AMMON
[Ang Bayan].
Anak ni Lot sa kaniyang nakababatang anak na babae; ang pinagmulan ng mga Ammonita. (Gen 19:38) Gaya ng nakatatandang anak na babae, sumiping din ang nakababatang anak na babae ni Lot sa kanilang ama noong tumatahan sila sa isang yungib sa isang bulubunduking pook, matapos painumin si Lot ng kaniyang mga anak ng maraming alak. (Gen 19:30-36) Ang pangalang ibinigay kay Ammon ng kaniyang ina ay Ben-ami, na nangangahulugang, “Anak ng Aking Bayan [samakatuwid nga, mga kamag-anak]” at hindi ng mga banyagang tulad ng mga Sodomita. Maliwanag na ang pangalang ito ay kaugnay ng pagkabahala ng nakatatandang anak na babae na hindi sila makahahanap sa lupaing tinatahanan nila ng lalaking kababayan o kapamilya nila upang mapangasawa.
Ang “Ammon” ay ginagamit din sa Awit 83:7 upang tumukoy sa bansa ng kaniyang mga inapo. Maaalaala ng mga Israelita sa pananalitang “mga anak ni Ammon” ang kaugnayan sa pagitan nila at ng mga Ammonita, isang kaugnayan na isinaalang-alang maging ni Jehova, gaya ng makikita sa pag-uutos niya sa mga Israelita na huwag ligaligin ang Ammon o makipaghidwaan sa kanila, yamang sila ay mga anak ni Lot na pamangkin ni Abraham.—Deu 2:19; tingnan ang AMMONITA, MGA.