Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • it-1 “Carkemis”
  • Carkemis

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Carkemis
  • Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 1
  • Kaparehong Materyal
  • Eufrates
    Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 1
  • 3A Ang Mahabang Ruta Papuntang Babilonia
    Ibinalik ang Dalisay na Pagsamba kay Jehova
  • Neco(h)
    Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 2
  • Calno
    Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 1
Iba Pa
Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 1
it-1 “Carkemis”

CARKEMIS

Isang mahalagang sentro ng kalakalan na nasa K pampang ng itaas na bahagi ng Eufrates sa isa sa mga pangunahing tawiran ng ilog na iyon. May isang pangunahing ruta ng kalakalan na bumabagtas mula sa Nineve hanggang sa Haran (mga 88 km [55 mi] lamang sa S ng Carkemis), pagkatapos ay tumatawid ng Eufrates sa Carkemis, at nagpapatuloy hanggang sa Libis ng Orontes sa Lebanon, at mula rito ay may iba pang mga ruta na patungo naman sa Mediteraneo o sa T patungong Palestina at Ehipto. Dahil sa buwis na ibinabayad ng dumaraang mga pulutong na naglalakbay, ang lunsod ay kumikita at maliwanag na yumaman nang husto.

Mula pa noong unang mga panahon, sinikap nang kontrolin ng sumasalakay na mga kaharian ang Carkemis dahil sa estratehikong posisyon nito kapuwa sa kalakalan at militar. Halimbawa, sinamsaman ito ni Paraon Thutmose III (na nabuhay noong kalagitnaan ng ikalawang milenyo B.C.E.), at iniulat din ni Ramses III na sinalakay niya ang lunsod na iyon. Inilarawan ni Ashurnasirpal II (na nabuhay noong ikasiyam na siglo B.C.E.) ang pagtawid niya sa Eufrates sakay ng mga balsang pinalutang ng pinalobong mga balat ng kambing at inangkin niya na tumanggap siya ng tributo mula sa hari ng Carkemis. Kabilang sa mga iyon ang 20 talentong pilak, 100 talentong tanso, 250 talentong bakal, bukod pa sa mga kagamitang ginto, muwebles na kinalupkupan ng garing, mga kasuutang lino at lana, at iba pang samsam.

Ang Carkemis ay tinukoy sa ulat ng Bibliya sa Isaias 10:9-11, nang ihula ni Jehova ang pagsalakay ng Asirya laban sa Israel at Juda. Sa ulat na iyon, may-kahambugang isinama ng tagapamahalang Asiryano ang Carkemis sa mga kahariang hindi makalalaban sa kaniyang kapangyarihan. Tiyak na tumutukoy ito sa pagbihag ng Asirya sa independiyenteng kaharian ng Carkemis sa pangunguna ni Sargon II, na kapanahon ni Haring Hezekias. Mula noon, ang Carkemis ay pinamahalaan na ng isang gobernador ng Asirya.

Pagkatapos, nang bumagsak ang Nineve, na kabisera ng Asirya, pinangunahan ni Paraon Neco ang kaniyang hukbo patungo sa hilaga upang tulungan ang mga Asiryano. Sa Megido, may-kamangmangang tinangka ni Haring Josias ng Juda na paatrasin ang mga hukbong Ehipsiyo at napatay siya sa pagkakataong iyon (mga 629 B.C.E.). (2Cr 35:20-24) Noong 625 B.C.E., nagsagupa sa huling pagkakataon ang mga hukbong Ehipsiyo at Babilonyo sa Carkemis. Pinangunahan ni Nabucodonosor ang mga Babilonyo sa malaking tagumpay laban sa mga hukbo ni Paraon Neco at nilupig niya ang Sirya at Canaan. Sa pagbabakang ito nagwakas ang kapangyarihan ng imperyong Ehipsiyo sa mga rehiyong ito. Ang ulat ng Bibliya sa Jeremias 46:2 ay katugma niyaong sa Babylonian Chronicles (B.M. 21946), na kapuwa naglalarawan sa pagkatalo ng hukbong Ehipsiyo.

Nagsagawa ng mga paghuhukay sa kaguhuan ng Carkemis, na nasa TS ng maliit na bayan ng Karkamış (dating Cerablus o Barak) sa Turkey. Ang bayan ng Jerablus sa Sirya, na nasa ibayo lamang ng hanggahan, ay karugtong ng dakong ito na may sukat na 93 ektarya (230 akre). Natagpuan dito ang maraming dokumento na nasa wikang tinatawag ngayon na “hieroglyphic Hittite,” at pinaniniwalaan na ang Carkemis, sa loob ng mga dalawang siglo noong huling bahagi ng ikalawang milenyo B.C.E., ay pinamunuan ng isang imperyo na ang kabisera ay Hattushash. (Gayunman, tingnan ang HITEO, MGA.) Natagpuan din dito ang mga relyebeng may imahen ng isang espinghe at simbolo ng crux ansata, o ankh, na nagpapahiwatig ng matinding impluwensiya ng Ehipto.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share