Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w15 6/1 p. 3-5
  • Kung Paano Apektado ng Siyensiya ang Buhay Mo

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Kung Paano Apektado ng Siyensiya ang Buhay Mo
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2015
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • MGA LIMITASYON NG MODERNONG SIYENSIYA
  • Paano Nagsimula ang Uniberso at ang Buhay?
    Gumising!—2002
  • Hanggang Saan Mo Mapagtitiwalaan ang Siyensiya?
    Gumising!—1998
  • Pinagtutugma ang Siyensiya at Relihiyon
    Gumising!—2002
  • Ano ang Pananaw ng mga Saksi ni Jehova sa Siyensiya?
    Karaniwang mga Tanong Tungkol sa mga Saksi ni Jehova
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2015
w15 6/1 p. 3-5
Mga pagsulong sa siyensiya gaya ng kotse, GPS, satellite, eroplano, brain scan

TAMPOK NA PAKSA | PINALITAN NA BA NG SIYENSIYA ANG BIBLIYA?

Kung Paano Apektado ng Siyensiya ang Buhay Mo

Ayon sa isang diksyunaryo, ang siyensiya ay “sistematikong pag-aaral ng katangian at paggalaw ng materyal at pisikal na uniberso, batay sa obserbasyon, eksperimento, at pagsukat.” Mahirap na trabaho ito at kadalasan nang nakadidismaya. Walang ginawa ang mga siyentipiko kundi mag-eksperimento at magmasid sa loob ng ilang linggo, buwan, o mga taon pa nga. Kung minsan wala silang nakikitang solusyon, pero kadalasan ay may naibibigay silang pakinabang sa mga tao. Isaalang-alang ang ilang halimbawa.

Isang kompanya sa Europa ang nakagawa ng isang kagamitan mula sa matibay na plastik at makabagong mga pansala para hindi magkasakit ang tao dahil sa pag-inom ng kontaminadong tubig. Ginagamit ang mga ito kapag may likas na sakuna, gaya ng lindol sa Haiti noong 2010.

May mga network ng satellite sa kalawakan na tinatawag na Global Positioning System (GPS). Bagaman dinisenyo ito para gamitin sa militar, nakatutulong din ang GPS sa mga motorista, piloto, nabigante ng barko, at maging sa mga mangangaso at hiker. Dahil sa mga siyentipikong nag-imbento ng GPS, mas madali tayong makapunta sa gusto nating puntahan.

Gumagamit ka ba ng cellphone, computer, o Internet? Napansin mo bang mas bumuti ang iyong kalusugan dahil sa makabagong medisina? Sumasakay ka ba ng eroplano? Kung oo, nakikinabang ka sa mga bagay na naitulong ng siyensiya sa tao. Apektado ng siyensiya ang buhay mo sa maraming positibong paraan.

MGA LIMITASYON NG MODERNONG SIYENSIYA

Para lumawak pa ang kanilang kaalaman, masusing sinasaliksik ng mga siyentipiko ngayon ang kalikasan. Sinusuring mabuti ng mga nuclear physicist ang kayarian at pagkilos ng atomo, habang tinutunton naman pabalik ng mga astrophysicist ang bilyon-bilyong taon para maunawaan ang pinagmulan ng uniberso. Habang lumalalim ang kanilang pagsasaliksik, kahit pa nga sa mga bagay na di-nakikita at mahirap unawain, iniisip ng ilang siyentipiko na kung mayroon ngang Diyos gaya ng sinasabi ng Bibliya, masusumpungan nila siya.

Higit pa ang ginagawa ng ilang kilaláng siyentipiko at pilosopo. Sinusuportahan nila ang ideya na walang Diyos gaya ng sinabi ng awtor ng siyensiya na si Amir D. Aczel. Halimbawa, sinabi ng isang sikát na physicist na “ang kawalan ng ebidensiya ng anumang Diyos na gumaganap ng mahalagang papel sa uniberso ay maliwanag na nagpapatunay na walang diyos.” Tinutukoy naman ng iba ang mga ginawa ng Diyos ng Bibliya bilang “madyik” at “salamangka.”a

Pero ang tanong: Sapat na ba ang nalaman ng siyensiya tungkol sa kalikasan para makagawa ng matibay na konklusyon? Hindi. Ang siyensiya ay nakagawa ng malalaking pagsulong, pero kinikilala ng maraming siyentipiko na marami pang bagay na di-alam at marahil ay imposibleng malaman pa. “Alam natin na may mga bagay na hinding-hindi natin malalaman,” ang sabi ng physicist na si Steven Weinberg na tumanggap ng Nobel Prize tungkol sa pag-unawa sa kalikasan. Isinulat ni Propesor Martin Rees, Astronomer Royal ng Great Britain: “May mga bagay na hindi kailanman mauunawaan ng tao.” Ang totoo, marami pa sa kalikasan, mula sa napakaliit na selula hanggang sa napakalawak na uniberso, ang hindi pa rin maintindihan ng modernong siyensiya. Pansinin ang sumusunod na mga halimbawa:

  • DNA

    Hindi lubusang nauunawaan ng mga biyologo ang mga prosesong nagaganap sa loob ng buháy na mga selula. Palaisipan pa rin sa siyensiya kung paanong ang mga selula ay gumagamit ng enerhiya, gumagawa ng protina, at kung paano ito nahahati.

  • Batang nagpapatalbog ng bola

    Apektado tayo ng grabidad araw-araw. Pero misteryo pa rin ito sa mga physicist. Hindi nila lubusang nauunawaan kung paano ka hinihila ng grabidad kapag tumalon ka o kung paano nito pinananatili ang buwan na umiikot sa palibot ng lupa.

  • Ang uniberso

    Tinataya ng mga cosmologist na mga 95 porsiyento ng uniberso ay di-nakikita at di-nahihiwatigan ng mga instrumentong ginagamit sa siyensiya. Hinati nila ito sa dalawang kategorya, ang dark matter at ang dark energy. Palaisipan pa rin ito.

May iba pang di-alam na mga bagay na nakalilito sa mga siyentipiko. Bakit ito mahalaga? Sinabi ng isang manunulat ng popular science na mas maraming bagay tayong di-nalalaman kaysa sa mga bagay na nalalaman natin. Para sa kaniya, dapat tayong makadama ng pagkamangha at hangaring matuto pa sa halip na maging makitid ang isip.

Kaya kung iniisip mong papalitan na ba ng siyensiya ang Bibliya at aalisin nito ang paniniwala sa Diyos, pag-isipan ito: Kung limitadong kaalaman lang sa kalikasan ang nakukuha ng matatalinong siyentipiko gamit ang kanilang pinakamahusay na mga instrumento, makatuwiran bang tanggihan agad ang mga bagay na hindi kayang alamin ng siyensiya? Sa pagtatapos ng isang mahabang artikulo tungkol sa kasaysayan at pag-unlad ng astronomiya, sinabi ng Encyclopædia Britannica: “Matapos ang halos 4,000 taon ng astronomiya, nananatili pa ring mahiwaga ang uniberso gaya ng tingin dito ng mga Babilonyo.”

Iginagalang ng mga Saksi ni Jehova ang karapatan ng bawat tao na magpasiya sa bagay na ito. Sinisikap naming sundin ang sinasabi ng Bibliya: “Makilala nawa ng lahat ng tao ang inyong pagkamakatuwiran.” (Filipos 4:5) Sa diwang ito, inaanyayahan namin kayong suriin kung paanong magkasuwato ang siyensiya at ang Bibliya.

a Tinatanggihan ng ilang tao ang Bibliya dahil sa turo ng simbahan noon at ngayon, gaya ng paniniwala na ang lupa ang sentro ng uniberso o na nilalang ng Diyos ang mundo sa loob ng anim na araw na tig-24 na oras.—Tingnan ang kahong “Ang Bibliya at ang Mapananaligang mga Katotohanan sa Siyensiya.”

Ang Bibliya at ang Mapananaligang mga Katotohanan sa Siyensiya

Ang Bibliya ay hindi nag-aangking isang aklat-aralin sa siyensiya. Pero tumpak ang sinabi ng mga manunulat nito tungkol sa mga bagay na pakikinabangan ng mga siyentipiko sa ngayon. Narito ang ilang halimbawa.

  • Ang uniberso

    Edad ng lupa at ng uniberso

    Tinataya ng mga siyentipiko na ang lupa ay mga 4 na bilyong taon nang umiiral at na ang uniberso ay mga 13 hanggang 14 na bilyong taon. Hindi nagbibigay ang Bibliya ng petsa kung kailan nilalang ang uniberso. Hindi rin nito binabanggit na ang edad ng lupa ay ilang libong taon lang. Sinasabi ng unang talata sa Bibliya: “Nang pasimula ay nilalang ng Diyos ang langit at ang lupa.” (Genesis 1:1) Mula sa pananalitang iyan, puwedeng alamin ng mga siyentipiko ang edad ng lupa at ng uniberso ayon sa tumpak na mga prinsipyo sa siyensiya.

  • Mga bundok, pananim, at tubig

    Paghahanda sa lupa para tirhan ng tao

    Ginamit ng Genesis kabanata 1 ang salitang “araw” upang ipakita ang mga yugto sa paghahanda sa lupa para sa iba’t ibang anyo ng buhay. Sa huling yugto nito, inilarawan ang pag-iral ng tao. Walang sinasabi ang Bibliya tungkol sa haba ng anim na “araw” ng paglalang. Sa halip, nagbibigay ito ng pagkakataon sa mga siyentipiko ngayon na pag-aralan ang mga ito at magtakda ng tumpak na haba ng panahon sa mga ito. Alam natin na ang mga “araw” ng paglalang ay mas mahaba kaysa sa mga araw na may tig-24 na oras.

  • Ang lupa

    Nakabitin sa wala ang lupa

    Inilalarawan ng Bibliya ang lupa na nakabitin “sa wala.” (Job 26:7) Hindi nito binabanggit na ang ating planeta ay pasan ng isang higante o nasa likod ng mga elepante na nakatayo sa isang pagong, gaya ng sinasabi ng ilang popular na alamat noong sinaunang panahon. Sa halip, hinayaan ng Bibliya na matuklasan ito ng siyensiya. Nang maglaon, inilarawan nina Nicolaus Copernicus at Johannes Kepler kung paanong ang mga planeta ay umiikot sa araw dahil sa isang di-nakikitang puwersa. Sa kalaunan, ipinakita ni Isaac Newton kung paano pinakikilos ng grabitasyon ang lahat ng bagay sa kalawakan.

  • Baktiryang hugis-kapsula

    Mga tagubilin tungkol sa kalinisan at pag-iwas sa sakit

    Sa aklat ng Levitico, may mga tagubilin sa mga Israelita kung paano iiwasan ang pagkalat ng nakahahawang sakit, pati na ang pagkukuwarentenas. Tungkol sa sanitasyon, ang Deuteronomio 23:12, 13 ay nag-uutos na dapat nilang tabunan ng lupa ang kanilang dumi kapag palilikod sila sa isang bukod na lugar sa labas ng kampamento. Nito lang nakalipas na 200 taon nakita ng mga siyentipiko at doktor ang pangangailangang magtakda ng gayong mga pamantayan.

Ang mga impormasyong ito sa Bibliya ay naisulat mga dantaon na ang nakalipas. Paano nalaman ng mga manunulat ng Bibliya ang gayong tumpak na impormasyon samantalang kahit ang pinakamarurunong na tao noong panahon nila ay hindi nakaaalam nito? Sinasagot iyan ng Awtor ng Bibliya: “Kung paanong ang langit ay mas mataas kaysa sa lupa, gayundin na ang aking mga lakad ay mas mataas kaysa sa inyong mga lakad, at ang aking mga kaisipan kaysa sa inyong mga kaisipan.”—Isaias 55:9.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share