Maghanda Para sa Kaligtasan sa Isang Bagong Sanlibutan
“Alalahanin ang asawa ni Lot.”—LUCAS 17:32.
1. Anong makasaysayang halimbawa ng ginawa ng Diyos na pagliligtas ang itinatampok ng ating pag-aaral ngayon, at papaano natin mapapakinabangan ito?
PAGKATAPOS banggitin ang tungkol sa kahanga-hangang pagliligtas na ginawa ni Jehova kay Noe at sa kaniyang pamilya, si apostol Pedro ay bumanggit ng isa pang makasaysayang halimbawa. Kaniyang itinawag-pansin ang pagkaligtas ng matuwid na si Lot nang ang Sodoma at Gomorra ay maging abo, gaya ng mababasa natin sa 2 Pedro 2:6-8. Ang mga detalye ay iningatan para sa ating kapakinabangan. (Roma 15:4) Ang ating pagsasapuso ng naganap noon may kaugnayan sa pagkaligtas na iyon ay makatutulong sa atin upang tayo’y malagay sa hanay ng mga ililigtas tungo sa bagong sanlibutan ng Diyos.
Kung Papaano Tayo Tumutugon Tungkol sa Paraan ng Pamumuhay ng Sanlibutan
2. Anong asal sa Sodoma at Gomorra ang umakay sa kanila upang puksain sila ng Diyos?
2 Bakit ba ang mga bayang iyon pati ang mga taong naninirahan doon ay pinuksa? Binanggit ni apostol Pedro ang pagpapakalabis sa “kahalayan.” (2 Pedro 2:7) Gaya ng ipinakikita ng paggamit sa terminong Griego na isinalin ng gayon, ang mga tao sa Sodoma at Gomorra ay nagpakalabis sa gawang-masama ayon sa paraan na nagpakita ng pangahas na kawalang-galang, anupa’t pagsuway nga iyon, sa kautusan at autoridad. Sinasabi ng Judas 7 na sila’y ‘nagpakabuyo sa pakikiapid at sa pagsunod sa ibang laman para sa di-likas na gamit.’ Ang kalubhaan ng kanilang inasal ay nakita nang ang mga lalaki ng Sodoma, “mula batang lalaki hanggang matandang lalaki, lahat ng mga tao sa isang kawan ng mga mang-uumog,” ay pumalibot sa bahay ni Lot at kanilang hiniling na kaniyang ibigay sa kanila ang kaniyang mga panauhin upang ang mga lalaki ng Sodoma ay mabigyang-kasiyahan ang kanilang malalaswang pita. At sila’y naghiyawan at pinagsalitaan ng masasama si Lot dahilan sa kaniyang tinutulan ang kanilang ubod-samang mga kahilingan.—Genesis 13:13; 19:4, 5, 9.
3. (a) Papaanong nangyari na si Lot at ang kaniyang pamilya ay nakapanirahan sa gayong kasamang kapaligiran na gaya ng sa Sodoma? (b) Ano ba ang iginawi ni Lot sa gitna ng mahalay na pamumuhay ng mga taga-Sodoma?
3 Sa simula’y lumipat si Lot sa lugar na malapit sa Sodoma dahilan sa potensiyal niyaon ukol sa maunlad na kabuhayan. Nang sumapit ang panahon, siya’y nanirahan doon sa lunsod mismo. (Genesis 13:8-12; 14:12; 19:1) Ngunit siya’y hindi nakiayon sa mahahalay na gawain ng mga lalaki ng lunsod, at siya’y hindi naman itinuring na isa sa kanila ng mga lalaking iyon, marahil dahil sa si Lot at ang kaniyang pamilya ay hindi naman nakihalubilo sa kanila. Gaya ng sinasabi ng 2 Pedro 2:7, 8: “Si Lot . . . na lubhang nahahapis sa pagpapakalabis sa kahalayan ng mga taong suwail-sa-kautusan—sapagkat ang matuwid na taong iyan sa kaniyang nakita at narinig samantalang namamayang kasama nila ay sa araw-araw lubhang nahahapis ang kaniyang matuwid na kaluluwa dahilan sa kanilang mga gawang laban sa kautusan.” Ang mga kalagayang iyon ay nagsilbing isang matinding pagsubok para kay Lot sapagkat, bilang isang taong matuwid, kaniyang kinasusuklaman ang gayong asal.
4. (a) Papaanong ang mga kalagayan sa ngayon ay katulad niyaong sa sinaunang Sodoma? (b) Kung tayo’y katulad ng matuwid na si Lot, papaano tayo gagawi sa gitna ng kasalukuyang masasamang kalagayan?
4 Sa ating kaarawan man, napauwi sa napakababang uri ang moral ng lipunan ng tao. Sa maraming lupain, parami nang parami ang nakikipagtalik nang hindi pa kasal o nakikipagtalik sa hindi nila asawa. Maging ang maraming kabataan sa paaralan ay lubhang nasasangkot sa ganitong pamumuhay, at kanilang nililibak yaong mga hindi nakikitulad sa kanila. Ang mga homoseksuwal ay lantarang nagpapakilala ng kanilang sarili at nagpaparada pa man din sa mga lansangan ng malalaking lunsod upang hilingin na sila’y kilalanin. Ang klero ay nakikisali sa pagkakatuwaan. Sa opisyal na paraan, hindi maraming mga iglesiya ang nagsasagawa ng ordinasyon sa kilalang mga homoseksuwal at mapakiapid. Gayunman, sa aktuwal, gaya ng paulit-ulit na ipinakita ng mga ulat sa mga pahayagan, madali kang makakakita ng mga homoseksuwal, mapakiapid, at mga mangangalunya sa hanay ng klero. Sa katunayan, mga ilang lider ng relihiyon ang lumipat sa mga ibang siyudad o napilitan pa ngang magbitiw dahil sa mga iskandalo sa sekso. Ang mga mangingibig ng katuwiran ay walang simpatiya sa gayong kabalakyutan; kanilang “kinapopootan ang masama.” (Roma 12:9) Sila’y lalung-lalo nang nahahapis pagka ang asal ng mga taong nag-aangking naglilingkod sa Diyos ay nagdulot ng upasala sa kaniyang pangalan at nagpapangyaring ang mga taong walang alam ay lumayo sa lahat ng relihiyon dahil sa pagkasuklam.—Roma 2:24.
5. Anong tanong ang sinasagot para sa atin ng pagpuksa ni Jehova sa Sodoma at Gomorra?
5 Sa taun-taon ang kalagayan ay lumulubha. Ito ba ay magkakaroon ng wakas? Oo, magkakaroon nga! Ang ginawa ni Jehova sa sinaunang Sodoma at Gomorra ay malinaw na nagpapakitang, sa kaniyang itinakdang panahon, siya ay maghuhukom. Kaniyang lubusang lilipulin ang mga balakyot, ngunit kaniyang ililigtas ang kaniyang tapat na mga lingkod.
Sino o Ano ang Nauuna sa Buhay?
6. (a) Ano ang napapanahong aral na nasa ulat tungkol sa mga binatang kaylapit-lapit nang maging asawa ng mga anak na babae ni Lot? (b) Papaanong ang saloobin ng mga nakatakdang maging asawa nila ay nagsilbing pagsubok sa mga anak na babae ni Lot?
6 Sila lamang na nagpapakita ng tunay na maka-Diyos na debosyon ang ililigtas. Tungkol dito, isaalang-alang ang sinabi ng mga anghel ni Jehova kay Lot bago pinuksa ang Sodoma at Gomorra. “Mayroon ka pa ba ritong mga kamag-anakan? Ang iyong mga manugang at ang iyong mga anak na lalaki at babae at ang lahat ng iyong tinatangkilik sa bayan, ipag-aalís mo sa dakong ito! Sapagkat aming wawasakin ang dakong ito.” Kaya’t kinausap ni Lot ang mga binata na magiging asawa ng kaniyang mga anak na babae. Kaniyang paulit-ulit na pinagsabihan sila: “Tindig! Iwanan ninyo ang dakong ito, sapagkat wawasakin ni Jehova ang bayang ito!” Ang kanilang kaugnayan sa sambahayan ni Lot ay nagbigay sa kanila ng isang natatanging pagkakataon para maligtas, ngunit sila mismo ay kailangang kumilos. Sila’y kailangang magbigay ng nakikitang patotoo ng pagsunod kay Jehova. Sa halip, sa kanilang paningin si Lot ay “tulad ng isang taong nagbibiro.” (Genesis 19:12-14) Maguguniguni mo kung ano ang nadama ng mga anak na babae ni Lot nang kanilang mabalitaan ang nangyari. Ang kanilang katapatan sa Diyos ay inilagay niyaon sa pagsubok.
7, 8. (a) Nang pagsabihan ng mga anghel si Lot na ipagsama ang kaniyang pamilya at tumakas, papaano siya kumilos, at bakit ito’y hindi matalino? (b) Upang maligtas, ano ba ang kailangang gawin ni Lot at ng kaniyang pamilya?
7 Kinabukasan nang mag-uumaga na, si Lot ay pinagmadali ng mga anghel. Kanilang sinabi: “Magbangon ka! Ipagsama mo ang iyong asawa at ang iyong dalawang anak na babae na naririto, baka pati ikaw ay madamay sa parusa sa bayan!” Ngunit “siya’y patuloy na nagmabagál.” (Genesis 19:15, 16) Bakit? Ano ba ang pumigil sa kaniya? Iyon ba ay ang materyal na mga kapakanan na mayroon siya roon sa Sodoma—ang mismong dahilan kung bakit siya naakit sa lugar na iyon unang-una? Kung siya’y mangungunyapit sa mga ito, siya’y mapupuksang kasama ng Sodoma.
8 Dahil sa pagkaawa, ang mga kasambahay niya ay sinunggaban ng mga anghel sa kamay at pinagmadali sila sa paglabas sa bayan. Nang sila’y nasa labas na, iniutos ng anghel ni Jehova: “Tumakas ka upang maligtas ang iyong buhay! Huwag kang lilingon at huwag kang hihinto sa buong Kapatagan! Tumakas ka hanggang sa makarating ka sa kabundukan sapagkat baka ka mamatay!” Si Lot ay nag-atubili pa rin. Sa wakas pagkatapos pumayag na siya’y pupunta sa isang lugar na hindi kalayuan, siya at ang kaniyang pamilya ay tumakas. (Genesis 19:17-22) Hindi na kailangang magpaliban pa; mahalaga ang pagsunod.
9, 10. (a) Bakit ang pagiging kasama ng kaniyang asawa ay hindi sapat upang matiyak ang kaligtasan ng asawa ni Lot? (b) Nang mamatay na ang asawa ni Lot, ano pang pagsubok ang napaharap kay Lot at sa kaniyang mga anak na babae?
9 Gayunman, hindi pa tapos ang pagliligtas nang sila’y lumabas upang lumayo sa Sodoma. Ang Genesis 19:23-25 ay nagsasabi sa atin: “Ang araw ay sumisikat na sa lupain nang dumating si Lot sa Zoar. Nang magkagayo’y nagpaulan si Jehova sa Sodoma at Gomorra ng asupre at apoy mula kay Jehova, na buhat sa langit. Kaya ginunaw niya ang mga bayang yaon, at ang buong Kapatagan at lahat ng nananahan sa mga bayang yaon at ang tumutubo sa lupang yaon.” Ngunit nasaan ba ang asawa ni Lot?
10 Siya’y tumakas na kasama ng kaniyang asawa. Gayunman, siya ba ay lubos na kasang-ayon ng ginagawa nito? Walang anumang nagpapakita na sa anumang paraan ay sang-ayon siya sa imoralidad doon sa Sodoma. Ngunit ang kaniya bang pag-ibig sa Diyos ay mas matindi kaysa kaniyang pagmamahal sa kanilang tahanan at sa materyal na mga bagay na mayroon siya roon? (Ihambing ang Lucas 17:31, 32.) Sa ilalim ng kagipitan, nahayag ang nasa loob ng kaniyang puso. Marahil malapit na sila sa Zoar, baka nang sila’y papasok na sa bayang iyon, nang siya’y sumuway at lumingon. At gaya ng sinasabi ng Bibliya, “siya’y naging isang haliging asin.” (Genesis 19:26) Ngayon isa pang pagsubok sa katapatan ang napaharap kay Lot at sa kaniyang mga anak na babae. Ang pagmamahal ba ni Lot sa kaniyang nasirang asawa o ang damdamin ng mga anak sa kanilang pumanaw na ina ay mas matindi kaysa kanilang pag-ibig kay Jehova, na siyang nagpadala ng ganitong kasakunaan? Sila ba’y magpapatuloy ng pagsunod sa Diyos kahit na isang mahal na mahal nila ang sumuway sa kaniya? Taglay ang lubos na pagtitiwala kay Jehova sila’y hindi lumingon.
11. Ano ang ating natutuhan dito tungkol sa kaligtasan na ibinigay ni Jehova?
11 Oo, si Jehova’y marunong magligtas buhat sa tukso (o sa pagsubok) sa mga taong may maka-Diyos na debosyon. Alam niya kung papaano ililigtas ang buo-buong mga pamilya na nagkakaisa sa tunay na pagsamba; alam din niya kung papaano ililigtas ang isahang mga tao. Kung kanilang talagang iniibig siya, siya’y magpapakita ng malaking konsiderasyon sa pakikitungo sa kanila. “Nalalaman niya ang ating anyo, kaniyang inaalaala na tayo’y alabok.” (Awit 103:13, 14) Ngunit ang kaniyang pagliligtas ay tangi lamang para sa mga taong may maka-Diyos na debosyon, yaong mga tunay ang debosyon, yaong mga taong ang pagsunod ay isang kapahayagan ng katapatan.
Maibiging Paghahanda Para sa Isang Lalong Malaking Pagliligtas
12. Anong maibiging paghahanda ang gagawin noon ni Jehova bago gawin ang pagliligtas na sabik na sabik tayong makamtan?
12 Sa kaniyang pinapangyari noong kaarawan ni Noe at ni Lot, hindi naman inalis magpakailanman ni Jehova ang lahat ng balakyot. Gaya ng sinasabi ng kasulatan, iyon ay isa lamang parisan ng mga bagay na darating. Bago mangyari ang mga bagay na iyon, sumaisip ni Jehova ang higit pa sa kaniyang pinanukala na gawin upang makinabang ang mga taong umiibig sa kaniya. Kaniyang susuguin sa lupa ang kaniyang bugtong na Anak, si Jesu-Kristo. Dito, ang pangalan ng Diyos ay aalisan ni Jesus ng upasala sa pamamagitan ng pagpapakita ng uri ng debosyon na dapat sanang ipinakita at maipakikita naman ni Adan sa Diyos bilang isang sakdal na tao; ngunit sa ilalim ng lalong higit pang mahihirap na kalagayan ay gagawin iyon ni Jesus. Ang kaniyang sakdal na buhay bilang tao ay ihahandog ni Jesus bilang isang hain upang ang mga supling ni Adan na nagsagawa ng pananampalataya ay magkaroon niyaong naiwala ni Adan. Kung magkagayon, isang “munting kawan” ng tapat na mga tao ang pipiliin ng Diyos upang makasama ni Kristo sa kaniyang makalangit na Kaharian, at “isang malaking pulutong” ang titipunin buhat sa lahat ng bansa upang maging pundasyon ng isang bagong lipunan ng tao. (Lucas 12:32; Apocalipsis 7:9) Pagkatapos na magawa iyan, gagawin ng Diyos ang dakilang pagliligtas na inilarawan ng mga pangyayaring may kaugnayan sa Delubyo at sa pagkapuksa ng Sodoma at Gomorra.
Kung Bakit Lubhang Kailangan Ngayon ang Madaliang Pagkilos
13, 14. Ano ang ating matututuhan buhat sa bagay na ginamit ni Pedro ang pagkapuksa ng mga taong masasama noong kaarawan ni Lot at ni Noe bilang mga halimbawa?
13 Ang mga nag-aaral ng Salita ng Diyos ay nakababatid na si Jehova sa maraming pagkakataon ay gumawa ng mga pagliligtas sa kaniyang mga lingkod. Gayunman, sa karamihan ng kaso ay hindi sinasabi ng Bibliya, ‘Gaya ng pangyayari noon, magiging ganoon din ang pagkanaririto ng Anak ng tao.’ Bakit, sa udyok ng banal na espiritu, dadalawa lamang halimbawa ang ibinukod ni apostol Pedro? Ano ba ang kaibahan tungkol sa mga pangyayari noong kaarawan ni Lot at ni Noe?
14 Isang tiyakang patotoo ang makikita sa Judas 7, kung saan mababasa natin na “ang Sodoma at Gomorra at ang mga lunsod na nasa kanilang palibot . . . ay inilagay na pinaka-halimbawang babala sa atin sa kanilang dinanas na parusang walang-hanggang apoy.” Oo, ang pagkapuksa ng sukdulang mga makasalanan sa mga lunsod na iyon ay walang-hanggan, kagaya rin ng daranasing pagkapuksa ng mga balakyot sa katapusan ng kasalukuyang sistema ng mga bagay. (Mateo 25:46) Ang Baha ng kaarawan ni Noe ay tinutukoy rin naman sa mga kontekstong tumatalakay sa walang-hanggang mga kaparusahan. (2 Pedro 2:4, 5, 9-12; 3:5-7) Samakatuwid sa pagpuksa sa mga taong ubod-samâ noong kaarawan ni Lot at Noe, ipinakita ni Jehova na kaniyang ililigtas ang kaniyang mga lingkod sa pamamagitan ng pagpuksa magpakailanman sa mga namihasa na sa gawang kasamaan.—2 Tesalonica 1:6-10.
15. (a) Anong babala ng madaliang pagkilos ang ibinibigay sa mga namihasa na sa gawang kasamaan? (b) Bakit ilalapat ang katarungan sa lahat na nagpapatuloy sa gawang kasamaan?
15 Ang pagkapuksa ng mga balakyot ay hindi nakalulugod kay Jehova, ni nakalulugod man sa kaniyang mga lingkod. Sa pamamagitan ng kaniyang mga Saksi, ang mga tao ay hinihimok ni Jehova: “Manumbalik kayo, manumbalik kayo buhat sa inyong masasamang lakad, sapagkat bakit kayo mamamatay?” (Ezekiel 33:11) Gayumpaman, pagka ipinakita ng mga tao na sila’y walang hangaring pakinggan ang kaniyang mapagmahal na pananawagan kundi sila’y nagpapatuloy sa kanilang sariling mapag-imbot na paraan ng pamumuhay, ang paggalang ni Jehova sa kaniyang sariling banal na pangalan at ang kaniyang pag-ibig sa kaniyang tapat na mga lingkod na dumaranas ng pag-aabuso sa kamay ng mga taong masasama ay humihiling na kaniyang ilapat ang katarungan.
16. (a) Bakit tayo makapagtitiwala na ang inihulang kaligtasan ay kaylapit-lapit na? (b) Buhat sa ano at tungo sa ano maliligtas?
16 Ang panahon ng Diyos sa pagdadala ng kaligtasan ay kaylapit-lapit na! Ang mga saloobin at pangyayari na inihula ni Jesus bilang tanda ng kaniyang pagkanaririto at ng katapusan ng sistema ng mga bagay ang malinaw na nagpapatunay. Ang mga bahagi ng tandang iyan ay unang nagsimulang lumitaw mahigit na 75 taon na ang nakalipas, at sinabi ni Jesus na “ang salinlahing ito” ay sa anumang paraan hindi lilipas bago isagawa ng Diyos ang inihatol sa masamang sanlibutang ito. Pagka ipinasiya ni Jehova na ang mensahe ng Kaharian ay naibalita na nang sapat-sapat sa buong tinatahanang lupa bilang patotoo sa lahat ng bansa, kung magkagayo’y darating ang wakas ng balakyot na sanlibutang ito, at kasabay nito ay darating ang kaligtasan para sa mga taong may maka-Diyos na debosyon. (Mateo 24:3-34; Lucas 21:28-33) Kaligtasan buhat sa ano? Buhat sa mga pagsubok na dumating sa kanila sa kamay ng mga balakyot, at buhat sa mga kalagayan na sa araw-araw ay sanhi ng kalumbayan sa kanila bilang mga umiibig sa katuwiran. Iyon ay magiging isang kaligtasan din tungo sa isang bagong sanlibutan kung saan ang sakit at kamatayan ay mga bagay na lumipas na.
Tinutulungan ng Diyos Habang ang Pananaw ay Nasa Kaligtasan
17. (a) Anong mahalagang tanong ang dapat nating itanong sa ating sarili? (b) Papaano mapatutunayan na, tulad ni Noe, tayo’y pinakikilos ng “maka-Diyos na pagkatakot”?
17 Ang tanong na kailangang isaalang-alang ng bawat isa sa atin ay, ‘Ako ba’y handa na para sa pagkilos na iyan ng Diyos?’ Kung tayo’y nagtitiwala sa ating sarili o sa ating sariling pagkakilala ng pagkamatuwid, tayo ay hindi pa handa. Ngunit kung, tulad ni Noe, tayo’y pinakikilos ng “maka-Diyos na pagkatakot,” kung magkagayo’y tumutugon tayo nang may pananampalataya sa ginagawang pagpatnubay sa atin ni Jehova, at ito ang aakay sa atin tungo sa kaligtasan.—Hebreo 11:7.
18. Bakit ang pagkatuto ng tunay na paggalang sa teokratikong autoridad ay mahalagang bahagi ng ating paghahanda para sa kaligtasan sa bagong sanlibutan?
18 Buong kagandahang inilalarawan yaong nagtatamasa ng proteksiyon na ibinibigay ni Jehova kahit na ngayon, ang Awit 91:1, 2 ay nagsasabi: “Siyang tumatahan sa lihim na dako ng Kataas-taasan ay mananatili sa lilim ng Makapangyarihan-sa-lahat. Sasabihin ko kay Jehova: ‘Ikaw ang aking kanlungan at aking matibay na moog, ang aking Diyos, na aking pagtitiwalaan.’ ” Narito ang isang grupo ng mga tao na iniingatan ng Diyos katulad ng mga inakáy sa ilalim ng makapangyarihang bagwis ng isang inahing ibon. Ang kanilang lubos na pagtitiwala ay nakalagak kay Jehova. Kanilang kinikilala na siya ang Kataas-taasan, ang Makapangyarihan-sa-lahat. Kaya naman, kanilang iginagalang ang teokratikong autoridad at napaiilalim sila rito, ito man ay ginagamit ng mga magulang o ng “tapat at maingat na alipin.” (Mateo 24:45-47) Iyan ba ay totoo tungkol sa bawat isa sa atin? Tulad ni Noe, tayo ba’y natututo na gawin ‘ang lahat ng iniuutos ni Jehova’ sa atin at ginagawa ang mga bagay ayon sa kaniyang paraan? (Genesis 6:22) Kung gayon, tayo’y tumutugon sa paghahanda na ibinibigay sa atin ni Jehova para sa kaligtasan sa kaniyang matuwid na bagong sanlibutan.
19. (a) Ano ba ang ating makasagisag na puso, at bakit mahalaga na ito’y bigyang-pansin natin? (Kawikaan 4:23) (b) Papaano tayo makikinabang sa halimbawa ni Lot tungkol sa ating ikinikilos may kinalaman sa makasanlibutang mga pang-aakit?
19 Sa paghahandang iyan ay kasali rin ang pagbibigay-pansin sa ating makasagisag na puso. “Sinusubok ni Jehova ang mga puso.” (Kawikaan 17:3) Kaniyang tinutulungan tayo upang makilala na hindi ang ating panlabas na anyo ang tinitingnan kundi, bagkus, ang taong-loob, ang puso. Bagaman tayo’y hindi gumagawa ng karahasan o imoralidad tulad ng sanlibutang nakapalibot sa atin, tayo’y kailangang mag-ingat laban sa pagkaakit o pagkatuwa sa mga bagay na ito. Tulad ni Lot, tayo’y dapat malumbay sa pagkakita sa mismong pag-iral ng gayong mga gawang kasamaan. Yaong mga napopoot sa masama ay hindi hahanap ng mga paraan upang sila’y gumawa niyaon; subalit, ang mga taong hindi napopoot dito ay maaaring hindi naman gumagawa nito ngunit sa kanilang kaisipan ay nagnanais silang sila sana’y magkaroon ng bahagi rito. “Oh kayong mga umiibig kay Jehova, kapootan ninyo ang masama.”—Awit 97:10.
20. (a) Sa anu-anong paraan binababalaan tayo ng Bibliya laban sa isang materyalistikong pamumuhay? (b) Papaano natin masasabi kung ang mahahalagang aral sa Bibliya tungkol sa materyalismo ay nagkaugat na sa ating puso?
20 Tayo’y mapagmahal na tinuturuan ni Jehova na iwasan hindi lamang ang imoralidad kundi gayon din ang materyalistikong pamumuhay. ‘Makuntento na kayo sa pagkain at pananamit,’ ang payo ng kaniyang Salita. (1 Timoteo 6:8) Si Noe at ang kaniyang mga anak ay nag-iwan ng kanilang mga tahanan nang sila’y pumasok sa daong. Si Lot man at ang kaniyang pamilya ay nag-iwan ng kanilang tahanan at mga ari-arian upang mailigtas ang kanilang buhay. Saan ba natin inilalagak ang ating pagmamahal? “Alalahanin ang asawa ni Lot.” (Lucas 17:32) Si Jesus ay nagpayo: “Patuloy, kung gayon, na hanapin muna ang kaharian at ang kaniyang katuwiran.” (Mateo 6:33) Ginagawa ba natin iyan? Kung ang matuwid na mga pamantayan ni Jehova ay umaakay sa atin at kung ang pangangaral ng mabuting balita ng kaniyang Kaharian ang unang pinagkakaabalahan natin sa ating buhay, kung gayon, tayo ay tumutugon nga sa kaniyang paghahanda ng isang bayan para sa kaligtasan sa kaniyang bagong sanlibutan.
21. Bakit tayo makatuwirang makaaasang hindi na magtatagal at matutupad na ang ipinangako ni Jehova na kaligtasan?
21 Sa mga taong may maka-Diyos na debosyon na nakakakita ng katuparan ng tanda ng kaniyang pagkanaririto sa kapangyarihan ng Kaharian, sinabi ni Jesus: “Tumayo na kayo ng tuwid at itaas ang inyong mga ulo, sapagkat nalalapit na ang inyong kaligtasan.” (Lucas 21:28) Iyo bang nakikita ang tandang iyan na nabuo ang bawat detalye? Kung magkagayo’y magtiwala na ang katuparan ng ipinangako ni Jehova na kaligtasan ay kaylapit-lapit na nga! Maging lubusang kumbinsido ka na “si Jehova ay marunong magligtas buhat sa tukso sa mga taong may maka-Diyos na debosyon.”—2 Pedro 2:9.
Ano ba ang Iyong Natutuhan?
◻ Tulad ni Lot, papaano tayo dapat tumugon sa paraan ng pamumuhay ng sanlibutan?
◻ Anong mga pagsubok ang napaharap kay Lot at sa kaniyang pamilya kahit na noon pang sila’y tumatakas sa Sodoma?
◻ Papaanong ang mga halimbawang ginamit ni Pedro ay nagdiriin sa pangangailangan ng madaliang paninindigang matibay sa panig ni Jehova ngayon?
◻ Sa paghahanda sa kaniyang bayan sa kaligtasan, anong mahalagang mga aral ang itinuturo ni Jehova?
[Larawan sa pahina 18]
Ang bayan ng Diyos ay iniingatan niya na tulad ng mga inakay sa ilalim ng makapangyarihang mga bagwis ng kanilang ina