BALO, BABAING
Isang babae na namatayan ng asawa at hindi na nag-asawang muli. Napuputol sa pagkamatay ng asawang lalaki ang buklod ng pag-aasawa, anupat nagiging malaya ang babaing balo na mag-asawang muli kung iyon ang ipasiya niyang gawin. (Ru 1:8-13; Ro 7:2, 3; 1Co 7:8, 9) Sa ilalim ng kaayusan ng mga patriyarka, at nang maglaon sa ilalim ng Kautusang Mosaiko, kukunin ng kapatid na lalaki ng isang tao na namatay na walang anak ang balo ng kaniyang kapatid bilang kaniyang asawa upang magkaanak dito, na magpapanatili sa linya ng namatay na asawa nito.—Gen 38:8; Deu 25:5-10; Ru 4:3-10; tingnan ang PAG-AASAWA BILANG BAYAW.
Kapag namatay ang kanilang asawa, maaaring bumalik ang mga babaing balo sa bahay ng kanilang ama. (Gen 38:11) Sa Kautusan, may ganitong espesipikong probisyon para sa anak na babae ng isang saserdote kung ito ay mabalo o diborsiyuhin. Yamang ang saserdote ay tumatanggap ng mga ikapu bilang panustos para sa kaniyang sambahayan, maaaring makibahagi ang anak na babaing iyon sa probisyong ito. Tinitiyak nito na hindi siya sasapit sa karalitaan, at sa gayon ay maiiwasan ang posibilidad na madusta ang pagkasaserdote. (Lev 22:13) Para naman sa mga babaing balo na walang tinatanggap na gayong panustos o proteksiyon, may mga probisyon sa kautusan ng Diyos upang magkaroon sila ng karapatang maghimalay sa mga bukid, mga taniman ng olibo, at mga ubasan (Deu 24:19-21); upang makibahagi sila sa masaganang pagdiriwang ng mga kapistahan taun-taon (Deu 16:10-14); at, tuwing ikatlong taon, upang makabahagi sila sa mga ikapu na iniaabuloy ng bansa (Deu 14:28, 29; 26:12, 13).
Ang Pagkabahala ni Jehova at ni Kristo sa mga Babaing Balo. Tinukoy ni Jehova ang kaniyang sarili bilang ang Isa na “naglalapat ng hatol para sa batang lalaking walang ama at sa babaing balo.” (Deu 10:18) Mahihigpit na utos ang nasa Kautusan tungkol sa paglalapat ng lubusan at pantay na katarungan para sa mga babaing balo. (Exo 22:22-24; Deu 24:17) Isinusumpa ang mga bumabaluktot ng kahatulan sa mga babaing balo (Deu 27:19), at humihimok naman ng wastong pakikitungo sa mga babaing balo ang mga isinulat ng mga propeta.—Isa 1:17, 23; 10:1, 2; Jer 22:3; Eze 22:7; Zac 7:9, 10; Mal 3:5.
Ipinakita ni Jesus ang kaniyang pagkabahala sa kapakanan ng mga babaing balo sa Israel nang hatulan niya ang mga eskriba bilang “ang mga lumalamon sa mga bahay ng mga babaing balo.”—Mar 12:38-40; Luc 20:46, 47.
Tulong-Kristiyano sa mga Babaing Balo. Noong panahon ng kagipitan na bumangon sa kongregasyong Kristiyano di-kalaunan pagkatapos ng araw ng Pentecostes 33 C.E., ang mga babaing balo na nagsasalita ng Griego ay napapabayaan sa araw-araw na pamamahagi. Nang itawag-pansin ito sa mga apostol, itinuring nilang napakahalaga ng bagay na iyon anupat nag-atas sila ng “pitong lalaking may patotoo . . . puspos ng espiritu at karunungan” upang mangasiwa sa pantay-pantay na pamamahagi ng pagkain.—Gaw 6:1-6.
Sa 1 Timoteo 5:3-16, nagbigay ang apostol na si Pablo ng kumpletong mga tagubilin upang maibiging mapangalagaan ang mga babaing balo sa kongregasyong Kristiyano. Dapat alagaan ng kongregasyon ang naghihikahos na mga babaing balo. Ngunit kung may mga anak o mga apo ang babaing balo, sila ang dapat gumanap sa pananagutang maglaan ng kaniyang mga pangangailangan, o, gaya ng itinagubilin ni Pablo, “kung ang sinumang nananampalatayang babae ay may mga babaing balo [samakatuwid nga, mga babaing balo na kamag-anak niya], paginhawahin niya sila, at huwag pabigatan ang kongregasyon. Sa gayon ay mapagiginhawa nito yaong talagang mga balo [samakatuwid nga, aktuwal na naulila at walang tumutulong].” Ang babaing balo na inilalagay sa talaan para tumanggap ng materyal na tulong mula sa kongregasyon ay yaong “hindi bababà sa animnapung taóng gulang,” anupat may mabuting rekord ng moralidad, ng tapat at maibiging debosyon kay Jehova, at ng pagkamapagpatuloy at pag-ibig sa iba. Sa kabilang dako, inirekomenda ng apostol na ang mga nakababatang babaing balo ay mag-asawang muli, magsipag-anak, at mamahala ng isang sambahayan, nang sa gayon ay makaiwas ang mga ito sa silo dahil sa seksuwal na mga simbuyo at sa panganib na maging ‘walang pinagkakaabalahan, . . . mga tsismosa at mga mapanghimasok sa buhay-buhay ng ibang tao.’
Itinampok ng kapatid sa ina ni Jesus na si Santiago ang kahalagahan ng pag-aalaga sa mga ulila at mga babaing balo sa kanilang kapighatian nang banggitin niya ito kahanay ng pag-iingat sa sarili na walang batik mula sa sanlibutan bilang kahilingan sa pagsamba na malinis at walang dungis sa pangmalas ng Diyos.—San 1:27.
Kabilang sa mga babaing balo na may katangi-tanging pananampalataya ay si Tamar (Gen 38:6, 7), sina Noemi at Ruth (Ru 1:3-5), si Abigail (1Sa 25:37, 38, 42), ang babaing balo ng Zarepat (1Ha 17:8-24), at si Ana na propetisa (Luc 2:36, 37; ihambing ang paglalarawan ni Lucas kay Ana sa mga kuwalipikasyon ng isang karapat-dapat na babaing balo gaya ng binalangkas ni Pablo sa 1Ti 5:3-16). Gayundin, isang babaing balo na di-binanggit ang pangalan ang pinapurihan ni Jesus nang husto dahil iniabuloy nito sa templo ang lahat ng kaniyang taglay.—Mar 12:41-44.
Makasagisag na Paggamit. Sa makasagisag na paraan, ang mga lunsod, kapag iniwan at natiwangwang, ay inihahalintulad sa mga babaing balo. (Pan 1:1; ihambing ang Jer 51:5.) Tulad ng sinaunang Babilonya na lumalarawan sa kaniya, ipinaghahambog ng Babilonyang Dakila, “ang dakilang lunsod na may kaharian sa mga hari sa lupa,” na hindi siya kailanman magiging balo. Gayunpaman, kung paanong talagang naging “balo” ang sinaunang Babilonya, gayundin ang mangyayari sa makabagong Babilonyang Dakila.—Isa 47:8, 9; Apo 17:18; 18:7, 8.