Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w88 5/15 p. 21-23
  • May Nakakita Na Ba sa Diyos?

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • May Nakakita Na Ba sa Diyos?
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1988
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Ang Sinabi ni Jesus
  • Kung Paano Nakita ni Moises ang Diyos
  • Mga Kinatawang Anghel
  • “Walang Tao na Nakakita sa Diyos”
  • May Nakakita Na ba sa Diyos?
    Sagot sa mga Tanong sa Bibliya
  • Moises
    Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 2
  • Inaalam ang mga Daan ni Jehova
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2005
  • Ang Nag-aapoy na Halaman
    Mga Aral na Matututuhan Mo sa Bibliya
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1988
w88 5/15 p. 21-23

May Nakakita Na Ba sa Diyos?

Ang kilalang patriarkang si Abraham, na nabuhay mahigit na 1,900 taon bago ipinanganak si Jesu-Kristo, ay kinalugdan ng ating Maylikha kung kaya’t siya’y tinawag na ang “kaibigan ng Diyos.” (Santiago 2:23, Byington) Kung ang sinuman ay bibigyan ng pribilehiyo na makita ang Diyos, tiyak na si Abraham nga iyon. Bueno, minsan, tatlong panauhin ang naparoon sa kaniya na may dalang pasabi buhat sa Diyos. Isa sa kanila ang tinawag ni Abraham na si Jehova. Ibig bang sabihin ay na aktuwal na nakita ni Abraham ang Diyos?

Ang ulat na ito ay nasa Genesis 18:1-3. Doo’y mababasa natin: “Napakita si Jehova sa kaniya sa gitna ng malalaking punungkahoy ng Mamre, habang siya’y nakaupo sa pintuan ng tolda sa may kainitan ng araw. Nang itingala niya ang kaniyang mga mata, saka siya tumingin at narito ang tatlong lalaking nakatayo nang malayu-layo sa kaniya. Pagkakita niya sa kanila ay nagtatakbo siya upang sila’y salubungin mula sa pintuan ng tolda at yumukod siya sa lupa. At sinabi niya: ‘Jehova, kung ngayon ay nakasumpong ako ng biyaya sa iyong paningin, pakisuyong huwag mong lagpasan ang iyong lingkod.’”

Sa kalaunan, nang si Abraham at ang kaniyang tatlong panauhin ay nakatanaw sa Sodoma buhat sa isang mataas na dako, dalawa ang umalis upang dumalaw sa lunsod. Ang Gen 18 talatang 22 ay nagsasabi naman: “Subalit kung para kay Jehova, siya’y nakatayo pa rin sa harap ni Abraham.” Parang lumilitaw rito na ang Diyos ay kapiling ni Abraham sa isang katawang-tao. Ito ang sinasabi ng mga ilang tao na ang Diyos at si Jesu-Kristo ay iisa at siya ring parehong persona.

Tungkol sa Genesis 18:3, ang iskolar ng Bibliya na si Melancthon W. Jacobus ay sumulat: “Dito unang pagkakataon na napaulat na ang Diyos ay nagpakita bilang tao sa gitna ng mga tao, upang ipakita ang pagiging totoo ng Kaniyang pagka-Diyos, at ng Kaniyang relasyon sa mga tao, at sa pamamagitan ng paglalarawang ito ay tiyakang ipakita sa patriarka ang pakikipagtalamitam at pakikisama ng Diyos.” Yaong mayroon ng ganitong punto de vista ay maghihinuha na aktuwal na nakita ni Abraham si Jehova ng kaniyang pisikal na mga mata at na ang mga taong nakakita kay Jesu-Kristo ay nakakita rin sa Diyos. Subalit ang konklusyon bang ito ay kasuwato ng Bibliya?

Ang Sinabi ni Jesus

Sa halip na ipahayag na siya’y ang Diyos na nasa laman, sinabi ni Jesu-Kristo: “Ako ang Anak ng Diyos.” (Juan 10:36) Bilang sakdal na Kinatawan ng Diyos na Jehova, sinabi rin ni Jesus: “Hindi ako makagagawa ng anuman kung sa ganang aking sarili; humahatol ako ayon sa aking narinig; at ang paghatol ko’y matuwid, sapagkat hindi ko pinaghahanap ang aking sariling kalooban, kundi ang kalooban niya na nagsugo sa akin.” (Juan 5:30) Nang si Jesus ay nasa pahirapang tulos, siya’y nanalangin sa dakilang Maylikha sa kalangitan, na sinabi sa kaniya “Diyos ko, Diyos ko.” (Mateo 27:46) Pagkatapos na siya’y buhaying-muli, sinabi ni Jesus kay Maria Magdalena: “Ako’y aakyat sa aking ama at sa inyong Ama at sa aking Diyos at sa inyong Diyos.” (Juan 20:1, 17) Yamang si Jesu-Kristo ay hindi naman Diyos na nagbalot ng laman, walang sinumang nakakita kay Jesus na makapagsasabi na sa ganoong paraan ay nakita niya ang Diyos.

Si Juan, na apostol na lalong higit na minamahal ni Jesus, ang nagpatunay sa bagay na hindi ang Diyos ang nakikita noon ng mga apostol pagka kanilang minamasdan si Jesus. Kinasihan si Juan na magsabi: “Walang sinumang tao na nakakita sa Diyos kailanman.” (Juan 1:18) Kung gayon, sino ang nakita ni Abraham? Ang karanasan ni Moises ang tutulong sa atin na masumpungan ang sagot.

Kung Paano Nakita ni Moises ang Diyos

Minsan ay ipinahayag ni Moises ang kaniyang hangarin na makita ang Diyos. Sa Exodo 33:18-20, ating mababasa: “‘Pangyarihin mo sana na makita ko [ni Moises] ang iyong kaluwalhatian.’ Subalit sinabi niya [ng Diyos]: ‘Aking pangyayarihin na dumaan sa harap mo ang lahat kong kabutihan at aking itatanyag ang pangalan ni Jehova sa harap mo; at ako’y magkakaloob ng biyaya sa kaninumang ibig kong pagkalooban, at ako’y magmamaawain sa kaninumang ibig kong kaawaan.’ At sinabi pa niya: ‘Hindi mo makikita ang aking mukha, sapagkat hindi maaaring makita ako ng tao at mabuhay.’”

Ang pinayagan ng Diyos na makita ni Moises ay ang Kaniyang nagdaraang kaluwalhatian. Ang Exo 33 talatang 21-23 ay nagsasabi: “At sinabi pa ni Jehova: ‘Narito, may isang dako sa tabi ko, at ikaw ay tatayo sa ibabaw ng bato. At mangyayari na samantalang dumaraan ang aking kaluwalhatian ay ilalagay kita sa isang pitak sa bato, at tatakpan kita ng aking palad hanggang sa ako’y makaraan. Pagkatapos ay aalisin ko ang aking palad, at tunay ngang makikita mo ang aking likod. Ngunit ang aking mukha ay hindi makikita.’”

Kasuwato ng sinabi ni Jehova kay Moises at ng sinabi ni apostol Juan, walang nakita si Moises na materyalisado o materyal na anyo ng Diyos. Ang nakita lamang ni Moises ay ang pinaka-sinag ng presensiya ng Diyos na dumaraan. Kahit na gayon kinailangan din na siya ay bigyan ng Diyos ng proteksiyon. Maliwanag, hindi ang Diyos mismo ang nakita ni Moises.

Nang makipag-usap si Moises sa Diyos “nang mukhaan,” gaya ng sinasabi sa Exodo 33:11, hindi niya nakita si Jehova. Ipinakikita ng pangungusap na ito ang paraan na ginamit nang makipag-usap si Moises sa Diyos, hindi ang kaniyang nakita. Ang pakikipag-usap sa Diyos “nang mukhaan” ay nagpapakita ng isang dalawahang-paraan ng pakikipag-usap. Gayundin, ang isang indibiduwal ay maaaring makapagsagawa ng isang dalawahang-paraan ng pakikipag-usap sa pamamagitan ng telepono nang hindi nakikita yaong kaniyang kausap.

Nang makipag-usap si Moises sa Diyos at tumanggap ng mga tagubilin sa kaniya ang pakikipag-usap ay hindi idinaan sa pamamagitan ng mga pangitain, gaya ng malimit na ginagamit sa pakikipagtalastasan sa mga ibang propeta. Ito’y binabanggit sa Bilang 12:6-8, na kung saan ating mababasa: “At nagpatuloy siya na nagsabi: ‘Dinggin ninyo ang aking mga salita, pakisuyo. Kung mayroon sa gitna ninyo na isang propeta ni Jehova, pakikilala ako sa kaniya sa pangitain. Kakausapin ko siya sa panaginip. Hindi gayon sa aking lingkod na si Moises! Sa kaniya’y ipinagkakatiwala ang aking buong sambahayan. Sa kaniya’y nakikipag-usap ako ng bibig sa bibig, ng maliwanag at hindi sa malabo; at ang anyo ni Jehova ang kaniyang nakikita.’” Sa anong diwa nakita ni Moises “ang anyo ni Jehova”?

Nakita ni Moises “ang anyo ni Jehova” nang siya, si Aaron, at ang mga iba pang lalaki ay nasa Bundok Sinai. Sa Exodo 24:10, ay nasusulat: “Kanilang nakita ang Diyos ng Israel. At sa ilalim ng kaniyang mga paa ay mayroong parang katulad ng binubong mga batong sapiro at paris din sa langit ang kaliwanagan.” Subalit paanong nangyari na “nakita ang Diyos ng Israel” ni Moises at ng iba pang mga lalaki, gayong sinabi sa kaniya ng Diyos, “Hindi maaaring makita ako ng tao at mabuhay”? Ang Exo 24 talatang 11 ay nagpapaliwanag, sapagkat sinasabi ito: “Sa mga mahal na tao sa mga anak ni Israel ay hindi niya ipinatong ang kaniyang kamay, ngunit sila’y nagkaroon ng pangitain ng tunay na Diyos at kumain at uminom.” Samakatuwid ang anyo ng Diyos na nakita ni Moises at ng mga iba pa ay nakita nila sa pamamagitan ng isang pangitain.

Mga Kinatawang Anghel

Hindi naman kailangan na ang dakilang Maylikha ng sansinukob ay pumanaog pa rito buhat sa kaniyang kataas-taasang dako sa langit upang makapaghatid ng mga pasabi sa ilang mga tao. Maliban sa tatlong iniulat na mga pangyayari nang marinig ang sariling tinig ng Diyos nang narito sa lupa ang kaniyang Anak, sa tuwina’y ang ginagamit ni Jehova ay mga anghel upang maghatid ng Kaniyang mga pasabi. (Mateo 3:17; 17:5; Juan 12:28) Maging ang Kautusan man na ibinigay ng Diyos sa bansang Israel sa Bundok Sinai ay inihatid sa pamamagitan ng mga anghel, bagama’t si Moises ay inilarawan na tuwirang nakikipag-usap sa Diyos mismo. Tungkol dito, si apostol Pablo ay sumulat: “Bakit, kung gayon, may Kautusan? Idinagdag upang mahayag ang mga pagsalansang, hanggang sa dumating ang binhi na siyang pinangakuan; at ito’y tinanggap sa pamamagitan ng mga anghel buhat sa kamay ng isang tagapamagitan.”​—Galacia 3:19.

Na aktuwal na nakipag-usap si Moises sa isang anghel na personal na kinatawan ng Diyos ay ipinakikita rin sa Gawa 7:38, na nagsasabi: “Ito yaong naroon sa kongregasyon sa iláng na kasama ang anghel na nagsalita sa kaniya sa Bundok ng Sinai at kasama ang ating mga ninuno.” Ang anghel na iyon ay siyang personal na tagapagsalita para sa Diyos na Jehova, ang Maylikha, kaya’t siya’y nakipag-usap kay Moises na para bang ang Diyos mismo ang nagsasalita.

Ang anghel na naghatid ng pasabi ng Diyos kay Moises sa nagniningas na mababang punungkahoy ay isa ring tagapagsalita. Siya’y ipinakikilala bilang anghel ni Jehova sa Exodo 3:2, na kung saan sinasabi sa atin: “Ang anghel ni Jehova ay napakita sa kaniya sa isang nagniningas na apoy sa gitna ng isang mababang punungkahoy.” Ang Exo 3 talatang 4 ay nagsasabi: “Nang makita ni Jehova na siya’y huminto upang magsiyasat, kapagdaka’y tinawag siya ng Diyos mula sa gitna ng mababang punungkahoy.” Sa Exo 3 talatang 6, ang anghel na ito na tagapagsalita ng Diyos ay nagsabi: “Ako ang Diyos ng inyong Ama, ang Diyos ni Abraham, ang Diyos ni Isaac at ang Diyos ni Jacob.” Kaya nang nakikipag-usap sa personal na kinatawang ito ng Diyos, si Moises ay nagsalita na para bagang si Jehova mismo ang kinakausap niya.​—Exodo 4:10.

Sa ika-6 na kabanata ng Mga Hukom 6, makikita natin ang isa pang halimbawa ng isang taong nakikipag-usap sa Diyos sa pamamagitan ng isang anghel na kinatawan. Ang Huk 6 talatang 11 ay nagpapakilala sa may dala ng pasabi bilang “anghel ni Jehova.” Doon ay mababasa natin: “Nang malaunan ang anghel ni Jehova ay dumating at naupo sa ilalim ng malaking punungkahoy na nasa Ophrah, na kay Joash na Abiezrita, samantalang si Gideon na kaniyang anak ay pumapalo ng trigo sa alilisan ng alak upang madaling mapatago iyon sa paningin ng mga Midianita.” Ang mensaherong ito, na “anghel ni Jehova,” ay pagkatapos inilalarawan na para bagang siya’y si Jehovang Diyos mismo. Sa Huk 6 talatang 14 at 15, mababasa natin: “Nang magkagayon ay humarap si Jehova [kay Gideon] at sinabi: ‘Yumaon ka sa kalakasan mong ito, at tunay na iyong ililigtas ang Israel sa kamay ng Midian. Hindi ba kita sinugo?’ Ito naman ay nagsabi sa kaniya: ‘Pagpaumanhinan mo ako, Jehova. Paanong ililigtas ko ang Israel?’” Samakatuwid ang nag-anyong-taong anghel na nakita ni Gideon at siyang kausap niya ay tinutukoy sa Bibliya na para bagang siya ang Diyos mismo. Sa Huk 6 talatang 22, sinasabi ni Gideon: “Nakita ko nang mukhaan ang anghel ni Jehova!” Ang sinabi ng anghel ay yaong mismong sinabi sa kaniya ng Diyos na salitain. Samakatuwid, si Gideon ay nakipag-usap sa Diyos sa pamamagitan ng anghel na ito na nagsilbing tagapagsalita.

Isaalang-alang din naman ang kaso ni Manoa at ang kaniyang asawang babae, na mga magulang ni Samson. Sa ulat nito ay tinutukoy din ang mensaherong anghel bilang ang “anghel ni Jehova” at “ang anghel ng tunay na Diyos.” (Hukom 13:2-18) Sa Huk 13 talatang 22, sinabi ni Manoa sa kaniyang asawa: “Tayo’y tiyak na mamamatay, sapagkat ang Diyos ay nakita natin.” Bagama’t hindi niya aktuwal na nakita si Jehovang Diyos, ganoon nga ang pakiwari ni Manoa sapagkat kaniyang nakita ang nagkatawang-taong personal na tagapagsalita ng Diyos.

“Walang Tao na Nakakita sa Diyos”

Ngayon ay maaari nang maunawaan kung bakit ang nagkatawang-taong anghel na tagapagsalita ng Diyos ay kinausap ni Abraham na para bagang ang kinakausap niya’y ang Diyos na Jehova mismo. Yamang ang anghel na ito ay nagsalita ng eksaktong ibig ng Diyos na sabihin kay Abraham at sa ganoon ay personal na kumakatawan sa Kaniya, ang Bibliya ay makapagsasabi na “napakita si Jehova sa kaniya.”​—Genesis 18:1.

Alalahanin na ang isang anghel na tagapagsalita ng Diyos ay makapaghahatid ng Kaniyang mga pasabi ng eksaktong gaya ng isang telepono o ng isang radyo na makapaghahatid ng ating mga salita sa iba. Samakatuwid, mauunawaan kung paanong si Abraham, si Moises, si Manoa, at ang mga iba pa ay maaaring makipag-usap sa isang nagkatawang-taong anghel na para bagang sila’y nakikipag-usap sa Diyos. Bagaman nakita ng gayong mga tao ang mga anghel na ito at ang kaluwalhatian ni Jehova na nasalamin sa kanila, hindi nila nakita ang Diyos. Samakatuwid, hindi sinasalungat nito bahagya man ang sinasabi ni apostol Juan: “Walang taong nakakita sa Diyos kailanman.” (Juan 1:18) Ang nakita ng mga lalaking ito ay mga kinatawang anghel at hindi ang Diyos mismo.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share