-
GalaciaKaunawaan sa Kasulatan, Tomo 1
-
-
Lumilitaw na noong mga 278-277 B.C.E., malaking bilang ng mga taong Indo-Europeo na kilala bilang mga Celt, o Galli, mula sa Gaul, na tinawag ng mga Griego na Ga·laʹtai (dito nanggaling ang pangalan ng rehiyong ito), ang lumipat sa kabilang ibayo ng Bosporus at namayan doon. Dinala nila ang kanilang mga asawa at mga anak at lumilitaw na umiwas silang makipag-asawa sa mga taong naroroon na, anupat sa ganitong paraan ay napanatili nila ang mga katangian ng kanilang lahi sa loob ng maraming siglo. Ang kanilang huling hari, si Amyntas, ay namatay noong 25 B.C.E., at noong panahon ng kaniyang paghahari bilang sunud-sunuran sa Imperyo ng Roma at pagkatapos nito pinalawak ang lugar na tinawag na Galacia upang sumaklaw sa mga bahagi ng Licaonia, Pisidia, Paphlagonia, Ponto, at Frigia. Ito ang pinalawak na Galacia na dinalaw ng apostol na si Pablo at ng iba pang mga Kristiyanong nag-eebanghelyo noong unang siglo C.E. at dito ay nakasumpong sila ng mga taong sabik na maorganisa sa mga kongregasyong Kristiyano.—Gaw 18:23; 1Co 16:1.
Kapuwa sina Pablo at Pedro ay sumulat ng mga liham sa mga kongregasyong Kristiyano na nasa probinsiya ng Galacia. (Gal 1:1, 2; 1Pe 1:1) Hindi binanggit kung ito rin ang mga kongregasyon na itinatag nina Pablo at Bernabe. Sa paghayong iyon sa Galacia, dinalaw nina Pablo at Bernabe ang mga lunsod ng Galacia gaya ng Antioquia ng Pisidia, Iconio, Listra, at Derbe (Gaw 13:14, 51; 14:1, 5, 6), at nang bumalik sila sa mga kapatid sa Antioquia ng Sirya, inilahad nila kung paanong sa mga ito at sa iba pang lugar ay ‘binuksan ng Diyos sa mga bansa ang pinto tungo sa pananampalataya.’ (Gaw 14:27)
-
-
Galacia, Liham sa mga Taga-Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 1
-
-
Kung Sino ang Sinulatan. Matagal nang pinagtatalunan kung aling mga kongregasyon ang pinatutungkulan ng pananalitang “mga kongregasyon ng Galacia.” (Gal 1:2) Bilang suporta sa pangangatuwiran na ang mga ito ay mga kongregasyon sa hilagaang bahagi ng probinsiya ng Galacia na di-binanggit ang mga pangalan, sinasabing ang mga taong nakatira sa lugar na ito ay mga etnikong taga-Galacia, samantalang ang mga nasa T naman ay hindi. Gayunman, sa kaniyang mga isinulat, kadalasang ibinibigay ni Pablo ang opisyal na pangalang Romano ng mga probinsiya, at noong panahon niya, bahagi ng probinsiya ng Galacia ang mga lunsod ng timugang Licaonia na Iconio, Listra, at Derbe at maging ang lunsod ng Antioquia sa Pisidia. Sa lahat ng mga lunsod na ito, nag-organisa si Pablo ng mga kongregasyong Kristiyano sa kaniyang unang paglalakbay ukol sa pag-eebanghelyo noong kasama niya si Bernabe. Ipinakikita ng paraan ng pagkakabanggit kay Bernabe sa liham, bilang isa na maliwanag na kilala niyaong mga sinusulatan ni Pablo, na ang pinatutungkulan nito ay ang mga kongregasyon sa mga lunsod ng Iconio, Listra, Derbe, at Antioquia ng Pisidia. (2:1, 9, 13) Walang pahiwatig sa ibang bahagi ng Kasulatan na kilala si Bernabe ng mga Kristiyano sa hilagaang bahagi ng Galacia o na naglakbay man lamang si Pablo sa teritoryong iyon.
Ang bulalas ni Pablo na, “O mga hangal na taga-Galacia,” ay hindi katibayan na ang nasa isip lamang niya ay isang etnikong grupo ng mga tao na pantanging nagmula sa angkang Galiko sa hilagaang bahagi ng Galacia. (Gal 3:1) Sa halip, sinasaway ni Pablo ang ilan na kabilang sa mga kongregasyon doon dahil sa pagpapahintulot na maimpluwensiyahan sila ng mga tagapagtaguyod ng Judaismo sa gitna nila, mga Judio na nagsisikap magtatag ng sarili nilang katuwiran sa pamamagitan ng kaayusang Mosaiko kahalili ng ‘katuwiran dahil sa pananampalataya’ na inilalaan ng bagong tipan. (2:15–3:14; 4:9, 10) Kung lahi ang pag-uusapan, “ang mga kongregasyon ng Galacia” (1:2) na sinulatan ni Pablo ay binubuo ng mga Judio at mga di-Judio, anupat ang huling nabanggit ay binubuo naman kapuwa ng mga tinuling proselita at mga di-tuling Gentil, at walang alinlangang ang ilan ay nagmula sa angkang Celtic. (Gaw 13:14, 43; 16:1; Gal 5:2) Sa kabuuan, tinukoy sila bilang mga Kristiyanong taga-Galacia sapagkat ang lugar na kanilang tinitirahan ay tinatawag na Galacia. Mababanaag sa buong liham na ang sinusulatan ni Pablo ay yaong mga kilalang-kilala niya sa timugang bahagi ng Romanong probinsiyang ito, hindi yaong ganap na mga estranghero sa hilagaang bahagi, na lumilitaw na hindi niya kailanman dinalaw.
-