ETBAAL
[Kasama ni Baal].
Hari ng mga Sidonio, ang ama ni Jezebel na asawa ni Haring Ahab. (1Ha 16:31) Nang ibigay ang kaniyang anak na babae upang mapangasawa ni Ahab, pumasok si Etbaal sa isang pulitikal na pakikipag-alyansa rito. Sa pagsipi ni Josephus sa istoryador na si Menander, maliwanag na si Etbaal ang Itobal na binanggit na isang saserdote ng diyosang si Astarte (Astoret). Nakuha ng saserdoteng ito ang pagkahari sa pamamagitan ng pagpaslang kay Phelles, isang inapo ni Hiram na hari ng Tiro na sa kaniya nakipag-ugnayan si Solomon may kinalaman sa pagtatayo ng templo. Si Etbaal ay sinasabing namahala sa loob ng 32 sa 48 taon ng kaniyang buhay. (Against Apion, I, 123 [18]) Ang isang pahiwatig ng pagsulong sa komersiyo na isinagawa noong panahon ng kaniyang paghahari ay ang pagtukoy ni Menander sa pagtatayo ni Etbaal ng Auza sa Libya. Binanggit din ni Menander na nagkaroon ng isang-taóng tagtuyot noong panahon ng paghahari ni Etbaal.—Jewish Antiquities, VIII, 324 (xiii, 2).