-
KasalananKaunawaan sa Kasulatan, Tomo 2
-
-
Karagdagan pa, sinabi rin ng apostol na ang kamatayan ay namamahala bilang hari “mula kay Adan hanggang kay Moises, maging doon sa mga hindi nagkasala sa wangis ng pagsalansang ni Adan.” (Ro 5:14) Ang kasalanan ni Adan ay wasto lamang na tawaging isang “pagsalansang” yamang iyon ay paglabag sa isang ipinahayag na kautusan, isang tuwirang utos sa kaniya ng Diyos. Bukod pa riyan, nang magkasala si Adan, iyon ay resulta ng kaniyang sariling malayang pagpili, bilang isang sakdal na taong malaya sa anumang depekto. Maliwanag na hindi tinamasa ng kaniyang mga supling ang gayong kasakdalan. Kaya naman waring ang mga salik na ito ay hindi kasuwato ng pangmalas na ‘nang magkasala si Adan, lahat ng kaniyang di-pa-naisisilang na mga inapo ay nagkasalang kasama niya.’ Upang mapanagot ang lahat ng inapo ni Adan bilang mga kabahagi sa personal na kasalanan ni Adan, kailangang ipahayag nila sa paanuman ang kanilang kalooban na ibig nilang siya ang maging ulo ng kanilang pamilya. Subalit sa katunayan, hindi niloob ng sinuman sa kanila na maipanganak sila sa kaniya. Ang pagkapanganak nila sa Adanikong linya ay resulta ng makalamang kalooban ng kanilang mga magulang.—Ju 1:13.
-
-
KasalananKaunawaan sa Kasulatan, Tomo 2
-
-
Sinabi pa niya na “hanggang sa Kautusan [na ibinigay sa pamamagitan ni Moises] ang kasalanan ay nasa sanlibutan, ngunit ang kasalanan ay hindi ipinaparatang laban sa kaninuman kapag walang kautusan. Gayunpaman, ang kamatayan ay namahala bilang hari mula kay Adan hanggang kay Moises, maging doon sa mga hindi nagkasala sa wangis ng pagsalansang ni Adan.” (Ro 2:12; 5:13, 14) Ang mga salita ni Pablo ay dapat unawain ayon sa konteksto. Sa kaniyang liham na ito sa mga taga-Roma, ipinakikita ng kaniyang naunang mga pananalita na pinaghahambing niya yaong mga nasa ilalim ng tipang Kautusan at yaong mga nasa labas ng tipang iyon, samakatuwid nga ay wala sa ilalim ng kodigo ng kautusan nito, habang ipinakikita niya na ang dalawang grupong iyon ay kapuwa makasalanan.—Ro 3:9.
Sa loob ng humigit-kumulang 2,500 taon sa pagitan ng paglihis ni Adan at ng pagbibigay ng tipang Kautusan noong 1513 B.C.E., ang Diyos ay hindi nagbigay sa sangkatauhan ng anumang kumpletong kodigo o sistematikong kautusan na espesipikong tumukoy sa kasalanan at sa lahat ng mga epekto at anyo nito. Totoo, nagbigay siya ng ilang batas, gaya niyaong mga ibinigay kay Noe pagkatapos ng pangglobong Baha (Gen 9:1-7), gayundin ang tipan ng pagtutuli na ibinigay kay Abraham at sa kaniyang sambahayan, pati na sa kaniyang mga aliping banyaga. (Gen 17:9-14) Ngunit may kinalaman sa Israel, maaaring sabihin ng salmista na “sinasabi [ng Diyos] ang kaniyang salita sa Jacob, ang kaniyang mga tuntunin at ang kaniyang mga hudisyal na pasiya sa Israel. Hindi niya ginawa ang gayon sa alinpamang bansa; at kung tungkol sa kaniyang mga hudisyal na pasiya, hindi nila alam ang mga iyon.” (Aw 147:19, 20; ihambing ang Exo 19:5, 6; Deu 4:8; 7:6, 11.) Hinggil sa tipang Kautusan na ibinigay sa Israel, maaaring sabihin, “Ang tao na gumagawa ng katuwiran ng Kautusan ay mabubuhay sa pamamagitan nito,” sapagkat ang sakdal na panghahawakan at pagsunod sa Kautusang iyon ay magagawa lamang ng isang taong walang kasalanan, gaya sa kaso ni Kristo Jesus. (Ro 10:5; Mat 5:17; Ju 8:46; Heb 4:15; 7:26; 1Pe 2:22) Walang ibinigay na kautusang katulad niyaon mula noong panahon ni Adan hanggang noong ibigay ang tipang Kautusan.
‘Likas na ginagawa ang mga bagay na nasa kautusan.’ Hindi naman nangangahulugan na ang mga tao noong yugtong iyon sa pagitan nina Adan at Moises ay malaya sa kasalanan, yamang walang kumpletong kodigo ng kautusan na mapagbabatayan ng kanilang paggawi. Sa Roma 2:14, 15, sinasabi ni Pablo: “Sapagkat kailanma’t ang mga tao ng mga bansa na walang kautusan ay likas na gumagawa ng mga bagay na nasa kautusan, ang mga taong ito, bagaman walang kautusan, ay kautusan sa kanilang sarili. Sila mismo ang nagpapakita na ang diwa ng kautusan ay nakasulat sa kanilang mga puso, samantalang ang kanilang budhi ay nagpapatotoong kasama nila at, sa pagitan ng kanilang sariling mga kaisipan, sila ay inaakusahan o ipinagdadahilan pa nga.” Yamang ang tao ay ginawa sa larawan at wangis ng Diyos, siya ay may likas na kabatiran sa moral, na nagpapagana sa budhi. Maging ang mga taong di-sakdal at makasalanan ay mayroon nito sa paanuman, gaya ng ipinahihiwatig ng mga salita ni Pablo. (Tingnan ang BUDHI.) Yamang ang kautusan ay pangunahin nang isang ‘alituntunin ng paggawi,’ kumikilos ang likas na kabatirang ito sa moral sa kanilang mga puso gaya ng isang kautusan. Gayunman, nangingibabaw laban sa kautusang ito ang isa pang minanang kautusan, ang ‘kautusan ng kasalanan,’ na nakikipagdigma laban sa matuwid na mga hilig, anupat ginagawa nitong alipin yaong mga hindi lumalaban dito.—Ro 6:12; 7:22, 23.
Ang likas na kabatirang ito sa moral at ang kaakibat nitong budhi ay makikita maging sa kaso ni Cain. Bagaman ang Diyos ay hindi nagbigay ng kautusan may kinalaman sa pagpatay ng tao, ang paiwas na tugon ni Cain sa tanong ng Diyos ay nagpapakita na hinatulan siya ng kaniyang budhi matapos niyang paslangin si Abel. (Gen 4:8, 9) Ipinakita ng Hebreong si Jose ang ‘kautusan ng Diyos na nasa kaniyang puso’ nang sagutin niya ang mapang-akit na kahilingan ng asawa ni Potipar sa pagsasabing: “Paano ko magagawa ang malaking kasamaang ito at magkasala nga laban sa Diyos?” Bagaman hindi pa espesipikong hinahatulan noon ng Diyos ang pangangalunya, natanto ni Jose na mali iyon at labag sa kalooban ng Diyos para sa mga tao gaya ng ipinahayag niya sa Eden.—Gen 39:7-9; ihambing ang Gen 2:24.
Kaya naman, noong kapanahunan ng mga patriyarka mula kay Abraham hanggang sa 12 anak ni Jacob, ipinakikita ng Kasulatan na ang mga tao mula sa iba’t ibang lahi at bansa ay may binanggit na mga “kasalanan” (chat·taʼthʹ), gaya ng kasalanan laban sa isang nagpapatrabaho (Gen 31:36), laban sa tagapamahalang nakasasakop sa isa (Gen 40:1; 41:9), laban sa isang kamag-anak (Gen 42:22; 43:9; 50:17), o laban sa isang kapuwa-tao (Gen 20:9). Sa paanuman, kapag ginagamit ng isa ang terminong iyon, ipinakikita niyang kinikilala niya na mayroon siyang kaugnayan sa pinagkasalahan at may pananagutan siyang igalang ang kapakanan ng taong iyon o ang kalooban at awtoridad niyaon, gaya sa kaso ng isang tagapamahala, at na huwag salungatin ang mga iyon. Sa gayo’y ipinakikita nila na mayroon silang likas na kabatiran sa moral. Subalit sa paglipas ng panahon, tumindi ang pananaig ng kasalanan sa mga hindi naglilingkod sa Diyos, kaya naman inilarawan ni Pablo ang mga tao ng mga bansa bilang lumalakad sa “kadiliman ang kanilang isip, at hiwalay mula sa buhay na nauukol sa Diyos . . . nawalan na ng lahat ng pakiramdam sa moral.”—Efe 4:17-19.
-