REBEKA
[posible, Baka].
Anak ni Betuel na anak ni Nahor, at samakatuwid ay apo ni Abraham sa pamangkin. Ang pangalan ng kaniyang kapatid na lalaki ay Laban.—Gen 22:20-23.
Noong 1878 B.C.E., nang isugo ni Abraham ang tagapamahala ng kaniyang sambahayan, malamang na si Eliezer, upang maghanap ng isang babaing angkop na mapangasawa ng kaniyang anak na si Isaac (na noon ay 40 taóng gulang), nakarating siya sa “lunsod ni Nahor” sa itaas ng libis ng Mesopotamia. Sa tabi ng isang balon doon, ang lingkod na ito ay nanalangin at humiling ng isang tanda: ang dalagang pinili ni Jehova ay hindi lamang magbibigay sa kaniya ng maiinom kapag hinilingan kundi magkukusa ring magpainom sa kaniyang sampung kamelyo. (Gen 24:1-14) Habang nananalangin siya, dumating si Rebeka sa balon na may dalang bangang pantubig. Nang hilingin niya rito na pahigupin siya ng kaunting tubig, malugod siyang pinainom nito at pagkatapos ay “dali-dali niyang ibinuhos ang laman ng kaniyang banga sa labangan at tumakbo nang pabalik-balik sa balon upang sumalok ng tubig, at patuloy siyang sumalok para sa lahat ng kaniyang mga kamelyo. Samantala ang lalaki ay nakatitig sa kaniya sa pagkamangha, na nananatiling tahimik upang malaman kung pinagtagumpay ni Jehova ang kaniyang paglalakbay o hindi.” Si Rebeka ay napatunayang mabait, mapagpatuloy, mahinhin sa kaniyang paggawi, at masipag; bukod pa rito, “ang kabataang babae ay lubhang kaakit-akit ang anyo.”—Gen 24:14-21.
Sa pagkakitang sinagot ang kaniyang panalangin, pinagkalooban ng lingkod ni Abraham si Rebeka ng isang gintong singsing na pang-ilong at dalawang magagandang gintong pulseras (nagkakahalaga ngayon ng mga $1,350). Ipinakita ni Rebeka ang mga ito sa kaniyang pamilya—sa kaniyang ina at sa kaniyang kapatid na si Laban—na nagpamalas naman ng pagkamapagpatuloy sa bisita at sa mga tagapaglingkod na kasama niya. (Gen 24:22-32) Ngunit bago kumain ang lalaki, sinabi niya kung ano ang kaniyang sadya. Pumayag si Laban at ang kaniyang amang si Betuel na makasal si Rebeka kay Isaac; binigyan si Rebeka at ang kaniyang pamilya ng mga kaloob, na binubuo ng mahahalagang kagamitang ginto at pilak at magagarang kasuutan, at pagkatapos ay kumain silang sama-sama. (Gen 24:33-54) Ang transaksiyong ito ay nagsilbing isang marangal na kontrata sa pag-aasawa, hindi sa pagitan nina Rebeka at Isaac, kundi sa pagitan ng kanilang mga magulang, ayon sa kaugalian noong panahong iyon. Sa ganitong paraan ay ipinakipagtipan si Rebeka kay Isaac at mula noon ay maituturing na naging asawa na niya ito.
Yamang sang-ayon naman si Rebeka, ang pulutong ay umalis kinaumagahan para sa mahabang paglalakbay patungo sa Negeb na malapit sa Beer-lahai-roi, kung saan naninirahan noon si Isaac. Bago umalis si Rebeka, pinagpala siya ng kaniyang pamilya, na sinasabi: “Ikaw nawa ay maging libu-libong sampung libo, at ariin ng iyong binhi ang pintuang-daan niyaong mga napopoot sa kaniya.” Sumama kay Rebeka ang kaniyang yaya na si Debora at iba pang mga tagapaglingkod na babae, at waring walang sinuman sa kanila ang bumalik pa sa kanilang sariling lupain.—Gen 24:55-62; 35:8.
Pagdating sa kanilang destinasyon, naglagay si Rebeka ng pandong nang papalapit na ang kaniyang kasintahang si Isaac, at matapos isalaysay ng lingkod ni Abraham ang lahat ng pangyayari sa kaniyang misyon, anupat inilahad kung paano pinatnubayan ni Jehova ang pagpili, dinala ni Isaac si Rebeka sa tolda ng kaniyang ina upang maging kaniyang asawa. Lubhang minahal ni Isaac si Rebeka, at dito siya “nakasumpong ng kaaliwan matapos na mawala ang kaniyang ina” na si Sara, na namatay tatlong taon ang kaagahan.—Gen 24:63-67.
Gaya ni Sara, nanatiling baog si Rebeka nang mahabang panahon. Pagkalipas ng mga 19 na taon, na sa panahong iyon ay matiyagang nagsumamo si Isaac kay Jehova, naglihi si Rebeka at nang maglaon ay isinilang ang kambal na sina Esau at Jacob. Lubha siyang nahirapan sa pagdadalang-tao, yamang ang dalawa ay nagbuno sa loob ng kaniyang bahay-bata, anupat nag-isip si Rebeka, “Bakit pa ako nabubuhay?” Bilang tugon, tiniyak ni Jehova sa kaniya na siya ay magiging ina ng dalawang dakilang bansa at na “ang nakatatanda ay maglilingkod sa nakababata.” (Gen 25:20-26) Ipinakita nito, sabi ni Pablo, na ang pagpili sa ‘binhing ipinangako’ ay lubusang nakasalalay sa Diyos.—Ro 9:6-13.
Gaya rin ni Sara, nagpanggap din si Rebeka sa isang pagkakataon bilang kapatid ng kaniyang asawa. Nangyari ito noong magkaroon ng taggutom sa lupain at mapilitan ang kaniyang pamilya na pansamantalang manahanan sa teritoryong Filisteo na pinamamahalaan ni Haring Abimelec. Malamang na matanda na noon si Rebeka, ngunit dahil sa kaniyang pambihirang kagandahan, si Isaac, ang itinalagang tagapagmana ng tipang Abrahamiko, ay nanganib na mapatay kung malalaman na ito ang kaniyang asawa.—Gen 26:1-11.
Nang si Isaac ay matanda na at naghahanda nang pagpalain si Esau na kaniyang panganay, kaagad na gumawa ng mga hakbang si Rebeka upang ang ninanasang pagpapala ay makuha ni Jacob. (Gen 25:28-34; 27:1-5) Hindi binabanggit kung batid ni Rebeka na may legal na karapatan si Jacob sa pagkapanganay dahil nabili na niya ito, ngunit alam na alam ni Rebeka ang sinabi ni Jehova sa kaniya, samakatuwid nga, na ang nakatatanda ay maglilingkod sa nakababata. Kaya kumilos siya upang tiyakin na makukuha ni Jacob ang pagpapala ng ama nito. Ang kinalabasan ay kaayon ng layunin ni Jehova.—Gen 27:6-29; tingnan ang JACOB Blg. 1.
Nang maglaon, nang malaman ni Rebeka na pinaplano ni Esau na patayin si Jacob, inudyukan niya si Isaac na papuntahin si Jacob sa kaniyang sariling lupain upang humanap ng mapapangasawa nito. Sila ni Isaac ay kapuwa labis na napighati noong kumuha si Esau ng dalawang asawa mula sa kinapopootang mga Canaanita.—Gen 26:34, 35; 27:41-46; 28:1-5; 29:10-12.
Hindi binabanggit kung kailan namatay si Rebeka, ngunit maaaring nangyari iyon bago umuwi si Jacob mula sa Mesopotamia. (Gen 35:27) Inilibing siya sa yungib ng pamilya sa Macpela kasama nina Abraham at Sara, kung saan inilibing din sina Isaac, Lea, at Jacob nang dakong huli.—Gen 49:29-31; 50:13.