KETURA
[mula sa salitang-ugat na nangangahulugang “gumawa ng haing usok”].
Isang asawa ni Abraham at ina ng anim sa kaniyang mga anak, sina Zimran, Joksan, Medan, Midian, Isbak, at Shuah, mga ninuno ng iba’t ibang grupo ng mga tao sa H Arabia na nanirahan sa T at S ng Palestina.—Gen 25:1-4.
Sa 1 Cronica 1:32 ay tuwirang tinukoy si Ketura bilang “babae ni Abraham,” at maliwanag na siya at si Hagar ang tinutukoy sa Genesis 25:6, kung saan binabanggit ang mga anak ng ‘mga babae’ ni Abraham. Samakatuwid, si Ketura ay isang pangalawahing asawa na hindi kailanman nagkamit ng katayuang tulad ng kay Sara na ina ni Isaac, na pinanggalingan ng ipinangakong Binhi. (Gen 17:19-21; 21:2, 3, 12; Heb 11:17, 18) Bagaman “ibinigay ni Abraham kay Isaac ang lahat ng kaniyang tinatangkilik,” nagbigay ang patriyarka ng mga kaloob sa mga anak ng kaniyang mga babae at pagkatapos ay “inilayo niya sila mula kay Isaac na kaniyang anak, habang siya ay buháy pa, sa gawing silangan, sa lupain ng Silangan.”—Gen 25:5, 6.
Sinasabi ng iba na kinuha ni Abraham si Ketura bilang babae niya bago pa mamatay si Sara, palibhasa’y iniisip nila na malayong magkaanak siya ng anim na lalaki sa isang babae paglampas niya ng mga 140 taóng gulang at pagkatapos ay mabuhay pa hanggang sa sumapit sila sa edad na maaari na niya silang paalisin. Gayunman, nabuhay pa si Abraham nang mahigit 35 taon pagkamatay ni Sara at namatay siya sa edad na 175 taon. (Gen 25:7, 8) Kaya maaari pa niyang kunin si Ketura bilang asawa, magkaanak sa kaniya ng anim na lalaki, at makitang lumaki ang mga ito bago siya mamatay. Gayundin, malamang na isinaalang-alang ni Abraham ang damdamin ni Sara anupat hindi niya hahayaang muling magkaroon ng hidwaan sa sambahayan (tulad niyaong kinasangkutan nina Hagar at Ismael) sa pamamagitan ng pagkuha ng isa pang babae samantalang buháy pa si Sara. At kung ibabatay sa pagkakasunud-sunod ng mga pangyayari gaya ng pagkakalahad sa aklat ng Genesis, talagang masasabing kinuha ni Abraham si Ketura bilang kaniyang asawa pagkamatay ni Sara.—Ihambing ang Gen 23:1, 2; 24:67; 25:1.
Dahil lamang sa makahimalang pagpapanumbalik ng kanilang kakayahang mag-anak kung kaya sina Abraham at Sara ay nagkaanak ng isang lalaki, si Isaac, sa kanilang katandaan. (Heb 11:11, 12) Maliwanag na dahil sa pagpapanauli ng gayong kakayahan kung kaya nagkaanak si Abraham ng anim pang mga lalaki kay Ketura bagaman mas matanda na siya noon.