwiran.” Sa nabanggit na dalawang kaso, ipinakikita ng pananalitang ito na ang pangalan ng Diyos na Jehova, na inilagay kapuwa sa kaniyang ipinangakong hari at sa kabiserang pinili niya, ay garantiya na nagtataglay ng katuwiran ang mga ito. Karagdagan pa, ang katarungan at katuwirang nagmumula sa mga ito o ipinakikita ng mga ito ay resulta ng lubos na debosyon kay Jehova at sa kaniyang kalooban, na nagbubunga naman ng pagpapala at patnubay ni Jehova.