Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w91 7/1 p. 8-13
  • Ang Papel na Ginagampanan ng Babae sa Kasulatan

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Ang Papel na Ginagampanan ng Babae sa Kasulatan
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1991
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Nilalang Bilang Kabiyak ng Lalaki
  • Ang Makatuwirang Papel ng Babae
  • Kasalanan ang Sumira sa Papel ng Babae
  • Ang mga Babae sa Ilalim ng Kautusan ni Moises
  • Tanyag na mga Babae
  • Ang mga Babae sa Ilalim ng Judaismo
  • Tapat na mga Babae na Naghihintay sa Mesiyas
  • May Malasakit ba ang Diyos sa mga Babae?
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2012
  • Ano ang Papel ng mga Babae sa Layunin ni Jehova?
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2014
  • Ang Marangal na Papel ng mga Babaing Kabilang sa Mga Naunang Lingkod ng Diyos
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1995
  • Ang Marangal na Bahaging Ginagampanan ng Babae
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1986
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1991
w91 7/1 p. 8-13

Ang Papel na Ginagampanan ng Babae sa Kasulatan

“Tatawagin itong Babae, sapagkat sa lalaki kinuha ito.”​—GENESIS 2:23.

1, 2. (a) Ano ang pangmalas ng Bibliya sa mga babae ayon sa akala ng ibang mga tao? (b) Upang maging makatarungan, anong paghahambing ang dapat gawin, at ano ang sinasabi ng isang reperensiyang aklat?

ANO ba ang pangmalas ng Banal na Kasulatan sa mga babae? Nagkakaiba-iba ang mga opinyon tungkol dito. Isang kamakailang aklat tungkol sa paksa ang nagsasabi: “Ang isang kasalukuyang akala ay na minamaliit ng Bibliya ang mga babae.” May mga taong nagsasabi na kapuwa sa mga bahaging Hebreo at Griego, ang Bibliya ay istrikto sa mga babae. Ito ba ay totoo?

2 Upang maging makatarungan, angkop muna na suriin kung papaano tinrato ang mga babae noong mga sinaunang panahon sa Bibliya ng mga bayan na hindi sumamba kay Jehova. Sa ilang sinaunang kabihasnan na sumusunod sa pagsamba sa inang-diyosa, ang mga babae ay pinarangalan bilang mga sagisag ng pagkapalaanakin. Lumalabas na sila’y totoong pinahalagahan sa Babilonia at Ehipto. Subalit sa mga ibang dako ay hindi naman ganoon. Sa sinaunang Asirya anumang oras na gustong hiwalayan ng isang lalaki ang kaniyang asawa at patayin pa man din ito kung nagtataksil, iyan ay magagawa niya. Sa labas ng tahanan, siya’y kailangang magtalukbong ng isang belo. Sa Gresya at Roma, tanging ang mayayamang babae, na marami sa kanila ay mga masasamang babae, o matataas-uring patutot, ang mga nakapag-aral at nagtatamasa ng kaukulang kalayaan. Sa gayon, nakatutuwang mabasa sa The New International Dictionary of New Testament Theology:a “Ibang-iba sa natitirang bahagi ng silanganing (relihiyosong) daigdig, siya [ang babae sa Kasulatang Hebreo] ay kinikilala na isang tao at isang kapareha ng lalaki.” Ito ay mainam ang pagkasabi sa katapusang aklat ng Kasulatang Hebreo, na kung saan inilalarawan ng propeta ni Jehova ang asawa ng isang lalaki bilang kaniyang “kapareha,” at isinususog: “Sa asawa ng iyong kabataan ay huwag sanang magtataksil ang sinuman.”​—Malakias 2:14, 15.

Nilalang Bilang Kabiyak ng Lalaki

3. at talababa. (a) Pagkatapos lalangin si Adan, anong atas na mga gawain ang ibinigay sa kaniya ni Jehova? (b) Bagaman noon ay wala pa siyang asawa, ano ang kalagayan ni Adan bago nilalang si Eva, at ano rin naman ang kalagayan ng “huling Adan,” si Jesus?

3 Ayon sa Bibliya, si Adan ay nilalang ni Jehova “sa alabok ng lupa” at inilagay siya sa halamanan ng Eden, upang alagaan iyon. Kay Adan ay dinala ng Diyos ang maiilap na hayop sa parang at ang mga ibon sa himpapawid upang kaniyang mapag-aralan at bigyan ng kani-kanilang pangalan. Sa buong panahon na ginagawa niya ito, si Adan ay nag-iisa. Para sa atas na kaniyang tinanggap kay Jehova magpahangga noon, siya’y sakdal, ganap, walang kulang na anuman.b Siya’y walang “katulong bilang isang kapupunan niya.”​—Genesis 2:7, 15, 19, 20.

4, 5. (a) Nang hindi na mabuti na si Adan ay patuloy na mag-isa, ano ang ginawa ni Jehova? (b) Anong mahabang-panahong atas na gawain ang ibinigay ni Jehova kay Adan at kay Eva, at ito’y mangangailangan ng ano kapuwa sa kanila?

4 Gayunman, makalipas ang ilang panahon, sinabi ni Jehova na “hindi mabuti para sa lalaki na mag-isa,” at kaniyang binigyan si Adan ng isang kasama upang makatulong niya sa mga gawain na darating. Kaniyang pinatulog si Adan, kinuha ang isa sa kaniyang mga tadyang, at hinubog iyon upang maging isang babae, ‘buto ng mga buto ni Adan at laman ng kaniyang laman.’ Ngayon si Adan ay mayroon nang “isang katulong,” “isang kapupunan,” o isang kabiyak. “At, binasbasan sila ng Diyos at sinabi sa kanila ng Diyos: ‘Kayo’y magpalaanakin at magpakarami at punuin ninyo ang lupa at inyong supilin, at magkaroon kayo ng kapangyarihan sa mga isda sa dagat at sa mga ibon sa himpapawid at sa bawat nabubuhay na nilikha na gumagalaw sa ibabaw ng lupa.’ ”​—Genesis 1:25, 28; 2:18, 21-23.

5 Pansinin na ang atas na ito ay ibinigay sa “kanila,” sa kapuwa lalaki at babae. Ang kanilang pagtutulungán ay hindi lamang upang mapuno ang lupa. Kasali na rin doon ang pagsupil sa lupa at ang paggamit ng nararapat na kapangyarihan sa lahat ng nakabababang mga nilalang. Ito’y mangangailangan ng pangkaisipan at espirituwal na mga katangian, at kapuwa ang lalaki at ang babae ay may kinakailangang potensiyal para sa pagpapaunlad ng mga ito kasuwato ng kalooban ng Diyos.

Ang Makatuwirang Papel ng Babae

6. (a) Ano ang ipinakikita ng Bibliya tungkol sa magkaugnay na pisikal na lakas ng lalaki at ng babae? (b) Papaano makabubuting mangatuwiran ang mga babae upang tanggapin ang kaayusan ni Jehova ng mga bagay?

6 Mangyari pa, ang pagsupil sa lupa ay mangangailangan din ng pisikal na lakas. Sa kaniyang walang-hanggang karunungan, ang unang nilalang ni Jehova ay si Adan, pagkatapos ay si Eva. Siya’y nilalang “mula sa lalaki,” “alang-alang sa lalaki,” at maliwanag na hindi kasinlakas ng lalaki. (1 Timoteo 2:13; 1 Corinto 11:8, 9; ihambing ang 1 Pedro 3:7.) Ito ay isang katunayan ng buhay na maraming mga feminist, at iba pang mga babae, ang waring nahihirapan na tanggapin. Tunay naman na sila’y magiging higit na maligaya kung kanilang uunawain kung bakit ganito ang pagsasaayos ni Jehova ng mga bagay, sa gayo’y tinatanggap ang kanilang bigay-Diyos na gagampanang papel. Ang mga taong nagrereklamo tungkol sa mga kaayusan ng Diyos ay maihahambing sa isang nightingale na nagmamaktol sa kaniyang pugad dahil sa siya’y hindi kasinlakas ng isang sea gull, sa halip na lumipad sa isang mataas na sanga at umawit bilang pagpapasalamat sa mga pambihirang kaloob sa kaniya ng Diyos.

7. Bakit si Adan ay nasa isang mabuting kalagayan na gampanan ang pagkaulo kay Eva at sa mga anak na isisilang balang araw, ngunit ito ba’y sa ikapipinsala ni Eva?

7 Bago nilalang si Eva, tiyak na si Adan ay nagkamit ng malaking karanasan sa pamumuhay. Sa loob ng panahong ito, si Jehova ay nagbigay sa kaniya ng mga instruksiyon. Ang mga ito ay kailangang ipaalam ni Adan sa kaniyang asawa, sa gayo’y kumikilos bilang tagapagsalita ng Diyos. Makatuwiran naman, siya’y kailangan ngang manguna sa lahat ng bagay tungkol sa pagsamba at maka-Diyos na mga gawain na kanilang dapat gampanan upang matupad ang iniatas na gawain sa kanila. Pagka may mga anak nang naisilang, siya ang magiging ulo ng pamilya. Subalit ito’y hindi sa ikapipinsala ng kaniyang asawang babae. Bagkus, ito’y sa kaniyang ikabubuti dahilan sa may aalalay sa kaniya pagka kaniyang ginampanan na ang kaniyang bigay-Diyos na autoridad sa kaniyang mga anak.

8. Anong banal na kaayusan ng mga bagay ang binabalangkas sa Bibliya?

8 Sang-ayon sa banal na kaayusan ng mga bagay, si Adan ay mananagot kay Jehova, si Eva ay nasa ilalim ng pagkaulo ni Adan, ang mga anak naman ay nasa ilalim ng pamamatnubay ng kanilang mga magulang, at ang mga hayop ay pasasakop sa tao. Ang lalaki at ang babae ay may kani-kanilang papel na gagampanan, at bawat isa ay magkakaroon ng isang maligaya at mabungang buhay. Sa gayon, ‘lahat ng bagay ay magaganap sa disenteng paraan at ayon sa kaayusan.’​—1 Corinto 11:3; 14:33, 40, talababa.

Kasalanan ang Sumira sa Papel ng Babae

9, 10. Ano ang mga ibinunga ng pagkahulog sa kasalanan para sa lalaki at sa babae, at ano ang naging resulta nito para sa maraming babae?

9 Natural, ang pagpasok ng kasalanan at di-kasakdalan sa unang Paraiso ang sumira sa maayos na kaayusang ito ng mga bagay. (Roma 7:14-20) Ito’y nagdulot ng kahirapan para sa mapaghimagsik na lalaki at sa kaniyang masuwaying asawa. (Genesis 3:16-19) Magbuhat noon, maraming mapag-imbot na mga lalaki ang nag-abuso sa kanilang matuwid na pagkaulo, na nagdala ng malaking pagdurusa sa kababaihan sa nakalipas na mga panahon.

10 Yamang kaniyang nakikini-kinita ang ganitong ibubunga ng kasalanan, sinabi ni Jehova kay Eva: “Labis na pananabikan mo ang iyong asawa at siya’y maghahari sa iyo.” (Genesis 3:16) Ang mapag-abusong paghaharing ito ay hindi tamang paggamit ng pagkaulo. Mababanaag dito ang makasalanang kalagayan ng tao at gayundin ang di-kasakdalan ng babae, sapagkat kung minsan ang mga babae ay nagdaranas ng hirap sapagkat kanilang tinatangka na agawin ang autoridad ng kanilang asawa.

11. Ano ang totoo tungkol sa maraming babae, at ano ang isinulat ng isang autor tungkol sa mga babae noong panahon ng mga patriarka?

11 Subalit kung ang mga simulain ng Bibliya ay sinusunod, maraming mga babae ang nakasusumpong ng katuparan ng kanilang pangarap at ng kaligayahan. Ito’y nangyari na maging noong panahon ng mga patriarka. Sa pagpapaliwanag tungkol sa panahong iyan sa kaniyang aklat na La Bible au Féminin (Ang Bibliya sa Kasariang Pambabae), ang autor na si Laure Aynard ay sumulat: “Ang lalung-lalo nang litaw na ipinakikita ng lahat ng mga ulat na ito ay ang mahalagang papel na ginagampanan ng mga babae, ang kanilang mabuting pangalan sa paningin ng mga patriarka, ang kanilang tahasang pagkukusa, at ang nakapalibot na kalayaan na kanilang kinabuhayan.”

Ang mga Babae sa Ilalim ng Kautusan ni Moises

12, 13. (a) Ano ang katayuan ng babae sa ilalim ng Kautusan ni Moises? (b) Papaano nakinabang sa espirituwal ang mga babae sa ilalim ng Kautusan?

12 Alinsunod sa mga kautusan ni Jehova na ibinigay sa pamamagitan ni Moises, ang mga asawang babae ay kailangang “pakamahalin.” (Deuteronomio 13:6) Ang dangal ng mga asawang babae ay kailangang igalang may kaugnayan sa seksuwal na mga bagay, at walang babae ang dapat abusuhin sa sekso. (Levitico 18:8-19) Ang mga lalaki at mga babae ay magkapantay sa harap ng Kautusan kung sila ay masumpungan na nagkasala ng pakikipagtalik sa hindi nila asawa, sa malapit na kamag-anak, o sa hayop. (Levitico 18:6, 23; 20:10-12) Kahilingan ng ikalimang utos na parehong igalang ang ama at ang ina.​—Exodo 20:12.

13 Higit sa lahat, ang Kautusan ay nagbigay sa mga babae ng lubos na pagkakataong mapasulong ang kanilang espirituwalidad. Sila’y nakinabang sa pagbabasa ng Kautusan. (Josue 8:35; Nehemias 8:2, 3) Sila’y kailangang gumanap ng relihiyosong mga kapistahan. (Deuteronomio 12:12, 18; 16:11, 14) Sila’y nakibahagi sa lingguhang Sabbath at maaaring magpanata ng panatang Nasareo. (Exodo 20:8; Bilang 6:2) Sila’y may personal na kaugnayan kay Jehova at nanalangin sa kaniya bilang mga indibiduwal.​—1 Samuel 1:10.

14. Ano ba ang sinasabi ng isang Katolikong iskolar sa Bibliya tungkol sa mga babaing Hebreo, at ano ang masasabi tungkol sa papel ng babae sa ilalim ng Kautusan?

14 Sa pagkomento tungkol sa mga babaing Hebreo, ang Katolikong iskolar sa Bibliya na si Roland de Vaux ay sumulat: “Lahat ng mabigat na trabaho sa tahanan ay tunay na napasakaniya; siya ang nag-aalaga ng mga kawan, nagtatrabaho sa bukid, nagluluto ng pagkain, humahabi, at iba pa. Gayunman, lahat ng parang nakababagot na gawaing ito, na hindi nagpababa ng kaniyang kalagayan, ay nagdulot sa kaniya ng konsiderasyon. . . . At ang pambihirang mga pangungusap na iyan na nagbibigay sa atin ng ideya tungkol sa matalik na bahagi ng buhay-pamilya ang nagpapakita na ang isang asawang babaing Israelita ay minamahal at pinakikinggan ng kaniyang asawa, at tinatrato niya bilang isang kapantay. . . . At walang alinlangan na ito ang normal na kalagayan. Iyan ay tumpak na kababanaagan ng turong naingatan bilang sagrado sa Genesis, na kung saan sinasabing nilalang ng Diyos ang babae bilang isang katulong para sa lalaki, na hindi niya hihiwalayan (Gn 2:18, 24); at ang huling kabanata ng Mga Kawikaan ay umaawit ng mga papuri ng isang mabuting ginang ng tahanan, na pinupuri ng kaniyang mga anak, at ipinagkakapuri ng kaniyang asawa. (Ka 31:10-31).” (Ancient Israel​—Its Life and Institutions) Walang-alinlangan, pagka ang Kautusan ay sinusunod sa Israel, ang mga babae ay hindi tinatrato nang masama.

Tanyag na mga Babae

15. (a) Papaanong ang iginawi ni Sara ay isang halimbawa ng nararapat na ugnayan sa pagitan ng isang lalaki at ng kaniyang asawa? (b) Bakit ang halimbawa ni Rahab ay kapansin-pansin?

15 Ang Kasulatang Hebreo ay maraming halimbawa ng mga babaing tanyag na mga lingkod ng Diyos na Jehova. Si Sara ay isang magandang halimbawa ng kung papaanong ang isang maka-Diyos na babae ay maaaring maging mapagpasakop sa kaniyang asawa at kasabay nito’y makatulong sa kaniya sa mga pagpapasiya. (Genesis 21:9-13; 1 Pedro 3:5, 6) Ang halimbawa ni Rahab ay kapansin-pansin. Pinabubulaanan nito na si Jehova ay nagtatangi ng lahi at mahigpit sa mga babae. Si Rahab ay isang di-Israelitang patutot. Siya’y hindi lamang tinanggap ni Jehova bilang isang mananamba kundi dahilan sa kaniyang malaking pananampalataya, na sinamahan ng mga gawa kasali na ang pagbabago ng istilo ng pamumuhay, siya’y kaniyang inaring matuwid. Bukod dito, kaniyang ginantimpalaan siya ng pambihirang pribilehiyo ng pagiging isang ninuno ng Mesiyas.​—Mateo 1:1, 5; Hebreo 11:31; Santiago 2:25.

16. Ano ang ipinakikita ng halimbawa ni Abigail, at bakit ang kaniyang ikinilos ay makatuwiran?

16 Bilang halimbawa na hindi hinihiling ni Jehova na ang isang babae’y buong kabulagang magpasakop sa kaniyang asawa ay ang kaso ni Abigail. Ang kaniyang asawa ay isang lalaking mayaman, na may malalaking kawan ng mga tupa at mga kambing. Ngunit siya’y “mabalasik at masama ang kaniyang mga gawa.” Si Abigail ay tumangging sumunod sa kaniyang asawa sa kaniyang masamang lakad. Sa pagpapakita ng talino, pagiging timbang, pagpapakumbaba, at kabilisang-mag-isip, kaniyang nahadlangan ang isang kalagayan na maaaring nagbunga ng kapahamakan sa kaniyang sambahayan, at siya’y saganang pinagpala ni Jehova.​—1 Samuel 25:2-42.

17. (a) Anong tanyag na pribilehiyo ang taglay ng ilang babae sa Israel? (b) Anong aral ang makukuha sa halimbawa ni Miriam para sa mga babaing Kristiyano na binibigyan ng ilang pribilehiyo sa paglilingkod?

17 May ilang babae na mga propetisa pa. Ganiyan si Debora, noong panahon ng Mga Hukom. (Mga Hukom, kabanata 4 at 5) Si Hulda ay isang propetisa sa Juda, nang malapit nang mawasak ang Jerusalem. (2 Hari 22:14-20) Ang kaso ni Miriam ay kapansin-pansin. Bagaman siya’y tinutukoy na isang propetisa, na sinugo ni Jehova, maliwanag na ang pribilehiyo ay nagtulak sa kaniya na maging mapagmataas sa isang punto. Hindi niya kinilala ang autoridad na ibinigay ni Jehova sa kaniyang nakababatang kapatid na si Moises upang manguna sa Israel, at siya’y pinarusahan dahil doon, bagaman maliwanag na siya’y nagsisi at napabalik.​—Exodo 15:20, 21; Bilang 12:1-15; Mikas 6:4.

Ang mga Babae sa Ilalim ng Judaismo

18, 19. Ano ang katayuan ng mga babae sa ilalim ng Judaismo, at papaano nangyari ang ganito?

18 Gaya ng nakita na natin, ang Kautusan ni Moises ay nagsilbing proteksiyon sa mga karapatan ng mga babae at, pagka sinunod, nagbibigay ng pagkakataon sa mga kababaihan na magkaroon ng isang kasiya-siyang buhay. Ngunit sa paglakad ng panahon, lalo na pagkatapos mawasak ang Jerusalem noong 607 B.C.E., umunlad ang relihiyon ng Judaismo, na salig ang malaking bahagi sa sali’t saling-sabi kaysa sa nasusulat na Kautusan ni Jehova. Mula noong ikaapat na siglo B.C.E at patuloy, ang Judaismo ay lubhang naimpluwensiyahan ng pilosopyang Griego. Ang karamihan ng mga pilosopong Griego ay bahagya na lamang nagbigay-pansin sa mga karapatan ng mga babae, kaya nagkaroon ng katumbas na pag-urong ang katayuan ng mga babae sa loob ng Judaismo. Mula noong ikatlong siglo B.C.E., nagsimula na mapahiwalay ang mga babae sa mga lalaki sa mga sinagogang Judio at sila’y napigil sa pagbabasa ng Tora (Kautusan ni Moises). Inamin sa Encyclopaedia Judaica: “Ang resulta ay kakaunting babae ang nakapag-aral.” Ang edukasyon ay lalong higit na nakalaan lamang para sa mga lalaki.

19 Sa kaniyang aklat na Jerusalem in the Time of Jesus, si J. Jeremias ay sumulat: “Sa kabuuan, ang posisyon ng mga babae may kaugnayan sa mga batas ng relihiyon ay pinakamagaling na maipahahayag sa ganitong inuulit-ulit na pormula: ‘Mga babae, (Gentil na) mga alipin at mga anak.’ . . . Maidaragdag sa lahat na ito na may maraming opinyon na nagpapahayag ng pagpapawalang-halaga sa mga babae. . . . Kaya naman tayo’y may impresyon na ang Judaismo noong panahon ni Jesus ay mayroon ding isang napakababang opinyon tungkol sa mga babae.”

Tapat na mga Babae na Naghihintay sa Mesiyas

20, 21. (a) Sa kabila ng mababang pagkakilala ng mga pinunong relihiyosong Judio sa mga babae, sino ang nasumpungan na kabilang sa mga nagbabantay habang papalapit ang panahon ng pagdating ng Mesiyas? (b) Ano ang nagpapakita na si Elizabeth at si Maria ay may matinding debosyon sa Diyos?

20 Ang ganitong mababang pagkakilala sa mga babae ang isa pang paraan na dito ‘ang Salita ng Diyos ay pinawalang-kabuluhan [ng mga rabbing Judio] sa pamamagitan ng kanilang sali’t saling-sabi.’ (Marcos 7:13) Ngunit sa kabila ng ganitong paghamak, habang nalalapit ang panahon para sa pagparito ng Mesiyas, may maka-Diyos na mga babaing alisto sa pagbabantay. Ang isa rito ay si Elizabeth, asawa ng saserdoteng Levita na si Zacarias. Siya at ang kaniyang asawa ay “matuwid sa harap ng Diyos dahilan sa paglakad nang walang kapintasan ayon sa lahat ng mga utos at legal na mga kahilingan ni Jehova.” (Lucas 1:5, 6) Si Elizabeth ay may pagsang-ayon ni Jehova sa bagay na, bagaman baog at matanda na, siya ang naging ina ni Juan Bautista.​—Lucas 1:7, 13.

21 Palibhasa’y pinakilos ng banal na espiritu, si Elizabeth ay nagpahayag ng matinding pag-ibig sa isa pang maka-Diyos na babae noong kaniyang kaarawan, isang kamag-anak na nagngangalang Maria. Noon, sa may dulo ng 3 B.C.E., nang ipabatid ni anghel Gabriel kay Maria na siya’y makahimalang maglilihi ng isang sanggol (si Jesus), kaniyang tinukoy ito na, “Lubhang pinagpalang Isa,” at isinusog: “si Jehova ay sumasaiyo.” Hindi nagtagal pagkatapos, dinalaw ni Maria si Elizabeth, na nagpala sa kaniya at sa di pa isinisilang na sanggol na kaniyang dinadala, at tinawag si Jesus na kaniyang “Panginoon” kahit na bago pa ito isilang. Sa sandaling iyan, si Maria ay bumulalas ng pagsambit ng papuri kay Jehova na mariing patotoo ng kaniyang matinding debosyon sa Diyos.​—Lucas 1:28, 31, 36-55.

22. Matapos isilang si Jesus, sinong babaing may takot sa Diyos ang nagpakitang siya’y isa sa mga naghihintay sa Mesiyas?

22 Nang isilang si Jesus at dalhin siya ni Maria sa templo sa Jerusalem upang maiprisinta siya kay Jehova, isa pang babaing may takot sa Diyos, ang matanda nang propetisang si Ana, ang nagbulalas ng kaniyang kagalakan. Siya’y nagpasalamat kay Jehova at ibinalita niya si Jesus sa lahat ng may kasabikang naghihintay sa ipinangakong Mesiyas.​—Lucas 2:36-38.

23. Papaano tinutukoy ni apostol Pedro ang tapat na mga babae bago noong panahon ng mga Kristiyano, at anong mga tanong ang susuriin sa susunod na artikulo?

23 Samakatuwid, habang palapit ang panahon para sa makalupang ministeryo ni Jesus, mayroon pang nabubuhay na “mga babaing banal na nagsiasa sa Diyos.” (1 Pedro 3:5) Ang iba sa mga babaing ito ay naging mga alagad ni Kristo. Papaano sila tinrato ni Jesus? At mayroon bang mga babae sa ngayon na may kagalakang tumatanggap ng kanilang dapat gampanang papel ayon sa pagkalahad sa Bibliya? Ang mga tanong na ito ay susuriin sa susunod na artikulo.

[Mga talababa]

a Tomo 3, pahina 1055.

b “Ang huling Adan,” si Jesu-Kristo, ay isa rin namang sakdal, ganap na lalaki, bagaman siya’y hindi nagkaroon ng asawa.​—1 Corinto 15:45.

Mga Tanong sa Repaso

◻ Papaanong ang trato sa mga babae sa Israel ay naiiba sa trato sa kanila sa ibang mga lupain?

◻ Ano ang magkaugnay na mga katayuan ni Adan at ni Eva, at bakit?

◻ Ano ang katayuan ng mga babaing Israelita sa ilalim ng Kautusan, at sila ba’y pinagkakaitan ng espirituwal na mga kapakinabangan?

◻ Ano ang ilang mga aral na matututuhan buhat sa buhay ng tanyag na mga babae sa Kasulatang Hebreo?

◻ Anong maiinam na halimbawa ng pananampalataya ang masusumpungan sa kabila ng mga itinuturo ng Judaismo?

[Kahon sa pahina 10]

“ANG BABAING NATATAKOT KAY JEHOVA”

“10 Isang mabuting asawang babae sino ang makasusumpong? Higit kaysa mamahaling hiyas ang kaniyang halaga. 11 Ang puso ng kaniyang asawa ay tumitiwala sa kaniya, at saganang pakinabang ang makakamit niya. 12 Gumagawa siya ng mabuti sa kaniya, at hindi kasamaan, lahat ng mga araw ng kaniyang buhay. 13 Siya’y humahanap ng balahibo ng tupa at lino, at gumagawang kusa ng kaniyang mga kamay. 14 Siya’y parang mga sasakyang dagat ng isang mangangalakal. Nagdadala siya ng kaniyang pagkain mula sa malayo. 15 Siya’y bumabangon din samantalang gabi pa, at nagbibigay ng pagkain sa kaniyang sambahayan at ng kanilang gawain sa kaniyang alilang babae. 16 Kaniyang minamasdan ang bukid at pagkatapos ay binibili iyon; sa pamamagitan ng kaniyang kamay ay nagtatanim siya ng ubasan. 17 Binibigkisan niya ang kaniyang mga balakang ng kalakasan, at siya’y nagpapalakas ng kaniyang mga bisig. 18 Kaniyang namamalas na ang kaniyang kalakal ay makikinabang; ang kaniyang ilaw ay hindi namamatay sa gabi. 19 Ang kaniyang mga kamay ay itinangan niya sa panulid, at ang kaniyang sariling mga kamay ay humahawak ng panghabi. 20 Ang kaniyang mga kamay ay iniuunat sa nangangailangan, at ang kaniyang mga kamay ay tumutulong sa dukha. 21 Hindi niya ikinatatakot na mapahantad ang kaniyang sambahayan dahil sa ginaw sa niyebe, sapagkat ang buo niyang sambahayan ay nakapanamit nang susún-susóng mga kasuotan. 22 Gumawa siya sa ganang kaniya ng mga unan na may burda. Ang kaniyang pananamit ay mainam na káyong lino at ng káyong kulay ube. 23 Ang kaniyang asawa ay kilala sa mga pintuang-bayan, pagka siya’y nauupo kasama ng nakatatandang mga lalaki ng lupain. 24 Siya’y gumagawa pati na ng mga kasuotang káyong lino at ipinagbibili, at nagbibigay ng mga pamigkis sa mga mangangalakal. 25 Kalakasan at kamahalan ay siyang kaniyang suot, at kaniyang tinatawanan ang panahong darating. 26 Ibinubuka niya ang kaniyang bibig nang may karunungan, at ang kautusan ng kagandahang-loob ay nasa kaniyang dila. 27 Kaniyang tinitingnang mabuti ang mga lakad ng kaniyang sambahayan, at hindi kumakain ng tinapay ng katamaran. 28 Nagsisibangon ang kaniyang mga anak at sinasabing siya’y maligaya; gayundin ang kaniyang asawa, at siya’y pinupuri. 29 Maraming anak na babae na nagpakitang sila’y mahuhusay, subalit ikaw​—nakahihigit ka sa kanilang lahat. 30 Ang alindog ay magdaraya, at ang kagandahan ay walang kabuluhan; ngunit ang babaing natatakot kay Jehova ang siyang nagdadala ng kapurihan sa kaniyang sarili. 31 Bigyan ninyo siya ng bunga ng kaniyang mga kamay, at purihin siya ng kaniyang mga gawa sa mga pintuang-bayan.”​—Kawikaan 31:10-31.

[Larawan sa pahina 8, 9]

Ang dako ng babae sa pamilya ay marangal

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share