Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w86 9/1 p. 14-16
  • Ang Marangal na Bahaging Ginagampanan ng Babae

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Ang Marangal na Bahaging Ginagampanan ng Babae
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1986
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Ang Layunin ng Diyos Para sa Babae
  • Nasira ang Orihinal na Kaayusan ng Diyos
  • Ang mga Babae sa Ilalim ng Kautusan ni Moises
  • Ang mga Babae sa Kongregasyong Kristiyano
  • Ang Pagmamalasakit ni Jehova sa mga Babae
  • Ang Papel na Ginagampanan ng Babae sa Kasulatan
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1991
  • Lalaki at Babae—Ang Marangal na Papel ng Bawat Isa
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2007
  • Ang Marangal na Papel ng mga Babaing Kabilang sa Mga Naunang Lingkod ng Diyos
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1995
  • May Malasakit ba ang Diyos sa mga Babae?
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2012
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1986
w86 9/1 p. 14-16

Ang Marangal na Bahaging Ginagampanan ng Babae

“BAKIT ang isang babae’y magiging higit na katulad ng isang lalaki?” Ang medyo alanganing tanong na iyan ay titulo ng isang artikulo ng sikologong si Carol Gilligan, na doo’y sinabi niya: “Ang dako ng babae sa buhay ng lalaki ay ang pagiging tagapag-alaga, tagapag-asikaso, at katulong, ang humahabi ng mga likaw-likaw ng mga pag-uugnayang iyan na nagsisilbi naman na pinakasentro ng kaniyang gawain. Subalit samantalang ang mga babae ay nakapag-asikaso nga sa mga lalaki, totoo rin naman na ang mga lalaki . . . ay may hilig na pawalang-halaga ang pag-aasikasong iyan.”​—Psychology Today.

Totoo naman sa kasalukuyan na maraming babae ang may katuwiran na magreklamo tungkol sa mga ilang di-pagkakapantay-pantay at mga kaagrabiyaduhan laban sa kanilang pagkababae. Aaminin, na mapag-imbot na mga lalaki ang nagsamantala sa mga kababaihan sa lahat ng panig ng daigdig​—sa mga ibang bansa at mga kabihasnan ay higit silang pinagsamantalahan kaysa iba. Bagama’t ito’y ipinaliliwanag ng iba bilang ang sanhi’y ang mga pamamalakad panlipunan na kung saan mababa ang tingin sa mga babae, ang sinisisi ng mga iba ay ang Bibliya bilang isang dahilan nito. Sinasabi nila na sa Hebreo at sa Griegong Kasulatan, karaniwang tinatawag na Matanda at Bagong Tipan, ang Bibliya ay istrikto sa mga babae. Ito kaya’y totoo?

Ang Layunin ng Diyos Para sa Babae

Sinasabi ng Bibliya: “At nilalang ng Diyos ang tao ayon sa kaniyang sariling larawan . . . nilalang niya sila na lalaki at babae.” Ano ba ang layunin ng pagkakaibang ito ng sekso? Ang sagot ay maliwanag. Sa ganito’y magaganap ng unang mag-asawa ang banal na utos na nakapaloob sa susunod na talata: “Sa kanila’y sinabi ng Diyos: ‘Kayo’y magpalaanakin at magpakarami at kalatan ninyo ang lupa at inyong supilin, at magkaroon kayo ng kapangyarihan sa . . . bawat hayop na gumagalaw sa ibabaw ng lupa.’”​—Genesis 1:27, 28.

Pansinin na ang utos na ito ay ibinigay sa “kanila,” sa lalaki at pati sa babae. Bawat isa sa kanila ay may bahagi hindi lamang sa pagtupad sa utos na kalatan ang lupa ng mga iba pang tao kundi pati sa pagsupil sa lupa at pagkakaroon ng kapangyarihan sa nakabababang mga nilikha kasuwato ng kalooban ng Diyos. Para magawa ito, sila’y kapuwa nangangailangan ng talino at espirituwalidad, at bawat isa sa kanila ay mayroong magkatulad na potensiyal para sa pagpapaunlad nito.

Gayunman, inatasan ng Diyos ng nagkakaibang papel at pananagutan ang lalaki at ang babae. Samantalang pinag-aaralan noon ni Adan ang sarisaring uri ng hayop at binibigyan sila ng kani-kanilang pangalan, siya’y isang taong sakdal at kompleto. Wala siyang kulang na anuman para maisagawa ang atas na iyan. (Genesis 2:19, 20) Subalit nang sumapit ang panahon para simulan ng lalaki na kalatan ang lupa ng kaniyang mga supling, maliwanag na kailangan niya ang isang asawang babae. Kaya naman “sinabi ng Diyos na Jehova: ‘Hindi mabuti na ang lalaki ay mag-isa. Siya’y igagawa ko ng isang katulong, bilang kapupunan niya.’”​—Genesis 2:18.

Sinasabi ng Bibliya na ginawa siya ng Diyos na “isang katulong, bilang kapupunan niya.” Ang salitang Hebreo na isinaling “kapupunan” ay maaari ring isalin na “kamukha,” na ang katuturan ay “isang bagay na angkop na angkop.” Ang layunin ng Diyos para sa babae ay maging isa siyang angkop na kapupunan ng lalaki sa katuparan ng kanilang misyon na dalawa, na iyon nga ay “kalatan ang lupa at supilin.”

Nasira ang Orihinal na Kaayusan ng Diyos

Sinasabi ng Bibliya na “si Adan ay siyang unang nilalang, pagkatapos ay si Eva.” (1 Timoteo 2:13) Tinutukoy nito ang babae bilang “isang mahinang sisidlan, ang babae,” at sinasabi na, kung paanong ang lalaki ay may ulo (si Kristo), “ang ulo naman ng babae ay ang lalaki.”​—1 Pedro 3:7; 1 Corinto 11:3.

Sang-ayon sa orihinal na kaayusan ni Jehova, ang iisa lamang asawa ang pamantayan para sa pag-aasawa. (Genesis 2:24) Ang lalaki ang unang nilalang at siya ang manguna sa lahat ng bagay tungkol sa pagsamba at sa maka-Diyos na mga gawain na kailangang gawin upang makalatan ang lupa at masupil ito. Kasali na rito ang mga bagay tungkol sa pamilya. Ang ama ang magiging ulo ng sambahayan, subalit ito’y hindi sa ikapipinsala ng asawang babae. Bagkus pa nga, ito’y sa kaniyang ikabubuti sapagkat mayroong aalalay sa kaniya kung siya’y gaganap ng kaniyang bigay-Diyos na awtoridad sa kaniyang mga anak.​—Efeso 6:1-4.

Tulad din sa mga ibang pitak ng buhay ng tao, ang kasalanan at di-kasakdalan ang sumira sa wastong ugnayang ito ng lalaki at babae. (Roma 7:14-20) Mapag-imbot na mga lalaki ang nag-abuso sa kanilang matuwid na pagkaulo, at nagdala ng maraming pagdurusa sa kababaihan sa buong panahon na nalakaran. Palibhasa’y nakikinikinita ang magiging bungang ito ng kasalanan, sinabi ni Jehova kay Eva pagkatapos ng kaniyang paghihimagsik: “Labis na pananabikan mo ang iyong asawa, at siya’y magiging dominante sa iyo.” (Genesis 3:16) Ang mapang-abusong pagkadominanteng ito ay hindi siyang tumpak na paggamit ng pagkaulo. Mababanaag dito ang makasalanang kalagayan ng lalaki, at gayundin ng babae, sapagkat kung minsan ang resulta nito ay ang pagtatangka ng babae na agawin ang kapangyarihan ng kaniyang asawa.

Ang mga Babae sa Ilalim ng Kautusan ni Moises

Ang Kautusan na ibinigay ni Jehova sa Israel ay nangalaga sa mga karapatan ng mga dalaga. (Exodo 22:16) Iningatan nito “ang kaukulang karapatan ng mga anak na babae.” (Exodo 21:9) Ang mga asawang babae ay kailangang “pakamahalin,” hindi “pagtaksilan.” (Deuteronomio 13:6; Malakias 2:14, 15) Ang karangalan ng mga asawang babae ay kailangang igalang kung tungkol sa seksuwal na pagtatalik. (Levitico 18:19) Ang mga babae ay hindi dapat abusuhin sa seksuwal na paraan.​—Levitico 18:8-17.

Sa aklat na Religion and Sexism, ang doktor ng teolohiyang si Phyllis Bird ay sumulat: “Ang mga batas ng Israel ay lubhang naiiba sa mga ibang kilalang kodigo ng batas dahil sa pambihirang kahigpitan kung tungkol sa seksuwal na mga pagkakasala . . . Ang pagkakilala ng Israel sa wastong dako ng sekso at ang mahihigpit na parusa sa mga nagkakasala laban sa sekso ay marahil nagpapakita na sadyang kabaligtaran ito ng mga kinaugalian ng nakapalibot na mga bayan (ang mga Cananeo lalo na) . . . Ang seksuwal na mga pagkakasala ay mga relihiyosong pagkakasala sa Israel. Ang mga ito’y hindi pribadong mga bagay kundi mga bagay na kinasasangkutan ng buong komunidad.” Ang ganiyang istriktong mga batas ay proteksiyon sa karapatan ng mga babae.

Sa Israel, ang mga lalaki at mga babae ay magkapantay sa harap ng Batas kung sila’y nasumpungang nagkasala ng adulterya, insesto, bestialidad, o iba pa. (Levitico 18:6, 23; 20:10-12) Ang mga batas tungkol sa mga pakinabang sa Sabbath, mga kapistahan, mga panata ng Nazareo, at iba pa ay pare-parehong kumakapit sa mga lalaki at mga babae.​—Exodo 20:10; Bilang 6:2; Deuteronomio 12:18; 16:11-14.

Sa aklat ng Mga Kawikaan, pinupuri ng Bibliya ang “butihing asawang babae,” ang “karapat-dapat na asawang babae,” ang “maingat na asawang babae,” at “ang tunay na babaing pantas.” (Kawikaan 18:22; 12:4; 19:14; 14:1) Sa Kawikaan kabanatang 31 ay inilalarawan ang gayong “karapat-dapat na asawang babae” at ipinakikita ang malaking pagtitiwala sa kaniya ng kaniyang asawa at ang maraming pribilehiyong ibinibigay sa kaniya sa pag-aasikaso ng mahalagang mga bagay sa sambahayan. Tiyak iyan, pagka ang Kautusan ay sinusunod sa Israel, ang mga babae ay hindi minamaltrato.

Ang mga Babae sa Kongregasyong Kristiyano

Sa ilalim ng patriyarkal at Mosaikong Kautusan, pinapayagan ang poligamya at pangingirida; ngunit may mga restriksiyon, at ang karapatan ng kapuwa mga asawang babae at mga kerida ay protektado. (Genesis 16:3; 29:23-29; Exodo 21:7, 8; Deuteronomio 21:14-17) Datapuwat, ibinalik ni Kristo ang orihinal na pamantayan ng Diyos para sa pag-aasawa, ang isang lalaki para sa isang babae. (Mateo 19:4-6) Kaniya ring inalis ang diborsiyo sa anumang dahilan, at ipinahintulot ang isa lamang dahilan ng pagdidiborsiyo​—ang pakikiapid.​—Mateo 19:7-9.

Mangyari pa, ang ginawang paghihigpit ni Kristo sa kaayusan ng pag-aasawa ay kapuwa nakabuti sa mga lalaki at mga babae sa loob ng kongregasyong Kristiyano. Ngunit ang mga babae lalo na ang pangunahing nakinabang.

Ayon sa mga pamantayang Kristiyano, ang mga asawang babae ay kailangang ibigin at pakamahalin. (Efeso 5:28, 29, 33) Ang mga nakababatang babae ay dapat tratuhin ng mga lalaki sa kongregasyon na “gaya ng mga kapatid na babae na may buong kalinisan.” (1 Timoteo 5:1, 2) Ang mga babaing Kristiyano ay tumanggap ng banal na espiritu at ‘nanghula,’ o may katapangang nangagsalita tungkol sa “kagila-gilalas na mga bagay ng Diyos.” (Gawa 2:11-18) Ang nakatatandang mga babaing Kristiyano ay dapat na “mga tagapagturo ng kabutihan” sa kanilang nakababatang mga kapatid na babae sa espiritu. (Tito 2:3, 4) Lahat, bata at matanda, ay makikibahagi nang puspusan sa pagtupad ng atas na ‘gumawa ng mga alagad sa mga tao ng lahat ng bansa.’​—Mateo 28:19, 20.

Ang orihinal na kaayusan ng Diyos na pag-aasawa ay ibinalik sa loob ng kongregasyong Kristiyano. Kailangan din naman na ang simulain ng pagkaulo ng lalaki ay igalang. (1 Corinto 11:3) Ang mga babaing Kristiyano ay pasasakop sa kani-kanilang asawa. (Efeso 5:22-24) Kanila ring igagalang ang hinirang na matatanda sa kongregasyon, na pawang mga lalaki, ito man ay binata o ‘asawa ng isang babae.’ (1 Timoteo 3:2) Hahayaan ng mga babaing Kristiyano na ang pangmadlang pagtuturo sa kongregasyon ay gampanan na lamang ng hinirang na “nakatatandang mga lalaki” at huwag nilang sasalansangin sa harap ng madla ang gayong mga tagapagturo. (Tito 1:5-9; 1 Timoteo 2:11-15; 1 Corinto 14:34, 35) Kaya naman iiral ang kapayapaan sa loob ng mga kongregasyon. (1 Corinto 14:33, 40) Ang anumang hindi wastong impluwensiya ng babae sa loob ng kongregasyon ay hahatulan ni Kristo bilang di-mabuti.​—Apocalipsis 2:20-23.

Ang Pagmamalasakit ni Jehova sa mga Babae

Ang Bibliya ba ay istrikto sa mga babae? Hindi. Sa kabuuan nito ay isinisiwalat ang matinding pagmamalasakit ni Jehova sa ikaliligaya at ikabubuti ng “marupok na sisidlan, ang babae,” na siya ang Maylikha. Sila’y binibigyang-karangalan. (1 Pedro 3:7) Siya ang may higit na kaalaman tungkol sa papel na dapat gampanan ng bawat sekso, sa kanilang ikabubuti. Ang mga lalaki ang binigyan niya ng karapatan na maging ulo ngunit ang kaniyang mga lingkod na babae ay mayroon ding maraming mahalagang mga pribilehiyo, kasali na ang dakilang karangalan na maging kaniyang mga saksi. “Si Jehova ang nagbibigay ng pasabi; ang mga babaing naghahayag ng mabuting balita ay isang malaking hukbo.”​—Awit 68:11.

Ang sikologong si Carol Gilligan ay nagbangon ng tanong na, “Bakit ang isang babae’y magiging higit na katulad ng isang lalaki?” Ang Bibliya ay sumasagot: Walang mabuting dahilan. Siya’y magiging higit na maligaya at paliligayahin niya ang mga iba kung kaniyang tinutupad ang bahaging iniatas sa kaniya ng Diyos.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share