Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w94 4/1 p. 25-28
  • Papaanong ang Tao ay Magiging Kalarawan ng Diyos?

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Papaanong ang Tao ay Magiging Kalarawan ng Diyos?
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1994
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Ang mga Katangian ni Jehova
  • Mga Pagsisikap na Tularan ang Diyos
  • Papaano ba Tayo Higit na Makatutulad sa Diyos Ngayon?
  • Pangangaral ng Mabuting Balita
  • Dakilain si Jehova Bilang ang Tanging Tunay na Diyos
    Sambahin ang Tanging Tunay na Diyos
  • Pahalagahan ang Walang-Kapantay na mga Katangian ng Diyos
    Tunay na Pananampalataya—Ang Susi Mo sa Maligayang Buhay
  • “Sa Ganitong Paraan Tayo Inibig ng Diyos”
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1997
  • Malapit Na ang Katarungan Para sa Lahat ng Bansa
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1989
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1994
w94 4/1 p. 25-28

Papaanong ang Tao ay Magiging Kalarawan ng Diyos?

“NILALANG ng Diyos ang tao sa kaniyang sariling larawan, sa larawan ng Diyos siya nilalang; nilalang niya sila na lalaki at babae.” Ganiyan ang sinasabi ng kinasihang ulat, subalit ano ba ang ibig niyang sabihin? Papaano nilalang sa larawan ng Diyos ang unang lalaki at babae?​—Genesis 1:27.

Sa pangangatawan ba’y katulad sila ng Diyos? Hindi, imposible iyan. Ang tao ay tao, laman, dinisenyo upang mabuhay sa lupa. Ang Diyos ay espiritu, naroroon sa di-malirip na makalangit na kaluwalhatian na hindi man lamang malalapitan ng sinumang tao. (Exodo 33:18-20; 1 Corinto 15:50) Kung gayon, papaano nilalang ang tao sa larawan ng Diyos? Sa bagay na ang tao ay binigyan ng kakayahan na gamitin ang mga pangunahing katangian ng Diyos​—pag-ibig, katarungan, karunungan, at kapangyarihan​—gayundin ang iba pang katangian.

Ang mga Katangian ni Jehova

Ang mga katangian ng Diyos na Jehova ay naaaninag sa lahat ng kaniyang nilalang, subalit ang mga ito ay lubhang nahayag sa kaniyang pakikitungo sa unang mag-asawa, sina Adan at Eva. (Roma 1:20) Nasasaksihan ang kaniyang pag-ibig sapagkat nilalang niya ang lupa na tamang-tama para pamuhayan ng tao. Nilalang ni Jehova para sa lalaki ang isang sakdal na asawa upang maging kasama niya at ina ng kaniyang mga anak. Inilagay niya silang dalawa sa isang magandang halamanan at saganang binigyan sila ng lahat ng pangangailangan upang patuloy na mabuhay at maging maligaya. At kamangha-mangha sa lahat, binigyan sila ng Diyos ng pagkakataon na mabuhay magpakailanman.​—Genesis 2:7-9, 15-24.

Ang karunungan ng Diyos ay nakita sa kaniyang pagsubok sa unang mag-asawa. Kung sila’y mananatiling mga miyembro ng pansansinukob na pamilya ni Jehova at kung sila’y mabubuhay magpakailanman bilang mga magulang ng lahi ng tao, kailangan na sila’y maging mga halimbawa sa katapatan at sa tunay na pagsamba. Kaya naman, binigyan sila ni Jehova ng pagkakataon na ipakita ang kalagayan ng kanilang puso sa ilalim ng isang angkop na pagsubok​—sila’y huwag kakain ng bunga ng punungkahoy ng pagkakilala ng mabuti at masama. Anong laking karunungan sa bahagi ni Jehova na payagang patunayan ng mga tao ang kanilang pagsunod at pag-ibig sa kaniya bago bigyan sila ng kahanga-hangang mga pribilehiyo na nasa isip niya!

Ang katarungan ng Diyos ay nakita sa kaniyang sapilitang pagpapasunod ng matataas na pamantayan sa kaniyang mga nilalang at ang hindi niya pakikipagkompromiso ng mga pamantayang iyon. Iyon ay nakita sa pagbibigay niya kina Adan at Eva ng bawat pagkakataon na gawin ang matuwid. At nang sila’y mabigo, nakita ang kaniyang katarungan sa kaniyang hatol sa kanila upang dumanas ng ipinahayag na kaparusahan para sa paghihimagsik.

Ang kapangyarihan ni Jehova ay nakita sa kaniyang pagtupad ng kaniyang inihatol. Si Satanas, ang pusakal na rebelde, ay nagpahiwatig na si Jehova ay isang sinungaling, at si Satanas ay nag-alok ng dakilang mga bagay kay Eva kung kaniyang susuwayin ang Diyos. (Genesis 3:1-7) Subalit hindi nakatupad si Satanas ng kaniyang ipinangako. Hindi niya nahadlangan si Jehova sa pagpapaalis kina Adan at Eva buhat sa halamanan ng Eden, at hindi niya nahadlangan ang katuparan ng mga sinabi ng Diyos kay Adan: “Ikaw ay alabok at sa alabok ka uuwi.” (Genesis 3:19) Gayunman, hindi kaagad isinagawa ni Jehova ang sentensiyang kamatayan, at dito ay ipinakita pa rin niya ang kaniyang pag-ibig. Binigyan niya sina Adan at Eva ng panahon upang magluwal ng mga supling na sa pamamagitan niyaon ang kaniyang orihinal na layunin para sa sangkatauhan ay sa wakas matutupad.​—Genesis 1:28.

Sa wakas, ang katarungan, pag-ibig, kapangyarihan, at karunungan ng Diyos na Jehova ay nahayag sa kaniyang pangako na maglaan ng isang binhi na magwawasak sa mga gawa ni Satanas at itutuwid ang nakalulungkot na mga resulta ng unang paghihimagsik na iyon laban sa banal na soberanya. (Genesis 3:15) Anong kahanga-hangang Maylikha mayroon tayo!

Mga Pagsisikap na Tularan ang Diyos

Bagaman hindi na sakdal, maipamamalas pa rin ng mga tao ang mga katangian ng Diyos. Sa gayon, hinimok ni Pablo ang mga Kristiyano noong kaniyang kaarawan: “Maging mga tagatulad kayo sa Diyos, gaya ng mga anak na iniibig.” (Efeso 5:1) Gayunpaman, sa buong kasaysayan karamihan ay nagpakita ng malaking pagwawalang-bahala sa mga katangian ng Diyos. Sa pagsapit ng panahon ni Noe, naging napakaliko ng mga tao kung kaya ipinasiya ni Jehova na lipulin ang lahat ng tao maliban kay Noe at ang kaniyang pamilya. Si Noe ay “isang matuwid [makatarungan] na tao. Pinatunayan niyang siya’y walang-kapintasan sa gitna ng mga tao noong panahon niya,” at kaniyang ipinakita ang pag-ibig niya sa Diyos sa pamamagitan ng pagsasagawa ng mga utos ng Diyos.a “Ganoon ginawa ni Noe ayon sa lahat ng iniutos sa kaniya ng Diyos. Ganoong-ganoon ang ginawa niya.” (Genesis 6:9, 22) Ipinakita ni Noe ang pag-ibig sa kaniyang kapuwa at ang kaniyang kaugnayan sa katarungan sa pamamagitan ng pagiging “isang mangangaral ng katuwiran.” (2 Pedro 2:5) Siya’y nagpakita ng karunungan at wastong ginamit ang kaniyang pisikal na lakas sa pamamagitan ng pagsunod sa tagubilin ng Diyos na magtayo ng isang napakalaking daong, mag-imbak doon ng pagkain, tipunin ang mga hayop, at pumasok sa daong ayon sa utos ni Jehova. Ipinakita rin niya ang kaniyang pag-ibig sa katuwiran sa hindi pagpapahintulot na siya ay mahawa sa kaniyang balakyot na mga kapitbahay.

Inilalarawan ng Bibliya ang marami pang iba na nagpamalas din ng maka-Diyos na mga katangian. Ang pangunahin sa lahat ay si Jesu-Kristo, na sakdal na kalarawan ng Diyos at sa gayo’y makapagsasabi: “Siya na nakakita sa akin ay nakakita rin sa Ama.” (Juan 14:9) Sa mga katangiang ipinamalas ni Jesus, pinakalitaw ang kaniyang pag-ibig. Ang pag-ibig sa kaniyang Ama at sa sangkatauhan ang nag-udyok sa kaniya na lisanin ang kaniyang makalangit na tahanan at mamuhay bilang isang tao sa lupa. Ito ang nag-udyok sa kaniya na luwalhatiin ang kaniyang Ama sa pamamagitan ng kaniyang matuwid na asal at ipangaral sa sangkatauhan ang mabuting balita ng kaligtasan. (Mateo 4:23; Juan 13:31) Pagkatapos, ang pag-ibig ang nag-udyok kay Jesus upang ihandog ang kaniyang sakdal na buhay ukol sa kaligtasan ng sangkatauhan at, lalong mahalaga, ukol sa pagbanal sa pangalan ng Diyos. (Juan 13:1) Sa pagsusumakit na tularan ang Diyos, mayroon pa bang anumang lalong mainam na halimbawa kaysa kay Jesu-Kristo?​—1 Pedro 2:21.

Papaano ba Tayo Higit na Makatutulad sa Diyos Ngayon?

Sa ngayon, papaano tayo makapagpapakita ng mga katangian ng Diyos at sa gayo’y kumilos ayon sa larawan ng Diyos? Buweno, isaalang-alang muna ang katangian na pag-ibig. Sinabi ni Jesus: “Ibigin mo si Jehova na iyong Diyos nang buong puso mo at nang buong kaluluwa mo at nang buong pag-iisip mo.” Papaano tayo magpapakita ng pag-ibig sa Diyos? Si apostol Juan ay sumasagot: “Ito ang kahulugan ng pag-ibig sa Diyos, na tuparin natin ang kaniyang mga kautusan; at gayunma’y ang kaniyang mga kautusan ay hindi nakapagpapabigat.”​—Mateo 22:37; 1 Juan 5:3.

Mangyari pa, upang masunod ang mga utos ni Jehova, kailangang alam natin ang mga ito. May kasangkot iyan na pagbabasa, pag-aaral, at pagbubulay-bulay ng Salita ng Diyos, ang Bibliya, at mga literatura tungkol sa Bibliya. Tulad ng salmista, dapat na masabi natin: “Oh gaanong iniibig ko ang iyong kautusan! Siya kong ginugunita buong araw.” (Awit 119:97) Habang lumalalim ang ating unawa sa Salita ng Diyos, tayo’y napupuspos ng paraan ng pag-iisip ng Diyos. Nagkakaroon tayo ng pag-ibig sa katuwiran at ng pagkapoot sa kasamaan. (Awit 45:7) Diyan nagkamali si Adan. Alam niya ang batas ni Jehova, ngunit hindi sapat ang kaniyang pag-ibig upang mangunyapit doon. Pagka binabasa ang Salita ng Diyos, dapat na laging itanong natin sa ating sarili, ‘Papaano ba ito kumakapit sa akin? Ano ang magagawa ko upang ang aking paggawi ay lalong maging kasuwato ng mga katangian ng Diyos?’

Sinabi rin ni Jesus: “Ibigin mo ang iyong kapuwa gaya ng iyong sarili.” (Mateo 22:39) Bawat malusog na tao ay umiibig sa kaniyang sarili at nagnanais ng pinakamagaling para sa kaniyang sarili. Hindi masama iyan. Subalit tayo ba ay nagpapakita ng katulad na pag-ibig sa ating kapuwa? Sinusunod ba natin ang utos na nasa Bibliya: “Huwag mong ipagkait ang mabuti sa kinauukulan, pagka nasa kapangyarihan ng iyong kamay na ito’y gawin”?​—Kawikaan 3:27; Galacia 6:10.

Kumusta naman ang katangian ng karunungan? Ang ating paghahangad na maipakita ang katangiang ito ay umaakay sa atin upang mag-aral ng Bibliya sapagkat iyan ang pinagmumulan ng banal na karunungan. Sa Awit 119:98-100 ay mababasa ang ganito: “Pinarurunong ako kaysa aking mga kaaway ng iyong mga utos, sapagkat laging sumasaakin hanggang sa panahong walang-takda. Ako’y may higit na matalinong unawa kaysa lahat ng tagapagturo sa akin, sapagkat ang iyong mga paalaala ay palaging ginugunita ko. Ako’y kumikilos na may higit na unawa kaysa nakatatandang mga lalaki, sapagkat tinupad ko ang iyong sariling mga tuntunin.” Sa Kawikaan 3:18, ang karunungan ay inilalarawan na “isang punungkahoy ng buhay.” Kung tayo’y magtatamo ng karunungan at gagamitin iyon, tatanggapin natin ang pagsang-ayon ng Diyos at ang gantimpalang buhay na walang-hanggan.​—Eclesiastes 7:12.

Kumusta naman ang katarungan? Sa balakyot na sanlibutang ito, ang katarungan ay isang mahalagang katangian para sa mga nagnanais palugdan ang Diyos. Inibig ni Jesus ang katuwiran (katarungan) at kinapootan ang kasamaan. (Hebreo 1:9) Ganiyan din ang ginagawa ng mga Kristiyano sa ngayon. Ang katarungan ang nagpapakilos sa kanila upang pahalagahan ang matuwid na mga katangian. Iniiwasan nila ang masasamang lakad ng sanlibutang ito at ang paggawa ng kalooban ng Diyos ang ginagawang pinakamahalagang bagay sa kanilang buhay.​—1 Juan 2:15-17.

Kung tungkol sa kapangyarihan, lahat tayo ay mayroon nito. Likas na tayo’y may pisikal at intelektuwal na kapangyarihan, at habang tayo’y sumusulong bilang mga Kristiyano, napauunlad natin ang kapangyarihan ayon sa espirituwal na diwa. Ang ating kapangyarihan ay dinaragdagan pa ni Jehova ng kaniyang banal na espiritu hanggang sa tayo, bagaman waring mahihina, ay makapagsasagawa ng kalooban ni Jehova. Sinabi ni Pablo: “Sa lahat ng mga bagay ay may lakas ako dahil sa kaniya na nagbibigay ng kapangyarihan sa akin.” (Filipos 4:13) Ang ganiyan ding lakas ay makakamit natin kung tayo’y mananalangin na pagkalooban tayo ng espiritu ni Jehova.

Pangangaral ng Mabuting Balita

Ang ating pagpapakita ng apat na pangunahing katangian ng Diyos ay kitang-kita sa ating pagsunod sa utos: “Humayo kayo samakatuwid at gumawa ng mga alagad sa mga tao ng lahat ng mga bansa, na binabautismuhan sila sa pangalan ng Ama at ng Anak at ng banal na espiritu, na itinuturo sa kanila na tuparin ang lahat ng mga bagay na iniutos ko sa inyo. At, narito! ako ay kasama ninyo sa lahat ng mga araw hanggang sa katapusan ng sistema ng mga bagay.” (Mateo 28:19, 20) Ang ganiyang gawaing pagtuturo ay nagdadala ng buhay sa mga nagsisitugon. Anong inam na pagpapakita ng pag-ibig para sa kanila na, sa kalakhang bahagi, sa simula ay hindi natin nakikilala!

Isa pa, ang gayong pagtuturo ay landas ng karunungan. Iyon ay nagbubunga ng mga bagay na nananatili. Ano pang ibang gawain ang masasabing: “Sa paggawa nito ay ililigtas mo kapuwa ang iyong sarili at yaong mga nakikinig sa iyo”? (1 Timoteo 4:16) Walang mga talunan sa paggawa ng mga alagad. Kapuwa yaong mga nakikinig at yaong mga nagtuturo ay nagtatamo ng walang-hanggang mga pagpapala.

Kung tungkol sa katarungan, ang mga Kristiyano ay nagtuturo ng makatarungan at matuwid na mga simulain sa kanilang mga tinuturuan ng Bibliya. Sila’y tinutulungan natin upang maglingkod kay Jehova, “ang Diyos ng katarungan.” (Malakias 2:17) Yaong mga nag-aalay ngayon ng kanilang buhay upang paglingkuran si Jehova at ginagawa iyon nang may katapatan ay itinuturing na mga matuwid, makatarungan, na umaakay tungo sa kanilang pagkaligtas sa Armagedon.​—Roma 3:24; Santiago 2:24-26.

Anong laking pagtatanghal ng kapangyarihan ang pangangaral at pagtuturo ng mabuting balita sa buong daigdig! (Mateo 24:14) Pagtitiis ang kailangan upang makapangaral nang patuluyan sa mga teritoryo na kung saan ang karamihan ng tao ay ayaw makinig. Subalit si Jehova, sa pamamagitan ng kaniyang espiritu, ay nagbibigay ng lakas na kinakailangan upang makapagtiis hanggang sa wakas.​—Isaias 40:30, 31; Mateo 24:13; Lucas 11:13.

Totoo, bilang di-sakdal na mga supling ni Adan, hindi natin lubusang magagamit ang maiinam na mga katangiang ito. Subalit, tandaan, ang tao ay ginawa ayon sa larawan ng Diyos, at kung tayo’y magsusumikap na maging higit at higit na katulad ng Diyos, sa isang bahagi ay tinutupad natin ang dahilan ng ating pag-iral. (Eclesiastes 12:13) Kung tayo’y magsusumikap na gawin ang pinakamagaling na magagawa natin at hihingi ng kapatawaran pagka tayo ay nagkasala, tayo nga ay makaaasa na makaligtas tungo sa matuwid na bagong sanlibutan ng Diyos, na kung saan tayo ay magtatamo ng kasakdalan. Kung gayon, tayo’y maninirahan sa isang paraisong lupa na tinatahanan ng sakdal na mga tao, pawang lubos na makikitaan ng mga katangian ng Diyos na Jehova. Anong laking kagalakan! Sa wakas, sa lubos na kahulugan ng pananalita, ang mga tao ay magiging kalarawan ng Diyos.

[Talababa]

a Ang “matuwid” at “makatarungan” ay may malapit na kaugnayan. Sa Griegong Kasulatan, ang mga ito ay kinakatawan ng isang salita, ang diʹkai·os.

[Larawan sa pahina 25]

Ipinakita sa atin ni Jesus kung papaano lilinangin ang banal na mga katangian ni Jehova

[Larawan sa pahina 26]

Sa wakas, ang mga tao sa lubos na kahulugan ay magiging kalarawan ng Diyos

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share