“Birth Control” Sino ang Dapat Magpasiya? Ikaw o ang Simbahan?
Ng kabalitaan ng Gumising! sa Espanya
“ANG isang bata ay isang anghel na bigay ng Diyos. Mientras mas marami kayong anak, mas maraming patotoo na kayo ay pinagpapala ng Diyos at kayo ay kaniyang ginagamit sa kaniyang kaluwalhatian.”
Ang mga salitang ito ng lokal na pari ng parokya ay nagpahirap kay Joaquim. Wala siyang trabaho. Siya at ang kaniyang asawa, si Lourdes, ay mayroon nang anim na anak. Paano pa nila makakaya ang anumang karagdagan? Ang kaniyang mga pagtutol ay pinatahimik ng babalang: “Ang pag-iwas sa paglilihi ay isang kasalanan. Ikaw ay maiiskomulgado kapag ginawa mo iyan!” Masunurin, si Lourdes ay nagsilang ng sampu pang anak, sa kabila ng kahirapan sa buhay na tinitiis ng naghihirap na pamilyang Portuges na ito.
Inuulit lamang ng pari ang mahalagang turong Katoliko, na ang pag-aasawa ay dapat na maging mabunga at na ang bawat mag-asawa ay dapat na “may magandang kalooban na tanggapin ang mga anak” na maaaring dumating. Gayunman, nitong mga nakalipas na taon maraming Katoliko ang nag-aalinlangan tungkol sa opisyal na mga tuntunin ng simbahan tungkol sa bagay na ito.
Isang Katolikong Pranses na ina ng sampung anak ay nagsabi: “Para sa akin, ang turo ng Romano Katoliko ay hindi praktikal sa ngayon para sa normal na may kabataang mga mag-asawa na nagnanais gugulin ang kanilang buhay mag-asawa sa paningin ng Diyos!” Gayunding damdamin ang ipinahayag ni Kitty Parker mula sa California: “Kaming mag-asawa ay nagpasiya pabor sa birth control pagkatapos ng mahabang panahong pag-uusap, pagbabasa at pananalangin. Ito ang aming kauna-unahang pagsuway sa simbahan.” Si Judy Ford ng Paignton, Inglatera, ay nag-aakala na “ang disisyon ay dapat na ipaubaya sa pamilyang nasasangkot, nang hindi natatakot na mahigpit na kagagalitan ng Simbahan.”
Maraming taimtim na Katoliko ang nagtatanong sa kanilang sarili: ‘Sa panahong ito ng labis-labis na populasyon, malaganap na karalitaan, at nagsulputang mga barongbarong, dapat bang ang simbahan ang magpasiya kung baga ang espisipikong mga paraan ng birth control ay tama o mali?’ Sino ang dapat pakinggan ng isang Katoliko? Ang papa, ang pari sa parokya, o ang kaniya mismong budhi?
Hindi Lamang Isang Isyu sa Ika-20 Siglo
Malaon nang hinanap ng mga magulang ang praktikal na mga paraan upang takdaan ang bilang ng mga anak. Mahigit dalawang libong taon na ang nakalipas, binanggit ni Aristotle ang tungkol sa halaga ng pagkontrol sa pagdami ng populasyon upang bawasan ang pagkalat ng karalitaan. Binabanggit niya ang ilang mga paraan ng birth control na popular noong kaniyang panahon. Sa maraming lupain ang kaugalian na pag-aantala ng pag-awat ng pagpapasuso ng bata ng mga ilang taon ay nakatulong din sa pag-unti ng dami ng ipinanganganak. Gayunman, ang isa sa pinakakaraniwang anyo ng pagkontrol sa populasyon, na ginagawa pa rin sa ibang mga bansa ngayon, ay ang pagpatay sa sanggol. Ang hindi naiibigang sanggol, kadalasa’y ang babae, ay walang-awang pinapatay.
Nito lamang nakalipas na mga taon, dahil sa mas mabuting pangangalaga sa kalusugan, ang karaniwang ina sa ilang bansa sa Aprika ay mayroong kasindami ng walong anak. Kung ang dami ng ipinanganganak sa India (halos limang anak sa bawat ina) ay magpatuloy sa kasalukuyang antas nito, ang bansang iyon ay magkakaroon ng populasyon na halos isang libong milyon sa pagtatapos ng dantaon.
Marami sa lumalaking mga pamilyang ito ang nagkakalipumpon sa siksikang malalaking lungsod sa Mahihirap na Bansa, gaya ng Calcutta at Mexico City. Ang huling banggit ay maaaring magkaroon ng mula 26 milyon hanggang 36 na milyong mga tao sa taong 2000. Dahil dito, ang karamihan sa mas mahihirap na bansang ito ay nagsasagawa ng ilang anyo ng pagpaplano ng pamilya.
Samantala, sa maraming bansa sa Kanluran, kung saan laganap ang mga klinika sa pagpaplano ng pamilya, ang dami ng ipinanganganak na sanggol ay lubhang bumaba. Ang mga paraan ng kontrasepsiyon ay ginagamit ng karamihan ng mga mag-asawa, anuman ang kanilang relihiyon. Karaniwan nang hinahayaan ng mga simbahang Protestante ang problema tungkol sa kontrasepsiyon sa budhi ng mag-asawang nasasangkot. Gayunman, noong 1930, ginawang pormal ni Papa Pius XI ang kasalukuyang opisyal na katayuan ng Katoliko, na muling pinagtibay ni Papa Paolo VI at idiniin ng kasalukuyang papa, si John Paul II.
Isang Problema sa Taimtim na mga Katoliko
Paano ba binibigyan-kahulugan ang opisyal na kapasiyahang Katoliko tungkol sa birth control? Sa simpleng pangungusap, ipinahahayag nito na tanging ang “likas” na mga paraan ng birth control ang moral na tinatanggap. Ang “likas” na paraan ay inilalarawan ni Papa John Paul II bilang “pag-alam sa rhythm ng pertilidad ng tao at paggabay . . . sa pagkamagulang ayon sa rhythm na ito.” Ang iba pang anyo ng kontrasepsiyon ay bawal.
Maliwanag, nasusumpungan ng maraming Katoliko na di-praktikal ang rhythm method. Kaya, sila’y obligadong sundin alin sa dikta ng kanila mismong budhi o ang doktrina ng kanilang simbahan. Sa karamihan ng mga bansa sa Kanluran, waring hindi iniintindi ng praktikal na mga Katoliko ang mga pahayag ng papa, bagaman sinusuring maingat ang budhi. Totoo ito kahit na sa mga bansang ang nakararami’y Katoliko.
Isang paring Pranses ang nagsasabi: ‘Ang paglalagay ng napakataas na mga pamantayan, hindi bilang mga direktiba, kundi sa sukdulang diwa, ay humahantong sa pag-iral ng dalawang simbahan: Sa isang panig ay yaong nagbibigay ng batas at ang minoridad na sumusunod. Sa kabilang panig naman, isang karamihan na ginagawa ang lahat ng kanilang magagawa o nagpapasiya pa nga na huwag sundin ang mismong masalimuot na mga simulaing ito.’ Sa Espanya mahigit na 60 porsiyento ang hindi iniintindi ang mga turo ng simbahan tungkol sa birth control kahit na mahigit sa kalahati ng mga ito ay itinuturing ang kanilang mga sarili na mga Katoliko. Sa Italya ipinakikita ng isang surbey kamakailan na wala pang 2 porsiyento ang sumasang-ayon sa opisyal na katayuan ng simbahan.
Ang napakalaking pagkakaibang ito sa pagitan ng kung ano ang itinuturo ng simbahan at sa kung ano ang karaniwang ginagawa ng mga Katoliko ay hindi kataka-taka dahil sa magkasalungat ng mga opinyon na ipinahahayag ng mga obispo, pari, at mga teologo tungkol sa problemang ito. Bagaman ang mga pahayag ng papa ay maliwanag, hindi nakikita ng maraming matataas-tungkuling tao sa simbahan ang bagay na ito na malinaw, ang iba pa nga ay hayagang nagsasalita laban sa opisyal na doktrina. Samantala, ang lokal na mga pari, na kailangang magpayo sa mga mag-asawa, ay karaniwang ayaw gumawa ng moral na mga kahatulan tungkol sa bagay na ito. Kaya ang mahalagang tanong ay, Mayroon bang tiyak na mga tagubilin buhat sa Diyos may kaugnayan sa birth control?
Ano ang Pangmalas ng Bibliya?
Kalimitang binabanggit niyaong mga tumututol sa kontrasepsiyon ang utos ng Bibliya kina Adan at Eva: “Kayo’y magpalaanakin at magpakarami, at punuin ninyo ang lupa.” (Genesis 1:28, Douay) Gayunman, gaya ng wastong pagkakasabi ng manunulat na Kastilang si Ricardo Lezcano: “Wari ngang salungat na ikapit sa 4,000 milyong mga tao ang pormula ring iyon na ikinapit sa dalawa lamang mananahan ng planeta.” Ang utos na ito ay malinaw na nauugnay sa pantanging mga kalagayang umiiral noong panahong iyon.
Hindi natin masusumpungan saanman sa Bibliya na tinatalakay ang birth control o ang pagpaplano ng pamilya. Bagaman hinahatulan ng Bibliya ang seksuwal na imoralidad, hindi nito itinuturo na ang pag-aanak lamang ang maaaring gumawang legal sa seksuwal na mga kaugnayan sa pagitan ng asawang lalaki at babae. (Ihambing ang Kawikaan 5:15-20; 1 Corinto 7:2, 3.) Kaya nga, tungkol dito, gaya ng sa iba pa kung saan walang tuwirang maka-Kasulatang patnubay, ang bawat mag-asawa ay dapat magpasiya na kasuwato ng kanilang budhi. Ang paggawa ng di-makatuwirang mga pamantayan ng tama at mali ay paggawa na “higit kaysa nasusulat.”—1 Corinto 4:6, The New American Bible, isang saling Katoliko.
Hindi ito nangangahulugan na ang lahat ng anyo ng birth control ay kaaya-aya sa paningin ng Diyos. Nililinaw ng Bibliya na mahalaga sa paningin ng Diyos ang buhay ng ipinagbubuntis na anak at pinapansin ang paglaki nito. (Awit 139:13-16; Jeremias 1:5) Sa ilalim ng Batas Mosaiko, ang sinuman makapatay sa ipinagbubuntis na sanggol kahit na ito ay di-sinasadya ay parurusahan. (Exodo 21:22, 23) Kaya nga, mula sa pangmalas ng Diyos, ang aborsiyon ay di sinasang-ayunan, at gayundin ang anumang iba pang pamamaraan o paggagamot na kumikitil ng buhay pagkatapos maganap ang paglilihi.a
Samakatuwid, kung ano ang pinaniniwalaan ng maraming taimtim na Katoliko ayon sa intuwisyon—na ang pagpaplano ng pamilya ay isang bagay na pinakamabuting ipaubaya sa bawat mag-asawa—ay siya mismong ipinahihiwatig ng Bibliya.
Ganiyan ang naging konklusyon ni Joaquim, ang amang Portuges na nabanggit kanina, pagkatapos na personal na maranasan ang mga kahirapan at sama ng loob dahil sa pagsunod sa doktrinang Katoliko tungkol sa birth control. Sinimulan niyang suriin ang Bibliya upang matiyak kung ang iba pang doktrina ng simbahan ay baka “mga utos lamang ng mga tao” sa halip na “utos ng Diyos.”—Mateo 15:3, 9, Dy.
Ngayon, bilang isa sa mga Saksi ni Jehova, sinisikap niyang sundin hindi kung ano ang idinidikta ng mga tao, kundi yaong kay Jesu-Kristo. (1 Corinto 2:16) Bakit hindi mo gawin ang gayunding pagsusuri? Ang mga Saksi ni Jehova sa inyong lugar ay magagalak na tumulong sa iyo.
[Talababa]
a Sa ilang okasyon ang mahigpit na paraan ng paggagamot ay maaaring ipakilala upang iligtas ang buhay ng ina.—Tingnan Ang Bantayan, Setyembre 15, 1975, pahina 574-5.
[Kahon sa pahina 24]
Nagkakasalungatang Opinyon
◼ Humanae Vitae (Ensiklikal ni Papa Paolo VI, 1968). Ang gawaing pangmag-asawa ay dapat na maging “lubusang makatao, ganap at tanging bukás sa isang bagong buhay.”
◼ Papa John Paul II. “Ang kontrasepsiyon, kung hahatulang makatuwiran, ay lubhang labag sa batas anupa’t hinding-hindi ito maaari, sa anumang dahilan, bigyang-katuwiran. Ang mag-isip o magsalita ng iba ay katumbas ng pagsasabing may mga kalagayan na doon naaayon sa batas na huwag kilalanin ang Diyos na Diyos.”
◼ Kastilang kardinal Narcisso Jubany Arnau. “[Ito’y] isang grabeng kasalanan na kusang iwasan ang pertilidad.”
◼ Pranses na mga obispong Katoliko sa isang pastoral na liham (1968). “Idinidikta ng tradisyonal na karunungan ang pagtiyak kung alin ang pinakamahalagang tungkulin sa harap ng Diyos sa partikular na kasong ito. Ang mag-asawa ang dapat na magpasiya pagkatapos ng mahabang panahon ng pagbubulaybulay nilang dalawa.”
◼ Teologong Katolikong Charles Curran. Pagkatapos ng ensiklikal na liham ng papa noong 1968 tungkol sa birth control, si Curran at ang iba pang 600 matatalinong Katoliko at mga propesyonal ng simbahan ay naglabas ng isang pangungusap na nagpapahayag na ang mga mag-asawa ‘ay binibigyang-matuwid na sundin ang kanila mismong budhi.’
◼ Isang matanda nang paring Pranses. “Iginigiit ng simbahan ang pagsasalita sa mga terminong nag-aalis rito ng lahat ng kredibilidad nito. . . . Patuloy itong nagbibigay ng utos sa buwan.”