Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • Prusisyon ng Tagumpay
    Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 2
    • Noong mga araw ng republikang Romano, ang isa sa pinakamatataas na karangalang maipagkakaloob ng Senado sa isang nagwaging heneral ay ang pahintulutan siya na ipagdiwang ang kaniyang tagumpay sa pamamagitan ng isang pormal at magastos na prusisyon ng tagumpay na napakarangya hanggang sa kaliit-liitang detalye.

      Ang prusisyong Romano ay dahan-dahang umuusad sa kahabaan ng Via Triumphalis paakyat sa paliku-likong daan patungo sa templo ni Jupiter sa taluktok ng Capitoline Hill. Nasa unahan ang mga manunugtog at mga mang-aawit ng mga awit ng tagumpay, na sinusundan naman ng mga kabataang lalaki na umaakay sa mga bakang ihahain. Kasunod nito ang mga karwaheng walang bubong na punô ng mga samsam, at ang pagkalaki-laking mga karosa na naglalarawan ng mga tagpo ng pagbabaka o ng pagkawasak ng mga lunsod at mga templo, at marahil ay nasa pinakaibabaw nito ang pigura ng nalupig na kumandante. Ang mga hari, mga prinsipe, at mga heneral na nabihag sa digmaan, kasama ang kanilang mga anak at mga tagapaglingkod, ay nakatanikala namang hinihila, anupat kadalasan ay hinuhubaran upang ihantad sa pagkaaba at kahihiyan.

      Kasunod na nito ang karo ng heneral, na napapalamutian ng garing at ginto, nagagayakan ng laurel, at hinihila ng apat na kabayong puti o, kung minsan, ng mga elepante, mga leon, mga tigre, o mga usa. Ang mga anak naman ng manlulupig ay nakaupo sa kaniyang paanan o kaya’y nakasakay sa ibang karo sa likuran niya. Naglalakad na kasunod nito ang Romanong mga konsul at mga mahistrado, pagkatapos ay ang mga tenyente at ang mga tribune ng militar kasama ang nagtagumpay na hukbo​—pawang nagagayakan ng mga putong na laurel at ng mga kaloob, at umaawit ng mga awit ng papuri sa kanilang lider. Nasa unahan naman ang mga saserdote at ang kanilang mga tagapaglingkod akay ang pangunahing haing hayop, isang puting barakong baka.

      Habang dumaraan sa lunsod ang prusisyon, ang mga tao ay naghahagis ng mga bulaklak sa harap ng karo ng nagtagumpay na heneral, samantalang humahalimuyak ang daan dahil sa insensong sinusunog sa mga altar ng mga templo. Ang mabangong amoy na ito ay nangahulugan ng karangalan, promosyon, kayamanan, at higit na seguridad sa buhay para sa nagtagumpay na mga kawal, ngunit nangahulugan ito ng kamatayan para sa di-pinatawad na mga bihag na papatayin pagkatapos ng prusisyon. Nagbibigay-liwanag ang bagay na ito sa espirituwal na pagkakapit ni Pablo sa ilustrasyong nasa 2 Corinto 2:14-16.

  • Prusisyon ng Tagumpay
    Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 2
    • Nakikibahagi ang mga Kristiyano sa Prusisyon ng Tagumpay. Hinalaw ni Pablo sa gayong mga halimbawa at sa karaniwang mga bagay noong panahong iyon ang kaniyang metapora nang sumulat siya sa mga taga-Corinto: “Salamat sa Diyos na laging umaakay sa atin sa isang prusisyon ng tagumpay kasama ng Kristo.” (2Co 2:14-16) Ipinakikita ng larawang iyon si Pablo at ang kaniyang mga kapuwa Kristiyano bilang tapat na mga sakop ng Diyos, “kasama ng Kristo,” bilang mga anak, mga opisyal na may ranggo, at nagtagumpay na mga kawal, pawang sumusunod sa pangkat ng Diyos at pinangungunahan Niya sa isang maringal na prusisyon ng tagumpay sa kahabaan ng isang mabangong ruta.

Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
Mag-Log Out
Mag-Log In
  • Tagalog
  • I-share
  • Gusto Mong Setting
  • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
  • Kasunduan sa Paggamit
  • Patakaran sa Privacy
  • Privacy Settings
  • JW.ORG
  • Mag-Log In
I-share