Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • Pitumpung Sanlinggo
    Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 2
    • May bisa ang tipan “sa loob ng isang sanlinggo.” Ang Daniel 9:27 ay nagsabi: “At pananatilihin niyang may bisa ang tipan para sa marami sa loob ng isang sanlinggo [o pitong taon]; at sa kalahati ng sanlinggo ay patitigilin niya ang hain at ang handog na kaloob.” Ang “tipan” ay hindi maaaring tumukoy sa tipang Kautusan, sapagkat pinawi na ito ng Diyos sa pamamagitan ng hain ni Kristo, tatlo at kalahating taon pagkaraang magsimula ang ika-70 “sanlinggo”: “Inalis Niya ito [ang Kautusan] sa pamamagitan ng pagpapako nito sa pahirapang tulos.” (Col 2:14) Gayundin, “sa pamamagitan ng pagbili ay pinalaya tayo ni Kristo mula sa sumpa ng Kautusan . . . Ang layunin ay upang dumating sa pamamagitan ni Jesu-Kristo ang pagpapala ni Abraham ukol sa mga bansa.” (Gal 3:13, 14) Sa pamamagitan ni Kristo, ipinaabot ng Diyos ang mga pagpapala ng tipang Abrahamiko sa likas na mga supling ni Abraham, anupat hindi muna isinama ang mga Gentil hanggang noong makarating sa kanila ang ebanghelyo nang mangaral si Pedro sa Italyanong si Cornelio. (Gaw 3:25, 26; 10:1-48) Naganap ang pagkakumberteng ito ni Cornelio at ng kaniyang sambahayan pagkatapos na makumberte si Saul ng Tarso, na karaniwang ipinapalagay na nangyari noong mga 34 C.E.; pagkatapos nito, ang kongregasyon ay nagtamasa ng isang yugto ng kapayapaan, anupat napatitibay. (Gaw 9:1-16, 31) Kaya lumilitaw na tinanggap si Cornelio sa kongregasyong Kristiyano noong bandang taglagas ng 36 C.E., na siyang katapusan ng ika-70 “sanlinggo,” 490 taon mula 455 B.C.E.

      ‘Pinatigil’ ang mga hain at handog. Ang pananalitang ‘patigilin,’ na ginamit may kaugnayan sa hain at handog na kaloob, ay literal na nangangahulugang “pangyarihing mangilin ng sabbath, pagpahingahin, pahintuin sa paggawa.” Ang ‘hain at handog na kaloob’ na ‘pinatigil,’ batay sa Daniel 9:27, ay hindi maaaring ang haing pantubos ni Jesus, ni makatuwiran mang tumukoy ang mga iyon sa anumang espirituwal na hain niyaong mga sumusunod sa kaniyang yapak. Tiyak na tumutukoy ang mga iyon sa mga hain at mga handog na kaloob na inihahandog noon ng mga Judio sa templo sa Jerusalem alinsunod sa Kautusan ni Moises.

      Ang “kalahati ng sanlinggo” ay sa kalagitnaan ng pitong taon, o pagkatapos ng tatlo at kalahating taon sa loob ng ‘sanlinggong’ ito ng mga taon. Yamang nagsimula ang ika-70 “sanlinggo” noong bandang taglagas ng 29 C.E. nang si Jesus ay bautismuhan at pahiran bilang ang Kristo, ang kalahati ng sanlinggong ito (tatlo at kalahating taon) ay aabot sa tagsibol ng 33 C.E., o sa panahon ng Paskuwa (Nisan 14) ng taóng iyon. Lumilitaw na ang katumbas ng araw na iyon sa kalendaryong Gregorian ay Abril 1, 33 C.E. (Tingnan ang HAPUNAN NG PANGINOON [Kung Kailan Ito Pinasinayaan].) Sinabi sa atin ng apostol na si Pablo na si Jesus ay ‘dumating upang gawin ang kalooban ng Diyos,’ ang ‘pag-aalis ng una [ng mga hain at mga handog ayon sa Kautusan] upang maitatag niya ang ikalawa.’ Ginawa niya ito sa pamamagitan ng paghahandog ng kaniyang sariling katawan bilang hain.​—Heb 10:1-10.

      Bagaman ang mga saserdoteng Judio ay patuloy na naghandog ng mga hain sa templo sa Jerusalem hanggang sa wasakin ito noong 70 C.E., ang mga haing iyon para sa kasalanan ay hindi na sinasang-ayunan ng Diyos at wala nang bisa. Di-katagalan bago mamatay si Jesus, sinabi niya sa Jerusalem: “Ang inyong bahay ay pinababayaan sa inyo.” (Mat 23:38) Si Kristo ay “naghandog ng isang hain ukol sa mga kasalanan nang walang hanggan . . . Sapagkat sa pamamagitan nga ng isang haing handog ay pinasakdal niya nang walang hanggan yaong mga pinababanal.” “At kung saan may kapatawaran [ng mga kasalanan at mga gawang tampalasan], wala nang handog pa ukol sa kasalanan.” (Heb 10:12-14, 18) Itinawag-pansin ng apostol na si Pablo na ang hula ni Jeremias ay bumanggit ng isang bagong tipan, sa gayon ang naunang tipan (tipang Kautusan) ay ginawang lipas na at naluluma, anupat “malapit nang maglaho.”​—Heb 8:7-13.

  • Pitumpung Sanlinggo
    Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 2
    • Itiniwangwang ang lunsod at ang dakong banal. Pagkatapos ng 70 “sanlinggo,” bilang tuwirang resulta ng pagtatakwil ng mga Judio kay Kristo noong panahon ng ika-70 “sanlinggo,” natupad ang mga pangyayari sa huling mga bahagi ng Daniel 9:26 at 27. Iniuulat ng kasaysayan na si Tito na anak ni Emperador Vespasian ng Roma ang lider ng mga hukbong Romano na dumating noon laban sa Jerusalem. Gaya ng baha, aktuwal na pinasok ng mga hukbong iyon ang Jerusalem at ang mismong templo at itiniwangwang ang lunsod at ang templo nito. Dahil sa pagtayong iyon ng mga hukbong pagano sa dakong banal, sila ay naging “kasuklam-suklam na bagay.” (Mat 24:15) Bago ang kawakasan ng Jerusalem, nabigo ang lahat ng pagsisikap na payapain ang situwasyon sapagkat gaya nga ng itinalaga ng Diyos: “Ang naipasiya ay mga pagkatiwangwang,” at “hanggang sa paglipol, ang mismong bagay na naipasiya ay mabubuhos din sa isa na nakatiwangwang.”

  • Pitumpung Sanlinggo
    Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 2
    • Sa pagsisikap na ipangatuwiran ang kanilang pangmalas, sinasabi ng mga Judiong iskolar na iyon na ang “pitong sanlinggo” ay hindi 7 na pinarami ng 7, o 49 na taon, kundi 70 taon; gayunman, tinutuos nila ang 62 sanlinggo bilang 62 taon na pinarami ng 7. Inaangkin nila na ang “pitong sanlinggo” ay tumutukoy sa yugto ng pagkatapon sa Babilonya. Ipinapalagay nila na si Ciro o si Zerubabel o ang mataas na saserdoteng si Jesua ang “pinahiran” sa talatang iyon (Dan 9:25), anupat ibang tao naman ang “pinahiran” sa Daniel 9:26.

Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
Mag-Log Out
Mag-Log In
  • Tagalog
  • I-share
  • Gusto Mong Setting
  • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
  • Kasunduan sa Paggamit
  • Patakaran sa Privacy
  • Privacy Settings
  • JW.ORG
  • Mag-Log In
I-share