Ang Kahanga-hangang Kaloob na Kalayaang Magpasiya
PINAHAHALAGAHAN mo ba ang pagkakaroon ng kalayaang pumili kung paano mo aayusin ang iyong buhay, kung ano ang gagawin at sasabihin mo? O nais mo bang may nagdidikta sa iyo sa kung ano ang dapat mong sabihin at gawin, sa bawat minuto araw-araw, habang ikaw ay nabubuhay?
Walang normal na tao ang nagnanais na ang kaniyang buhay ay kunin sa kaniyang mga kamay at lubusang kontrolin ng iba. Ang pamumuhay nang gayon ay mapaniil at nakasisira ng loob. Nais natin ng kalayaan.
Ngunit bakit ba tayo may gayong pagnanais sa kalayaan? Ang pagkaunawa sa kung bakit pinahahalagahan natin ang ating kalayaang pumili ay isang susi upang maunawaan natin kung paano nagsimula ang kabalakyutan at ang paghihirap. Tutulungan din tayo nito na maunawaan kung bakit naghintay ang Diyos hanggang ngayon bago kumilos upang wakasan ang kabalakyutan at paghihirap.
Kung Paano Tayo Ginawa
Nang lalangin ng Diyos ang mga tao, kabilang sa maraming kahanga-hangang mga kaloob na ibinigay niya sa kanila ay ang kalayaang magpasiya. Sinasabi sa atin ng Bibliya na nilikha ng Diyos ang tao sa kaniyang ‘larawan at wangis,’ at isa sa mga katangian ng Diyos ay ang kalayaang magpasiya. (Genesis 1:26; Deuteronomio 7:6) Kaya, nang lalangin niya ang mga tao, binigyan niya sila ng kamangha-manghang katangian ding iyon—ang kaloob ng kalayaang magpasiya.
Iyan ang dahilan kung bakit pinipili natin ang kalayaan kaysa pagpapaalipin sa mapaniil na mga pinuno. Ito ang dahilan kung bakit ang galit ay tumitindi laban sa malupit at nakaiinis na pamumuno anupa’t ang mga tao ay kadalasang naghihimagsik upang makamit ang kalayaan.
Ang pagnanais ng kalayaan ay hindi nagkataon lamang. Ang Bibliya ay nagbibigay sa atin ng saligang dahilan. Sabi nito: “Kung saan naroroon ang espiritu ni Jehova, doon ay may kalayaan.” (2 Corinto 3:17) Kaya ang pagnanais ng kalayaan ay bahagi ng ating kalikasan sapagkat gayon ang pagkakalalang sa atin ng Diyos. Ito’y isang bagay na nais niyang taglayin natin sapagkat siya mismo ang Diyos ng kalayaan.—2 Corinto 3:17.
Binigyan din tayo ng Diyos ng mga kakayahang pangkaisipan, gaya ng kakayahang mag-isip, mangatuwiran, at humatol, na kasuwato ng kalayaang magpasiya. Ito ay nagpapangyari sa atin na mag-isip, timbangin ang mga bagay, magpasiya, at kilalanin ang tama sa mali. (Hebreo 5:14) Hindi tayo ginawa upang maging gaya ng walang-isip na mga robot na walang sariling pagpapasiya; ni nilikha man tayo upang pangunahin nang kumilos ayon sa katutubong ugali, gaya ng mga hayop.
Kasama ng kalayaang magpasiya, ang ating unang mga magulang ay binigyan ng lahat ng bagay na makatuwirang nanaisin ng sinuman: Sila’y inilagay sa isang tulad-parkeng paraiso; sagana sila sa materyal; mayroon silang sakdal na mga isipan at katawan na hindi tatanda o magkakasakit at mamamatay; magkakaroon sila ng mga anak na magkakaroon din ng isang maligayang hinaharap; at ang dumaraming populasyon ay magkakaroon ng kasiya-siyang trabaho na gawin ang buong lupa na isang paraiso.—Genesis 1:26-30; 2:15.
Tungkol sa ginawa ng Diyos, ang Bibliya ay nagsasabi: “At nakita ng Diyos ang lahat ng kaniyang nilikha at, narito! ito’y napakabuti.” (Genesis 1:31) Sinasabi rin ng Bibliya tungkol sa Maylikha: “Sakdal ang kaniyang mga gawa.” (Deuteronomio 32:4) Oo, binigyan niya ang sambahayan ng tao ng isang sakdal na pasimula. Wala nang bubuti pa.
Kalayaang May mga Hangganan
Gayunman, ang kahanga-hangang kaloob ba ng kalayaang magpasiya ay walang mga hangganan? Bueno, nanaisin mo bang magmaneho ng isang kotse sa isang matrapik na lugar kung walang mga batas trapiko, kung saan ikaw ay malayang magmaneho sa alinmang linya, sa anumang direksiyon, sa anumang bilis? Mangyari pa, ang mga bunga ng gayong walang-takdang kalayaan sa trapiko ay magiging malaking sakuna.
Gayundin kung tungkol sa mga kaugnayan ng tao. Ang walang-takdang kalayaan para sa ilan ay mangangahulugan ng walang kalayaan para sa iba. Ang walang takdang kalayaan ay maaaring magbunga ng anarkiya, na pumipinsala sa kalayaan ng lahat. Kailangang may mga hangganan. Samakatuwid, ang kaloob ng Diyos na kalayaan ay hindi nangangahulugan na nilayon niyang ang mga tao’y kumilos sa anumang paraan nang hindi isinasaalang-alang ang kapakanan ng iba.
Ganito ang sabi ng Salita ng Diyos tungkol sa puntong ito: “Kumilos kayo na gaya ng mga taong laya, at huwag ninyong gamitin ang inyong kalayaan na isang dahilan para sa kabalakyutan.” (1 Pedro 2:16, The Jerusalem Bible) Sa gayon nais ng Diyos na ang ating kalayaang magpasiya ay pangasiwaan para sa kabutihan ng lahat. Hindi niya nilayon na ang mga tao ay magkaroon ng ganap na kalayaan, kundi ng relatibong kalayaan, na napasasakop sa tuntunin ng batas.
Kaninong mga Batas?
Kaninong mga batas ang idinisenyong sundin natin? Kaninong mga batas ang pinakamabuti para sa atin? Ang isa pang bahagi ng kasulatan sa 1 Pedro 2:16 na binanggit kanina ay nagsasabi: “Kayo’y hindi alipin ng sinuman kundi ng Diyos.” Ito’y hindi nangangahulugan ng isang mapaniil na pagkaalipin kundi, bagkus, tayo ay nilalang upang pasakop sa mga batas ng Diyos. Tayo’y mas maligaya kung tayo’y mananatiling napasasakop sa mga ito.
Ang mga batas ng Diyos, higit kaysa anumang kodigo ng mga batas na maaaring ginawa ng mga tao, ay nagbibigay ng pinakamagaling na patnubay sa lahat. Gaya ng binabanggit ng Isaias 48:17: “Ako, si Jehova, ang iyong Diyos, ang Isang nagtuturo sa iyo ng mapapakinabangan, ang Isa na pumapatnubay sa iyo sa daan na dapat mong lakaran.” Gayunman, kasabay nito, ang mga batas ng Diyos ay nagpapahintulot ng malawak na kalayaan sa loob ng mga hangganan nito. Ito’y nagpapahintulot ng maraming personal na pagpili at pagkasarisari, ginagawa ang sambahayan ng tao na mas kawili-wili, oo, kahali-halina.
Ang mga tao ay sakop din ng pisikal na mga batas ng Diyos. Halimbawa, kung wawaling-bahala natin ang batas tungkol sa grabidad at tatalon tayo sa mataas na dako, tayo’y mapipinsala o mamamatay. Kung tayo’y mananatili sa ilalim ng tubig nang walang pantanging mga kagamitan sa paghinga, tayo’y mamamatay sa loob ng ilang minuto. At kung wawaling-bahala natin ang ating panloob na mga batas para sa katawan at hihinto tayo ng pagkain o pag-inom ng tubig, mamamatay rin tayo.
Kaya nga, ang ating unang mga magulang, at lahat ng nanggaling sa kanila, ay nilalang taglay ang pangangailangang sumunod sa moral at sosyal na mga batas ng Diyos gayundin sa kaniyang pisikal na mga batas. At ang pagsunod sa mga batas ng Diyos ay hindi mabigat. Sa halip, ito’y kikilos para sa kanilang kapakanan at sa darating na buong sambahayan ng tao. Kung ang ating unang mga magulang ay nanatili sa loob ng mga hangganan ng mga batas ng Diyos, maayos sana ang lahat.
Ano ang nangyari upang masira ang mahusay na pasimula? Sa halip, bakit naging palasak ang kabalakyutan at paghihirap? Bakit pinayagan ito ng Diyos sa loob ng mahabang panahon?
[Larawan sa pahina 7]
Ang kahanga-hangang kaloob na kalayaang magpasiya ay gumagawa sa atin na kakaiba sa walang-isip na mga robot at sa mga hayop na pangunahing kumikilos ayon sa katutubong ugali