Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • Espiritu
    Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 1
    • Hininga; Hininga ng Buhay; Puwersa ng Buhay. Sa ulat ng paglalang sa tao, sinasabi na inanyuan ng Diyos ang tao mula sa alabok ng lupa at “inihihip [isang anyo ng na·phachʹ] sa mga butas ng kaniyang ilong ang hininga [isang anyo ng nesha·mahʹ] ng buhay, at ang tao ay naging isang kaluluwang buháy [neʹphesh].” (Gen 2:7; tingnan ang KALULUWA.) Ang neʹphesh ay maaaring isalin nang literal bilang “isa na humihinga,” samakatuwid nga, “isang nilalang na humihinga,” alinman sa tao o hayop. Sa katunayan, ginagamit ang nesha·mahʹ upang mangahulugang “bagay [o nilalang] na humihinga” at sa gayon ay ginagamit ito bilang halos singkahulugan ng neʹphesh, “kaluluwa.” (Ihambing ang Deu 20:16; Jos 10:39, 40; 11:11; 1Ha 15:29.) Ginamit ng ulat sa Genesis 2:7 ang nesha·mahʹ nang ilarawan nito ang pagpapangyari ng Diyos na magkaroon ng buhay ang katawan ni Adan anupat ang taong iyon ay naging “isang kaluluwang buháy.” Gayunman, ipinakikita ng ibang mga teksto na higit pa ang kasangkot dito kaysa sa simpleng paglanghap ng hangin, samakatuwid nga, higit pa sa basta pagpasok at paglabas ng hangin sa mga baga. Kaya naman, sa Genesis 7:22, bilang paglalarawan sa pagkapuksa ng mga tao at mga hayop na nasa labas ng arka noong panahon ng Baha, mababasa natin: “Ang lahat ng may hininga [isang anyo ng nesha·mahʹ] ng puwersa [o, “espiritu” (ruʹach)] ng buhay sa mga butas ng kaniyang ilong, samakatuwid ay lahat ng nasa tuyong lupa, ay namatay.” Kung gayon, ang nesha·mahʹ, “hininga,” ay tuwirang iniuugnay sa ruʹach, na sa tekstong iyon ay lumalarawan sa espiritu, o puwersa ng buhay, na aktibo sa lahat ng mga nilalang na buháy​—mga kaluluwang tao at hayop.

      Gaya ng sabi ng Theological Dictionary of the New Testament (Tomo VI, p. 336): “Ang hininga ay mahahalata lamang sa galaw [gaya ng pagtaas at pagbaba ng dibdib o paglaki ng mga butas ng ilong], at isa rin itong palatandaan, kalagayan at ahente ng buhay, na waring pantanging nauugnay sa paghinga.” Kaya naman, ang nesha·mahʹ, o “hininga,” ay produkto ng ruʹach, o puwersa ng buhay, at ito rin ang pangunahing paraan upang mapanatili ang puwersang iyon ng buhay na nasa mga nilalang na buháy. Halimbawa, batay sa mga pag-aaral sa siyensiya, batid natin na bawat isa sa isang daang trilyong selula ng katawan ay may buhay at na, bagaman libu-libong milyong selula ang namamatay bawat minuto, patuloy ang pagpaparami ng bagong buháy na mga selula. Ang puwersa ng buhay na aktibo sa lahat ng buháy na selula ay dumedepende sa oksihenong pumapasok sa katawan sa pamamagitan ng paghinga, anupat ang oksiheno ay inihahatid sa lahat ng selula sa pamamagitan ng daluyan ng dugo. Kapag walang oksiheno, ang ilang selula ay nagsisimulang mamatay pagkaraan ng ilang minuto, samantalang ang iba naman ay mas matagal-tagal pa. Bagaman ang isang tao ay mananatiling buháy kahit hindi huminga nang ilang minuto, kapag nawala ang puwersa ng buhay sa kaniyang mga selula, siya’y tuluyang mamamatay at hindi na maipapanumbalik pa. Sa Hebreong Kasulatan, na kinasihan ng Disenyador at Maylalang ng tao, maliwanag na ang ruʹach ay ginagamit upang tumukoy sa puwersang ito na siya mismong simulain ng buhay, at ang nesha·mahʹ naman upang kumatawan sa paghinga na sumusustine rito.

  • Espiritu
    Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 1
    • Samakatuwid, nang lalangin ng Diyos ang tao sa Eden at ihihip niya sa mga butas ng ilong nito “ang hininga [isang anyo ng nesha·mahʹ] ng buhay,” maliwanag na bukod sa pinunô niya ng hangin ang mga baga ng tao, pinangyari rin niya na bigyang-buhay ng puwersa ng buhay, o espiritu (ruʹach), ang lahat ng selula sa katawan ni Adan.​—Gen 2:7; ihambing ang Aw 104:30; Gaw 17:25.

Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
Mag-Log Out
Mag-Log In
  • Tagalog
  • I-share
  • Gusto Mong Setting
  • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
  • Kasunduan sa Paggamit
  • Patakaran sa Privacy
  • Privacy Settings
  • JW.ORG
  • Mag-Log In
I-share