Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w87 5/1 p. 10-14
  • Nakamamatay na Taggutom sa Panahon ng Kasaganaan

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Nakamamatay na Taggutom sa Panahon ng Kasaganaan
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1987
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Isang Nakamamatay na Taggutom
  • Paanong Isang Panahon ng Kasaganaan?
  • Si Jose, Tagapagligtas ng Buhay
  • Ang Nagaganap na Drama
  • Si Jose Nang Nasa Ehipto
  • “Hindi Ba ang mga Pakahulugan ay sa Diyos?”
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2015
  • Jose
    Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 1
  • Hindi Pinabayaan ni Jehova si Jose
    Mga Aral na Matututuhan Mo sa Bibliya
  • Pagliligtas ng Buhay sa Panahon ng Taggutom
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1987
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1987
w87 5/1 p. 10-14

Nakamamatay na Taggutom sa Panahon ng Kasaganaan

“Ang aking mga lingkod ay magsisikain, ngunit kayo’y magugutom.”​—ISAIAS 65:13.

1, 2. (a) Sa anong problema nakikipagpunyagi sa walang kabuluhan ang mga bansa? (b) Anong makatotohanang pag-asa ang tinutukoy ng Bibliya?

ANG malagim na anino ng taggutom ay nangingibabaw sa buong daigdig! Tungkol sa krisis, isang editoryal sa The Boston Globe ang nagsabi: “Ang isang daigdig na may halos isang bilyong katao na namumuhay sa bingit ng taggutom ay kailangang makasumpong ng mga paraan upang tulungan ang pinakamaralitang mga bansa na magtamasa ng kasaganaan na halos katulad na rin ng makikita sa pinakamamayamang bansa.” Gayunman, kahit na ang umano’y adelantado sa teknolohiya na mga bansa ay hindi makapagsasabing sila’y maipupuwera sa mga kinakapos ng pagkain. Ang mga ito’y nabigo rin na magtaguyod ng isang programa na magbibigay ng katiyakan na lahat ng kanilang mga mamamayan ay mapakakain. Ang nababahalang mga humanist o mapagmalasakit sa tao ay nakikipagpunyagi sa lumulubhang problema. Mayroon ba itong kalutasan?

2 Inamin ng sinipi nang editoryal: “Ang totoong nakasisira ng loob na bahagi ng kakulangan sa pagkain . . . ay ang bagay na mayroon ang daigdig ng malinaw na kakayahan na pakanin ang lahat.” Subalit ang salot ng taggutom at kakapusan sa pagkain ay patuloy na lumulubha. Bakit nga nagkakagayon? Ang ating mapagmahal na Maylikha ay naglaan nang sapat para sa lahat ng namumutiktik na bilyun-bilyong mga tao sa lupa. Sa paghahanda sa lupa bilang tahanan ng tao, kaniyang sinangkapan ito ng kakayahang mapag-anihan nang sagana, higit pa kaysa kinakailangan para sa lahat. (Awit 72:16-19; 104:15, 16, 24) Kahit na sa maligalig na mga panahong ito, tinitiyak sa atin na ang ating Dakilang Tagapaglaan ay magbibigay ng sapat na pagkain para sa mga taong doon tumitingin sa matuwid na Bukal. Sa pamamagitan ng Isa na kaniyang ibinigay bilang ang dakilang Administrador ng Pagkain, tayo’y sinasabihan niya: “Patuloy . . . na hanapin muna ang kaharian at ang katuwiran [ng Diyos], at lahat ng iba pang mga bagay na ito [ang materyal na mga pangangailangan sa buhay] ay idaragdag sa inyo.”​—Mateo 6:33; 1 Juan 4:14.

Isang Nakamamatay na Taggutom

3. Ano ang pinakamakahulugang taggutom na nangyayari ngayon, at paano ito inihula?

3 Ang pinakamakahulugang nangyayari ngayon sa lupa ay ang nakalulungkot na taggutom sa espirituwal. Ito’y tuwirang may kaugnayan sa kawalan ng kapayapaan. Ang sangkatauhan ay pasuray-suray, sa kawalan ng pag-asa’y naghahanap ng daan na malalabasan. Ang Diyos na makapangyarihan-sa-lahat ay nag-utos sa kaniyang propeta na isulat ang tungkol sa ganitong situwasyon maraming siglo na ang nakalipas, na nagsasabi: “‘Narito! Ang mga araw ay dumarating,’ ang sabi ng Soberanong Panginoong Jehova, ‘na ako’y magpapasapit ng kagutom sa lupain, hindi kagutom sa tinapay, at kauhawan man sa tubig, kundi sa pagkarinig sa mga salita ni Jehova. At sila nga’y magsisilaboy sa dagat at dagat, at mula sa hilagaan hanggang sa silanganan. Sila’y patuloy na magsisitakbo nang paroo’t parito upang hanapin ang salita ni Jehova, ngunit hindi nila masusumpungan.’”​—Amos 8:11, 12.

4, 5. (a) Bakit hindi matagpuan ng iba ang Diyos bagama’t kanilang hinahanap siya? (b) Paanong si Jesus ay ibang-iba sa mga pinuno ng relihiyon noong kaniyang kaarawan? (Mateo 15:1-14)

4 Gayumpaman, mayroon bang paraan upang makalabas sa suliraning ito? Ang sagot ni apostol Pablo ay oo, at pinatitibay-loob tayo ng mga salitang: “Ang Diyos na gumawa ng sanlibutan . . . ang nagtakda ng kani-kaniyang panahon at ng kani-kaniyang hangganan ng tahanan ng mga tao, upang hanapin nila ang Diyos, baka sa kanilang pag-aapuhap ay tunay ngang matagpuan siya, bagaman, ang totoo, siya’y hindi malayo sa bawat isa sa atin.”​—Gawa 17:24-27.

5 Kung ang Diyos ay “hindi malayo sa bawat isa sa atin,” bakit marami ang nag-aapuhap para matagpuan siya, ngunit hindi naman nila natatagpuan siya? Ang dahilan ay sapagkat hinahanap nila siya sa maling mga dako. Ilan ba na mga Kristiyano ang tawag sa kanilang sarili ang personal na kumukunsulta sa saligang aklat-aralan ng pagka-Kristiyano, ang Banal na Bibliya? Ilang umano’y “mga pastor” ang gumagamit ng Salita ng Diyos upang turuan ang “mga tupa”? (Ihambing ang Ezekiel 34:10.) Sinabi ni Jesus sa mga hambog na pinuno ng relihiyon noong kaniyang kaarawan na sila’y walang alam “maging sa Kasulatan o sa kapangyarihan ng Diyos.” (Mateo 22:29; Juan 5:44) Subalit, kapuwa alam ni Jesus ang Kasulatan at itinuro rin naman niya ito sa mga tao, na kaniyang kinaawaan “sapagkat sila’y pinagsasamantalahan at nagsipangalat na gaya ng mga tupa na walang pastol.”​—Mateo 9:36.

Paanong Isang Panahon ng Kasaganaan?

6. Tungkol sa espirituwal na kasaganaan, paanong si Jehova’y nagbibigay ng katiyakan sa kaniyang mga lingkod?

6 Si Jehova ay nagbibigay ng katiyakan at pampatibay-loob sa mga taimtim na naghahangad na makilala siya. Sa kaniyang pagsaway sa mga bulaang pastol ng relihiyon, sinabi niya sa pamamagitan ng kaniyang propetang si Isaias: “Narito! Ang aking mga lingkod ay magsisikain, ngunit kayo’y magugutom. Narito! Ang aking mga lingkod ay magsisiinom, ngunit kayo’y mauuhaw. Narito! Ang aking mga lingkod ay magagalak, ngunit kayo ay mapapahiya.” (Isaias 65:13, 14) Subalit paano naglalaan ang Diyos nang sagana para sa kaniyang sariling mga lingkod? Ano ang kailangang gawin natin upang tayo’y makabahagi ng kagalakan sa kaniyang paglalaan para sa ikaliligtas ng buhay, sa kabila ng kasalukuyang taggutom sa espirituwal?

7. Anong sinaunang drama ang isang maibiging paglalaan para sa ating ikatitibay-loob ngayon?

7 Yamang ang kaligtasan ay dependeng lubusan sa ating pagkaalam sa mga kahilingan ng Diyos at pagkilos nang may pananampalataya ayon sa mga iyan, tayo’y dapat na buong galak na tumungo sa Salita ng Diyos, sa paghahangad natin na makaalam ng kaniyang kalooban para sa atin at makilala ang kaniyang paraan ng pakikitungo sa atin. (Juan 17:3) Sa layuning ito, ating tatalakayin ngayon ang isang drama sa Bibliya na nahahawig sa nangyayari ngayon. Ang pinakapangunahing karakter sa dramang ito ay ang patriarkang si Jose. Kung paanong gumawa si Jehova ng matalinong paglalaan para sa Kaniyang bayan sa pamamagitan ni Jose, gayundin na Kaniyang mapagmahal na inaakay yaong mga humahanap sa Kaniya sa ngayon.​—Ihambing ang Roma 15:4; 1 Corinto 10:11, Reference Bible talababa (*); Galacia 4:24.

Si Jose, Tagapagligtas ng Buhay

8, 9. (a) Anong mga pagkakahawig ang makikita natin sa mga huling panahon tungkol kay Jose at para kay Jacob at kay Faraon? (b) Paano ngang tayo ay maaari ring makasangkot sa katuparan?

8 Bilang isang tagapagligtas ng buhay, si Jose na anak ni Jacob ay gumanap ng isang kapansin-pansing papel. Ito ba’y naglalarawan ng isang bagay sa may bandang huli? Bueno, isaalang-alang ang pagtitiis ni Jose sa di-nararapat na trato ng kaniyang mga kapatid, kung paano niya hinarap ang mga pagsubok at mga kahirapan sa isang lupaing banyaga, ang kaniyang di-natitinag na pananampalataya, ang kaniyang pananatiling tapat, at ang kaniyang pagkataas upang maging isang pantas na administrador sa panahon ng nakamamatay na taggutom. (Genesis 39:1-3, 7-9; 41:38-41) Hindi baga nakikita natin ang pagkakahawig nito sa landas ng buhay na tinahak ni Jesus?

9 Sa pamamagitan ng paghihirap kung kaya si Jesus ay naging Tinapay ng Buhay sa gitna ng isang sanlibutan na nagugutom “sa pakikinig ng mga salita ni Jehova.” (Amos 8:11; Hebreo 5:8, 9; Juan 6:35) Sa kanilang kaugnayan kay Jose, kapuwa si Jacob at si Faraon ay nagpapagunita sa atin kay Jehova at sa kaniyang naisasagawa sa pamamagitan ng kaniyang Anak. (Juan 3:17, 34; 20:17; Roma 8:15, 16; Lucas 4:18) Mayroon pang mga iba rin naman na may bahagi sa pagganap ng dramang ito sa tunay na buhay, at ating pag-uusapan ang kani-kanilang bahagi na taglay ang interes. Walang alinlangan na magugunita natin ang ating sariling pagkaumaasa sa Lalong-dakilang Jose, si Kristo Jesus. Anong laki ng ating pasasalamat at kaniyang inililigtas tayo buhat sa nakamamatay na taggutom sa patuloy na lumulubhang “mga huling araw” na ito!​—2 Timoteo 3:1, 13.

Ang Nagaganap na Drama

10. (a) Paanong si Jose ay inihanda para sa mahalagang papel na kaniyang gagampanan? (b) Anong mga katangian ang kaniyang ipinakita kahit na noong siya’y nasa kabataan pa?

10 Noong kaarawan ni Jose, walang tao ang maaaring makaalam nang patiuna kung ano ang inilaan ni Jehova para sa Kaniyang bayan. Subalit nang sumapit ang panahon na si Jose ay tinawag na upang gampanan ang kaniyang mahalagang papel, siya’y nasanay na at pinasakdal ni Jehova kung tungkol sa kaniyang mga kuwalipikasyon. Tungkol sa kaniyang maagang buhay, ang ulat ay nagsasabi: “Si Jose, nang labimpitong taóng gulang, ay nagkataon na nagpapastol ng mga tupa kasama ng kaniyang mga kapatid sa pangangalaga sa kawan, at, palibhasa’y isang bata lamang, siya’y kasama ng mga anak ni Bilha at ng mga anak ni Zilpa, na mga asawa ng kaniyang ama. Kaya’t ibinalita ni Jose sa kaniyang ama ang kasamaan nila.” (Genesis 37:2) Siya’y nagpakita ng katapatan sa mga kapakanan ng kaniyang ama gaya ni Jesus na walang pagkatinag ang katapatan sa pangangalaga sa kawan ng kaniyang Ama sa gitna ng isang “di-sumasampalataya at baluktot na salinlahi.”​—Mateo 17:17, 22, 23.

11. (a) Bakit kinapootan si Jose ng kaniyang mga kapatid sa ama? (b) Sa anong katulad na kalagayan napalagay si Jesus?

11 Si Jose ay minahal ng kaniyang ama, si Israel, higit kaysa lahat ng kaniyang mga kapatid at palibhasa’y paborito siya kung kaya binigyan siya ng isang mahaba, guhit-guhit at tulad-kamisadentrong kasuotan na sadyang ginawa para sa kaniya. Dahilan dito, ang mga kapatid sa ama ni Jose ay “napoot sa kaniya, at sila’y hindi nagsalita nang mapayapa sa kaniya.” Nagkaroon pa rin sila ng higit na dahilan na mapoot sa kaniya nang siya’y magkaroon ng dalawang panaginip na ipinakahulugan nila na siya’y magiging dominante sa kanila. Sa katulad na paraan, ang mga pinunong Judio ay napoot din kay Jesus dahilan sa kaniyang katapatan, sa kaniyang nakahihikayat na turo, at sa maliwanag na pagpapala sa kaniya ni Jehova.​—Genesis 37:3-11; Juan 7:46; 8:40.

12. (a) Bakit si Jacob ay nabahala tungkol sa kapakanan ng kaniyang mga anak? (b) Paano nagkakahawig ang hakbang na ginawa ni Jose at yaong ginawa naman ni Jesus?

12 Nang sumapit ang panahon, ang mga kapatid ni Jose ay nag-aalaga ng kanilang mga tupa malapit sa Sichem. Nabahala nang husto ang ama ni Jose sapagkat doon sa lugar na iyon pinagsamantalahan ni Sichem si Dina, kung kaya ang ginawa nina Simeon at Levi, kasama ang kanilang mga kapatid, ay pinatay ang mga lalaki sa lunsod na iyon. Hiniling ni Jacob kay Jose na pumaroon at tingnan ang kanilang kapakanan at magbalita sa kaniya tungkol doon. Sa kabila ng pagkapoot sa kaniya ng kaniyang mga kapatid, agad na yumaon si Jose upang hanapin sila. Sa kahawig na paraan, may kagalakang tinanggap ni Jesus ang iniatas sa kaniya ni Jehova na mga gawain dito sa lupa, bagama’t iyon ay magdudulot ng malaking pagdurusa sa panahon na siya’y pinasasakdal bilang ang Punong Ahente ng kaligtasan. Sa kaniyang pagtitiis, anong gandang halimbawa si Jesus para sa ating lahat!​—Genesis 34:25-27; 37:12-17; Hebreo 2:10; 12:1, 2.

13. (a) Paanong ibinuhos ng mga kapatid ni Jose sa ama ang kanilang pagkapoot? (b) Sa ano maihahambing ang pagdadalamhati ni Jacob?

13 Samantalang si Jose ay malayo pa siya’y natanaw na ng kaniyang sampung mga kapatid sa ama. Kapagdaka’y sumiklab ang kanilang galit sa kaniya, at sila’y nagsabwatan na iligpit siya. Sa una’y binalak nila na patayin siya. Subalit si Ruben, na nangangamba dahilan sa kaniyang pananagutan bilang panganay, ay nakapanaig sa kanila upang pumayag na ihagis na lamang si Jose sa isang natuyong balon, sa pag-asa na siya’y makababalik pagkatapos at maiaahon siya roon. Subalit, samantala, nahikayat ni Juda ang kaniyang mga kapatid na ipagbili si Jose bilang isang alipin sa mga ilang Ismaelita na noo’y dumaraan na sakay ng kanilang mga kamelyo. Nang magkagayo’y kinuha ng kaniyang mga kapatid ang tunika ni Jose at inilubog iyon sa dugo ng isang lalaking kambing at ipinadala iyon sa kanilang ama. Nang suriin iyon ni Jacob, siya’y naghimutok: “Ito nga ang tunika ng aking anak! Tiyak na sinakmal siya ng isang mabangis na hayop! Tunay ngang nilapa si Jose!” Tiyak na ganiyan din ang nadama na kahapisan ni Jehova sa pagdurusa ni Jesus nang kaniyang tupdin ang iniatas na gawain sa kaniya sa lupa.​—Genesis 37:18-35; 1 Juan 4:9, 10.

Si Jose Nang Nasa Ehipto

14. Paano tayo makikinabang sa sinaunang dramang ito ngayon?

14 Hindi tayo dapat maghinuha na ang mga katuparan ng madulang mga pangyayari tungkol kay Jose ay naganap ayon sa eksaktong pagkakasunud-sunod ayon sa petsa ng pagkapangyari. Bagkus, makikita natin na nangyari noon ang sunud-sunod na mga mapagbabatayang mga pangyayari para sa ating ikatututo at ikatitibay-loob ngayon. Gaya ng sinabi ni apostol Pablo: “Lahat ng bagay na isinulat noong una ay nasulat upang magturo sa atin, na sa pamamagitan ng pagtitiis at kaaliwan buhat sa Kasulatan ay magkaroon tayo ng pag-asa. Ngayon ang Diyos na nagkakaloob ng pagtitiis at kaaliwan ay magbigay nawa sa inyo ng ganoon ding kaisipan na gaya ng kay Kristo Jesus, upang sa isang pag-iisip sa pamamagitan ng isang bibig ay luwalhatiin ninyo ang Diyos at Ama ng ating Panginoong Jesu-Kristo.”​—Roma 15:4-6.

15. Bakit umunlad si Jose at ang sambahayan ni Potiphar?

15 Si Jose ay dinala sa Ehipto, at doo’y ipinagbili siya sa isang Ehipsiyo na nagngangalang Potiphar, puno ng mga bantay ni Faraon. Patuloy na pinatnubayan ni Jehova si Jose, na nagpatuloy na namuhay ayon sa mahuhusay na simulain na itinuro sa kaniya ng kaniyang ama, kahit na siya’y malayo sa sambahayan ng kaniyang ama. Hindi iniwan ni Jose ang pagsamba kay Jehova. Ang kaniyang panginoon, si Potiphar, ay nagpahalaga sa mga mabubuting katangian ni Jose at siya’y inilagay na tagapangasiwa sa kaniyang buong sambahayan. Patuloy na pinagpala ni Jehova ang sambahayan ni Potiphar dahilan kay Jose.​—Genesis 37:36; 39:1-6.

16, 17. (a) Paano pinagtagumpayan ni Jose ang higit pang pagsubok ng kaniyang katapatan? (b) Ang karanasan ni Jose sa bilangguan ay nagpapakita na ano ang tinutungo ng mga bagay-bagay?

16 Doon ay sinubok ng asawa ni Potiphar na akitin si Jose. Patuloy na tinanggihan siya ni Jose. Isang araw sinunggaban ng babae ang kasuotan ni Jose, ngunit ito’y tumakas, at naiwan ang balabal sa kamay ng babae. Sa harap ni Potiphar, kaniyang inakusahan si Jose na ibig siyang sipingan, kaya ipinabilanggo ni Potiphar si Jose. Sa loob ng isang panahon ay ginapos siya ng mga tanikalang bakal. Ngunit sa pamamagitan ng mga kahirapan na dinanas niya sa bilangguan, si Jose ay patuloy na nagpatunay ng kaniyang katapatan. Sa gayon, siya’y inilagay ng katiwala ng bilangguan upang mamahala sa lahat ng mga bilanggo.​—Genesis 39:7-23; Awit 105:17, 18.

17 Sa paglakad ng panahon, ang punong katiwala ng saro at punong magtitinapay ni Faraon ay hindi nakalugod sa kaniya at sila’y ibinilanggo. Si Jose ay inatasan na maglingkod sa kanila. Muli na naman, si Jehova ang nagmaneobra ng mga bagay-bagay. Ang dalawang opisyales sa palasyo ay nanaginip ng mga panaginip na lumigalig sa kanila. Pagkatapos idiin na “ang Diyos ang nagpapaliwanag ng kahulugan,” sinabi sa kanila ni Jose kung ano ang kahulugan ng mga panaginip. At gaya ng sinabi ni Jose, makalipas ang tatlong araw (noong kompleanyo ni Faraon) ang katiwala sa saro ay ibinalik sa kaniyang tungkulin, ngunit ang punong magtitinapay ay ibinitin sa isang punungkahoy.​—Genesis 40:1-22.

18. (a) Paano nagunita si Jose? (b) Ano ang pinaka-buod ng panaginip ni Faraon?

18 Bagaman ipinakiusap ni Jose sa katiwala ng saro na kausapin si Faraon alang-alang sa kaniya, dalawang taon ang lumipas bago nagunita ng taong iyon si Jose. At nagkagayon man, ito’y dahil lamang sa si Faraon ay makalawang nagkaroon ng mga panaginip na lumigalig sa kaniya sa magdamag. Nang walang isa man sa mga mahikong saserdote ng hari ang makapagpaliwanag ng kahulugan ng mga panaginip na iyon, sinabi kay Faraon ng katiwala ng saro na maaaring maipaliwanag ni Jose ang kahulugan ng mga panaginip. Kaya ipinasundo ni Faraon si Jose, na mapakumbabang nagpahayag tungkol sa Pinagmumulan ng tunay na paliwanag, at ang sabi: “Ang Diyos ang magbibigay ng sagot sa kapayapaan kay Faraon.” Nang magkagayo’y inilahad kay Jose ng hari ng Ehipto ang mga panaginip, na ganito:

“Narito ako’y nakatayo sa tabi ng ilog Nilo. At narito may nagsiahon sa ilog Nilo na pitong bakang matataba at magaganda ang anyo, at nanginain sa damuhan ng Nilo. At narito ang pito pang mga baka na nagsiahon sa ilog at kasunod nila, pangit ang anyo at payat. Sa kasamaan ay wala pa akong nakikitang kasinsamâ nila sa buong lupain ng Ehipto. At ang unang pitong matatabang baka ay sinimulang kainin ng mga payat at masasamang baka. At nang kanilang makain ay hindi man lamang maalaman na sila’y kanilang nakain, sapagkat ang kanilang anyo ay pangit din gaya ng una. . . .

“Pagkatapos niyan ay nakita ko sa aking panaginip at narito ang pitong uhay na sumisibol sa iisang tangkay, mapipintog at mabubuti. At narito ang pitong uhay na lanta, mga pipî, tinuyo ng hanging silanganan, na nagsitaas na kasunod ng mga yaon. At sinimulang kainin ng mga uhay na lanta ang pitong uhay na mabubuti. Kaya’t aking isinaysay iyon sa mga saserdoteng mago, datapuwat walang makapagpahayag niyaon sa akin.”​—Genesis 40:23–​41:24.

19. (a) Paano nagpakita si Jose ng pagpapakumbaba? (b) Anong mensahe ang inihatid nang ipaliwanag ang kahulugan ng mga panaginip?

19 Anong kakatwang mga panaginip! Paano ngang ang sinuma’y makapagpapaliwanag nito? Si Jose ang nakapagpaliwanag nito, ngunit hindi alang-alang sa kaniyang sariling ikaluluwalhati. Sinabi niya: “Ang panaginip ni Faraon ay iisa lamang. Ang ginagawa ng tunay na Diyos . . . kaniyang pangyayarihin na makita ni Faraon.” Pagkatapos ay nagpatuloy si Jose na isiwalat ang mahalagang makahulang mensahe ng mga panaginip na iyon, na nagsasabi:

“Narito, dumarating ang pitong taóng may malaking kasaganaan sa buong lupain ng Ehipto. Subalit pitong taon ng taggutom ang tiyak na darating pagkatapos, at malilimutan ang buong kasaganaan sa lupain ng Ehipto at pupuksain ng taggutom ang lupain. . . . At yamang ang panaginip ay inulit kay Faraon nang makalawa nangangahulugan iyan na ang bagay na yao’y itinatag na matibay ng tunay na Diyos, at pangyayarihing madali ng tunay na Diyos.”​—Genesis 41:25-32.

20, 21. (a) Ano ang itinugon ni Faraon sa babala? (b) Sa puntong ito, paanong maipaghahambing si Jose at si Jesus?

20 Ano kaya ang magagawa ni Faraon tungkol sa napipintong taggutom? Iminungkahi ni Jose na si Farao’y gumawa ng paghahanda sa pamamagitan ng pag-aatas sa isang matalino at pantas na lalaki sa lupain upang magkamalig ng kalabisang ani kung mga taon ng magagaling na ani. Ngayon ay nakilala na ni Faraon ang mahuhusay na mga katangian ni Jose. Kaniyang hinubad sa kaniyang kamay ang kaniyang pantatak na singsing at inilagay iyon sa kamay ni Jose, at sa gayo’y hinirang siya ni Faraon upang maging tagapamahala sa buong lupain ng Ehipto.​—Genesis 41:33-46.

21 Si Jose ay 30 taóng gulang nang siya’y tumindig sa harap ni Faraon, kasing-edad ni Jesu-Kristo nang ito’y mabautismuhan at magsimula ng kaniyang ministeryong nagbibigay-buhay. Ang susunod na artikulo ay magpapakita kung paano ginamit si Jose ni Jehova sa paglalarawan sa “Punong Ahente at Tagapagligtas” na inilagay ni Jehova sa panahon ng espirituwal na taggutom at pantanging tumutukoy sa ating sariling kaarawan.​—Gawa 3:15; 5:31.

Ano ang Sagot Mo?

◻ Sa anong dalawang paraan namiminsala sa ngayon ang taggutom?

◻ Anong maiinam na katangian ang pinagyaman ni Jose samantalang kasama ng kaniyang mga kapatid sa ama?

◻ Ano ang maaari nating matutuhan buhat sa mga sinaunang karanasan ni Jose sa Ehipto?

◻ Ang pagmamalasakit ni Jehova kay Jose at sa nagugutom na mga tao ay nagbibigay-katiyakan sa atin ng ano?

[Kahon sa pahina 13]

Isang kolumnista sa The Sunday Star (Toronto, Marso 30, 1986) ang nagsabi ng ganito tungkol sa umano’y mga pangunahing relihiyon: “Ang malaking kabiguan nila ay ang hindi pakikitungo sa matinding espirituwal na gutom ng mga lalaki, mga babae at mga kabataan sa ngayon”

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share