Ang Pangmalas ng Bibliya
Ano Bang Talaga ang Sinasabi ng Genesis?
ANG “mga Scientific Creationist” ay nagsasabi na sang-ayon sa aklat ng Bibliya na Genesis, ang sansinukob ay nilikha ng Diyos wala pang sampung libong taon ang nakalipas. Sinasabi din nila na ang lupa at ang mga anyo ng buhay nito ay nilikha sa loob ng anim na literal na 24-oras na mga araw.
Sa kabilang dako naman, itinuturing ng ebolusyonaryong kaisipan ang Genesis na isang alamat. Itinuturo nito na ang sansinukob at ang lupa, taglay ang lahat ng nabubuhay na bagay nito, ay produkto ng di-sinasadyang pamamaraan ng ebolusyon na sumusukat ng bilyun-bilyong taon.
Gayunman, marami ang asiwa sa dalawang teoriyang ito. Ang mga bahagi ng teoriya ng scientific-creationist ay para bang salungat sa sentido komon at salungat din sa ebidensiya na nakikita natin mismo sa lahat ng kalikasan. Gayunman, ang ideya na ang buhay sa lahat ng kamangha-manghang kasalimuotan nito ay produkto lamang ng isang bulag na ebolusyonaryong puwersa ay waring mahirap tanggapin ng marami. Ang dalawang opinyon bang ito, kung gayon, ang tanging mapagpipilian?
Hindi. Mayroong ikatlong opinyon. Ito mismo ang talagang sinasabi ng aklat ng Bibliya na Genesis. Isaalang-alang natin ang ikatlong mapagpipiliang ito.
Ang Paliwanag ng Genesis
Ang panimulang pananalita ng Genesis ay nagsasabi sa atin: “Nang pasimula ay nilikha ng Diyos ang langit at ang lupa.” (Genesis 1:1) Ang mga salita bang ito na sinasabi ng Genesis ay nangyari mga sampung libong taon lamang ang nakalipas? Hindi, hindi nito binabanggit ang yugto ng panahon. “Ang pasimula” kung gayon ay maaaring bilyun-bilyong taóng nakalipas.
Gayunman, mula sa “pasimula,” inilalagay ng Bibliya ang isang matalinong persona, ang Maylikha, na namamahala sa gawang paglalang. Bagaman maraming siyentipiko ang asiwa sa ideyang ito, ito ay kasuwato ng mga konklusyon ng mga astronomo na ang sansinukob ay mayroong pasimula, na ito ay napakaayos, at na ito ay pinamamahalaan ng tiyak na mga batas. Ang isang maayos na kaayusang batay sa batas ay maaari lamang magmula sa isang matalinong kaisipan. Bagaman ipinaliwanag sa atin ng siyensiya ang marami sa mga batas na ito, ang Genesis lamang ang nagpapakilala sa atin sa Tagapagbigay ng batas.
Pagkatapos ang ulat ng Genesis ay nagpapatuloy sa pagbalangkas sa kilalang anim na “mga araw” ng paglalang. Ang mga araw na ito, gayunman, ay hindi siyang panahon nang lalangin ang materyal ng lupa at ng sansinukob. Iyan ay nangyari na “nang pasimula.” Sa halip, ang anim na araw ng paglalang ay ang mga yugto ng panahon kung kailan ang kauna-unahang, hindi mapagpatuloy na lupa ay unti-unting ginagawang angkop para pamuhayan.
Ang bawat isa ba sa anim na araw na iyon ay literal na 24-oras na araw? Hindi iyan ang sinasabi ng Genesis. Ang salitang “araw” sa wikang Hebreo (ang wikang ginamit sa pagsulat sa Genesis) ay maaaring mangahulugan ng mahahabang yugto ng panahon, libu-libong taon pa nga. (Ihambing ang Awit 90:4; Genesis 2:4.) Halimbawa, “ang ikapitong araw” na kinabubuhayan natin ngayon ay libu-libong taon ang haba. (Genesis 2:2, 3) Kaya, ipinakikita ng katibayan na ang buong yugto ng anim na araw ay dapat malasin na sampu-sampung libong taon ang haba.
“Ayon sa Kani-kaniyang Uri”
Ang ayos ng anim na panahon ng paglalang ay nagpapakita ng isang pagkakasunud-sunod na hanay ng tubig, lupa, liwanag, atmospera, mga halaman, isda, ibon, hayop, at sa wakas ang mga tao. (Genesis 1:3-27) Ang pagkakasunud-sunod na ito ay karaniwang kasuwato ng kaayusang natuklasan ng mga siyentipiko.
Subalit isang kapuna-punang pangungusap ang paulit-ulit na lumilitaw sa ulat ng Genesis kabanatang 1. Halimbawa, tungkol sa ikalimang araw ng paglalang, ang Genesis 1:21 ay nagsasabi sa atin: “At nilikha ng Diyos ang malalaking hayop sa dagat at ang bawat nabubuhay na kaluluwa na gumagalaw, na ibinukal na sagana ng tubig ayon sa kani-kaniyang uri.” Tungkol sa ikaanim na araw, ang Ge 1 talatang 24 ay kababasahan ng: “Bukalan ang lupa ng nabubuhay na kaluluwa ayon sa kani-kaniyang uri, maaamong hayop at mga hayop na umuusad at mga ganid sa lupa ayon sa kani-kaniyang uri.”
Samakatuwid, ang mga uri ng hayop ang nilikha, hindi ang bawat indibiduwal na hayop. Subalit ang sarisaring “uri” ay nilikha nang hiwalay at hindi nagmula sa isa’t isa. Sa loob ng bawat “uri,” maraming pagkasarisari, gaya ng makikita natin sa “uri” ng mga pusa o sa “uri” ng mga aso o sa “uri” ng tao. Subalit ang genetikong mga salik na inilagay roon ng Maylikha ay laging magpapanatili sa “mga uring” ito na hiwalay sa isa’t isa. Iyan ang dahilan kung bakit ang isang pusa at ang isang aso ay hindi maaaring mag-asawa at magsimula ng ibang anyo ng buhay.
Oo, sinasalungat nito ang teoriya ng ebolusyon. Subalit hindi nito sinasalungat ang anumang nakikitang katotohanan. Bagaman ang mga hayop ay gumagawa ng maraming pagkakasarisari sa loob ng kani-kaniyang “uri,” walang sinuman ang nakapagpatunay na ang isang “uri” ng hayop ay nakagawa o lumitaw sa ibang “uri.”
Subalit kumusta naman ang pagkakahawig sa kayarian na umiiral sa pagitan ng ilang uri ng mga hayop? Ito’y madaling maunawaan kung isaalang-alang natin na ang lahat ng mga ito ay produkto na lahat ng isang Maylikha at na sila ay idinisenyo mula sa iisang materyales sa lupa upang mabuhay sa iisang kapaligiran.
Isa pa, ang Genesis ay nagbibigay ng kasagutan sa problema na hindi malutas ng mga siyentipiko: Saan nagmula ang buhay? Sinisikap sagutin ng mga siyentipiko ang tanong na ito sa pamamagitan ng sarisaring teoriya, subalit sa katotohanan ay hindi nila masagot. At ang malinaw na katotohanan na paulit-ulit na napatunayan sa siyentipikong mga laboratoryo ay na ang buhay ay maaari lamang manggaling sa umiiral nang buhay, at mula sa iisang “uri” ng buhay.
Sinasabi rin sa atin ng Genesis na ang buhay ay mas matanda kaysa sansinukob at na ang lahat ng iba pang buhay sa langit at sa lupa ay nagmula sa orihinal na Bukal ng buhay, ang makapangyarihan-sa-lahat na Maylikha, na nagsasabing ang kaniyang pangalan ay Jehova. Ang siyensiya ay hindi makapagbibigay ng mas mabuting paliwanag, isa na kasuwato ng lahat ng siyentipikong katotohanan na nakikita natin.—Awit 36:9; 83:18; Isaias 42:8; Apocalipsis 4:11.
Ang Pasimula ng Tao
Ang panghuling gawa ng paglalang sa lupa, ayon sa Genesis, ay ang tao mismo: “At nagpatuloy ang Diyos na Jehova na anyuan ang tao mula sa alabok ng lupa at hingahan ang kaniyang mga butas ng ilong ng hininga ng buhay, at ang tao ay naging isang kaluluwang buháy.” (Genesis 2:7) Ipinalalagay rin ng mga siyentipiko na ang tao ay nahuling dumating kung ihahambing sa iba pang anyo ng buhay.
Gayunman, sinasalungat ng kasulatang ito ang paniniwala ng karamihan ng mga scientific creationist na ang tao ay nagtataglay ng isang walang-kamatayang kaluluwa na hiwalay at naiiba sa katawan nito. Ang kaluluwang ito ay sinasabing humihiwalay sa katawan pagkamatay. Gayunman, ipinakikita ng Genesis, gayundin ng marami pang ibang bahagi ng Kasulatan, na ang tao ay hindi nagtataglay ng isang kaluluwa na para bang isang imateryal na bagay na nasa loob niya. Bagkus, siya ay isang kaluluwa. Sa kamatayan ang tao ay nauuwi sa hindi pag-iral, naghihintay ng isang pagkabuhay-muli. (Eclesiastes 9:5, 10; Juan 5:28, 29; Gawa 24:15; Apocalipsis 20:12, 13) Inihahalintulad ng Bibliya ang kamatayan sa pagkatulog kung saan ang isa ay maaaring gisingin sa pagkabuhay-muli.—Juan 11:11, 43, 44.
Sinasalungat din ng pangungusap sa Genesis 2:7 ang teoriya ng ebolusyon sa isa pang paraan. Maliwanag na ipinakikita nito na ang tao ay tuwirang nilalang ng Diyos at na siya ay hindi nanggaling sa mga hayop.
Kapani-paniwala ba ang mga pangungusap sa Genesis? Bueno, ang siyensiya ay hindi nakagawa ng anumang patotoo na ang tao ay nanggaling sa mga hayop. Walang patotoo na ang tulad-bakulaw na fossils na nahukay sa Aprika at sa iba pang dako ay sa anumang paraan ang mga ninuno ng tao. Oo, kung sila ay nabubuhay ngayon, malamang na ang mga ito ay ilagay sa mga zoo na kasama ng iba pang nilikhang tulad-bakulaw. Ang anumang fossils na kahawig na kahawig ng kayarian at laki ng buto ng tao ay malamang na isa lamang sangay ng pamilya ng tao.
At, ang kaugnayan ng tao sa “alabok ng lupa,” gaya ng pagkakasabi rito ng Genesis, ay hindi matututulan. Lahat ng kemikal na bumubuo sa katawan ng tao ay masusumpungan sa “alabok ng lupa.” Sa katunayan, ang tao ay umaasa sa “alabok” na ito para sa kaniyang patuloy na pag-iral. Sinusustini at pinalalakas niyang muli ang kaniyang katawan ng pagkain na yari sa mga nutriyente na pawang masusumpungan sa “alabok ng lupa,” prinoseso sa pamamagitan ng mga halaman at mga hayop na kinakain niya.
Mabangis—O Anak ng Diyos?
Ang isa pang paglalarawan ng paglalang sa tao ay masusumpungan sa Genesis 1:26. Doon sinasabi ng Diyos: “Gawin natin ang tao sa ating larawan, ayon sa ating wangis, at magkaroon sila ng kapangyarihan sa mga isda sa dagat at sa mga ibon sa himpapawid at sa maaamong hayop at sa buong lupa at sa bawat hayop na gumagalaw sa ibabaw ng lupa.” (Genesis 1:26) Yamang sinasabi sa atin ng Bibliya na ang Diyos ay isang espiritu, ang pariralang “sa ating larawan” ay dapat unawain na nangangahulugan na pagtataglay ng mga katangian ng Diyos.
Ipinaliliwanag ng pangungusap na ito, sa isang paraan na hindi maaaring ipaliwanag ng ebolusyon, kung bakit ang tao ay lubhang kakaiba sa mga hayop. Ang tao lamang ang makasusupil sa mga hayop at sa pananim na nasa paligid niya. Ang tao lamang ang may sentido moral at budhi. Ang tao lamang ang mayroong malawak na kalayaang pumili at gayon kahusay na talino. Ang tao lamang ang may kakayahang mag-isip tungkol sa pag-iral ng Diyos at may kaloob na wika na magagamit niya upang makipag-usap sa Kaniya. Ang Journal of Semitic Studies ay nagsasabi: “Ang wika ng tao ay isang sekreto; ito ay kaloob ng Diyos.”
Inilalarawan ng mga ebolusyonista ang pinakamaagang mga tao na mabangis at mabagsik. Walang alinlangan, ang gayong kabagsikan ay ginawa ng ilang mas naunang membro ng lahi ng tao. Subalit ang modernong tao ay mabagsik din, gaya ng pinatutunayan ng isang daang milyong pinatay sa mga digmaan ng siglong ito. Hanggang sa ngayon, siya ay kumikilos nang may kabagsikan! Gayumpaman, ipinakikita ng Bibliya na ang moral at intelektuwal na potensiyal ng sinaunang tao ay hindi nakabababa sa modernong tao. (Ihambing ang Genesis 4:20-22; 5:22; 6:9.) Hindi nito sinasalungat ang nakikitang mga katotohanan. Kunin halimbawa, ang mga ipininta ng tinatawag na sinaunang mga tao na nasumpungan sa mga dingding sa Lascaux Cave sa Pransiya. Ang madamdamin at artistikong kakayahan na ipinakita ng mga ipinintang iyon ay pumupukaw ng labis na paghanga kahit na ngayon.
Tunay na Kahulugan ng Genesis
Sa gayon, ang unang mga kabanata ng Genesis 1-3 ay nagbibigay ng pagsulyap sa pasimula ng mga bagay. Gayunman, ang Genesis ay hindi isang detalyadong siyentipikong aklat-aralin, ni ito man ay nilayon na maging gayon. Ang impormasyon na nilalaman nito ay may mas malalim na layunin.
Halimbawa, ipinakikita nito na ang kaligayahan ng tao ay depende sa kaniyang patuloy na pakikipagtulungan sa mga layunin ng kaniyang Maylikha. Subalit nang hindi kilalanin ng tao ang pananagutang ito at naghimagsik laban sa mga kaayusan ng Diyos, naiwala niya ang kaniyang dating kaligayahan at mabilis siyang nagtungo sa kasalanan at kamatayan at sa kabagsikan na nakikita pa rin natin.—Genesis 3:1-18; Deuteronomio 32:4, 5.
Gayunman, ipinakikita ng unang mga kabanata ng Genesis 1-3 na karaka-raka pagkatapos ng paghihimagsik ng tao, kinuha ng Diyos ang unang hakbang sa kaniyang pangmatagalang-panahong layunin na isauli ang sangkatauhan sa orihinal na kaligayahan nito. Darating ang isang “binhi” upang hadlangan ang masamang mga epekto ng kasalanan ng tao. (Genesis 3:15) Kung sino ang Binhing iyon ay magiging isang litaw na tema ng karamihang bahagi ng Bibliya. At pagkatapos na itala na ang Binhi ay darating sa wakas sa katauhan ng Mesiyas, si Jesus, patuloy na inilalarawan ng Bibliya kung paanong babaligtarin sa wakas ng mga kaayusang ginawa ng Diyos, na nakasentro kay Jesus, ang kalunus-lunos na landasin na tinahak ng tao. Inilalarawan din nito kung paanong ang buong lupa ay gagawing isang paraiso na titirahan ng sakdal na mga tao, isang paraiso kung saan ang digmaan, karahasan, krimen, kalungkutan, at pati na ang sakit at kamatayan ay hindi na muling sasalot pa sa pamilya ng tao.—Awit 46:9; Apocalipsis 21:4, 5.
Oo, ang Genesis ay marami pang sinasabi bukod sa kuwento ng paglalang. Inihahanda nito ang entablado para sa lahat ng kasaysayan ng tao—ang nakaraan, kasalukuyan, at ang hinaharap. Ang karamihan ng kasaysayan, at ang buhay mismo, ay hindi mauunawaan kung aalisin natin ang mahalagang unang mga hakbang na iyon. Oo, isinasapanganib natin ang ating kinabukasan kung wawaling-bahala natin kung ano talaga ang sinasabi ng Genesis.—1 Juan 2:15-17.
[Blurb sa pahina 24]
Ang ulat ng Genesis tungkol sa paglalang ay hindi sumasalungat sa nakikitang katotohanan
[Blurb sa pahina 25]
Pinatutunayan ng mga katotohanan ang ulat ng Genesis na ang nabubuhay na mga bagay ay nilalang “ayon sa kani-kaniyang uri”
[Blurb sa pahina 27]
Ipinakikita ng Bibliya na ang buong lupa ay gagawing isang paraiso
[Larawan sa pahina 26]
Kung wala ang ulat ng Bibliya, hindi natin maipaliliwanag ang kasaysayan ng tao o ang layunin ng buhay