-
KayamananKaunawaan sa Kasulatan, Tomo 2
-
-
Di-tulad ng mga patriyarka at ng bansang Israel, ang mga tagasunod ni Jesu-Kristo ay may atas na “gumawa ng mga alagad sa mga tao ng lahat ng mga bansa.” (Mat 28:19, 20) Ang pagtupad sa atas na iyan ay nangangailangan ng panahon at pagsisikap na maaari rin sanang gamitin sa sekular na mga gawain. Dahil dito, ang isang tao na patuloy na nangungunyapit sa kaniyang kayamanan sa halip na magbawas ng mga pabigat sa kaniyang sarili upang magamit niya ang kaniyang panahon at pag-aari sa pagtupad sa atas na iyon ay hindi maaaring maging alagad ni Jesus, lakip ang pag-asang magtamo ng buhay sa langit. Kaya naman sinabi ng Anak ng Diyos: “Kay hirap na bagay nga para roon sa mga may salapi ang pumasok sa kaharian ng Diyos! Sa katunayan, mas madali pa sa isang kamelyo na makalusot sa butas ng karayom na panahi kaysa sa isang taong mayaman na makapasok sa kaharian ng Diyos.” (Luc 18:24, 25) Ang mga salitang ito ay tugon sa naging reaksiyon ng isang mayaman at kabataang tagapamahala nang sabihan ito ni Jesus: “Ipagbili mo ang lahat ng mga bagay na taglay mo at ipamahagi mo sa mga taong dukha, at magkakaroon ka ng kayamanan sa langit; at halika maging tagasunod kita.” (Luc 18:22, 23) May pananagutan ang mayaman at kabataang tagapamahalang iyon na tulungan ang kaniyang mga kapuwa Israelita na nagdarahop. (Kaw 14:21; 28:27; Isa 58:6, 7; Eze 18:7-9) Ngunit dahil hindi siya handa na iwan ang kaniyang mga materyal na pag-aari, anupat ginagamit ito sa pagtulong sa iba, at iukol ang kaniyang sarili sa pagiging tagasunod ni Jesu-Kristo, naging hadlang ito sa pagpasok niya sa Kaharian ng langit.
-
-
KayamananKaunawaan sa Kasulatan, Tomo 2
-
-
Siyempre pa, ang sinabi ni Jesus sa mayaman at kabataang tagapamahala ay hindi nangangahulugan na hindi maaaring magkaroon ng materyal na kayamanan ang isang Kristiyano. Halimbawa, noong unang siglo C.E., may mayayamang Kristiyano na kaugnay sa kongregasyon na nasa Efeso. Hindi tinagubilinan ng apostol na si Pablo si Timoteo na payuhan ang mayayamang kapatid na ito na alisin ang lahat ng kanilang materyal na mga bagay, ngunit sumulat siya: “Magbigay ka ng utos doon sa mayayaman sa kasalukuyang sistema ng mga bagay na huwag maging mataas ang pag-iisip, at na ilagak ang kanilang pag-asa, hindi sa walang-katiyakang kayamanan, kundi sa Diyos, na saganang naglalaan sa atin ng lahat ng mga bagay para sa ating kasiyahan; na gumawa ng mabuti, na maging mayaman sa maiinam na gawa, na maging mapagbigay, handang mamahagi, maingat na nag-iimbak para sa kanilang sarili ng isang mainam na pundasyon para sa hinaharap, upang makapanghawakan silang mahigpit sa tunay na buhay.” (1Ti 6:17-19) Sa gayon, kinailangang bantayan ng mayayamang Kristiyanong ito ang kanilang saloobin, anupat iniingatan ang kayamanan sa wastong dako nito at bukas-palad itong ginagamit upang tumulong sa iba.
-