Pakikipaglaban sa Mahigpit na Hawak ng Kasalanan sa Makasalanang Laman
“Ang pagsasaisip ng laman ay nangangahulugan ng kamatayan, ngunit ang pagsasaisip ng espiritu ay nangangahulugan ng buhay at kapayapaan.”—ROMA 8:6.
1. Ukol sa anong layunin nilalang ang tao?
“NILALANG ng Diyos ang tao sa kaniyang sariling larawan, sa larawan ng Diyos siya nilalang; nilalang niya sila na lalaki at babae.” (Genesis 1:27) Sa isang larawan ay naaaninag ang isang bagay o isang pinagmulan. Sa gayon, ang mga tao ay nilalang upang sa kanila’y maaninag ang kaluwalhatian ng Diyos. Sa pagpapakita ng maka-Diyos na mga katangian—gaya ng pag-ibig, kabutihan, katarungan, at espirituwalidad—sa lahat ng kanilang pagsisikap, sila’y nagdudulot ng kapurihan at karangalan sa Maylikha, gayundin ng kaligayahan at kasiyahan sa kanilang sarili.—1 Corinto 11:7; 1 Pedro 2:12.
2. Papaano nagmintis sa marka ang unang mag-asawa?
2 Ang unang mag-asawa, na nilalang na sakdal, ay nasangkapang mainam para sa papel na ito. Tulad ng mga salaming pinakintab na mabuti, sila’y may kakayahan na maipaaninag nang may kaningningan at katumpakan ang kaluwalhatian ng Diyos. Gayunman, hinayaan nilang mawalan ng kinang ang kintab na iyon nang kusa nilang piliin ang pagsuway sa kanilang Maylikha at Diyos. (Genesis 3:6) Mula noon, hindi na nila maipaaninag nang lubusan ang kaluwalhatian ng Diyos. Sila’y nagkulang sa kaluwalhatian ng Diyos, nagmintis sa layunin ng pagkalalang sa kanila sa larawan ng Diyos. Sa ibang pananalita, sila’y nagkasala.a
3. Ano ang tunay na kaurian ng kasalanan?
3 Ito’y tumutulong sa atin na maunawaan ang tunay na kaurian ng kasalanan, na sumisira sa pagpapaaninag ng tao sa larawan at kaluwalhatian ng Diyos. Dahil sa kasalanan ang tao ay nagiging masama, samakatuwid nga, marumi at may mantsa sa isang espirituwal at moral na diwa. Lahat ng tao, yamang mga inapo nina Adan at Eva, ay isinilang sa may mantsa at maruming kalagayang iyan, anupat hindi naabot ang inaasahan ng Diyos sa kanila bilang kaniyang mga anak. At ang resulta? Ang Bibliya ay nagpapaliwanag: “Kung paanong sa pamamagitan ng isang tao ang kasalanan ay pumasok sa sanlibutan at ang kamatayan sa pamamagitan ng kasalanan, at sa gayon ang kamatayan ay lumaganap sa lahat ng tao sapagkat silang lahat ay nagkasala.”—Roma 5:12; ihambing ang Isaias 64:6.
Ang Mahigpit na Hawak ng Kasalanan sa Makasalanang Laman
4-6. (a) Papaano minamalas ng karamihan ng tao ang kasalanan sa ngayon? (b) Ano ang resulta ng modernong paniniwala tungkol sa kasalanan?
4 Karamihan ng tao sa ngayon ay hindi nag-iisip na sila ay marumi, namantsahan, o makasalanan. Sa katunayan, ang kasalanan, bilang isang salita, ay halos nawala na sa talasalitaan ng karamihan ng tao. Marahil sila’y babanggit ng tungkol sa mga kamalian, kakulangan ng mabuting pagpapasiya, at maling kalkulasyon. Subalit kung tungkol sa kasalanan? Halos hindi! Maging sa mga nag-aangking naniniwala sa Diyos, “ang kaniyang mga turo ay binubuo ng isang kalipunan ng moral na mga paniniwala sa halip na isang kodigo ng moral, ang ‘10 mungkahi’ sa halip na ang 10 utos,” ang puna ni Alan Wolfe, na isang propesor ng sosyolohiya.
5 Ano ba ang resulta ng ganitong paraan ng pag-iisip? Ang pagkakaila, o sa papaano man ang pagwawalang-bahala, ng pagiging totoo ng kasalanan. Ito’y nagbunga ng isang lahi ng mga tao na may lubhang pilipít na pagkakilala sa tama at mali, na nakadaramang sila’y malayang makapagtatakda ng kanilang sariling mga pamantayan ng asal at nakadaramang walang pananagutan sa kaninuman sa anumang kanilang ipasiyang gawin. Para sa gayong mga tao, ang pagkadama na sila’y walang kasalanan ang tanging pagkakakilanlan sa paghatol kung ang landasin ng pagkilos ay tama o mali.—Kawikaan 30:12, 13; ihambing ang Deuteronomio 32:5, 20.
6 Halimbawa, sa isang palabas sa telebisyon, inanyayahan ang mga kabataan na ipahayag ang kanilang mga pananaw tungkol sa tinatawag na pitong malulubhang kasalanan.b “Ang kayabangan ay hindi isang kasalanan,” ang sabi ng isang kalahok. “Ikaw ay inaasahang may mabuting pagtingin sa iyong sarili.” Tungkol sa katamaran, isa naman ang nagsabi: “Mabuting maging gayon paminsan-minsan. . . . Kung minsan ay mabuti na magrelaks at bigyan ng panahon ang iyong sarili.” Maging ang tagapaglahad ay nagbigay ng ganitong maikli at malinaw na komento: ‘Ang pitong malulubhang kasalanan ay hindi masasamang gawa kundi, sa halip, pansansinukob na kapusukan ng tao na maaaring nakayayamot at lubhang kasiya-siya.’ Oo, kasamang naglaho ng kasalanan ang pagkadama ng pagkakasala, sapagkat, tutal, ang pagkadama ng pagkakasala ang mismong kabaligtaran ng mabuting pakiramdam.—Efeso 4:17-19.
7. Sang-ayon sa Bibliya, papaano apektado ng kasalanan ang mga tao?
7 Kabaligtaran ng lahat ng ito, malinaw na sinasabi ng Bibliya: “Ang lahat ay nagkasala at nagkukulang sa kaluwalhatian ng Diyos.” (Roma 3:23) Kinilala kahit ni apostol Pablo: “Alam ko na sa akin, alalaong baga, sa aking laman, ay walang tumatahang mabuti; sapagkat ang kakayahang magnais ay narito sa akin, ngunit ang kakayahang magsagawa ng kung ano ang mainam ay wala. Sapagkat ang mabuti na nais ko ay hindi ko ginagawa, subalit ang masama na hindi ko nais ang siyang aking isinasagawa.” (Roma 7:18, 19) Hindi ang pagkahabag sa sarili ang nangingibabaw rito kay Pablo. Sa halip, dahilan sa lubusang natanto niya na ang sangkatauhan ay lubhang nagkulang sa kaluwalhatian ng Diyos, lalo nang nadama niya ang sakit ng mahigpit na hawak ng kasalanan sa makasalanang laman. “Miserableng tao ako!” ang bulalas niya, “sino ang sasagip sa akin mula sa katawan na dumaranas ng kamatayang ito?”—Roma 7:24.
8. Anu-ano ang dapat nating itanong sa ating sarili? Bakit?
8 Ano ba ang paniniwala mo tungkol sa bagay na ito? Maaaring tanggapin mo na bilang isang inapo ni Adan, ikaw, tulad ng sinuman, ay di-sakdal. Subalit papaano naaapektuhan ng ganiyang kaalaman ang iyong pag-iisip at ang paraan ng iyong buhay? Tinatanggap mo ba iyan bilang isang natural na bagay sa buhay at napadadala na lamang sa katutubong hilig? O ikaw ba’y patuluyang nagsisikap na labanan ang mahigpit na hawak ng kasalanan sa makasalanang laman, nagsusumikap na maipaaninag nang buong kaningningan hangga’t maaari ang kaluwalhatian ng Diyos sa lahat ng iyong ginagawa? Ito’y dapat pag-isipang mabuti ng bawat isa sa atin may kinalaman sa sinabi ni Pablo: “Yaong mga ayon sa laman ay nagtutuon ng kanilang mga kaisipan sa mga bagay ng laman, ngunit yaong mga ayon sa espiritu ay sa mga bagay ng espiritu. Sapagkat ang pagsasaisip ng laman ay nangangahulugan ng kamatayan, ngunit ang pagsasaisip ng espiritu ay nangangahulugan ng buhay at kapayapaan.”—Roma 8:5, 6.
Pagsasaisip ng Laman
9. Bakit “ang pagsasaisip ng laman ay nangangahulugan ng kamatayan”?
9 Ano ba ang ibig sabihin ni Pablo nang kaniyang sabihin na “ang pagsasaisip ng laman ay nangangahulugan ng kamatayan”? Ang terminong “laman” ay kadalasang ginagamit sa Bibliya upang tumukoy sa tao sa kaniyang di-sakdal na kalagayan, ‘ipinaglihi sa kasalanan’ bilang isang inapo ng mapaghimagsik na si Adan. (Awit 51:5; Job 14:4) Sa gayon, pinapayuhan ni Pablo ang mga Kristiyano na huwag ilagak ang kanilang mga pag-iisip sa makasalanang mga hilig, silakbo, at mga hangarin ng di-sakdal, makasalanang laman. At bakit huwag? Sa ibang dako ay sinabi sa atin ni Pablo kung anu-ano ang mga gawa ng laman at saka isinusog ang babala: “Yaong mga nagsasagawa ng gayong mga bagay ay hindi magmamana ng kaharian ng Diyos.”—Galacia 5:19-21.
10. Ano ba ang ibig sabihin ng “pagsasaisip”?
10 Subalit hindi ba may malaking pagkakaiba ang pagsasaisip ng isang bagay at ang pagsasagawa niyaon? Totoo, ang pagsasaisip tungkol sa anumang bagay ay hindi laging umaakay sa paggawa niyaon. Gayunman, ang pagsasaisip ay higit pa kaysa biglang naisip lamang. Ang salitang ginamit ni Pablo ay phroʹne·ma sa Griego, at ito ay tumutukoy sa “paraan ng pag-iisip, (kinahihiligan ng) isip, . . . pakay, lunggatiin, pinagpupunyagian.” Samakatuwid, “ang pagsasaisip ng laman” ay nangangahulugan ng pagiging kontrolado, pag-aari, dominado, at pinakikilos ng mga naisin ng makasalanang laman.—1 Juan 2:16.
11. Papaano isinasaisip ni Cain ang laman, at ano ang resulta?
11 Mainam ang pagkalarawan ng punto sa landasin na sinunod ni Cain. Nang bumangon sa puso ni Cain ang paninibugho at galit, siya’y binigyang-babala ng Diyos na Jehova: “Bakit ka nag-init sa galit at bakit namanglaw ang iyong mukha? Kung ikaw ay babaling sa paggawa ng mabuti, hindi ba pararangalan ka? Subalit kung ikaw ay hindi babaling sa paggawa ng mabuti, nariyan ang kasalanan na nakayukyok sa pintuan, at nagnanasa sa iyo; at ikaw ba, sa ganang iyo, ay mananaig laban dito?” (Genesis 4:6, 7) May pagpipilian si Cain. Siya kaya ay “babaling sa paggawa ng mabuti,” alalaong baga, ilalagay ang kaniyang isip, pakay, at lunggatiin sa isang bagay na mabuti? O siya ba’y magpapatuloy ng pagsasaisip ng laman at itututok ang kaniyang isip sa masasamang hilig na nagkukubli sa kaniyang puso? Gaya ng ipinaliwanag ni Jehova, ang kasalanan ay “nakayukyok sa pintuan,” nakaabang upang sunggaban at lamunin si Cain kung pahihintulutan niya iyon. Sa halip na paglabanan at ‘manaig’ sa kaniyang makalamang naisin, hinayaan ni Cain na siya’y madaig nito—tungo sa isang kapaha-pahamak na wakas.
12. Ano ang dapat nating gawin upang huwag mapunta “sa landas ni Cain”?
12 Kumusta naman tayo sa ngayon? Tiyak na hindi natin gusto na mapunta “sa landas ni Cain,” gaya ng ikinalungkot ni Judas hinggil sa ilang Kristiyano noong unang siglo. (Judas 11) Kailanma’y huwag tayong mangatuwiran at mag-isip na ang bahagyang pagpapalayaw sa sarili o paglabag sa mga alituntunin paminsan-minsan ay di-nakapipinsala. Bagkus, tayo’y dapat na alisto upang makilala ang anumang di-maka-Diyos at nakasásamáng impluwensiya na maaaring tumubo sa ating puso at isip at dagling alisin iyon bago magkaugat. Ang pakikipaglaban sa mahigpit na hawak ng kasalanan sa makasalanang laman ay nagsisimula sa loob.—Marcos 7:21.
13. Papaanong ang isang tao ay “naaakit ng sarili niyang pagnanasa”?
13 Halimbawa, marahil ay nakasulyap ka ng isang nakabibigla o nakapangingilabot na tanawin o isang larawang nagpapahiwatig o pumupukaw ng kahalayan. Maaaring iyon ay isang larawan sa isang aklat o isang magasin, eksena sa isang pelikula o telebisyon, isang anunsiyong nakapaskil, o isang situwasyon sa tunay na buhay. Iyan kung sa ganang sarili ay hindi naman kailangang makabahala, yamang iyan ay maaaring mangyari—at nangyayari nga. Gayunpaman, ang larawan o eksenang ito, bagaman maaaring tumagal nang mga ilang segundo lamang, ay maaaring manatili sa isip at muling sumaisip paminsan-minsan. Ano ba ang ginagawa mo kapag nangyayari iyan? Ikaw ba ay agad kumikilos upang labanan ang kaisipang iyan at iwaksi sa iyong isip? O pinapayagan mo bang iyan ay manatili sa iyong isip, marahil muling binubuhay ang karanasan tuwing maiisip mo iyon? Ang paggawa nitong huli ay maaaring magbunsod ng sunud-sunod na mga pangyayaring inilarawan ni Santiago: “Ang bawat isa ay nasusubok kapag nahihila at naaakit ng sarili niyang pagnanasa. Kung magkagayon ang pagnanasa, kapag ito ay naglihi na, ay nagsisilang ng kasalanan; ang kasalanan naman, kapag ito ay nagampanan na, ay nagluluwal ng kamatayan.” Kaya naman sinabi ni Pablo: “Ang pagsasaisip ng laman ay nangangahulugan ng kamatayan.”—Santiago 1:14, 15; Roma 8:6.
14. Ano ang napapaharap sa atin sa araw-araw, at papaano tayo dapat maapektuhan niyaon?
14 Yamang nabubuhay tayo sa isang sanlibutan na kung saan niluluwalhati ang seksuwal na imoralidad, karahasan, at materyalismo—anupat hayagan at madalas na itinatampok sa mga aklat, magasin, pelikula, mga programa sa telebisyon, at sa popular na musika—tayo ay literal na pinauulanan ng maling mga kaisipan at mga pangmalas sa araw-araw. Ano ba ang epekto sa iyo? Ikaw ba ay natutuwa at nalilibang sa lahat ng ito? O nadarama mo ang gaya ng nadama ng matuwid na si Lot, “na lubhang nabagabag sa pagpapakasasa ng mga taong sumasalansang-sa-batas . . . napahihirapan ang kaniyang matuwid na kaluluwa dahilan sa kanilang mga gawang tampalasan”? (2 Pedro 2:7, 8) Upang magtagumpay sa pakikipaglaban sa mahigpit na hawak ng kasalanan sa makasalanang laman, tayo’y kailangang magpasiyang gawin ang gaya ng ginawa ng salmista: “Hindi ako maglalagay ng walang-kabuluhang bagay sa harap ng aking mga mata. Ang gawa niyaong mga nagsisihiwalay ay aking kinapootan; hindi iyon kakapit sa akin.”—Awit 101:3.
Pagsasaisip ng Espiritu
15. Anong tulong ang taglay natin upang labanan ang mahigpit na hawak sa atin ng kasalanan?
15 Isang bagay na makatutulong sa atin upang labanan ang mahigpit na hawak ng kasalanan sa makasalanang laman ay yaong ipinagpatuloy na sabihin ni Pablo: “Ang pagsasaisip ng espiritu ay nangangahulugan ng buhay at kapayapaan.” (Roma 8:6) Sa gayon, sa halip na maging dominado ng laman, kailangang hayaan nating ang isip natin ay sumailalim ng impluwensiya ng espiritu at mabuhay sa mga bagay ng espiritu. Ano ba ang mga iyon? Sa Filipos 4:8, itinala ni Pablo ang mga ito: “Sa katapus-tapusan, mga kapatid, anumang mga bagay na totoo, anumang mga bagay na seryosong pag-isipan, anumang mga bagay na matuwid, anumang mga bagay na malinis, anumang mga bagay na kaibig-ibig, anumang mga bagay na may mabuting ulat, anumang kagalingan ang mayroon at anumang kapuri-puring bagay ang mayroon, patuloy na isaalang-alang ang mga bagay na ito.” Suriin nating mabuti at magtamo ng higit na pagkaunawa sa kung ano ang dapat na patuloy nating isaalang-alang.
16. “Patuloy na isaalang-alang” natin ang anong mga katangian, ayon sa pampatibay-loob na ibinigay ni Pablo, at ano ang kasangkot sa bawat isa?
16 Una sa lahat, itinala ni Pablo ang walong moral na mga katangian. Mangyari pa, natatalos natin na hindi lamang tungkol sa maka-Kasulatan o doktrinal na mga bagay ang iisipin ng mga Kristiyano sa lahat ng panahon. Napakaraming paksa o bagay na mapag-iisipan. Subalit ang mahalaga ay na ang mga ito’y makaabot sa moral na mga katangian na inisa-isa ni Pablo. Bawat isa sa mga kategorya ng “mga bagay” na binanggit ni Pablo ay karapat-dapat sa ating pansin. Isaalang-alang natin ang mga ito.
◻ Kasangkot sa “totoo” ang higit pa kaysa pagiging totoo o di-totoo. Ito’y nangangahulugan ng pagiging makatotohanan, matuwid, at kapuri-puri, isang bagay na tunay, hindi lamang nagbibigay ng anyo ng pagiging gayon.—1 Timoteo 6:20.
◻ Ang “seryosong pag-isipan” ay tumutukoy sa mga bagay na mararangal at kagalang-galang. Ito’y nagpapahiwatig ng diwa ng pagpapakundangan, isang bagay na matayog, dakila, at kagalang-galang sa halip na bulgar at mababang uri.
◻ Ang “matuwid” ay nangangahulugan na nakaaabot sa pamantayan ng Diyos, hindi ng tao. Ang isip ng mga taong tagasanlibutan ay okupado ng di-matuwid na mga panukala, subalit tayo ay dapat mag-isip at malugod sa mga bagay na matuwid sa paningin ng Diyos.—Ihambing ang Awit 26:4; Amos 8:4-6.
◻ Ang “malinis” ay nangangahulugang dalisay at banal hindi lamang sa paggawi (seksuwal o iba pa) kundi gayundin sa kaisipan at motibo. “Ang karunungan mula sa itaas ay una sa lahat malinis,” ang sabi ni Santiago. Si Jesus, na “dalisay,” ay siyang sakdal na Halimbawa para isaalang-alang natin.—Santiago 3:17; 1 Juan 3:3.
◻ Ang “kaibig-ibig” ay yaong pumupukaw at nagpapasigla ng pag-ibig sa iba. Tayo’y kailangang “mag-udyukan sa pag-ibig at sa maiinam na gawa,” sa halip na isaisip ang mga bagay na pumupukaw ng pagkakapootan, kapaitan, at pagtatalu-talo.—Hebreo 10:24.
◻ Ang “may mabuting ulat” ay nangangahulugan hindi lamang ng pagiging “kagalang-galang” o “marangal” kundi pati na rin, sa aktibong diwa, ng pagiging nakapagpapatibay at nagbibigay ng komendasyon. Isinasaisip natin ang mga bagay na mabuti at nakapagpapatibay sa halip na ang masama at nakagagalit.—Efeso 4:29.
◻ Ang “kagalingan” ay talagang nangangahulugan ng “kabutihan” o “kahusayan sa moral,” subalit ito’y maaari ring mangahulugan ng anumang uri ng kahusayan. Sa gayon, mapahahalagahan natin ang mahalagang mga katangian, kabutihan, at mga nagawa ng iba kasuwato ng pamantayan ng Diyos.
◻ Ang “kapuri-puring” mga bagay ay tunay na gayon nga kung ang papuri ay nanggagaling sa Diyos o sa awtoridad na kinikilala niya.—1 Corinto 4:5; 1 Pedro 2:14.
Pangakong Buhay at Kapayapaan
17. Anong mga pagpapala ang resulta ng “pagsasaisip ng espiritu”?
17 Kapag sinusunod natin ang payo ni Pablo at ‘patuloy na isinasaalang-alang ang mga bagay na ito,’ tayo’y magtatagumpay sa “pagsasaisip ng espiritu.” Ang resulta ay hindi lamang ang pagpapala sa buhay, samakatuwid nga, ang buhay na walang-hanggan sa ipinangakong bagong sanlibutan, kundi gayundin ang kapayapaan. (Roma 8:6) Bakit? Sapagkat ang ating mga isip ay ipinagsasanggalang buhat sa masamang impluwensiya ng mga bagay na makalaman, at hindi na tayo lubhang apektado ng mahirap na pakikipagpunyagi sa pagitan ng laman at ng espiritu gaya ng inilarawan ni Pablo. Sa paglaban sa impluwensiya ng laman, tayo’y nagtatamo rin ng pakikipagpayapaan sa Diyos “sapagkat ang pagsasaisip ng laman ay nangangahulugan ng pakikipag-away sa Diyos.”—Roma 7:21-24; 8:7.
18. Anong labanan ang isinasagawa ni Satanas, at papaano tayo makapagtatagumpay?
18 Si Satanas at ang kaniyang mga ahente ay gumagawa ng lahat ng magagawa nila upang dungisan ang ating pagpapaaninag ng kaluwalhatian ng Diyos. Sinisikap nilang supilin ang ating isip sa pamamagitan ng patuloy na pagpapasok sa mga ito ng mga hangaring makalaman, sa pagkaalam na ito sa wakas ay aakay sa pakikipag-away sa Diyos at sa kamatayan. Subalit tayo ay maaaring magtagumpay sa labanang ito. Tulad ni Pablo, maipahahayag din natin: “Salamat sa Diyos sa pamamagitan ni Jesu-Kristo na ating Panginoon” sa paglalaan sa atin ng paraan na magagamit upang labanan ang mahigpit na hawak ng kasalanan sa makasalanang laman.—Roma 7:25.
[Mga talababa]
a Karaniwan nang ginagamit ng Bibliya ang pandiwang Hebreo na cha·ta’ʹ at ang pandiwang Griego na ha·mar·taʹno upang tumukoy sa “kasalanan.” Ang dalawang salitang ito ay nangangahulugan ng “magmintis,” sa diwa na pagsala o hindi pag-abot sa isang tunguhin, marka, o puntirya.
b Ayon sa tradisyon, ang pitong malulubhang kasalanan ay kayabangan, kasakiman, kayamuan, pagkainggit, katakawan, galit, at katamaran.
Maipaliliwanag Mo Ba?
◻ Ano ang kasalanan, at papaano ito nagkakaroon ng mahigpit na hawak sa makasalanang laman?
◻ Papaano natin malalabanan ang “pagsasaisip ng laman”?
◻ Ano ang magagawa natin upang maitaguyod “ang pagsasaisip ng espiritu”?
◻ Papaano nagdudulot ng buhay at kapayapaan “ang pagsasaisip ng espiritu”?
[Larawan sa pahina 15]
Hinayaan ni Cain na madaig siya ng mga hilig ng laman sa kaniyang sariling ikapapahamak
[Mga larawan sa pahina 16]
Ang pagsasaisip ng espiritu ay nangangahulugan ng buhay at kapayapaan