Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • it-1 “Amos, Aklat ng”
  • Amos, Aklat ng

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Amos, Aklat ng
  • Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 1
  • Kaparehong Materyal
  • Aklat ng Bibliya Bilang 30—Amos
    “Lahat ng Kasulatan ay Kinasihan ng Diyos at Kapaki-pakinabang”
  • Ang Kamatayan ng Isang Bansa
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1989
  • Salitain ang Salita ng Diyos Nang May Katapangan
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2004
  • Darating ang Hatol ni Jehova Laban sa mga Balakyot
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2004
Iba Pa
Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 1
it-1 “Amos, Aklat ng”

AMOS, AKLAT NG

Ang hula ng Hebreong aklat na ito ng Bibliya ay pangunahin nang ipinatungkol sa hilagang kaharian ng Israel. Lumilitaw na inihatid muna ito nang bibigan noong panahon ng mga paghahari nina Jeroboam II at Uzias, mga hari ng Israel at ng Juda, na ang mga yugto ng paghahari ay nagpang-abot sa pagitan ng 829 at mga 804 B.C.E. (Am 1:1) Isinulat ito noong mga 804 B.C.E., malamang na noong makabalik na sa Juda ang propeta. Para sa mga detalye tungkol sa propeta, tingnan ang AMOS Blg. 1.

Ang pagiging kanonikal ng aklat na ito, o ang pagkakaroon nito ng wastong dako sa Bibliya, ay hindi kailanman kinuwestiyon. Mula pa noong sinaunang mga panahon ay tinatanggap na ito ng mga Judio, at lumilitaw ito sa kauna-unahang mga katalogong Kristiyano. Si Justin Martyr ng ikalawang siglo C.E. ay sumipi mula sa Amos sa kaniyang Dialogue With Trypho, a Jew (kab XXII). Ang aklat mismo ay lubusang kaayon ng iba pang bahagi ng Bibliya, gaya ng ipinakikita ng maraming pagtukoy ng manunulat sa kasaysayan ng Bibliya at sa mga kautusan ni Moises. (Am 1:11; 2:8-10; 4:11; 5:22, 25; 8:5) Tinanggap ng mga Kristiyano noong unang siglo ang isinulat ni Amos bilang kinasihang Kasulatan. Halimbawa, itinawag-pansin ng martir na si Esteban (Gaw 7:42, 43; Am 5:25-27) at ni Santiago na kapatid ni Jesus sa ina (Gaw 15:13-19; Am 9:11, 12) ang katuparan ng ilan sa mga hula sa aklat.

Pinatototohanan din ng iba pang mga pangyayari sa kasaysayan ang katumpakan ng isinulat ng propeta. Pinatutunayan ng kasaysayan na ang lahat ng mga bansang kinondena ni Amos ay nilamon ng apoy ng pagkapuksa sa takdang panahon. Ang lunsod ng Samaria mismo, na nakukutaan nang matibay, ay kinubkob at nabihag noong 740 B.C.E., at ang mga tumatahan doon ay dinala ng hukbong Asiryano “sa pagkatapon sa ibayo pa ng Damasco,” gaya ng inihula ni Amos. (Am 5:27; 2Ha 17:5, 6) Ang Juda sa timog ay tumanggap din ng kaukulang kaparusahan nang wasakin ito noong 607 B.C.E. (Am 2:5) At bilang katuparan ng sinalita ni Jehova sa pamamagitan ni Amos, ang nabihag na mga inapo kapuwa ng Israel at ng Juda ay bumalik sa kanilang sariling lupain noong 537 B.C.E. upang muli itong itayo.​—Am 9:14; Ezr 3:1.

Pinatutunayan din ng Biblikal na arkeolohiya ang katumpakan ng mga isinulat ni Amos may kaugnayan sa kapanahunan niya, anupat nang inilalarawan niya ang mapagpasikat na karangyaan ng mayayaman, tinukoy niya ang kanilang “mga bahay na garing” at “mga higaang garing.” (Am 3:15; 6:4) Bilang komento sa ilan sa mga tuklas na ito, sinabi ni Jack Finegan: “Lubhang kapansin-pansin na maraming garing ang natagpuan sa paghuhukay sa Samaria. Ang karamihan sa mga ito ay mga plake o maliliit na entrepanyo na may mga ukit at ipinapalagay na dating nakakabit sa muwebles at nakakalupkop sa entrepanyo ng dingding.”​—Light From the Ancient Past, 1959, p. 187, 188.

Inudyukan ng espiritu ni Jehova si Amos upang gumamit ng simple, tuwiran, at matingkad na pananalita sa kagalang-galang na paraan na angkop sa isang propeta ng Diyos. Pumili siya ng simpleng mga salita, mapuwersang mga salita, at mga salitang punô ng kahulugan, upang maunawaan kapuwa ng matataas at ng mabababa ang kaniyang sinasabi at upang makuha nila ang diwa nito. Gumamit siya ng iba’t ibang ilustrasyon, na ang ilan ay nauugnay sa buhay sa bukid, upang maging buháy at mapuwersa ang kaniyang mensahe. (Am 2:13; 4:2; 9:9) May-katumpakan niyang inilahad ang mga pangyayari sa kasaysayan. (1:9, 11, 13; 4:11) Tinukoy niya ang ilang pamilyar na gawain at kaugalian ng mga tao. (2:8; 6:4-6) Sa kabuuan ay isa itong napakaayos na akda na may malinaw na balangkas at layunin.

Bilang isa sa mga lingkod ni Jehova, dinakila ni Amos ang salita at pangalan, ang katuwiran, at ang soberanya ng Makapangyarihan-sa-lahat. Inilarawan niya “ang Soberanong Panginoon, si Jehova ng mga hukbo,” bilang sukdulan sa kadakilaan, anupat walang anumang bagay ang hindi niya maaabot o magagawa. (Am 9:2-5) Maging ang araw, buwan, mga konstelasyon, at mga elemento ay nasa ilalim ng kontrol ni Jehova. (5:8; 8:9) Kaya naman hindi mahirap sa Diyos na ipakitang nakatataas siya kaysa sa mga bansa.​—1:3-5; 2:1-3; 9:7.

Kaayon ng kahulugan ng kaniyang pangalan, nagdala si Amos ng isang mabigat na mensahe na punung-puno ng kaabahan at pagtuligsa laban sa mga bansang pagano at gayundin sa Juda at Israel. Naghatid din siya ng isang nakaaaliw na mensahe ng pagsasauli na mapananaligan niyaong mga tapat kay Jehova.

[Kahon sa pahina 120]

MGA TAMPOK NA BAHAGI NG AMOS

Hula na pangunahin nang ipinatungkol sa Israel, ang hilagang sampung-tribong kaharian, na may mga sentro ng pagsamba sa guya sa Dan at sa Bethel

Isinulat noong mga 804 B.C.E., nang si Jeroboam II ang hari sa Israel

Tiyak na maglalapat ng kahatulan si Jehova hindi lamang sa nakapalibot na mga bansa kundi lalo na sa Israel (1:1–2:16)

Sa Sirya, Filistia, at Tiro dahil sa malupit na pakikitungo sa Israel

Sa Edom (kamag-anak ng Israel dahil mga inapo sila ni Esau) at sa Ammon (kamag-anak ng Israel dahil mga inapo sila ni Lot) dahil sa pagkapoot at pagmamalupit sa kanilang mga kapatid na Israelita; sa Moab dahil sa pagsunog sa mga buto ng hari ng Edom upang maging apog

Sa Juda dahil sa pagtatakwil sa kautusan ni Jehova

Sa Israel dahil sa paniniil sa mga dukha, dahil sa imoralidad, at dahil din sa kawalang-galang sa mga propeta at mga Nazareo na ibinangon ng Diyos; hindi sila makatatakas sa kaparusahan mula sa Diyos

Ang mensahe ni Jehova ng kahatulan laban sa Israel (3:1–6:14)

Pinagpakitaan ng Diyos ng pantanging pabor ang Israel; dahil dito, sila ay partikular nang dapat magsulit

Kapag isiniwalat ni Jehova sa kaniyang mga lingkod ang layunin niya, nanghuhula sila; kaya naman nagbabala si Amos na hihingi si Jehova ng pagsusulit dahil sa isinasagawang huwad na pagsamba sa Bethel at sa pandaraya ng mga maibigin sa karangyaan sa Samaria

Ang Israel ay hindi nanumbalik kay Jehova sa kabila ng mga kaparusahang inilapat na; kaya binabalaan ito, “Humanda kang harapin ang iyong Diyos”

Kahit noong nagbababala si Jehova tungkol sa mga kaabahang darating, hinihimok niya sila: “Hanapin ninyo ako, at patuloy kayong mabuhay,” “Kapootan ninyo ang kasamaan, at ibigin ang kabutihan”

Ipinakita ng mga pangitain at mga hula na malapit na ang kawakasan ng Israel (7:1–8:14)

Pangitain tungkol sa pagkatiwangwang dahil sa mga balang; namagitan ang propeta

Pangitain tungkol sa mapamuksang apoy; muling namagitan si Amos

Susubukin ni Jehova ang Israel sa pamamagitan ng isang hulog; hindi na pagpapaumanhinan ang Israel

Ipinag-utos ng saserdote ng Bethel kay Amos na itigil ang panghuhula roon; humula si Amos ng kapahamakan para sa saserdote

Isang basket ng madaling mabulok na bungang pantag-araw, nagpapahiwatig na malapit na ang kawakasan ng Israel

Taggutom sa pagkarinig sa mga salita ni Jehova

Kaparusahan at pagsasauli (9:1-15)

Wala silang lugar na mapupuntahan sa pagtakas; walang dakong hindi maaabot ng Soberanong Panginoong Jehova

Muling itatayo ang kubol (maharlikang sambahayan) ni David; magtatamasa ng namamalaging katiwasayan ang muling-tinipong mga bihag

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share