Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • it-1 “Gapos, Buklod, Bigkis”
  • Gapos, Buklod, Bigkis

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Gapos, Buklod, Bigkis
  • Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 1
  • Kaparehong Materyal
  • Pangaw
    Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 2
  • Bilangguan
    Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 1
  • Tanikala
    Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 2
  • Ang Gapos ni Pablo Habang Nakabilanggo sa Bahay
    Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan (Edisyon sa Pag-aaral)
Iba Pa
Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 1
it-1 “Gapos, Buklod, Bigkis”

GAPOS, BUKLOD, BIGKIS

Ang salitang Ingles na “bond” ay maaaring tumukoy sa isang bagay na nakahahadlang o pumipigil sa kalayaan, gaya ng pangaw o tanikala, pampataw sa paa o sa kamay, at isinasalin ito bilang “gapos”; tumutukoy rin ito sa pagkakakulong (kapag nasa anyong pangmaramihan); isang pamigil na puwersa o impluwensiya; kapag tumutukoy sa isang sanhi ng pagkakaisa o isang nagbubuklod na tali, isinasalin naman ito bilang “buklod” o “bigkis.” Noong panahon ng Bibliya, iba’t ibang paraan ang ginamit na pamigil sa mga bilanggo, kabilang na rito ang mga pangaw, mga pangawan, mga pampataw, at mga posas, gayundin ang mga bahay-bilangguan.

Sa Kasulatan, ang salitang Hebreo na nechoʹsheth, kadalasang nangangahulugang “tanso,” ay malimit isalin bilang “mga pangaw na tanso,” sapagkat ang mga pangaw ay kadalasang yari sa tanso o bronse, bagaman gumagamit din noon ng kahoy at bakal. (2Sa 3:34; 2Ha 25:7) Sa Tocra, Libya, may natagpuang mga pangaw na bakal na kahawig na kahawig ng makikita sa mga relyebe sa mga palasyong Asiryano. Ang metal na mga argolya nito na may diyametrong 13 sentimetro (5 pulgada), na nagsisilbing posas sa bukung-bukong, ay pinagdurugtong ng isang lapád na bakal. Ang haba ng bakal ay 18 sentimetro (7 pulgada), anupat ang isang kinabitan nito ay makahahakbang lamang nang maliliit at mahihirapang lumakad. Ang salitang Griego para sa “pangaw” ay peʹde, nauugnay sa pous (paa).​—Luc 8:29.

Ang pandiwang Hebreo na ʼa·sarʹ, nangangahulugang “itali; igapos” (Huk 16:5; Eze 3:25; 2Ha 23:33), ay ugat ng tatlong iba pang salita na may kaugnayan sa pagkakagapos. Ang ʼe·surʹ ay tumutukoy sa “mga pangaw” (Huk 15:14), ang moh·se·rohthʹ ay sa “mga panggapos” (Aw 2:3), at ang ma·soʹreth naman ay sa isang “buklod” (Eze 20:37). Ang salitang Griego para sa gapos ay de·smosʹ (Luc 8:29), samantalang ang synʹde·smos naman ay tumutukoy sa “nagbubuklod na bigkis,” o “pambuklod na bigkis.”​—Efe 4:3, Int.

Ginamit din ang mga tanikala bilang panggapos sa mga bilanggo. Dalawang salitang Hebreo na tumutukoy sa isang tanikala (rethu·qahʹ at rat·tohqʹ) ang nanggaling sa salitang-ugat na ra·thaqʹ, nangangahulugang “igapos.” (Na 3:10) Haʹly·sis naman ang salitang Griego para sa isang tanikala.​—Mar 5:3, 4.

Maraming tapat na mga saksi bago ang panahong Kristiyano ang iginapos at ibinilanggo. (Heb 11:36) Ganito ang sinasabi tungkol sa anak ni Jacob na si Jose noong siya’y nasa Ehipto, “sinaktan nila ng mga pangaw ang kaniyang mga paa, sa mga bakal ay nalagay ang kaniyang kaluluwa.” (Aw 105:18) Gumamit si Delaila ng pitong sariwang litid at, nang maglaon, ng mga bagong lubid bilang mga panggapos upang mabihag si Samson at maibigay ito sa mga Filisteo, ngunit madaling nasira ni Samson ang mga ito. Nang dakong huli, nang mawala na ang kaniyang lakas at mabihag siya, iginapos siya sa pamamagitan ng dalawang pangaw na tanso. (Huk 16:6-12, 21) Si Jeremias naman ay inilagay ni Pasur, komisyonado ng templo, sa mga pangawan, at ibinilanggo siya ng mga prinsipe ng Juda sa “bahay-pangawan.”​—Jer 20:2, 3; 37:15.

Dahil sa kawalang-katapatan niya, pinahintulutan ni Jehova si Haring Manases ng Juda na mailagay ng hari ng Asirya sa mga pangaw na tanso. Dinalang bihag ni Haring Nabucodonosor si Haring Zedekias sa Babilonya, samantalang nakagapos ito ng mga pangaw na tanso. (2Ha 25:7; 2Cr 33:11; Jer 39:7; 52:11) Pinalaya si Jeremias, at ang kaniyang mga posas ay inalis ng punong tagapagbantay ni Nabucodonosor na si Nebuzaradan.​—Jer 40:1, 4.

Si Jesus ay iginapos ng mga lalaking dumakip sa kaniya sa hardin ng Getsemani at dinala nila siya kay Anas at nakagapos pa rin siyang ipinadala kay Caifas. Matapos siyang litisin sa harap ng Sanedrin, iginapos siya dahil sa utos nila at dinala kay Pilato. (Ju 18:12, 13, 24, 28; Mar 15:1) Bago nakumberte si Saul sa Kristiyanismo at naging ang apostol na si Pablo, tinugis niya ang mga Kristiyano upang dalhin silang nakagapos sa mataas na hukumang Judio. (Gaw 9:2, 21) Ipinagapos ni Herodes si Pedro ng mga tanikala sa pagitan ng dalawang kawal, ayon sa kaugaliang Romano.​—Gaw 12:6, 7.

Noong kaniyang unang pagkakabilanggo sa Roma, binanggit ni Pablo sa ilan sa kaniyang mga liham na isinulat mula roon na siya’y nasa mga gapos ng bilangguan, at tinukoy niya ang kaniyang sarili bilang “isang embahador na nakatanikala.” (Efe 6:20; Fil 1:7, 13-17; Col 4:18; Flm 10, 13) Gayunman, ayon sa paglalarawan ng kaniyang situwasyon sa Gawa 28:16-31, pinahintulutan pa rin siyang makakilos nang malaya, anupat dahil dito ay nakapagsulat siya at nakatanggap ng mga panauhin at nakapangaral sa kanila. Pinalaya si Pablo ngunit nang maglaon ay muli siyang inaresto. Noong panahon ng ikalawang pagkakabilanggo niya sa Roma, na natapos noong patayin siya, si Pablo ay muling iginapos ng mga tanikala.​—Flm 22; 2Ti 1:16; 2:9; 4:6-8.

Metaporiko at Makasagisag na mga Paggamit. Sa Kasulatan, ang mga pananalitang “mga gapos” at “mga tanikala” ay kadalasang ginagamit bilang metapora para sa pagkabilanggo o sa isang uri ng pagkakakulong. May kaugnayan sa pagkatapon sa Babilonya, ang Sion ay makahulang tinutukoy bilang nakagapos o may mga panali sa kaniyang leeg. (Isa 52:2) Bagaman maraming tapon ang nagkaroon ng sarili nilang bahay at ng malaking kalayaan, hindi sila malayang bumalik sa Sion, o Jerusalem.​—Jer 29:4, 5.

Ikinulong ng Diyos ang masuwaying mga anghel sa “mga gapos na walang hanggan sa ilalim ng pusikit na kadiliman.” (Jud 6) Sinasabi rin na ibinulid sila sa “mga hukay ng pusikit na kadiliman.” (2Pe 2:4) Ipinakikita ng maka-Kasulatang katibayan na may kalayaan pa rin silang kumilos, yamang nagawa nilang alihan ang ilang tao at nakapupunta pa nga sila sa langit hanggang noong palayasin sila ni Miguel at ng kaniyang mga anghel at ihagis sila sa lupa. (Mar 1:32; Apo 12:7-9) Si Satanas na Diyablo naman ay igagapos ng anghel na may susi ng kalaliman sa pamamagitan ng isang malaking tanikala at ihahagis siya nito sa kalaliman sa loob ng isang libong taon, pagkatapos nito ay pakakawalan siya nang kaunting panahon. (Apo 20:1-3) Yamang ang mga anghel ay hindi mga nilalang na laman at dugo, walang alinlangan na ang tanikalang ito ay tumutukoy sa isang puwersang pamigil na tungkol dito ay wala tayong kabatiran.

Tinukoy ni Jesus ang babaing pinagaling niya, na hukot na hukot sa loob ng 18 taon dahil sa isang espiritu ng panghihina, bilang iginapos ni Satanas. (Luc 13:11, 16) Tinawag ni Pedro si Simon na “isang gapos ng kalikuan” nang tangkain nitong bilhin ang kaloob ng banal na espiritu.​—Gaw 8:23.

Ang mga kamay ng isang babaing imoral ay inihahalintulad sa mga pangaw, at ang lalaking sumusunod sa kaniya ay gaya ng isa na “kinabitan ng pangaw na pandisiplina sa taong mangmang.”​—Ec 7:26; Kaw 7:22.

Sa kaayaayang diwa, binanggit ni Ezekiel ang “buklod ng tipan” dahil sa mga obligasyong kalakip ng isang tipan. (Eze 20:37) Yaong mga nasa tipan sa pag-aasawa ay minamalas na “nakatali” rito. (Ro 7:2; 1Co 7:27, 39) Tinutukoy naman ang pag-ibig bilang “isang sakdal na bigkis ng pagkakaisa.”​—Col 3:14.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share