Pagliligtas ng Buhay sa Panahon ng Taggutom
1. Anong matalinong pagkilos ang ginawa ni Jose noong mga taon ng kasaganaan, at ano ang resulta?
KARAKARAKA pagkatapos nang siya’y atasan bilang administrador o tagapangasiwa ng pagkain, si Jose ay lumibot sa lupain ng Ehipto. Kaniyang inorganisang mainam ang mga bagay-bagay hanggang sa panahon na magsimula ang mga taon ng kasaganaan. Ngayon ay nagbigay ng saganang ani ang lupain! Patuloy na tinipon ni Jose ang mga pagkain na ani ng bukid sa bawat lunsod, at kaniyang ikinamalig iyon sa lunsod. Siya’y patuloy na “nagkamalig ng trigo na pagkarami-rami, tulad ng mga butil ng buhangin sa dagat, hanggang sa wakas ay hindi na nila binilang iyon, sapagkat hindi na mabilang.”—Genesis 41:46-49.
2. Anong personal na pagsasakripisyo ang ginawa ng mga tao upang magkaroon sila ng pagkain?
2 Ang pitong taon ng kasaganaan ay natapos, at ang taggutom ay nagsimula gaya ng inihula ni Jehova—isang taggutom hindi lamang sa Ehipto kundi “sa buong lupa.” Nang ang nagugutom na mga tao sa Ehipto ay magmakaawa kay Faraon para bigyan sila ng tinapay, sinabi ni Faraon sa kanila: “Pumunta kayo kay Jose. Anuman ang kaniyang sabihin sa inyo, gawin ninyo.” Si Jose ay nagbili ng trigo sa mga Ehipsiyo hanggang sa maubos ang kanilang salapi. Nang magkagayo’y kaniyang tinanggap ang kanilang mga hayop bilang kabayaran. Sa wakas, ang mga tao ay lumapit kay Jose, at ang sabi: “Bilhin mo ng tinapay kami at ang aming lupa, at kami at ang aming lupa ay paaalipin kay Faraon.” Kaya’t binili ni Jose ang lahat ng lupa ng mga Ehipsiyo para kay Faraon.—Genesis 41:53-57; 47:13-20.
Paglalaan Para sa Espirituwal na Pagpapakain
3. Anong ahensiya ang inihula ni Jesus na maglalaan ng pagkain sa tamang panahon?
3 Kung paano ang trigo na ipinamahagi ni Jose ay nagdulot ng buhay sa mga Ehipsiyo, gayundin na ang tunay na espirituwal na pagkain ay kailangan para masustinihan ang mga Kristiyano na nagiging mga alipin ni Jehova sa pamamagitan ng kanilang pag-aalay ng sarili sa Kaniya sa pamamagitan ng Lalong-dakilang Jose, si Jesu-Kristo. Noong siya’y nagsasagawa ng kaniyang makalupang ministeryo, inihula ni Jesus na ang kaniyang pinahirang mga tagasunod-yapak ang papasan ng pananagutan na mamahagi ng mga paglalaang ito. Siya’y nagtanong: “Sino nga baga ang tapat at maingat na alipin na hinirang ng kaniyang panginoon sa kaniyang sambahayan, upang bigyan sila ng pagkain sa tamang panahon? Maligaya ang aliping iyon kung pagdating ng kaniyang panginoon ay maratnan siyang ganoon ang ginagawa.”—Mateo 24:45, 46.
4. Paanong ang paglalaan na ginagawa ng uring “alipin” sa ngayon ay katumbas niyaong inorganisa noong kaarawan ni Jose?
4 Ang tapat na nalabi ng uring “maingat na alipin” na ito ngayon ay gumagawa ng anumang iniuutos ng Kasulatan upang ang nag-alay na mga saksi ni Jehova, pati na rin ang mga taong interesado mula sa sanlibutan, ay tumanggap ng panustos-buhay na pagkaing espirituwal. Ang ipinagkatiwalang ito ay kinikilala na isang banal na tungkulin at ginaganap bilang isang sagradong paglilingkuran kay Jehova. Gayundin, ang “alipin” ay nag-organisa ng mga kongregasyon at tinustusan ito ng mga literatura sa Bibliya na pagkarami-rami na anupa’t sila’y may sapat na “binhi” ng Kaharian para maisabog sa madla sa mga bukid na iniatas sa kanila na tamnan. Ito’y katumbas noong kaarawan ni Jose, nang kaniyang tipunin sa mga lunsod ang mga tao at binigyan sila ng trigo hindi lamang para kainin kundi rin naman para ihasik nila at umani balang araw.—Genesis 47:21-25; Marcos 4:14, 20; Mateo 28:19, 20.
5. (a) Anong pantanging pansin ang ibinibigay ng “alipin” sa mga pangangailangang pansambahayan sa panahon ng krisis? (b) Paanong ang “labis-labis” na espirituwal na mga paglalaan noong 1986 ay maihahambing sa mga panustos noong panahon ni Jose?
5 Kahit na kung ang pangmadlang gawaing pangangaral ay ibinabawal at pinag-uusig ang mga Saksi ni Jehova, ang ‘tapat na alipin’ ay naniniwala na ang paglalaang ito ng espirituwal na pagkain ay isang banal na gawaing ipinagkatiwala sa kanila. (Gawa 5:29, 41, 42; 14:19-22) Pagka may dumating na mga kasakunaan, tulad baga ng bagyo, baha, at mga lindol, inaasikaso ng “alipin” ang kapuwa pisikal at espirituwal na mga pangangailangan ng sambahayan ng Diyos. Kahit na yaong mga nasa concentration camps ay regular na nararating ng limbag na mga babasahin. Ang pambansang mga hangganan ay hindi pinapayagan na mapahinto ang agos ng espirituwal na pagkain sa mga nangangailangan nito. Upang mapanatili ang gayong panustos kailangan ang lakas ng loob, pananampalataya kay Jehova, at malimit sapat na talino. Sa buong daigdig noong nag-iisang taon ng 1986, ang “alipin” ay nagkaroon ng labis-labis na produksiyon ng 43,958,303 na mga Bibliya at pinabalatang mga aklat, at 550,216,455 mga magasin—tunay nga na “pagkarami-rami, gaya ng mga butil ng buhangin sa dagat.”
Paghihiganti, Pagpaparusa, o Awa?
6, 7. (a) Paanong ang resulta ng taggutom ay ang pagpapatirapa kay Jose ng sampung kapatid niya sa ama? (b) Sa paano si Jose ngayon ay napalagay sa pagsubok?
6 Sa wakas ang taggutom ay sumapit sa lupain ng Canaan. Ang sampung mga kapatid ni Jose sa ama ay pinapunta ni Jacob sa Ehipto upang bumili ng trigo. Subalit hindi niya pinasama si Benjamin, ang nag-iisang tunay na kapatid ni Jose, sa pangamba, gaya ng sabi niya, na “baka may mangyari sa kaniyang anumang kapahamakan.” Yamang si Jose ang tagapagbili, ang kaniyang mga kapatid ay naparoon sa kaniya at nagpatirapa sa harap niya. Bagama’t hindi nila nakilala ang kanilang kapatid, gayunman ay nakilala sila ni Jose.—Genesis 42:1-7.
7 Ngayon ay nagunita ni Jose ang kaniyang mga panaginip noong una tungkol sa kanila. Subalit ano ba ang dapat niyang gawin? Dapat ba siyang maghiganti? Sa oras ng kanilang malaking pangangailangan, dapat ba niyang patawarin ang kanilang ginawang kalupitan sa kaniya? At ano ang masasabi tungkol sa malaking pagdadalamhati ng kaniyang ama? Dapat ba itong kalimutan? Ano ngayon ang damdamin ng kaniyang mga kapatid tungkol sa malaking kasalanan na kanilang nagawa? Si Jose, rin naman, ay nasa pagsubok tungkol sa bagay na ito. Ang kaniya kayang mga ikikilos ay makakasuwato ng saloobin na ipakikita sa bandang huli ng Lalong-dakilang Jose, si Jesu-Kristo, na binabanggit sa 1 Pedro 2:22, 23: “Siya’y hindi nagkasala, o kinasumpungan man ng daya ang kaniyang bibig. Nang siya’y alipustain, hindi siya gumanti ng pag-alipusta. Nang siya’y nagdurusa, hindi siya nagbanta, kundi ipinagkatiwala ang kaniyang sarili sa isa na humahatol nang matuwid.”
8. Ano ang magsisilbing gabay ngayon kay Jose, at ano ang ipinakikita nito kung tungkol kay Jesus at sa Kaniyang mga alagad?
8 Yamang nakikita noon ni Jose ang kamay ni Jehova sa katuparan ng mga pangyayari, siya’y magpapakaingat ng pagsunod sa mga kautusan at mga simulain ng Diyos. Sa kaparehong paraan, ipinakikita nitong si Jesus ay laging sabik na ‘gawin ang kalooban ng kaniyang Ama’ sa kaniyang pagkakaloob ng buhay na walang hanggang sa ‘bawat nagsasagawa ng pananampalataya sa kaniya.’ (Juan 6:37-40) Bilang “mga embahador na kumakatawan kay Kristo,” ang kaniyang pinahirang mga alagad ay tumutupad din naman ng kanilang banal na gawain na ipinagkatiwala sa kanila sa “paghahayag sa mga tao ng lahat ng salita tungkol sa buhay na ito.”—2 Corinto 5:20; Gawa 5:20.
9, 10. (a) Anong hakbang ang ginawa ni Jose ngayon, at bakit? (b) Paano nagpakita si Jose ng pagkaawa na katulad ng ipakikita ni Jesus?
9 Hindi kaagad nagpakilala si Jose sa kaniyang mga kapatid. Sa halip, kaniyang kinausap sila nang may kabagsikan sa pamamagitan ng isang interpreter, at sinabi: “Kayo’y mga espiya!” Yamang may binanggit sila na isang bunsong kapatid, hiniling ni Jose na patunayan nila ang kanilang sinabi sa pamamagitan ng pagdadala roon sa Ehipto ng kapatid na ito. Naulinigan ni Jose na may pagsisising sinasabi nila sa isa’t isa na ang ganitong pagbabago ng mga pangyayari ay tiyak na isang parusa dahil sa kanilang pagbibili sa kaniya, si Jose, sa pagkaalipin. Pagkatapos na tumalikod, si Jose ay nanangis. Gayumpaman, kaniyang iniutos na talian si Simeon bilang prenda hanggang sa sila’y makabalik na kasama na si Benjamin.—Genesis 42:9-24.
10 Si Jose noon ay hindi gumaganti dahil sa kasamaang ginawa sa kaniya. Ibig niyang matiyak kung talagang tunay ang kanilang pagsisisi, doon sa kaibuturan ng kanilang puso, upang sila’y mapagpakitaan ng awa. (Malakias 3:7; Santiago 4:8) Taglay ang pagkaawa, na katulad ng ipakikita ni Jesus, hindi lamang pinunô ni Jose ng trigo ang kani-kanilang mga sako kundi isinauli sa kanila ang kanilang salapi sa bungad ng sako ng bawat isa. Karagdagan pa rin, kaniyang binigyan sila ng mga panustos para sa kanilang paglalakbay.—Genesis 42:25-35; ihambing ang Mateo 11:28-30.
11. (a) Sa kalaunan, ano ang napilitang gawin ni Jacob, at bakit pumayag din siya sa wakas? (b) Papaano tinitiyak din naman sa atin ng Roma 8:32 at 1 Juan 4:10 ang tungkol sa pag-ibig ng Diyos?
11 Sa kalaunan, naubos na nila ang pagkaing kanilang binili sa Ehipto. Inutusan ni Jacob ang siyam na anak niya na bumalik at bumili ng higit pa. Una rito, mayroon siyang hiniling tungkol kay Benjamin, at nagsabi: “Hindi sasama sa inyo ang aking anak, sapagkat ang kaniyang kapatid ay patay na at siya’y nag-iisa na lamang. Kung may mangyari sa kaniya na anumang kapahamakan sa inyong pupuntahan, tiyak na ang aking mga uban ay pabababain ninyo na may kapanglawan sa Sheol.” Gayunman, pagkatapos ng maraming paghimok at pag-aalok ni Juda na siya ang managot alang-alang kay Benjamin, mabigat ang loob ni Jacob na pumayag din na ipagsama nila ang bata.—Genesis 42:36–43:14.
12, 13. (a) Papaano gumawa si Jose ng pagsubok upang mahayag ang kalooban na niloloob ng kaniyang mga kapatid? (b) Paanong ang resulta ay nagbigay kay Jose ng batayan para magpakita ng awa?
12 Nang makita ni Jose na kasama na si Benjamin ng magkakapatid, kaniyang inanyayahan sila sa kaniyang bahay, at doo’y naghanda siya ng isang piging. Para kay Benjamin siya’y nagbigay ng isang bahagi na makalimang beses ang dami kaysa bahagi ng bawat isa sa mga iba pa niyang kapatid. Pagkatapos ay gumawa si Jose ng katapusang pagsubok sa kaniyang mga kapatid. Muli na naman, kaniyang isinauli ang lahat ng kanilang salapi sa kani-kanilang sako, ngunit ang kaniyang sariling pantanging kopang pilak ay inilagay sa bukana ng sako ni Benjamin. Pagkatapos na sila’y makaalis, isinugo ni Jose ang kaniyang katiwala sa bahay upang akusahan sila ng pagnanakaw at halughugin ang kani-kanilang mga sako para hanapin doon ang kaniyang kopa. Nang masumpungan iyon sa sako ni Benjamin, pinilas ng magkakapatid ang kanilang mga damit. Sila’y muling bumalik upang humarap kay Jose. Si Juda ay nagmakaawang mabuti, at inialok ang kaniyang sarili upang maging isang alipin sa lugar ni Benjamin upang ang bata ay makabalik sa kaniyang ama.—Genesis 43:15–44:34.
13 Palibhasa’y kombinsido na ngayon na nagbago ang kalooban ng kaniyang mga kapatid, hindi na mapigil ni Jose ang kaniyang damdamin. Iniutos niya na magsialis ang lahat sa kaniyang harapan, at pagkatapos ay sinabi ni Jose: “Ako’y si Jose na inyong kapatid, na inyong ipinagbili at dinala sa Ehipto. Ngunit ngayo’y huwag kayong magdalamhati at huwag kayong magalit sa inyong sarili dahil sa ipinagbili ninyo ako rito; sapagkat ukol sa pagliligtas ng buhay kung kaya sinugo ako ng Diyos nang una sa inyo . . . upang kayong mga tao ay magkaroon ng isang lahing malalabi sa lupa at upang kayo’y manatiling buháy sa pamamagitan ng isang dakilang pagliligtas.” Pagkatapos ay sinabi niya sa kaniyang mga kapatid: “Pumunta kayong madali sa aking ama, at sabihin ninyo sa kaniya, ‘. . . Pumarito kayo sa akin. Huwag na kayong magpaliban pa. At kayo’y tatahan sa lupain ng Gosen, at . . . at tutustusan ko kayo ng pagkain doon, sapagkat limang taon pa ang itatagal ng taggutom; dahil sa baka kayo at ang inyong sambahayan at lahat ng pag-aari ninyo ay mauwi sa karalitaan.’ ”—Genesis 45:4-15.
14. Anong nakagagalak na balita ang inihatid kay Jacob?
14 Nang mabalitaan ni Faraon ang tungkol sa mga kapatid ni Jose, sinabi niya kay Jose na magdala ng mga kariton buhat sa lupain ng Ehipto upang kaunin ang kaniyang ama at ang buong sambahayan niya para madala sa Ehipto sapagkat ibibigay sa kanila ang pinakamagaling na lupain. Nang marinig ang tungkol sa lahat ng nangyari, si Jacob ay nabuhayan ng loob at bumulalas: “Sapat na! Buháy pa pala si Jose na aking anak! Ah, hahayo ako upang makita siya bago man lamang ako mamatay!”—Genesis 45:16-28.
Saganang Espirituwal na Pagkain
15. Kanino ngayon tayo tumitingin para sa pagtatamo ng espirituwal na pagkain, at paano tayo makasisigurong magkakaroon ng sagana?
15 Ano ba ang kahulugan ng lahat ng ito para sa atin ngayon? Yamang laging palaisip tayo sa ating espirituwal na pangangailangan, tumitingin tayo sa Isa na lalong dakila kaysa sa mabait na si Faraon noong panahon ni Jose. Siya’y ang Soberanong Panginoong Jehova na nagbibigay ng pagkain at patnubay sa madidilim na mga araw na ito ng isang daigdig na gutom sa katotohanan ng Bibliya. Tayo’y gumagamit ng ating buong lakas alang-alang sa mga kapakanan ng kaniyang Kaharian, nagdadala tayo ng ating ikapu, wika nga, sa kaniyang kamalig. Buong kagandahang-loob na kaniyang binuksan sa atin “ang mga dungawan ng langit,” at nagbuhos sa atin ng isang pagpapala “hanggang lubusang masapatan ang pangangailangan”!—Malakias 3:10.
16. (a) Saan lamang masusumpungan ngayon ang nagliligtas-buhay na “pagkain”? (b) Paanong ang paghahasik ng “binhi” para sa nagugutom na sangkatauhan ay pinalawak?
16 Sa kanan ni Jehova ay naroon ang kaniyang Administrador ng Pagkain, ngayo’y ang nakaluklok na Hari, ang niluwalhating si Jesus. (Gawa 2:34-36) Kung paanong ang mga tao ay kinailangan na magbili ng kanilang sarili sa pagkaalipin upang manatiling buháy, gayundin na lahat sa ngayon na nagnanais manatiling buháy ay kailangang pumaroon kay Jesus, maging kaniyang mga tagasunod na nag-alay sa Diyos. (Lucas 9:23, 24) Kung paano iniutos ni Jacob sa kaniyang mga anak na pumaroon kay Jose para makakuha ng pagkain, ganoon din na inaakay ni Jehova ang nagsisising mga tao upang lumapit sa kaniyang sinisintang Anak, si Jesu-Kristo. (Juan 6:44, 48-51) Tinitipon ni Jesus ang kaniyang mga tagasunod upang bumuo ng mga kongregasyong tulad-lunsod—mahigit na 52,000 sa buong daigdig ngayon—na kung saan sila’y pinakakain nang saganang espirituwal na pagkain at tinutustusan nang labis-labis na “binutil”, bilang “binhi” na ihahasik sa bukid. (Genesis 47:23, 24; Mateo 13:4-9, 18-23) Anong inam na kusang-loob na mga manggagawa ang mga saksing ito ni Jehova! Parami nang parami sa kanila ang nagbubulontaryo para sa buong-panahong paglilingkurang payunir, sindami ng 595,896 sa kanila ang nakikibahagi, sa sukdulang dami, sa pinagpalang gawaing ito sa isang buwan noong nakalipas na taon. Ang katamtamang dami ay mahigit na 11 payunir sa bawat kongregasyon!
17. Ano pang isang hula ang nahahawig sa pagkakasama-sama ni Jose at ng kaniyang sampung kapatid sa ama?
17 Mapapansin na lahat ng sampung kapatid ni Jose sa ama, ngayo’y nagsisi na sa kanilang dating saloobin at mga ikinilos, ang nakisama sa kaniya doon sa Ehipto, na, tulad din ng Sodoma, ay isang tipo ng sanlibutan na kung saan ibinayubay si Jesus. (Apocalipsis 11:8) Ito’y nagpapagunita sa atin ng Zacarias 8:20-23, na sa huling bahagi’y may paglalarawan sa “sampung lalaki” na nagsasabi, “Kami’y sasama sa inyo na mga tao,” samakatuwid nga, sa pinahirang bayan ni Jehova, na isang nalabi ang naglilingkod pa rito sa lupa.
18. Ang pantanging pabor na ipinakita kay Benjamin ay nahahawig sa ano sa modernong panahon?
18 Subalit, kumusta naman ang kaisa-isang tunay na kapatid, si Benjamin, na dahil sa kahirapan ng pagsisilang sa kaniya ay namatay ang minamahal ni Jacob na asawa niyang si Raquel? Si Benjamin ay binigyan ng pantanging pabor ni Jose, na walang alinlangang nakadama ng lalong matalik na relasyon sa anak na ito ng kaniyang sariling ina. Malamang na ito ang dahilan kung bakit tumanggap si Benjamin ng makalimang-beses na dami ng kaparte nang ang lahat ng 12 magkakapatid ay unang-unang magkasama-sama sa piging sa bahay ni Jose. Hindi baga si Benjamin ay isang mainam na larawan ng nalabi ng pinahirang mga Saksi sa ngayon, ang karamihan sa kanila na mga buháy pa pagkatapos na sila’y tipunin sa panig ng Panginoon sapol noong 1919? Ang uring “Benjamin” na ito ay tumanggap nga ng isang natatanging bahagi na kaparte nila buhat kay Jehova, samantalang ang kaniyang ‘espiritu ay nagpapatotoo kasama ng kanilang espiritu.’ (Roma 8:16) Ang mga ito rin naman ay sinubok tungkol sa kanilang katapatan samantalang ang “mga tupa” ng Panginoon ay naglilingkod sa kanila.—Mateo 25:34-40.
19. Anong pagkakahawig ang mapapansin tungkol sa paglipat sa Gosen ng mga kasambahay ni Israel at sa pagtitipon sa bayan ng Diyos ngayon?
19 Mapupuna na, nang isaayos ni Faraon na si Jacob at ang kaniyang mga kasambahay ay dalhin sa Ehipto, ang lahat ng mga ‘kaluluwang’ lalaki na nanirahan doon ay may bilang na 70, isang multiplé ng 7 at 10. (Genesis 46:26, 27) Ang dalawang numerong ito ay ginagamit sa makahulugang paraan sa buong Kasulatan, ang “7” ay malimit na tumutukoy sa makalangit na mga bagay at ang “10” ay sa makalupang pagkakompleto. (Apocalipsis 1:4, 12, 16; 2:10; 17:12) Itong nahahawig na situwasyon sa ngayon, na kung kailan maaasahan natin na titipunin ni Jehova sa kaniyang “lupain” na ito, ang espirituwal na paraiso na kinagagalakan natin ngayon, ang kahuli-hulihang miyembro ng kaniyang pamilya ng mga Saksi. (Ihambing ang Efeso 1:10.) “Nakikilala ni Jehova ang mga kaniya,” kahit na ngayon kaniyang pinatatahan sila sa “pinakamagaling na lupain,” gaya ng Gosen doon sa sakop ni Faraon.—Genesis 47:5, 6; 2 Timoteo 2:19.
20. Sa kabila ng espirituwal na taggutom sa ngayon, bakit tayo dapat magalak?
20 Noong kaarawan ni Jose, ang mga taon ng taggutom ay kasunod ng mga taon ng kasaganaan. Sa ngayon, ang mga ito ay magkasabay. Kabaligtaran ng espirituwal na taggutom sa lupain na nasa labas ng pabor ni Jehova, may kasaganaan ng espirituwal na pagkain sa dako ng pagsamba kay Jehova. (Isaias 25:6-9; Apocalipsis 7:16, 17) Oo, bagaman may taggutom sa pakikinig ng mga salita ni Jehova sa Sangkakristiyanuhan, gaya ng inihula ni Amos, ang salita ni Jehova ay lumalabas sa makalangit na Jerusalem. Anong laking kagalakan ang dulot niyan sa atin!—Amos 8:11; Isaias 2:2, 3; 65:17, 18.
21. (a) Anong dakilang pagpapala ang tinatamasa natin ngayon? (b) Ano ang dapat nating ipagpasalamat, at paano maipakikita natin ang ating pagpapasalamat?
21 Sa ngayon, sa ilalim ng patnubay ng Lalong-dakilang Jose, si Jesu-Kristo, mayroon tayo ng dakilang pagpapala na matipon sa tulad-lunsod na mga kongregasyon. Doon ay maaari tayong magpiging sa kasaganaan ng mayamang espirituwal na pagkain at maghasik din naman ng mga binhi ng katotohanan at magpalaganap ng mabuting balita na mayroong espirituwal na pagkaing makukuha na ngayon. Ito’y ginagawa natin sa kapakinabangan ng lahat ng tumatanggap ng mga kondisyon at mga paglalaan na maibiging isinaayos ng Soberanong Tagapamahala, si Jehova. Anong laki ng dapat nating ipagpasalamat sa ating Diyos dahil sa pagkakaloob niya ng kaniyang Anak, ang Lalong-dakilang Jose, na naglilingkod bilang ang matalinong Administrador ng espirituwal na pagkain! Siya ang inatasang kinatawan ni Jehova upang kumilos bilang ang Tagapagligtas ng buhay sa panahong ito ng espirituwal na kagutom. Harinawang ang bawat isa sa atin ay magpakita ng kasipagan sa pagsasagawa ng banal na paglilingkod bilang pagtulad sa kaniyang halimbawa at sa ilalim ng kaniyang pangunguna!
Nakikita Mo ba ang Pagkakahawig?
◻ Paanong si Jose ay katulad ni Jesus bilang Administrador ng Pagkain?
◻ Ano sa drama ni Jose ang maihahambing sa pagiging mga alipin ng Diyos sa pamamagitan ng pag-aalay?
◻ Anong uri ng awa ang ipinakita ni Jose at ni Jesus bilang isang halimbawa sa ngayon?
◻ Tulad noong panahon ni Jose, anong ganap na kaayusan para sa pamamahagi ng pagkain ang umiiral sa ngayon?
◻ Ang ating pagtalakay sa dramang ito ay dapat mag-udyok sa atin na gawin ang ano?
[Mga larawan sa pahina 16, 17]
Sa isang daigdig na laganap ang espirituwal na taggutom, ang Lalong-dakilang Jose ay naglalaan nang sagana para sa lahat ng lumalapit sa kaniya na may pananampalataya
Kung paanong ang sampung magkakapatid sa ama ay nagpakita ng pagpapasakop kay Jose, isang lubhang karamihan din ngayon ang kumikilala kay Kristo
Tulad ng 70 kaluluwa sa sambahayan ni Jacob, ang kompletong bilang ng “mga tupa” ni Jehova ay sumasapit sa isang mabuting “lupain”—ang espirituwal na paraiso na ngayo’y tinatamasa natin
[Larawan sa pahina 18]
Ang modernong-panahong uring Benjamin ang binigyan ni Kristo ng natatanging pagpapala, at tumanggap nang saganang “pagkain sa tamang panahon”