Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • it-2 “Pagpapabaya”
  • Pagpapabaya

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Pagpapabaya
  • Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 2
  • Kaparehong Materyal
  • Tipan
    Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 2
  • Tagapamagitan
    Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 2
  • Mga Study Note sa 1 Timoteo—Kabanata 4
    Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan (Edisyon sa Pag-aaral)
  • Makikinabang Ka sa Bagong Tipan
    Mensahe ng Diyos sa Atin sa Pamamagitan ni Jeremias
Iba Pa
Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 2
it-2 “Pagpapabaya”

PAGPAPABAYA

Ang salitang ito ay nangangahulugan ng hindi pagbibigay-pansin; pagwawalang-bahala; hindi pag-aalaga o pag-aasikaso sa (isang tao o isang bagay); pagkabigong tumupad o magsagawa (ng mga utos, tungkulin, at iba pa). Ang salitang ito ay maaaring magpahiwatig na kinusa o sinadya ang gayong pagkabigo, o nakaligtaan lamang iyon dahil sa kawalan ng interes o hindi pagbibigay ng sapat na pansin.

Ang isa sa mga terminong Hebreo na may kahulugang “pagpapabaya” ay ang pandiwang pa·raʽʹ, na literal na nangangahulugang “ilugay.” (Bil 5:18) May diwa ito na “pabayaang hindi nakaayos” kung sa pisikal na hitsura (Lev 10:6), “hindi masupil” kung tungkol sa paggawi (Exo 32:25), at “pabayaan” o “iwasan” ang disiplina. (Kaw 13:18; 15:32; ihambing ang Exo 5:4, kung saan isinalin itong “pinatitigil.”) Ang isa pa ay ang salitang ʽa·zavʹ, na literal na nangangahulugang “pabayaan; talikdan.” (Deu 29:25; 1Ha 12:8) Kaayon nito, pinasigla ni Nehemias ang mga tunay na mananamba na huwag “pabayaan” ang bahay ng tunay na Diyos. (Ne 10:39; ihambing ang 13:11.) Ang isa pang terminong Hebreo na tumutukoy sa pagpapabaya ay literal na nangangahulugang “kaluwagan,” gaya ng sa isang maluwag na busog.​—Jer 48:10; ihambing ang Aw 78:57.

Ang salitang Griego na a·me·leʹo (mula sa a, “hindi,” at meʹlo, “pagmalasakitan”) ay mas malinaw na nagpapahiwatig ng kawalan ng pagkabahala o malasakit, kaysa ng di-sinasadyang pagkaligta o pagkabigong bigyang-pansin ang isang bagay. Matapos ilarawan ang matinding kaparusahan sa pagsuway sa Kautusang Mosaiko, sinabi ng apostol na si Pablo: “Paano tayo tatakas kung pinabayaan [sa Gr., a·me·leʹsan·tes, “hindi ikinabahala”] natin ang isang kaligtasan na gayon kadakila anupat pinasimulan itong salitain sa pamamagitan ng ating Panginoon . . . habang ang Diyos ay kasamang nagpapatotoo?” Dito ay ipinahihiwatig niya na hindi ito isang pagkaligta lamang, kundi isang kawalan ng pagkabahala, isang ‘pag-anod papalayo’ (tal 1), pagsuway sa salita ng Diyos na sinalita sa pamamagitan ng kaniyang bugtong na Anak.​—Heb 2:1-4, Int.

Isang anyo ng salitang Griegong ito ang ginamit ni Mateo noong ilahad niya ang ilustrasyon ni Jesus tungkol sa piging ng kasalan. Ang mga inanyayahan ng hari sa piging ng kasalan ng kaniyang anak ay hindi dumating. Bakit? Hindi dahil sa nakaligtaan nila iyon, kundi, “walang pagkabahala silang umalis, ang isa sa kaniyang sariling bukid, ang isa pa sa kaniyang pangangalakal.” Dahil sa kawalan nila ng pagkabahala, itinuring silang hindi karapat-dapat.​—Mat 22:5, 8.

Ang kabataang lalaki na si Timoteo ay binigyan ng mabigat na pananagutan bilang isang tagapangasiwa sa Efeso. Pinaalalahanan siya ni Pablo: “Huwag mong pababayaan [o, di-bigyan ng sapat na pansin] ang kaloob na nasa iyo na ibinigay sa iyo sa pamamagitan ng panghuhula at nang ipatong sa iyo ng lupon ng matatandang lalaki ang kanilang mga kamay.” Kinailangan ni Timoteo ang masikap na pagkilos upang hindi maging pabayâ. Kinailangan niyang magbuhos ng pansin sa kaniyang pagbabasa, wastong pagtuturo, paggawi, pagpapayo, at halimbawa, anupat nagpapakita ng pagkabahala sa pamamagitan ng pagbibigay ng palagian at di-nababahaging pansin sa mga ito. Kung hindi ay maaari siyang mabigo dahil sa pagpapabaya, dahil sa kawalan ng tunay na pagkabahala sa pabor ng Diyos na ipinagkaloob sa kaniya.​—1Ti 4:11-16, Int.

Sinipi ni Pablo ang mga salita ni Jehova may kinalaman sa Israel kung saan tinukoy Niya ang tipang Kautusan, na sinasabi, “ang tipan kong iyon ay sinira nila, bagaman ako ang nagmamay-ari sa kanila bilang asawa.” (Jer 31:32) Sa halip na “bagaman ako ang nagmamay-ari sa kanila bilang asawa,” ang Septuagint ay kababasahan: “at huminto ako sa pagkalinga sa kanila.” Walang alinlangang ipinaliliwanag nito kung bakit ang pagsipi sa Hebreo 8:9 ay kababasahan: “Sapagkat hindi sila nanatili sa aking tipan, kung kaya’t huminto ako sa pagkalinga [hindi nagpakita ng pagkabahala] sa kanila.” Tiyak na hindi naging pabayâ si Jehova sa diwa na hindi siya nakapagbigay-pansin sa kanila o nakaligtaan niya sila. Sa halip, nagpakita siya ng matinding pagkabahala sa kaniyang katipang bayan hanggang sa ipagwalang-bahala nila ang kaniyang salita at maghimagsik sila laban sa kaniya. Noong pagkakataon iyon lamang at salig sa bagay na iyon kung kaya siya ‘huminto sa pagkalinga [sa Gr., e·meʹle·sa] sa kanila.’

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share