-
EspiritismoKaunawaan sa Kasulatan, Tomo 1
-
-
Pinasinungalingan ang bulaang paratang ng mga Pariseo. Pagkatapos ng isa sa gayong mga pagpapagaling ni Jesus, ang kaniyang mga kaaway, ang mga Pariseo, ay nagparatang: “Hindi pinalalayas ng taong ito ang mga demonyo malibang sa pamamagitan ni Beelzebub, ang tagapamahala ng mga demonyo.” Ngunit ang sabi ng ulat: “Sa pagkaalam ng kanilang mga kaisipan, sinabi niya sa kanila: ‘Bawat kaharian na nababahagi laban sa kaniyang sarili ay sumasapit sa pagkatiwangwang, at bawat lunsod o sambahayan na nababahagi laban sa kaniyang sarili ay hindi tatayo. Sa gayunding paraan, kung pinalalayas ni Satanas si Satanas, nababahagi siya laban sa kaniyang sarili; paano, kung gayon, tatayo ang kaniyang kaharian? Isa pa, kung pinalalayas ko ang mga demonyo sa pamamagitan ni Beelzebub, sa pamamagitan nino pinalalayas sila ng inyong mga anak? Ito ang dahilan kung bakit sila ang magiging mga hukom sa inyo.’”—Mat 12:22-27.
Napilitan ang mga Pariseo na amining kailangan ang kapangyarihang nakahihigit sa tao upang magpalayas ng mga demonyo. Subalit nais nilang hadlangan ang mga tao upang huwag maniwala kay Jesus. Kaya naman sinabi nilang nanggaling sa Diyablo ang kaniyang kapangyarihan. Nang magkagayo’y binanggit ni Jesus ang depekto ng kanilang argumento at ipinakita sa kanila kung ano ang makatuwirang ipahihiwatig niyaon. Sumagot siya na kung isa siyang ahente ng Diyablo na nagpapawalang-saysay sa ginawa ni Satanas, kung gayo’y kinokontra ni Satanas ang kaniyang sarili (na hindi gagawin ng sinumang taong hari) at di-magtatagal ay babagsak ito. Karagdagan pa, itinawag-pansin niya ang kanilang “mga anak,” o mga alagad, na nag-aangkin ding nagpapalayas ng mga demonyo. Kung totoo ang argumento ng mga Pariseo, na ang nagpapalayas ng mga demonyo ay gumagawa niyaon sa pamamagitan ng kapangyarihan ni Satanas, kung gayon ang kanilang sariling mga alagad ay kumikilos sa ilalim ng kapangyarihang ito, isang bagay na tiyak na hindi aaminin ng mga Pariseo. Sinabi ni Jesus na kung gayon, ang kanilang sariling “mga anak” ay mga hukom na humahatol sa kanila at sa kanilang argumento.
-
-
EspiritismoKaunawaan sa Kasulatan, Tomo 1
-
-
Ang sinabi ni Jesu-Kristo tungkol sa pagpapalayas ng mga demonyo ay hindi dapat unawain na nangangahulugang ang “mga anak” ng mga Pariseo at ang lahat ng iba pa na nag-aangking nakapagpapalayas ng mga demonyo ay talagang mga kasangkapan ng Diyos. Binanggit ni Jesus na may mga taong magtatanong: “Panginoon, Panginoon, hindi ba kami nanghula sa pangalan mo, at nagpalayas ng mga demonyo sa pangalan mo, at nagsagawa ng maraming makapangyarihang gawa sa pangalan mo?” Ngunit sasagutin niya sila: “Hindi ko kayo kailanman nakilala! Lumayo kayo sa akin, kayong mga manggagawa ng katampalasanan.” (Mat 7:22, 23) Palibhasa’y hindi tunay na mga alagad ni Jesu-Kristo, ang mga manggagawang iyon ng katampalasanan ay mga anak ng Diyablo. (Ihambing ang Ju 8:44; 1Ju 3:10.) Kaya naman ang inaangkin nila na pagpapalayas ng mga demonyo ay ginagawa nila, hindi bilang mga kasangkapan ng Diyos, kundi bilang mga ahente ng Diyablo. Sa paggamit ng mga tao bilang mga exorcist, anupat ginagawa pa nga iyon sa pangalan ni Jesus (ihambing ang tinangkang gawin ng pitong anak na lalaki ni Esceva sa Gaw 19:13-16), si Satanas ay hindi nababahagi laban sa kaniyang sarili. Sa halip, sa pamamagitan ng tila mabuting gawang ito na pagtataboy sa sumasanib na mga demonyo, si Satanas ay nag-aanyong “isang anghel ng liwanag,” sa gayo’y pinahihigpit ang kaniyang kapangyarihan at impluwensiya sa mga nalinlang.—2Co 11:14.
-