AVREK
Isang terminong nagpapahiwatig ng karangalan at dignidad na isinigaw noon sa unahan ng karo ni Jose matapos siyang atasan ni Paraon bilang ikalawang tagapamahala sa kaharian. (Gen 41:43) Kung Hebreo ang pinagmulan nito, gaya ng palagay ng sinaunang tagapagsalin na si Aquila, na sinusuportahan din ng Latin na Vulgate, maaaring nangangahulugan ito ng “iluhod ang tuhod,” at gayon ang pagkakasalin nito sa maraming bersiyon. (AS-Tg, KJ, Da, Dy, ER, Ro, RS) Gayunman, tinatanggihan ng marami ang pangmalas na ito at mas iniuugnay nila ito sa kahawig na mga salita sa ibang mga wika. Halimbawa, iniisip ng ilan na maaaring isa itong Babilonyo o Asiryanong titulo ng isang mataas na opisyal, na nangangahulugang “tagakita” o “grand vizier.” Sinasabi ng iba na ito ay Coptic at nangangahulugang “iyukod ang ulo”; binabanggit naman ng iba na ang mga Arabe ay may sinasabing kahawig nito kapag inuutusan nilang lumuhod ang kanilang mga kamelyo. Ang Syriac na Peshitta ay kababasahan: “Ama at Tagapamahala!” Naniniwala ang ibang mga imbestigador na ang salitang ito ay purong Ehipsiyo. Ipinapalagay ni Origen, isang katutubo ng Ehipto, at ni Jerome na ito ay nangangahulugang “isang katutubong Ehipsiyo,” at dahil mababa ang tingin ng mga Ehipsiyo sa mga banyaga, sinasabi nila na ito ay isang pangmadlang pagpapatalastas ng naturalisasyon ni Jose. Isang kahawig na pananalita naman, na lumilitaw sa isang papirong natuklasan, ang nangangahulugang ‘ang iyong utos ang siya naming ninanais,’ samakatuwid nga, ‘kami ay iyong mga lingkod.’—The Life and Times of Joseph in the Light of Egyptian Lore, ni H. Tomkins, London, 1891, p. 49, 50.
Dahil dito, hindi pa matiyak ang eksaktong kahulugan ng salitang ito, kaya naman hindi ito isinasalin sa ilang bersiyon. (NW, JP, JB) Ang isa pang halimbawa ng di-Hebreong kaugaliang ito ng pangmadlang pagpuri sa unahan niyaong pinararangalan habang nakasakay siya sa kabayo at inililibot sa bayan ay masusumpungan sa Esther 6:11, noong parangalan sa madla si Mardokeo sa utos ng Persianong si Haring Ahasuero.