-
EspirituKaunawaan sa Kasulatan, Tomo 1
-
-
Nag-uudyok na Hilig ng Kaisipan. Ang ruʹach at ang pneuʹma ay kapuwa ginagamit upang tumukoy sa puwersang nag-uudyok sa isang tao na magpakita ng partikular na saloobin, disposisyon, o emosyon o gumawa ng isang pagkilos o tumahak sa isang landasin. Bagaman ang puwersang ito sa loob ng isang tao ay di-nakikita, lumilikha ito ng nakikitang mga epekto. Ang ganitong paggamit sa mga terminong Hebreo at Griego na isinalin bilang “espiritu,” at pangunahin nang nauugnay sa hininga o sa hangin na gumagalaw, ay may ilang kahawig sa Tagalog. Halimbawa, maaaring tukuyin ang isang tao bilang ‘mahangin,’ o kaya naman ay ‘nagpapakita ng mahinahong espiritu.’ Bilang metapora ay baka sabihin natin na ‘nagbago ang hihip ng hangin.’ Sa mga ito, ang tinutukoy natin ay ang di-nakikitang aktibong puwersa na gumagana sa mga tao at nag-uudyok sa kanila na magsalita at kumilos sa isang partikular na paraan.
Sa kahawig na diwa, mababasa natin na naging sanhi ng “kapaitan ng espiritu” nina Isaac at Rebeka ang pag-aasawa ni Esau ng mga babaing Hiteo (Gen 26:34, 35) at na pinanaigan si Ahab ng kalungkutan ng espiritu, anupat nawalan siya ng ganang kumain. (1Ha 21:5) Dahil sa “espiritu ng paninibugho,” maaaring paghinalaan ng isang lalaki ang kaniyang asawa, at paratangan pa nga ito ng pangangalunya.—Bil 5:14, 30.
Ang saligang diwa ng isang puwersa na nag-uudyok at nagbibigay ng “sigla” sa mga kilos at pananalita ng isa ay makikita rin sa pagtukoy kay Josue bilang “isang lalaki na may espiritu” (Bil 27:18), at kay Caleb bilang nagpakita ng “ibang espiritu” kung ihahambing sa karamihan ng mga Israelita na nasiraan ng loob dahil sa masamang ulat ng sampung tiktik. (Bil 14:24) Si Elias ay isang tao na may matinding sigla at puwersa sa kaniyang masigasig na paglilingkod sa Diyos, at si Eliseo ay humingi ng dalawang bahagi ng espiritu ni Elias bilang kahalili nito. (2Ha 2:9, 15) Nagpakita rin si Juan na Tagapagbautismo ng sigla at sigasig na gaya ng ipinamalas ni Elias, at dahil dito ay nagkaroon ng malaking epekto ang gawain ni Juan sa kaniyang mga tagapakinig; kaya naman masasabing humayo siya “taglay ang espiritu at kapangyarihan ni Elias.” (Luc 1:17)
-
-
EspirituKaunawaan sa Kasulatan, Tomo 1
-
-
Maliwanag na dahil ang nagpapakilos na puwersa ay may malaking epekto sa pag-iisip, nagpaalaala si Pablo: “Magbago kayo sa puwersa na nagpapakilos [isang anyo ng pneuʹma] sa inyong pag-iisip, at magbihis ng bagong personalidad na nilalang ayon sa kalooban ng Diyos sa tunay na katuwiran at pagkamatapat.”—Efe 4:23, 24.
-